Zonta International Philippines

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Template:Infobox Organization Ang Zonta International Philippines o Zonta International District 17, ay kabilang sa Zonta International, isang di-gobyernong organisasyon ng mga ehekutibo at propesyonal, na nagkakaisang paunlarin ang legal, propesyonal, pampolitika at pang-ekonomiyang kalagayan ng kababaihan sa mundo.

Deskripsyon

Ang Zonta International Philippines ay itinatag noong Hunyo 1952, tatlumpung taon matapos maitatag ang Zonta International. Ito ang ikalabindalawang bansa na sumanib sa pandaigdigang organisasyong iyon at unang bansa naman sa Asya. Unang pinangalanang Zonta Club of the Philippines at nang lumaon ay naging Zonta Club of Manila Foundation. Maraming bansa sa Asya, pati na rin sa iba't ibang kontinente, ang sumunod kaya ang mga miyembro nito ay pinangalanan bilang mga Distrito. Ang Zonta Club of Manila Foundation ay napalitan ng Zonta International District 17 o Zonta International Philippines.

Ang unang nagsilbing Gobernador sa Distrito 17 na inihalal noong 1981 ay ang dating Huwes ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas na si Cecilia Muñoz-Palma.

Ang una namang Pilipino na nagkaroon ng posisyon sa internasyonal na Zonta ay si Erlinda Villanueva, isang akawntant at dating kasosyo sa SyCip Gorres Velayo & Co (SGV), na nagsilbing Bise-Presidente nito mula 1984 hanggang 1986.

Taong 2004, nang mahalal ang kauna-unahang Pilipinong pangulo ng Zonta International sa 57th Zonta International Convention na ginanap sa New York, Estados Unidos. Siya ay si Olivia A. Ferry, na kauna-unahan ring Asyanong humawak ng posisyong iyon.

Bisyon

Pangitain ng Zonta International District 17 na maging pangunanhing organisasyon na magsusulong para sa kaunlaran ng kalagayan at karapatan ng kababaihan.

Internasyonal

Ang pagsisilbi ng Zonta International ay mahigpit ang pagkakaugnay sa United Nations dahil na rin sa pagsuporta ng ZI sa UN nang ito ay nagsisimula pa lamang noong 1946. Bilang pangdaigdigang di-gobyernong organisasyon, ang Zonta International ay nagpaparating ng mga hinaing at mithi ng mga babae sa UN. Humihingi rin ito ng mungkahi at solusyon, saka humihikayat ng pansin ng publiko sa mga usaping naghihimok sa mga miyembro na makiisa sa lokal na antas.

Misyon

Ang Zonta International ay may mga miyembrong iba-iba ang buhay ngunit pare-pareho ang mga adhikain:

  • paunlarin ang legal, pampolitika, pangkabuhayan, pang-edukasyon, at propesyonal na kalagayan at kalusugan ng kababaihan sa pamamagitan ng serbisyo at abogasya;
  • magtrabaho para sa ikasusulong ng pang-unawa, kabutihan, at kapayapaan sa pamamagitan ng pandaigdigang pagkakasama-sama ng mga ehekutibo ng negosyo at ng mga propesyon;
  • isulong ang hustisya at estado ng pangunahing karapatang-pantao;
  • makilahok sa paglinang ng mataas na kalidad ng etika, isakatuparan ang mga programang pangserbisyo, at magkaloob ng parehong suporta sa mga kaanib na nagsisilbi sa mga komunidad at sa iba't ibang bansa sa mundo.

Panlabas na Kawing

Sanggunian

  • Hango sa isinulat ni Gomez, Maria Imelda. Zonta International Philippines. 100 Centennial Celebration - Feminist Movement in the Philippines 1905- 2005. Quezon City: Vibal Publishing House, Inc., 2005. (accessed on February 28, 2008)

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.