Willie Revillame

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Willie Revillame.jpg

Si Wilfredo Buendia Revillame (isinilang 27 Enero 1961) na kilala rin bilang Willie Revillame, ay isang host sa telebisyon, komedyante, musikero, manunulat, at negosyante. Nakilala siya sa paghu-host ng mga noontime show at game show tulad ng Wowowin na kasalukuyang umeere sa GMA Network.

Personal na buhay

Isinilang si Willie Revillame noong 27 Enero 1961 sa Cabanatuan, Nueva Ecija. Mula sa mahirap na pamilya si Revillame. Ayon sa isang panayam, naranasan niya raw noong bata na maging barker ng dyip sa Lungsod Caloocan at mamulot ng mga baryang nahuhulog ng mga pasahero para may panggastos sa araw-araw. Naranasan din niyang maging tagalinis ng mga dyip sa terminal. Nagtinda rin si Revillame ng dyaryo sa palengke ng Caloocan kung saan siya lumaki.

Naugnay sa iba’t ibang babae si Revillame. Una siyang ikinasal sa aktres na si Princess Punzalan. Noong Marso 2005 naman, ikinasal si Revillame sa kaniyang ikalawang asawang si Liz Almoro sa Lipa, Batangas kung saan si dating Lipa Mayor Vilma Santos ang nagkasal sa kanila. Ikinasal din sila sa simbahan noong Hunyo 2005. Gayunman, napawalang bisa ang kanilang kasal noong 2008. Nagkaroon ng apat na anak si Revillame kabilang ang aktres na si Meryll Soriano.

Pagsisimula sa telebisyon (1986 – 2005)

Noong 1986, nadiskubre ni Randy Santiago si Revillame sa isang dulang pang-haiskul na Tikboy: Alyas Boy Dragon kung saan siya gumanap bilang pangunahing tauhan. Agad siyang kinuha ni Santiago bilang kaniyang sidekick sa sikat na GMA noontime show na Lunch Date. Nagtagal si Revillame sa programa sa loob ng tatlong buwan. Matapos nito, pumirma siya ng kontrata sa Regal Films at gumawa ng ilang pelikula kabilang ang Bobocop kasama si Joey Marquez. Dahil sa kaniyang kakaibang talento sa komedya, nasundan pa ang mga pelikula ni Revillame at nakasama ang ilan pang sikat na aktor noong 80s at 90s.

Dumating ang pinakamalaking break ni Revillame sa telebisyon nang maging co-host siya sa noontime show ng ABS-CBN na ‘Sang Linggo Napo Sila noong 1998. Napsama rin si Revillame sa sitcom na Richard Loves Lucy na pinagbidahan ng mag-asawang sina Richard Gomez at Lucy Torres. Nang makansela ang ‘Sang Linggo Napo Sila, naging main host na si Revillame ng sariling noontime show na Magandang Tanghali Bayan kasama sina Santiago at John Estrada.

Nagbago ang pormat ng noontime show at tinawag itong Masayang Tanghali Bayan kung saan mayroong bagong segments at co-host sina Revillame, Santiago, at Estrada. Nabigyan din si Revillame ng pagkakataong maging host ng isa pang show sa ABS-CBN, isang public service show na pinamagatang Willingly Yours kung saan natanggap niya ang parangal bilang Best Public Service host sa PMPC Star Awards noong 2003.

Gayunman, natanggal sa ere ang Willingly Yours kasabay ng suspensyon ni Revillame sa Masayang Tanghali Bayan. Naglabas naman ng panukala ang MTRCB na tanggalin na si Revillame sa noontime show dahil sa malalaswa nitong biro sa mga kalahok. Ngunit bago tanggalin si Revillame sa programa, si Revillame na mismo ang umalis dito. Matapos ang panayam ni Gretchen Barretto kay Revillame sa programang The Buzz, sinabi nitong bibigyan niya ng programa si Revillame sa ABC-5 kung saan isa sa mga may-ari ay ang asawa ni Barretto na si Tonyboy Cojuangco.

Nagkaroon nga si Revillame ng show sa ABC-5 na tinawag na Puso o Pera noong 2004 at nakilala rin siya bilang isang novelty singer matapos gawan ng kanta ni Lito Camo. Nang matapos ang palabas ni Revillame sa ABC-5, dumagsa naman ang guesting niya sa GMA Network. Una siyang lumabas bilang panauhin sa reality show na Extra Challenge na nagtala ng pinakamataas na ratings ng nasabing show. Lumabas din si Revillame sa sitcom ni Edgar Mortiz na All Together Now.

Dahil sa naging mainit na pagtanggap ng mga manonood sa paglabas ni Revillame sa noon ay nangungunang GMA Network, agad silang nagpatawag ng pagpupulong sa kampo ni Revillame upang bigyan ng show ang kanilang dating talento.

Matapos ang ilang pulong, napagdesisyunan ng ABS-CBN na ibalik sa noontime show si Revillame sa pamamagitan ng Wowowee na nagsimula noong 2005 na tinangkilik ng maraming manonood.

Wowowee at mga kontrobersiya

Unang umere ang Wowowee noong 5 Pebrero 2005 mula Lunes hanggang Sabado. Sumikat ang Wowowee dahil sa ipinamimigay nitong papremyo na umaabot sa milyong piso araw-araw. Nakuha ng Wowowee ang timpla ng pagbibigay saya at papremyo sa mga manonood kaya naman naging bakbakan ang labanan ng programa at ng Eat Bulaga! na napanonood naman sa GMA Network.

Ultra stampede

Sa nakatakdang pagpapalabas ng unang anibersaryo ng Wowowee sa PhilSport Arena (kilala rin bilang Ultra) noong 4 Pebrero 2006, isang trahedya ang naganap nang magkagulo ang libo-libong taong naghihintay na makapasok sa loob ng arena. Nang mamimigay na raw ng tiket ang staff ng show, nagkagulo na raw ang mga tao at nag-unahang makakuha ng tiket.  Dahil dito, 71 katao ang namatay habang libo-libo ang nasugatan. Ito ang sinasabing pinakamadugong trahedya na nangyari sa telebisyon sa Pilipinas. Mahigit isang buwan matapos ang trahedya, nagbalik sa ere ang Wowowee noong Marso 11. Inako naman ng tagapangulo ng ABS-CBN na si Gabby Lopez ang nangyaring aksidente.

Noong 24 Agosto 2007, isang pitong pahinang resolusyon ang inilabas ng Department of Justice (DOJ) upang ibasura ang mga kaso laban kay Revillame dahil sa nangyaring stampede. Gayunman, nagpatuloy ang kaso sa 14 opisyal ng ABS-CBN kasama ang executive vice president ng ABS-CBN na si Charo Santos-Concio. Nauna nang sinabi ng DOJ sa pamamagitan ng isang resolusyon na may kapabayaan talaga ang nag-organisa ng Wowowee sa Ultra na naging sanhi ng pagkamatay ng 71.

Insidente sa Wilyonaryo

Noong 20 Agosto 2007, umugong ang balitang di umano’y dayaan sa Wowowee matapos dalawang numero ang lumabas mula sa gulong sa segment na “Wilyonaryo.” Ayon sa ABS-CBN, nagkaroon lamang ng pagkakamali sa disenyo ng mga gulong kaya nagkaroon ng kalituhan. Tinawag ang insidente bilang “Hello Papi” scandal, alinsunod sa sumikat noong Hello Garci scandal na kaugnay naman sa alegasyong dayaan noong halalan 2004.  

Dahil dito, nagkaroon ng patutsadahan at sagutan sa ere si Revillame at si Joey de Leon ng karibal na programang Eat Bulaga. Ito ay matapos paulit-ulit na sabihin ni de Leon na sa kanilang show ay “walang dayaan”.

Inimbestigahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang insidente. Nagresulta ito sa pagmumulta ng ABS-CBN ng ₱290,000 ng ABS-CBN dahil sa paglabag sa Consumers Act.

Libing ni Corazon Aquino

Noong 3 Agosto 2009, inilabas ni Revillame ang kaniyang pagkainis dahil habang umeere ang Wowowee, inieere din ng ABS-CBN nang sabay ang ginagawang paglilibing kay dating Pangulong Corazon Aquino. Ayon kay Revillame, hindi niya raw kayang magpasaya ng tao habang mayroong paglilibing na ipinalalabas kasabay ng Wowowee. Dahil dito, iniutos niyang alisin na ang coverage sa libing ni Aquino.

Kinabukasan, 4 Agosto 2009, humingi ng paumanhin si Revillame sa pamilya Aquino. Ayon sa kaniya, wala siyang masamang intensiyon. Ayaw niya lamang daw na habang nagsasaya sila sa kanilang programa ay may nakikita silang labi sa telebisyon.

Umani ng batikos ang ginawang ito ni Revillame. Gayunman, sinabi ni ABS-CBN senior executive Cory Vidanes na naiintindihan nila ang sentimyento ni Revillame. Sinabi naman ng direktor ng Wowowee na si Johnny Manahan na tama ang intensiyon ni Revillame ngunit hindi niya lamang ito nasabi nang wasto at sa ere pa.

Revillame vs. Jobert Sucaldito

Noong 4 Mayo 2010 naman, naglabas ng sama ng loob si Revillame sa isang episode ng Wowowee tungkol sa kapuwa ABS-CBN personality na si Jobert Sucaldito. Ayon kay Revillame, dahil sa patuloy na pagtirada sa kaniya ni Sucaldito sa programa nito sa DZMM kabilang ang pagpapasali ng mga estudyanteng mayroong markang 75 hanggang 79, nais na raw niyang matanggal si Sucaldito sa lahat ng show nito sa network. Banta pa ni Revillame, kung hindi tatanggalin si Sucaldito ay siya mismo ang aalis sa Wowowee.

Hindi naman natinag si Sucaldito at nilinaw na hindi niya nilait ang mga batang kalahok sa Wowowee bagkus ay sinabing mas magandang maging huwaran ang mga batang may matataas na marka. Sinabi rin ni Sucaldito na si Revillame ay pikon at mayabang na, hindi pa man nananalo ang kaniyang sinusuportahang kandidato sa pagkapangulo at malapit na kaibigang si Manny Villar.

Dahil hindi tinanggal si Sucaldito, ibinigay ni Revillame ang kaniyang resignation letter sa kaniyang mga boss sa ABS-CBN. Gayunman, hindi ito tinanggap ng mga opisyal ng network bagkus ay pinayagan si Revillame na magkaroon ng indefinite leave sa programa.

Revillame vs. ABS-CBN

Noong 9 Agosto 2010, inanunsiyo ni Revillame na hindi na niya tatapusin ang kaniyang kontrata sa ABS-CBN. Nakatakda sana itong matapos sa Setyembre 2011 pa ngunit ayaw na raw ituloy ni Revillame ang kaniyang kontrata matapos lumabag ng network sa mga probisyon ng kontrata.

Ayon kay Revillame, matapos daw kasi ng kaniyang indefinite leave sa Wowowee, nais ng mga boss ng ABS-CBN na tanggalin na ang Wowowee at papalitan ng ibang show na hindi na si Revillame ang host. Magkakaroon na lang din umano si Revillame ng isang oras na lingguhang palabas.

Ayon naman sa pahayag ni ABS-CBN Production Head Linggit Tan, dahil sa mga kontrobersiyang kinasangkutan ni Revillame ay naapektuhan ang buong show kaya nais na nila itong palitan. Gayunman, nagpatuloy ang pag-alis ni Revillame sa ABS-CBN at lumipat sa TV5 habang umiiral ang mga kasong isinampa ng magkabilang kampo. Nagsampa ang ABS-CBN ng ₱486 milyong damage suit laban kay Revillame matapos nitong hindi kilalanin ang kaniyang kontrata.

Paglipat sa TV5

Noong 7 Setyembre 2010, opisyal na inanunsiyo ng TV5 na si Revillame ay isa na sa kanilang exclusive talents. Sa inilabas na pahayag ni TV5 President Manny V. Pangilinan, si Revillame ay gagawa ng isang show na tatawaging Willing Willie na gagawin ng TV5 at ng Wil Productions Inc. na pagmamay-ari ni Revillame.

Noong 23 Oktubre 2010, opisyal na ipinalabas ang Willing Willie, hindi sa tanghalian, kung hindi sa primetime TV o sa gabi. Kasama ni Revillame sa programa ang ilang staff mula sa Wowowee tulad nina DJ Coki, Owen Ercia, Anna Feliciano, April “Congratulations” Gustillo, Lovely Abella, at ang mga mananayaw niya sa show. Naging co-host niya rito ang konsehal ng Lungsod Valenzuela na si Shalani Soledad.

Sandaling nahinto ang Willing Willie dahil sa mga kontrobersiyang kinaharap nito. Ngunit isang buwan matapos ang pahinga, muling bumalik si Revillame at pinalitan ang pangalan ng show bilang Wil Time Bigtime na nagsimula noong 14 Mayo 2011.

Matapos ang higit dalawang taon sa primetime, muling bumalik si Revillame sa noontime. Noong 26 Enero 2013, ipinalabas ang Wowowillie. Gayunman, dahil sa mababa nitong ratings, tuluyang kinansela ang programa noong 12 Oktubre 2013. Ito na rin ang naging hudyat ng mahigit isang taong pamamahinga ni Revillame sa showbusiness.

Mga kontrobersiya

Noong 24 Nobyembre 2010, nagsampa ang ABS-CBN ng copyright infringement laban kay Revillame dahil kinopya raw nito sa bago niyang programa ang sariling konsepto ng ABS-CBN na Wowowee. Naghain naman ng temporary restraining order (TRO) ang TV5 na napagbigyan naman. Noong 11 Setyembre 2011, tuluyang ibinasura ng Court of Appeals ang reklamo laban kina Revillame at TV5.

Muling nasangkot sa kontrobersiya si Revillame noong 12 Marso 2011 nang sumayaw ang isang 6 anyos na batang lalaki sa isang segment ng Willing Willie. Ayon sa mga nakapanood, malaswa raw ang naging sayaw ng bata na tila macho dancing na hindi naman daw pinigilan ng host at staff ng programa. Tatlong araw matapos umere ng nasabing episode, agad na naglabas ng pahayag ang Department of Social Welfare and Development na malinaw na kaso ng pang-aabuso sa bata ang naganap sa programa ni Revillame. Nagsagawa rin ng imbestigasyon ang Commission on Human Rights patungkol sa isyu. Nagkaroon din ng mga pagpupulong at pagdinig sa pagitan ng kampo ng TV5 at ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB). Dahil din sa kontrobersiya, maraming endorser ng programa ang umalis na. Dahil sa isyu, pansamantalang nagpahinga ang programa. Giit ni Revillame, maraming mga palabas sa telebisyon ang kinakikitaan din ng mga ganoong uri ng sayaw ngunit ang programa niya ang napag-initan. Noong 3 Mayo 2011, naglabas ng utos ang MTRCB na suspendihin ang programa sa loob ng isang buwan at sa pagbabalik nito, kinailangan ng programa na kumuha ng permiso sa MTRCB araw-araw bago umere hanggang hindi natatanggal ang probationary status ng programa.

Pagbabalik sa GMA Network

Matapos ang halos dalawang taong pamamahinga sa telebisyon, muling bumalik si Revillame sa paggawa ng game show sa pamamagitan ng Wowowin. Kinumpirma ni Revillame ang kaniyang pagbabalik sa GMA Network matapos ang 17 taon sa pamamagitan ng paglagda ng kontrata sa network noong 20 Marso 2015. Ang Wowowin ay produksiyon ng GMA Entertainment at WBR Productions.

Unang ipinalabas ang Wowowin noong 10 Mayo 2015 tuwing Linggo ng hapon. Noong 1 Pebrero 2016, inilipat ang programa sa pang-araw-araw na timeslot bago umere ang 24 Oras. Sa kasalukuyan, ang Wowowin na ang pinakamatagal na show na hinawakan ni Revillame sa kaniyang karera bilang isang TV host.

Politika

Noong Marso 2021, unang pumutok ang balitang kakandidato si Revillame para sa halalan 2022. Nang lumabas ang mga larawan ni Revillame kasama si Senador Bong Go at Executive Secretary Salvador Medialdea, inakala ng marami na interesado si Revillame na tumakbo bilang bise presidente ni Go. Gayunman, nag-iba ang ihip ng hangin ng lumabas naman ang balitang hinihikayat ni Pangulong Rodrigo Duterte si Revillame na tumakbo sa Senado.

Sa isang panayam, sinabi ni Pangulong Duterte na isa si Revillame sa mga nais niyang maging senador. Dahil daw sa ‘appeal’ ni Revillame sa masa, bumibilib daw ang pangulo sa kaniya. Kung makakasama raw ni Duterte si Revillame sa pamahalaan, mas marami silang matutulungan.

Sa isang episode ng Wowowin noong Hulyo 2021, sinabi ni Revillame na hindi muna siya magbibigay ng pahayag tungkol sa napababalitang pagtakbo niya sa halalan 2022. Ayon kay Revillame, hindi muna siya magbibigay ng pahayag hangga’t hindi pinal ang kaniyang desisyon.

Mga parangal

  • Best Male TV Host (2005 and 2007)
  • Consumers Award Outstanding Variety Show (2008)
  • Consumers Award Outstanding Male TV Host (2008)
  • Novelty Singer of the Year (2010)
  • 2011 - PMPC Star Awards for TV - Best Variety Show (Willing Willie, TV5)
  • Celebrity Inductee, Eastwood City Walk Of Fame Philippines 2014
  • 2015 - PMPC Star Awards for TV - Best Game Show (Wowowin, GMA-7)
  • 2015 - PMPC Star Awards for TV - Best Male Game Show Host
  • 2016 - Inding-Indie Short Film Festival - Best Public Service TV Personality
  • 2016 - Inding Indie Short Film Festival - Best Public Service TV Program of the Decade (Wowowin, GMA-7)
  • 2016 - PMPC Star Awards for TV - Best Game Show (Wowowin, GMA-7)
  • 2016 - Illumine Awards for Television (Global City Innovative College) - Most Innovative Game Show (Wowowin, GMA-7)
  • 2017 - NwSSU Students Choice Awards for Radio and Television (Northwest Samar State University) - Best Game Show (Wowowin, GMA-7)

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.