Willie Ong

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Si Willie Tan Ong (isinilang noong 24 Oktubre 1963) na kilala rin bilang si Doc Willie Ong, ay isang doktor at social media influencer. Siya ay isang internist at cardiologist, ngunit mas nakilala si Ong dahil sa kaniyang mga video sa Facebook at YouTube kung saan libre siyang nagbibigay ng mga payong medikal kasama ang kaniyang asawa at doktor ding si Liza Ong.

Sina Dr. Willie Ong at Manila Mayor Isko Moreno nang magpasa sila ng kanilang COCs para sa Halalan 2022

Noong 2019, tumakbo si Ong sa pagka-senador ngunit nabigo. Noong Setyembre 2021, inanunsiyo ni Ong ang kaniyang pagtakbo sa pagka-bise presidente, katambal ni Manila Mayor Isko Moreno. Naghain sila ng kanilang kandidatura noong 4 Oktubre 2021 sa Sofitel Hotel sa Lungsod Pasay.

Personal na Buhay

Si Willie Ong ay isinilang noong 24 Oktubre 1963 sa Tondo, Maynila. Siya ay anak nina Yong Ong at Juanita Tan Ong. Nag-aral siya ng elementarya at haiskul sa Xavier School. Sa University of the Philippines – Diliman naman siya nagkolehiyo at kumuha ng degree sa Botany. Matapos nito ay nag-aral siya ng medisina sa De La Salle Health Science Institute sa Cavite. Noong 1994 naman, nag-aral siya sa Manila Doctor Hospital kung saan nagpakadalubhasa siya sa internal medicine. Noong 1997 naman, nag-aral siyang muli sa University of the Philippines kung saan natapos niya ang cardiology at kaniyang Master’s degree sa Public Health noong 2001.

Dahil mula sa marangyang pamilya, naging magaan ang buhay para kay Ong. Ngunit ang kaniyang maayos na pamumuhay din ang nagmulat sa kaniya upang maunawaan ang kalagayan ng iba lalo na ang mga Pilipinong salat sa pera at hindi man lamang makapagpagamot kung maysakit. Ito rin ang isa sa mga dahilan kung bakit nagdoktor si Ong.

Sa medical school niya rin nakilala ang kaniyang asawa ni Anna Liza Ramoso Ong na mas kilala bilang si Doc Liza. Ayon sa panayam ni Ong sa programang Tunay na Buhay ng GMA News, masungit daw si Doc Liza noong una niyang makilala. Mailap daw ito sa mga lalaki dahil hindi pa nagkakaroon ng relasyon. Madalas daw itong tumatakbo noon kapag kakausapin niya. Nahulog daw ang loob ni Ong kay Doc Liza dahil sa pagiging madasalin at malapit nito sa Diyos.

Gayunman, dahil sa kabutihan ni Ong, napansin siya ni Doc Liza at nagkapalagayan ng loob. Ikinasal sila noong 24 Oktubre 1993 sa Our Lady of Sorrows Parish sa Pasay. Nagkaroon sila ng dalawang anak na sina Anjelica Co Ramoso Ong at Catherine Co Ramoso Ong. Sila ay kasalukuyang nakatira sa Lungsod Makati.

Bilang Doktor

Nagtrabaho si Ong bilang medical director sa Pasay Filipino-Chinese Charity Health Center, Inc. noong 1998. Nagsilbi rin siya bilang cardiology consultant sa Manila Doctor Hospital at Makati Medical Center.

Sinimulan din ni Ong ang pagsusulat ng Medicine Blue Book noong siya ay nag-aaral pa. Nailathala ang aklat noong 1995 sa kaniyang unang taon bilang doktor. Sa kasalukuyan, ang aklat niyang ito ay nakabenta na ng higit 400,000 kopya.

Noong 2006, nagtuloy-tuloy si Ong sa pagiging doktor ng mga mahihirap. Sa taong ito rin ay tinanggal na niya ang paniningil sa mga taong nagpapakonsulta sa kaniya, lalo na sa mahihirap na lugar sa Pilipinas. Ayon kay Ong, tinanggal niya ang kaniyang professional fee sa mga pasyente niya dahil mas naniniwala raw ang mga ito sa kaniyang mga payo. Hindi tulad kapag naniningil ang mga doktor, mas iniisip daw kasi ng mga pasyente na pineperahan lamang sila sa halip na tutulungan.

Bilang Personalidad sa TV, Dyaryo, Internet, at Pelikula

Unang napanood sa telebisyon si Ong bilang isa sa mga ekspertong medikal sa programa ng ABS-CBN na Salamat Dok. Isa rin siya sa mga boluntaryong doktor ng programang umiikot sa iba’t ibang bahagi ng bansa para sa libreng konsultasyon.

Maliban dito, si Ong din ay isang manunulat sa mga pahayagang The Philippine Star at Pilipino Star Ngayon kung saan nagsusulat siya ng mga artikulong tungkol sa kalusugan. Naglimbag din si Ong ng mga aklat, kasama ang kaniyang asawang si Doc Liza na tungkol rin sa iba’t ibang usaping medikal.

Noong 2012, naisipan ni Ong na gamitin ang internet at social media upang magbigay ng libreng payong medikal. Minarapat daw niyang gumawa ng bidyo online dahil sa kaniyang libreng personal na konsultasyon, iilan lamang daw ang naabot niya. Ngunit sa pamamagitan ng social media, napanonood ng milyon-milyong Pilipino ang kaniyang mga payong medikal anumang oras.

Noong 2020, inilabas ang pelikulang I Will: The Doc Willie Ong Story na tungkol sa buhay ni Ong bago siya naging doktor. Ang pelikula ay umikot sa buhay ni Ong na noon ay naharap din sa depression. Ginampanan ng aktor na si Hero Angeles ang papel na Doc Willie Ong habang si Rachelle Ricketts naman ang gumanap na Doc Liza. Ang pelikula ay idinerehe ni Ronnie Ricketts. Ang kinita ng pelikula ay napunta sa mahihirap na pamilya at sa ilang indibidwal na may sakit.

Co Tec Tai Medical Museum

Noong 2006, binuksan ni Ong ang Co Tec Tai Medical Museum sa Lungsod Pasay na kauna-unahang museong medikal sa Pilipinas. Ipinangalan ito ni Ong sa kaniyang ama na si Ong Yong. Makikita sa museo ang iba’t ibang luma ngunit mahahalagang kagamitang may kinalaman sa mga ospital at sektor ng kalusugan sa bansa. Ang pagtatayo ng Co Tec Tai Medical Museum ay bahagi ng layunin ni Ong na mas makahikayat pa ng mga Pilipinong tahakin ang propesyong may kinalaman sa kalusugan.

Pagtakbo bilang Senador

Noong Halalan 2019, isa si Ong sa mga 62 kandidato sa pagka-senador. Siya ang nag-iisang doktor sa mga kandidato. Naging kakaiba ang pagtakbo ni Ong dahil tumanggi siya sa anumang pinansiyal na suporta sa kaniyang kandidatura ay gumastos lamang ng ₱581,000 sa buong kampanya.

Gayunman, nabigo si Ong at nagtapos lamang sa ika-18 puwesto. Lumabas naman sa mga boto na malakas si Ong sa mga overseas Filipino workers (OFW) dahil ikalawa siya sa pinakamataas na boto mula sa mga ito. Sa isang panayam, bagaman handa umanong matalo, iniisip pa rin ni Ong ang kaniyang mga naging pagkukulang sa kaniyang kandidatura tulad ng hindi pagiging konektado sa maraming politiko na maaaring nakatulong sa kaniyang popularidad.

Halalan 2022

Noong 22 Setyembre 2021, inanunsiyo ni Manila Mayor Isko Moreno ang kaniyang pagtakbo bilang pangulo ng Pilipinas para sa Halalan 2022. Nasorpresa naman ang lahat nang ianunsiyo ni Moreno na ang kaniyang katambal ay si Ong. Nauna na kasing ipinahayag ni Ong na matapos ang pagkatalo niya noong Halalan 2019 ay hindi na siya interesado sa pagtakbo sa anumang posisyon.

Ilang araw matapos ianunsiyo ang kaniyang pagtakbo bilang pangalawang pangulo, ipinahayag naman ni Ong na kung may mapipiling mas malakas na katambal si Moreno, handa naman siyang umatras sa laban at tatakbo na lang muli bilang senador. Gayunman, nanatili ang tambalang Moreno-Ong dahil noong 4 Oktubre 2021, opisyal na silang naghain ng kanilang certificate of candidacy sa Sofitel Hotel Manila sa Lungsod Pasay.

Mga Parangal

  • Xavier Award for Exemplary Alumni, 2013 – Parangal ng The Xavier School Board of Trustees noong 15 Marso 2013
  • Excellence Award, 2009 – pinakamataas na parangal na ibinibigay ng Philippine Federation of Professional Associations (PFPA)
  • The Outstanding Filipino Physician Award (TOFP), 2007 – Parangal ng Department of Health at JC International Senate
  • Dr. Jose Rizal Award for Excellence in Medicine, 2006 – Parangal ng Kaisa Museum (Bahay Tsinoy) at ng The Manila Times
  • Presidential Awards for 2005, Phil. College of Physicians
  • Distinguished Fellow Award for 2004, Phil. College of Physicians
  • Presidential Awards for 2003, Phil. College of Physicians

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.