Waway Saway
Si Rodelio Saway, kilala rin bilang Waway Saway, ay isang Talaandig, katutubong naninirahan sa Bulubundukin ng sa Bukidnon. Itinaguyod ni Waway Saway ang katutubong kultura ng kanilang pangkat sa pamamagitan ng pagpapalaganap niya ng kanilang musika at sining.
Pagmamahal sa sining, pinagmulan, at kultura ang naging inspirasyon ni Waway Saway upang maging huwaran siya sa kaniyang kababayan. Sa pamamagitan ng sining, naipalaganap niya ang noon ay nakakubling paraiso sa bulubundukin ng Lantapan, Bukidnon.
Himig ng Isang Bayani
Si Waway Saway ay kabilang sa malaking pamilya ng pinuno ng mga Talaandig na si Datu Kinulintan. Siya ay alagad ng kontemporaneo at tradisyonal na sining ng Mindanao. Isa siyang guro, musikero, pintor, at ama ng mga kapuwa niya katutubo. Siya ay nakapag- aral at nagtapos sa Xavier University sa Cagayan de Oro sa kursong Agrikultura.
Sumapi rin si Waway Saway sa isang pangkat ng musikero na nagtatanghal ng kontemporaneong musika sa iba‘t ibang lugar. Dahil dito, napansin niyang halos katulad ng kinalakihan niyang musika, maging ang mga palamuting kanilang ginagamit, ang tinutugtog ng kaniyang mga kasamahang musikero. Naging hudyat ito upang bumalik siya sa kaniyang pinagmulan at pag-aralan muli ang kanilang sining at musika.
Katuwang ang kaniyang kapatid na si Datu Migketay, naitatag nila ang Talaandig School of Living Traditions (SLT) na matatagpuan sa Sungko, Lantapan, Bukidnon, na humahasa sa tradisyonal na sining ng mga Talaandig. Nagsimulang makilala ang kanilang pangkat at dumagsa ang mga paanyaya upang sila ay magtanghal.
Husay sa Buong Mundo
Dahil sa angking husay, nakapagtanghal na rin si Waway Saway, kasama ang mga alagad ng sining ng Talaandig, sa Europa at Amerika. Bukod sa musika, ibinibida rin nila ang kanilang sariling gawang instrumento tulad ng tambol at plawta.
Inirecord naman ni Saway ang una niyang album sa isang compact disk (CD) sa Bundok Katinglad. Ayon sa kaniya, ang huni ng ibon at iba pang tunog mula sa kalikasan ang nagsilbi niyang back-up. Nagrecord din siya ng lima pang CD kasama ang iba pang Talaandig. Nais din niya na makagawa ng isang pelikulang tungkol sa kanilang katutubong kultura.
Noong 2012, ginawaran si Waway Saway ng Gawad Geny Lopez Bayaning Pilipino Award.
Mga Sanggunian
- Emil Cid. “The Waway Saway of Bukidnon.” BukidnonVoice.blogspot.com, 17 Mayo 2013. http://bukidnonvoice.blogspot.com/2013/05/waway-saway-of-bukidnon.html. Accessed 22 Marso 2021.
- Kang Sonza. “Waway Saway’s Art Mission.” ESSC, https://essc.org.ph/content/view/482/44/. Accessed 22 Marso 2021.
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |