Wakas ng Noli Me Tangere

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang isang kuwento ay mabisang tapusin kung maghahain ng mga kalutasan sa mga suliraning itinampok dito. Gayunman, ang Noli Me Tangere ay tila lumiko sa ganitong panuntunan nang maganap sa wakas ang pinakamalulungkot na pangyayari sa nobela.

Sa mga huling bahagi ng nobela, maraming tauhan ang namatay—mga tauhang nakaranas ng pang-aapi at hindi nabigyan ng hustisya. Nawalan nga ba ng pag-asa si Jose Rizal habang isinusulat ang kaniyang nobela? Natanggap na kaya niya noon pa man ang masamang kapalaran ng mga Pilipino sa kamay ng mga mapang-aping Espanyol?

Mga Nakaaantig na Eksena

Ilan lamang ang sumusunod sa mga eksenang nagpapakita ng kasawian at kawalan ng kalutasan sa mga suliraning tampok sa nobela:

  • Pagpapatakas ni Elias kay Crisostomo Ibarra dahil sa natuklasang pag-aalsa. Nang gabi ring iyon ay itinakda ang pagpapaliwanag ni Crisostomo kay Maria Clara.
  • Nalaman ni Elias na ang ninuno pala ni Crisostomo ang naging sanhi ng masamang kapalaran ng kaniyang pamilya.
  • Ang pagkikita nina Basilio at Sisa, na hindi na siya nakilala hanggang sa mamatay ito. Siya namang pagdating ng sugatang si Elias na nagpahiwatig agad sa paslit na siya ay malapit nang mamamatay. Ipinasunog ni Elias ang kaniyang bangkay kasama ang bangkay ni Sisa.
  • Natuklasan ni Maria Clara ang ukol sa kaniyang tunay na pagkatao at siya ay nagpahayag ng mabigat na desisyon ukol dito.
  • Ang pagkakaaresto at “pagpatay” kay Crisostomo ng mga guwardiya sibil sa wakas nito.
  • Ang kawalang-lakas ng matandang si Pilosopo Tasyo upang sumaklolo sa kaniyang mga kababayan. Ang tangi na lamang niyang nagawa ay tanawin ito mula sa mataas na lugar. Kinaumagahan ay natagpuan na lamang siyang patay. Sinunog ng mga kapitbahay ang kaniyang mga aklat sa pag-aakalang higit itong mainam gawin.

Binanggit ni Rizal sa epilogo ng nobela na may iba siyang layunin kung bakit hindi pinatay ang mga antagonistang mula kay Padre Salvi hanggang kay Donya Victorina. May ilang tauhang nag-iba ang kapalaran, ngunit may mga tauhang nanatili sa kasamaan. Ipinahiwatig lamang ni Rizal na may kasunod ang kaniyang nobela—ang El Filibusterismo.

Mga Sanggunian

  • Jose Rizal, Noli Me Tangere, salin sa Filipino ni Virgilio S. Almario. (Makati City: Don Bosco Press, Inc., 2010).
  • Almario, Virgilio S. Si Rizal: Nobelista. Quezon City: UP Press, 2008.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.