Wakas ng El Filibusterismo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Sa huling kabanata ng El Filibusterismo, dalawang mahahalagang tauhan ang nagpalitan ng kuro-kuro, paniniwala, at hinagpis—sina Padre Florentino at Simoun. Naganap din sa bahaging ito ang pagtatapat sa tunay na katauhan ni Simoun na malapit nang malagutan ng hininga. Sa kanilang pagpapalitan ng paniniwala, mababakas ang tunay na layunin ni Jose Rizal sa pagsusulat ng kaniyang mga nobela.

Sa kasawimpalad, ang kamatayan ni Simoun ay maaaring magpakita ng kahinaan dahil hindi nito nalutas ang suliraning taglay ng kuwento. Gayunpaman, sa pamamagitan ni Padre Florentino, pinalilitaw nito ang talinghagang nais ipasuri ni Rizal sa kaniyang mga mambabasa—na sa katauhan ni Padre Florentino ay nananawagan si Rizal sa kabataang Pilipino na tunay na pag-asa ng bayan.

“Nasaan kayo, mga kabataan, na magsasakatauhan sa sigla ng buhay na tumakas sa aming mga ugat, sa kadalisayan ng pag-iisip na nabulok sa aming mga utak, sa apoy ng sigasig na napugto sa aming mga puso?”

Madilim na Yugto

Sa mga kuwentong fiction, may tinatawag sa English na “black moment” kung saan sa nalalapit na pagwawakas ng kuwento ay ipahihiwatig ang pinakamadilim na sandali sa buhay ng pangunahing tauhan. Palulutangin din ang mga kabiguan nito sa buhay at aalisan ng pag-asa na magtagumpay.

May pagwawakas din kung saan magaganap ang hindi inaasahang pangyayari. Tinatawag itong “surprise ending” o “twist ending” sa English kung saan ang wakas ay salungat sa inaasahan o sa simula nito, tulad ng kung paano ipinakilala si Simoun sa simula ng nobela bilang makisig, malakas, at mayabang na binata ngunit naging sakitin, mahina, at balisa sa nalalapit na pagwawakas ng nobela. Idagdag pa rito ang dala niyang maleta na naglalaman ng mga hiyas at kayamanan ngunit itinapon lamang sa dagat ng isang dating klerigo sa wakas ng nobela.

Kayamanan at Kalungkutan

Sina Simoun at Padre Florentino ay tampok sa unang kabanata ng nobela. Ang muling pagtatagpo ng dalawa sa huling bahagi ng nobela ay magmumulat sa atin tungo sa katotohanan ng buhay. Kapuwa man nagmula sa mayamang angkan, mas pinili nila ang pakikiisa sa kalungkutan. Kapuwa rin sila nagpahiwatig ng pag-aalinlangan kahit matibay ang kanilang mga paninindigan.

Alinlangan at Paninindigan

Dumating si Simoun sa bahay ni Padre Florentino nang sugatan at tila tumakas mula sa awtoridad. Sa kabila nito, nanaig pa rin sa dating klerigo ang pagiging Pilipino na marunong tumanggap ng panauhin kaya inasikaso niya ang binata. Kinalimutan din niya ang naging atraso ni Simoun kay Isagani at mas piniling tulungan ang nanghihinang binata.

Sa maikling sandali, nagkausap sina Simoun at Padre Florentino na bagama’t nagpalitan ng magkakaibang ideolohiya ay mahinahong tinanggap ang mga katwiran ng isa’t isa. Naniniwala si Simoun na ang kalayaan at kagalingan ng bayan ay makakamtan kung gagamit ng dahas sa paghihiganti. Hangad niya na mabigyan ng hustiya ang lahat ng masasakit na pangyayaring naranasan ng kaniyang pamilya. Nagliliyab din ang kaniyang hangarin na makamtan ang tunay na kalayaan at ang karapatan ng bayan. Nais niyang mabuksan ang mga matang nakapiring ng taumbayan upang matutong lumaban para sa karapatan at kalayaan ng Pilipinas.

Taliwas naman ito sa paniniwala ni Padre Florentino na pumapanig sa kapangyarihan ng dakilang pag-ibig. Bilang dating klerigo, ipinaalala niya kay Simoun ang kabutihan at kapangyarihan ng Diyos at nakipagtalastasan sa binata sa mahinahong paraan.

Pagbasa sa Talinghaga

Bukod sa pag-alam sa kinahinatnan ng mga tauhan, mahalaga ring matuklasan ng mga mambabasa ang mga simbolismo at matatalinghagang pahayag upang ganap na maunawaan ang nilalaman ng nobela.

Sa huling bahagi ng El Filibusterismo, ang kayamanan na nasa baul na pag-aari ni Simoun ay sumisimbolo ng kapangyarihan at lakas. Masasabing kasamaan din, subalit hindi kasamaan sa kabuoan ng nobela.

“Kapag alang-alang sa isang hangaring banal at dakila, kakailanganin ka ng mga tao, malalaman ng Diyos kung paano ka iaahon mula sa sinapupunan ng mga alon... Samantala, diyan, hindi ka makapagsusulsol ng kasakiman!”

Ang pahayag na ito ang nagpapaliwanag na ang kayamanan ay instrumento ng kapangyarihan at kalakasan ng isang pinuno ng bayan o bansa. Dahil sa kayamanan, malaya ang tao na maabot ang kapangyarihan. Dahil sa kayamanan, malaya ang tao na gumawa ng mga bagay na makapagpapabuti o makasasama sa kaniya.

Mga Sanggunian

  • Jose Rizal, salin ni Virgilio S. Almario. El Filibusterismo. (Quezon City: Adarna House, 1998), mp. 293–302.
  • Duque, Reynaldo A. Gabay sa Pagsulat ng Maikling Kuwento. Lungsod ng Maynila: Dandelion Strategic Marketing, 2004. mp. 183–197.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.