Vilma Santos

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Rep. Vilma Santos-Recto (18th Congress PH).jpg

Si Rosa Vilma Tuazon Santos-Recto (isinilang noong 3 Nobyembre 1953) na kilala rin bilang Vilma Santos, ay isang aktres, prodyuser, at politiko. Siya ay kasalukuyang kongresista ng Ika-6 na Distrito ng Batangas at naninilbihan bilang House Deputy Speaker simula 2019.

Bilang aktres, kinikilala si Santos bilang “Star for All Seasons” dahil sa kaniyang husay sa pag-arte at pagkakaroon din ng iba pang gawain sa industriya ng showbiz tulad ng pagsayaw at pagkanta. Minsan din siyang tinawag bilang Grand Slam Queen, Queen of Queens, at Longest Reigning Box Office Queen of Philippine Cinema dahil sa kaniyang mga pelikulang pinarangalan sa loob at labas ng bansa na tumabo rin sa takilya. Binigyan din si Santos ng parangal ng Toronto International Film Festival noong 2013 bilang Enduring Grand Dame of the Philippine Film Industry.

Pumasok sa politika si Santos noong 1998 bilang alkalde ng Lipa, Batangas. Nagsilbi rin siya bilang gobernador ng lalawigan noong 2007 hanggang 2016 at kasalukuyang kongresista ng Ika-6 na Distrito ng Batangas.

Noong 2019, maraming partido ang humikayat kay Santos na tumakbo bilang senador ngunit tinanggihan niya ito. Ngunit noong 2021, nagpahayag ang asawa ni Santos na si Senador Ralph Recto na maaaring tumakbo ang aktres sa mas mataas na posisyon para sa halalan 2022.

Personal na buhay

Isinilang si Rosa Vilma Santos noong 3 Nobyembre 1953 sa Maynila. Nag-aral siya ng elementarya at haiskul sa St. Mary’s Academy sa Maynila. Nakatanggap naman siya ng honorary doctorate degree in humanities mula sa Lipa City College noong 2005.

Ikinasal si Santos sa aktor na si Edu Manzano noong 1980 ngunit naghiwalay din noong 1981. Nagkaroon sila ng isang anak na si Luis Manzano na isa ring personalidad sa telebisyon at pelikula. Sa isang vlog ni Luis, inilahad ni Santos kung paano niya ipinaliwanag sa kaniyang anak na noon ay apat na taong gulang pa lamang ang paghihiwalay nila ni Edu. Dahil sa kanilang anak, nagkaroon ng magandang samahan sina Edu at Santos hanggang ngayon.

Noong 1992 naman, ikinasal si Santos kay Ralph Recto, apo ng senador na si Don Claro M. Recto sa Simbahan ng San Sebastian sa Lipa, Batangas. Kalaunan, naging politiko rin si Recto at naging senador ng Pilipinas. Nagkaroon sila ng anak na si Ryan Christian Santos Recto.

Bilang aktres

Nag-umpisa bilang batang aktres si Santos. Ang isa sa kaniyang mga tiyuhin ay cameraman ng Sampaguita Pictures ay hinikayat siyang sumubok upang makuha ang papel sa pelikulang Anak, Ang Iyong Ina. Gayunman, pagpunta ni Santos sa studio, pumila siya sa maling silid at ibang papel ang sinalangan niya. Ang linyang iyon ay para sa pelikulang Trudis Liit na kalaunan ay nakuha naman ng batang si Santos.

Sa awdisyon ng para sa papel, ipinakita ng bibong si Santos na noon ay 9 anyos lang ang kaniyang husay sa pag-arte, pagkanta, at pagsayaw. Dahil sa mahusay na pagganap sa pelikula, nakuha niya ang parangal bilang FAMAS Best Child Performer noong 1963.

Matapos ang pagganap sa Trudis Liit, nasundan pa ng ibang pelikula si Santos bilang batang aktres at lumabas sa Sa Bawat Pintig ng Puso noong 1964, Maria Cecilia noong 1965, Iginuhit ng Tadhana noong 1965, Kasalanan Kaya? noong 1968, at sa Pinagbuklod ng Langit noong 1969.

Noong 1970 naman, inilunsad ang tambalang Vilma Santos at Edgar Mortiz sa pelikulang Young Love. Dahil sa naging tagumpay ng tambalan nila, nasundan pa ang Young Love ng marami pang pelikula. Noong 1973 naman, lumipad si Santos bilang Darna sa pelikulang Lipad, Darna, Lipad!

Nakatrabaho rin ni Santos ang mga batikan at pinakamahuhusay na direktor sa bansa tulad nina Ishmael Bernal at Lino Brocka.

Noong 1986 naman, ginawa ni Santos ang isa sa pinakamatagumpay na musical variety show sa kasaysayan ng Pilipinas na Vilma na ipinalabas sa GMA Network mula 1986 hanggang 1995. Dito ay nagwagi siya ng PMPC Star Awards Best Musical/Variety Show host noong 1987 at 1989.  

Si Santos din ang pinakapanirangalang aktres sa industriya ng showbiz na mayroong anim na best actress award mula sa FAMAS, walo sa Urian, anim sa PMPC Star Awards, Apat sa Gawad PASADO, dalawa mula sa Tanglaw, na nagresulta ng ilang Hall of Fame award para sa kaniya.

Sa pagpasok ng dekada 2000s, naging aktibo pa rin si Santos sa paggawa ng mga pelikula kahit na sumabak na siya sa politika. Gumawa siya ng mga pelikulang Anak, Dekada ’70, Mano Po, In My Life, The Healing, Everything About Her, at ang indie film na Esktra.

Politika

Bilang alkalde ng Lipa

Gumawa ng kasaysayan ni Santos noong 1998 nang mahalal bilang alkalde ng Lipa, Batangas. Siya ang kauna-unahang babaeng alkalde ng lungsod at naipanalo niya ang halalan nang may malaking lamang sa kalaban. Namuno ng tatlong termino si Santos at naging alkalde hanggang 2007.

Sa panahon ni Santos bilang alkalde, nakita ang pagbabago ng lungsod at pag-unlad ng ekonomiya nito. Naging sentro din ng komersyo at naging urban center ng Katimugang Luzon ang Lipa. Nagtuon ang pamahalaan ni Santos sa proyektong HEARTS (health, education, agriculture, roads, tourism, and security and social services).

Dahil sa kaniyang kontribusyon sa Lipa, ginawaran noong 2005 si Santos ng University of the Philippines ng Gawad Plaridel Award. Ito ang isa sa pinakamataas na parangal na ibinibigay ng UP sa isang politiko at nasa larangan ng serbisyo publiko.

Bilang gobernador ng Batangas

Dahil natapos na ang termino ni Santos bilang alkalde ng Lipa, noong 2007 ay tumakbo siya bilang gobernador ng lalawigan ng Batangas. Nakalaban ni Santos ang dating Gobernador na si Arman Sanchez  at kaniyang bayaw na si Richard Recto. Noong 21 Mayo 2007, idineklara si Santos bilang kauna-unahang babaeng gobernador ng Batangas.

Sa pamumuno ni Santos sa buong lalawigan, kinilala ang Batangas noong 2009 bilang isang Culture-Friendly LGU. Nakatanggap din si Santos ng mga parangal tulad ng BAYI Award for Exemplary Women Leadership in Politics and Governance bilang pagkilala sa kontribusyon ni Santos sa pagpapalaganap ng kahalagahan ng kababaihan at paglaban sa karapatan ng mga ito.

Napasama rin si Santos sa 2007 People Asia Magazine People of the Year kasama ang iba pang personalidad tulad nina Senadora Loren Legarda, Dolphy, at Andrew Tan.

Noong 16 Nobyembre 2009, lumipat ang mag-asawang Santos at Recto sa Liberal Party mula sa Lakas-Kampi-CMD. Muling tumakbo si Santos noong 2010 at nakakuha ng 60 porsiyento ng mga boto mula sa Batangas, sapat upang siya ay manalong muli sa pwesto. Noong 2013 naman, naging madali ang laban para kay Santos para manalo sa pagkagobernador nang makakuha ng 902,827 na boto laban kay Marcos Mandanas na mayroon lamang 50,888.

Bilang kongresista

Maraming balita ang lumabas na dahil natapos na ni Santos ang kaniyang termino bilang gobernador, tatakbo na siya sa isang nasyonal na posisyon. Gayunman, mas pinili ni Santos na tumakbo bilang kongresista ng bagong tatag na Ika-6 na Distrito ng Batangas na Lipa ang sangkop. Nanalo siya noong halalan 2016 at naging kauna-unahang kongresista ng bagong tatag na distrito.

Sa kaniyang unang termino, naging tagapangulo si Santos ng Committee on Civil Service and Professional Regulation ngunit tinanggal din sa komite kalaunan. Naging vice-chairman din siya ng Vice Chair of the Committee on Globalization and WTO at ng  Committee on Local Government. Naging may-akda si Santos ng 166 na panukalang batas na nakatuon pa rin sa kaniyang proyektong HEARTS (health, education, agriculture, roads, tourism, and security and social services). Ilan sa mga inihaing panukala ni Santos na naisabatas ay ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act, Free Irrigation Service Act, at Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act.

Muling nahalal si Santos noong 2019 para sa kaniyang ikalawang termino. Noong Ika-18 Kongreso, naitalaga si Santos bilang Deputy Speaker. Sa kasalukuyan, anim na sa 81 panukalang batas ni Santos ang naisabatas na kabilang ang Salary Standardization Law (HBs 3435, 3436, 4547 and 4353) at Doktor Para sa Bayan Act (HBs 3445 and 4364).

Naghain din si Santos ng batas para sa kaniyang mga kababayan sa Lipa tulad ng Lipa City Hospital upgrade at paglikha ng Sixth District Engineering Office (DEO) in Batangas. Inihain niya rin ang Eddie Garcia Act at batas para sa muling pagbibigay ng prangkisa sa ABS-CBN.

Halalan 2022

Noong Hunyo 2021, inilabas ng koalisyong 1Sambayan ang mga pangalang posible nilang inomina bilang kandidato sa pagkapresidente at bise presidente. Isa sa mga lumabas na pangalan ay si Santos. Gayunman, kahit na nagpapasalamat siya sa naging nominasyon sa kaniya, iginiit ni Santos na wala siyang anumang planong tumakbo para sa halalan 2022. Abala raw siya ngayon sa kaniyang mga kababayan sa Lipa at hindi pa iniisip ang eleksiyon.

Ngunit noong Setyembre 2021, sa isang pahayag, sinabi ng asawa ni Santos na si Senador Ralph Recto na isang posibilidad ang pagtakbo ni Santos sa senado at siya ang maaaring pumalit sa asawa bilang kongresista ng Batangas.

Sa isang sesyon naman sa senado, nagbigay ng pahiwatig si Senadora Grace Poe na tatakbo nga si Santos sa mas mataas na posisyon sa 2022. “Ang asawa ni Sen. Ralph Recto, na magiging senador natin, na si Vilma Santos,” sambit ni Poe.

Setyembre 2021 din nang ilabas ng ABS-CBN News na nagpadala raw sa kanila ng mensahe si Santos at patuloy nitong ipinananalangin ang kaniyang pagtakbo sa 2022.

Mga Parangal sa Pag-Arte

  • 1963 - FAMAS - Pinakamahusay na Batang Aktor para sa Trudis Liit
  • 1968 - San Beda College Awards - Pinakamasusay na Babaeng Aktor sa Pangalawang Papel para sa Kasalanan Kaya?

Pinakamahusay na Babaeng Aktor sa mga sumusunod na pelikula:

  • 1972 - FAMAS Awards para sa Dama de Noche
  • 1975 - Bacolod City Film Festival para sa Nakakahiya?
  • 1981 - Metro Manila Film Festival para sa Karma
  • 1981 - Cebu City Film Festival para sa Karma
  • 1981 - FAMAS Awards para sa Pakawalan Mo Ako
  • 1982 - FAMAS Awards para sa Relasyon
  • 1982 - Gawad URIAN para sa Relasyon
  • 1982 - Film Academy of the Phils. para sa Relasyon
  • 1982 - Catholic Mass Media Awards para sa Relasyon
  • 1982 - Let’s Talk Movies Awards para sa Relasyon
  • 1983 - Gawad URIAN para sa Broken Marriage
  • 1984 - Gawad URIAN para sa Sister Stella L.
  • 1987 - FAMAS para sa Tagos ng Dugo
  • 1987 - Catholic Mass Media Awards para sa Tagos ng Dugo
  • 1987 - Movie Magazine Awards para sa Tagos ng Dugo
  • 1987 - Cinemascoop Awards para sa Tagos ng Dugo
  • 1988 - FAMAS para sa Ibulong Mo sa Diyos
  • 1989 - Star Awards para sa Pahiram ng Isang Umaga
  • 1989 - Gawad URIAN para sa Pahiram ng Isang Umaga
  • 1989 - Movie Magazine Awards para sa Pahiram ng Isang Umaga
  • 1989 - Metro Manila Film Festival para sa Imortal
  • 1989 - Channel 2 Viewers Choice Award para sa Imortal
  • 1989 - FAMAS Hall of Fame
  • 1990 - Gawad URIAN AKTRESS ng DEKADA (Body of Works in the 80s)
  • 1991 - Gawad URIAN para sa Ipagpatawad Mo
  • 1991 - Movie Magazine Awards para sa Ipagpatawad Mo
  • 1991 - Intrigue Magazine Reader’s Choice Award para sa Ipagpatawad Mo
  • 1992 - New Fame Magazine Reader’s Choice Award para sa Sinungaling Mong Puso
  • 1992 - FAMAS Circle of Excellence Award
  • 1993 - Manila Film Festival para sa Dolzura Cortez Story
  • 1993 - Gawad URIAN para sa Dolzura Cortez Story
  • 1993 - Film Academy of the Phils. para sa Dolzura Cortez Story
  • 1993 - Star Awards para sa Dolzura Cortez Story
  • 1993 - Movie Magazine Awards para sa Dolzura Cortez Story
  • 1993 - Intrigue Magazine Reader’s Choice Award para sa Dolzura Cortez Story
  • 1993 - New Fame Magazine Reader’s Choice Award para sa Dolzura Cortez Story
  • 1993 - FAMAS Circle of Excellence para sa Dolzura Cortez Story
  • 1997 - FAP Lifetime Achievement Award
  • 1998 - Film Desk of the Young Critics Circle para sa Bata, Bata...Paano ka Ginawa?
  • 1998 - Gawad URIAN para sa Bata, Bata...Paano ka Ginawa?
  • 1998 - Star Awards para sa Bata, Bata...Paano ka Ginawa?
  • 1998 - Film Academy of the Phils. para sa Bata, Bata...Paano ka Ginawa?
  • 1998 - Gawad Sineng-Sine PASADO Awards (Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro) para sa Bata, Bata...Paano ka Ginawa?
  • 1998 - Siasi, Jolo Critics Awards para sa Bata, Bata...Paano ka Ginawa?
  • 1998 - FAMAS Lifetime Achievement Award
  • 1999 - Brussels International Film Festival para sa Bata, Bata...Paano ka Ginawa?
  • 2000 - Star Awards para sa Anak
  • 2000 - Gawad Sineng-Sine PASADO Awards (Pampelikulang Samahan ng mga Dalubguro) para sa Anak
  • 2000 - Gawad URIAN AKTRESS ng DEKADA (Body of Works in the 90s)
  • 2000 - Cinemanila Lifetime Achievement Award
  • 2002 - Film Desk of the Young Critics Circle para sa Dekada ‘70
  • 2002 - Gawad Sineng-Sine PASADO Awards para sa Dekada ‘70
  • 2002 - Star Awards para sa Dekada ‘70
  • 2002 - Film Academy of the Phils. para sa Dekada ‘70
  • 2002 - Gawad URIAN para sa Dekada ‘70
  • 2002 - Gawad TANGLAW para sa Dekada ‘70
  • 2002 - Cinema One’s RAVE Awards para sa Dekada '70
  • 2002 - Critic’s Choice - Pinakamahusay Magtanghal para sa Dekada ‘70
  • 2002 - People’s Choice - Pinakamahusay Magtanghal para sa Dekada ‘70
  • 2002 - CineManila International Film Festival para sa Dekada ‘70
  • 2002 - Cinemanila Lifetime Achievement Award
  • 2004 - Metro Manila Film Festival Pinakamahusay na aktres para sa Mano Po 3
  • 2004 - Gawad Suri Awards para sa Mano Po 3
  • 2004 - Gawad TANGLAW para sa Mano Po 3
  • 2004 - Star Awards para sa Mano Po 3
  • 2004 - PMPC Star Dekada Award (Body of Works)
  • 2009 - MTRCB Film Awards para sa In My Life
  • 2009 - PMPC Star Awards para sa In My Life
  • 2009 - Gawad Tanglaw para sa In My Life
  • 2009 - Gawad Suri Awards para sa In My Life
  • 2009 - Gawad Genio para sa In My Life
  • 2013 - Cinemalaya Film Festival para sa Ekstra
  • 2013 - Gawad Tanglaw para sa Ekstra
  • 2013 - Golden Screen Awards para sa Ekstra
  • 2014 - Dhaka International Film Festival para sa Ekstra
  • 2015 - International Indie Fest para sa Ekstra (Award of Merit Special Mention as Lead Actress)
  • 2017 - PMPC Star Awards para sa Everything About Her
  • 2017 - Guild of Educators, Mentors, and Students para sa Everything About Her
  • 2017 - EDDYS Entertainment Editors' Awards para sa Everything About Her
  • 2017 - EdukCircle Awards para sa Everything About Her
  • 2017 - PEP Awards para sa Everything About Her

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.