Victoria (barko)

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, pindutin lamang ang Victoria (ship).

Ang Victoria ay ang sinakyan ng mga mandaragat na kauna-unahang nakapaglakbay sa paligid ng mundo. Ito ay isang uri ng sasakyang pandagat na tinatawag na nao. Ito ay kabilang sa limang mga sasakyang pandagat na ginamit sa ekspedisyon ni Ferdinand Magellan, at pagkatapos na magapi sa Labanan sa Mactan, ay sinakyan ni Juan Sebastián Elcano. Ang ekspedisyon ay nagsimula noong 10 Agosto 1519 nang sabay sabay na naglayag ang limang barko. Ngunit, tanging ang Victoria lamang ang matagumpay na nakakompleto ng paglalakbay nang makabalik ito sa Seville noong 06 Setyembre 1522. Si Magellan ay nasawi sa Pilipinas.

Binuo ang Victoria sa isang baradero sa Ondarroa ng mga Basque na kilala sa paggawa ng mga sasakyang pandagat noong panahong iyon. Kabilang ang apat pang mga barko ng Armada de Molucca, ibinigay ni Haring Carlos I (o Holy Roman Emperor Charles V) ang Victoria kay Magellan. Ipinangalan nito mula sa simbahan na Santa Maria de la Victoria de Triana sa Sevilla kung saan nanumpa si Magellan ng katapatan kay Haring Carlos I. Ito ay may bigat na 85 tonelada at may 42 na tripulante.

Ang apat na iba pang mga sasakyang dagat ay ang Trinidad (110 tonelada, 55 tripulante), San Antonio (120 tonelada, 60 tripulante), Concepcion (90 tonelada, 45 tripulante), at Santiago (75 tonelada, 32 tripulante). Ang Trinidad, Concepcion, at Santiago ay nawasak o tumakas; habang ang San Antonio ay inabandona ang ekspedisyon at bumalik ng Espanya.

Ang Victoria ay isang carrack o nao maging ang tatlo pang mga barko maliban sa Santiago na isa namang caravel.

Pagyayari sa Barko

Marami ang sumang-ayon na ang Victoria ay nilikha ng mga Basque, ngunit sa mahabang panahon ay pinaniwalaang niyari ito sa Zarautz, na kalapit ng bayang kinalakhan ni Elcano na Getaria. Ngunit ayon sa mga pag-aaral, isiniwalat ng mga historyador na ang nao Victoria ay nilikha sa baradero ng Ondarroa sa Biscay. Ito ay orihinal na tinawag na Santa Maria at pag-aari ni Domingo Apallua, isang nabegador, at ng kaniyang anak na si Pedro Arismendi. Ayon sa notaryal na dokumento noong 1518 ginamit ang barkong ito nang ilang taon sa pangangalakal sa pagitan ng Castile at Inglatera. Binili ito ng mga opisyal sa presyong 800 gold ducats, na nagmula sa pag-estima ng mga kontador (o accountant) ni Magellan, na tinanggap na lamang ng mga may-ari nito nang labag sa kanilang kalooban.

Mga Sakay

Ang paglalakbay ay nagsimula sa 265 na mga tripulante sakay ng limang barko, ngunit 18 lamang ang nakabalik nang buhay sakay ng Victoria, habang marami sa mga ito ay tumakas na. Marami sa mga tauhan ang namatay sa malnutrisyon. Sa pagsisimula ng paglalakbay, si Luis de Mendoza ang tumayong kapitan nito. Noong 02 Abril 1520, matapos na makapagtatag ng panirahanan sa Puerto San Julian sa Patagonia, isang pag-aaklas ang naganap kung saan nadawit ang tatlong kapitan ngunit agad din na nasugpo. Ayon kay Antonio Pigafetta at ilan pang mga talâ, Si Mendoza at ang kapitan ng Concepcion na si Gaspar Quesada ay pinatay ay hinayaan sa dalampasigan.

Napadapad naman ang kapitan ng San Antonio na si Juan de Cartagena sa baybayin. Ayon kay Pigafetta, matapos ang pagkamatay ni Magellan noong 27 Abril 1521 sa Mactan, sinubok ng mga nakaligtas na kunin ang labí nito, ngunit hindi sila nagtagumpay. Itinalaga naman sina Duarte Barbosa, isang Portuges na kumampi kay Magellan noong pag-aaklas, at si João Serrão ang itinalagang mga bagong pinuno ng ekspedisyon. Noong 01 Mayo 1521, inimbitahan sila ni Raha Humabon ng Cebu sa isang pagsasalusalo upang ibigay ang handog para sa hari ng Espanya. Marami sa mga tripulante ang nalason o pinatay kabilang na si Duarte Barbosa at João Serrão, na ninais ng mga katutubo na matubos kapalit ng mga armas subalit iniwan na lamang ng mga nakaligtas. Ang nabegador naman na si João Carvalho ang itinalagang bagong kapitan ng Victoria. Noong Agosto, pinalitan naman siya ni Juan Sebastián Elcano bilang kapitan hanggang sa matapos ang paglalakbay.

Mga Nakabalik sa Espanya

Sa 260 na tripulante, 18 lamang ang tagumpay na nakabalik sa Espanya, at naging kabilang sa mga unang tao na kasapi sa kauna-unahang sirkumnabegasyon sa mundo.

Sila ay sina:

Pangalan Ranggo Nasyonalidad Pinanggalingan
Juan Sebastián Elcano Kapitan (Master) Basque Getaria
Francisco Albo Piloto Griyego Chios
Miguel de Rodas Piloto Gallician Tui
Juan de Acurio Piloto Basque Bermeo
Antonio Lombardo (Pigafetta) Kronista (Supernumerary) Venetian Vicenza
Martín de Judicibus Punong Tagapangasiwa (Chief Steward) Genoese Genoa
Hernándo de Bustamante Marino Castillian Alcántara
Nicholas the Greek Marino Griyego Nafplion
Miguel Sánchez Marino Basque Tui
Antonio Hernández Colmenero Marino Basque Ayamonte
Juan Rodríguez Marino Castillian Huelva
Diego Carmena Marino Gallician Baiona
Hans of Aachen Artilyero Aleman Aachen
Juan de Arratia Manlalayag Basque Bilbao
Vasco Gómez Gallego Manlalayag Gallician Baiona
Juan de Santandrés Baguhan na Manlalayag Castillian Cueto
Juan de Zubileta Pahe Basque Barakaldo

Itinuturing na pinakamahalagang personalidad sa mga nakaligtas si Antonio Pigafetta dahil sa kaniyang mga naisulat tungkol sa unang sirkumnabegasyon sa mundo.

Ang Paglalakbay

Ang mahabang sirkumnabegasyon ay nagsimula sa Seville noong 1519 at natapos sa Sanlúcar de Barrameda noong 06 Setyembre 1522, matapos na tahakin ang 68,000 kilometro (42,000 milya), 35,000 kilometro nito ay hindi pa natutuklasan noon. Noong 21 Disyembre 1521, naglayag ang Victoria mula sa Tidore nang mag-isa dahil sa kakulangan ng rasyon. Hindi na maganda ang kalagayan ng barko, ang kaniyang mga layag ay punit na, at nanatiling nakalutang sa patuloy na pagbomba ng tubig dito. Nakabalik ang Victoria dala ang maraming mga pampalasa, na nagkakahalaga pa ng higit pa sa orihinal na armada.

Naayos naman ang Victoria at binili ng isang mangangalakal at lumayag pa ng halos 50 taon bago ito nawala sa isang paglalakbay sa Antilles hanggang Seville noong 1570.

Pamana

Isang binyeta ng Victoria ang ginamit bilang sagisag ng Hakluyt Society, isang samahan ng mga publikasyon sa Lindon na itinatag noong 1846, na naglalabas ng mga edisyon ng mga rekord at tala ng mga makasaysayang paglalakbay, at iba pang mga heograpikal na materyal. Ang sagisag na ito ay makikita sa mga pabalat na inilimbag nito.

Mga Replika

Isang replika ng barko ang binuo noong 1992 at pinatakbo ng Fundación Nao Victoria sa Seville. Upang gunitain ang ika-500 taong anibersaryo ng unang sirkumnabegasyon, nagpagawa ng pangalawang replika ang Fundación Nao Victoria sa Palmas de Punta Umbría na inilabas noong 11 Pebrero 2020 na permanenteng itatanghal sunod sa Torre del Oro. Nakarating naman ang replika nito sa Seville noong 09 Marso 2020.

Noong 2006, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-200 dantaon ng Chile, isang negosyante mula sa Punta Arenas ang nagsimula ng isang proyekto na bumuo ng replika ng Victoria, ngunit naantala ito ng halos tatlong taon at nabuo lamang noong 2011. Sa kabila nito, nakatanggap pa rin siya ng Presidential Medal mula sa pinuno ng Chile.

Sanggunian

Panlabas na Kawing

Pagkilala

Wikipedia.png Hinango sa Wikipedia ang nilalaman ng pahinang ito na nagmula sa Victoria (barko). Ang talaan ng mga may-akda ay makikita sa pahina-kasaysayan. Kahalintulad ng Wikipedia, binibigyang-pahintulot ng WikiFilipino ang muling paggamit at pakikinabang sa mga nilalaman nito sa ilalim ng GNU Free Documentation License. Basahin ang kumpletong pagtatanggi/pagtatatwa.