Vicente Lukban

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Vicente Rilles Lukban (Pebrero 11, 1860 - Nobyembre 16, 1916)ay isang Pilipino na nagsilbi bilang heneral sa panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano sa ilalim ng pamumuno ni Emilio Aguinaldo.

Talambuhay

Si Lukban ay ipinanganak sa Labo, Camarines Norte noong ika-11 ng Pebrero, 1860 kina Agustin Lukban ng Ambos Camarines at Andrea Rilles ng Lucban, Tayabas. Nakumpleto niya ang unang bahagi ng kaniyang edukasyon sa Escuela Pia sa Lucban, at ipinagpatuloy ang kanyang pag-aaral sa Ateneo Municipal de Manila, at nag-aral rin ng Bachelor of Laws sa University of Santo Tomas at Colegio de San Juan de Letran.

Siya ay bumalik sa Labo pagkatapos niyang umalis mula sa kaniyang trabaho sa hukuman sa Maynila. Siya ay ikinasal kay Sofia Dizon Barba at mayroong apat na anak: Cecilia, Félix, Agustín, at Vicente. Namatay si Sofia matapos ipanganak ang kanilang huling anak. Iniwan ni Lukban sa pangangalaga ng kaniyang mga kapatid ang kaniyang mga anak para maituon ang kaniyang pansin sa rebolusyon.

Rebolusyong Pilipino

Noong 1884, lumahok si Lukban sa iniluklok sa Freemasonry, Luz de Oriente ("Ilaw ng Orient"). Noong 1886, siya tumigil nagtatrabaho sa opisina panghukuman at naging abala sa agrikultura at komersyo sa Bicol. Itinatag niya ang La Cooperativa Popular na naglalayong magtaguyod ng mga kooperatiba at tulungan ang mga maliliit na negosyante upang madagdagan ang kanilang mga kita mula sa mga lupain sa pamamagitan ng pagbebenta ng kanilang mga produkto nang hindi dumadaan sa mga middlemen. Bahagi ng kita ng kooperatiba ay lihim na ipinadala sa rebolusyonaryong kilusan ni Andres Bonifacio, ang Katipunan. Ang kooperatiba rin ay nagsilbi bilang isang epektibong paraan ng pagkalat ng mga mithiin ng rebolusyon nang patago. Madaling nakakagalaw ang mga miyembro nang hindi pinaghihinalaan ng mga awtoridad na Espanyol.

Noong 1896, bukod sa pagpapadala ng pera para sa rebolusyon, nagsilbi rin si Lukban bilang emisaryo ng mga rebolusyonaryo sa Bicol para makakuha ng impormasyon tungkol sa galaw ng mga Espanyol sa Maynila. Sa isa sa kaniyang mga biyahe sa Manila, siya ay inaresto ng mga guardia civiles , ("civil guards") at inakusahang kasama sa kilusang rebolusyonaryo. Siya ay nabilanggo sa Bilibid bilangguan at pinahirapan sa Fort Santiago.

Habang nasa bilangguan si Lukban, nagsimula ang Himagsikan ng 1986. Noong ika-18 ng Agosto, 1897, nakalaya si Lukban mula sa bilangguan, kasama si Juan Luna at matapos noon ay sumali sa armadong pwersa ng rebolusyonaryong pamahalaan.

Bilang bahagi ng hukbong rebolusyonaryo, naging bahagi siya ng grupong tumulong kay Aguinaldo sa pagpaplano ng mga estratehiya at mga gawain ng digmaan. Matapos mapirmahan ang Kasunduan sa Biak-na-Bato, isa siya sa mga sumama kay Aguinaldo sa Hong Kong.

Habang nasa Hong Kong, nag-aral si Lukban ng military science mula kay Lord Commander Joseph Churchase ng British Naval command. Dito niya natutunan ang soldiery-fencing, pamamaril, paghahanda ng pulbura at ammunition, at ang paghahanda ng mga taktikang pandigma.

Matapos ideklara ni Aguinaldo ang kalayaan ng Pilipinas noong 1898, ipinadala si Lukban sa Bicol para pamunuan ang operasyon laban sa mga Espanyol doon. Dahil sa mga tagumpay niya, ipinadala siya sa Leyte at Samar para pamunuan ang digmaan doon. Habang nasa Samar, nagpakasal si Lukban sa kaniyang ikalawang asawang si Pacencia Gonzales. Nagkaroon sila ng walong anak: Victoria, Juan, Maria, Fidel, Rosita, Ramon, José at Lourdes.

Digmaang Pilipino-Amerikano

Noong ika-31 ng Disyembre, 1899, kasama ang nasa 100 na sundalo, idineklara ni Lukban ang sarili bilang gobernador ng Samar sa ilalim ng Republika ng Pilipinas. Nang dumating ang 1st Infantry Regiment ng Estados Unidos sa Samar noong Enero 1901, nakaharap nila ang mga sundalo sa ilalim ng pamumuno ni Lukban. Hindi nagtagal ay napilitang umatras si Lukban. Tumanggi sa alok na amnestiya si Lukban at nangakong makikipaglaban hanggang sa huli.

Bagama't siya ang itinuturing na responsable sa naganap na Balangiga Massacre, nalaman lamang nila ang tungkol dito matapos ang isang linggo. Bukod sa sulat sa mga alkalde na nagsasabing gayahin nila ang ginawa ng mga Filipino sa Balangiga, wala nang ibang tala ng kaniyang reaksyon tungkol dito.

Sa ilalim ng pamumuno ni Lukban, nanatili ang Samar bilang isa sa mga sentro ng pakikibaka ng mga Filipino.

Nadakip ng mga Amerikano si Lukban noong ika-27 Abril 1902.

Pagkatapos ng pagkabihag

Matapos ang digmaan, itinalaga siya bilang gobernador ng Tayabas (kasalukuyang lalawigan ng Quezon) noong 1912 at muling nahalal noong 1916.

Namatay siya sa Maynila noong ika-16 ng Nobyembre, 1916.

Mga Sanggunian

  • Dr. Reynaldo Imperial, LEYTE, 1898-1902, The Philippine-American War, 2;40
  • Dr. Reynaldo Imperial, SAMAR, 1898-1902, The Revolutionary Career of Gen. Vicente R. Lukban
  • Who's Who in Philippine History, National Historical Institute
  • Jose Calleja Reyes, BICOL MAHARLIKA, 21;281
  • Philippine Insurgents Records (PIR), microfilm section, National Library

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.