Valentin Ventura

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.


Si Valentin Ventura (1860-1935) ay isang repormista noong panahong rebolusyonaryo. Kilala siya sa pagbibigay ng pondo para sa pagpapalimbag ng nobelang El Filibusterismo ni Jose Rizal.

Talambuhay

Ipinanganak si Valentin Ventura sa Bacolor, Pampanga. Anak siya ni Don Honorio Ventura, na dating Kalihim ng Interyor. Matapos magtapos sa pag-aaral, kinumbinsi siya ng kaniyang kapatid na si Don Balbino na pumunta sa Espanya at sumapi sa mga Filipino tulad nina Jose Rizal, Marcelo H. del Pilar, Graciano Lopez Jaena at iba pa sa kanilang paghingi ng mga reporma para sa Pilipinas. Nagpunta siya sa Espanya at sa iba pang lungsod sa Europa para sa edukasyon. Nanirahan si Ventura sa Europa sa loob ng tatlong dekada, kung saan din niya nakilala si Juan Luna. Tumulong rin si Ventura nang maitatag ang Kilusang Propaganda.

Si Ventura at si Jose Rizal

Nakilala ni Ventura si Jose Rizal nang nanirahan ito sa bahay ni Ventura sa No. 45 Rue Maubeuge. Inialok ni Ventura kay Rizal ang isang kuwarto sa kaniyang bahay dahil sa mataas na presyo ng mga hotel sa Paris.

Ibinahagi ni Rizal kay Ventura ang tungkol sa kaniyang mga sinulat, at namangha si Ventura sa mga ideyang isinulat ni Rizal sa kaniyang mga nobelang Noli Me Tangere at El Filibusterismo, na kaniyang nabasa.

El Filibusterismo

Nahirapan si Rizal na pondohan ang pagpapalimbag ng kaniyang nobelang El Filibusterismo. May mga araw na hindi kumain ng agahan si Rizal para makabawas sa pagbabayad ng renta. Nang malaman ni Ventura ang sitwasyon ni Rizal, inalok niya ito ng tulong. Nag-alok siyang magpadala ng pera kay Rizal sa pamamagitan ng kaniyang kapatid na si Don Balbino. Binigyan niya si Rizal ng P150 para sa pagpapalimbag ng El Filibusterismo at nangakong hihingi rin ng tulong sa iba pang mga Filipino.

Ibinigay ni Rizal kay Ventura ang orihinal na manuskrito El Filibusterismo matapos itong maipalimbag. Ibinigay niya ito bilang tanda ng pasasalamat kay Ventura. Itinago ni ventura ang manuskrito bilang isang souvenir para sa kaniyang pamilya. Tumanggi rin si Ventura na ipagbili ang manuskrito sa isang museo at sa halip ay ibinigay ito sa pamahalaang Filipino bilang isang donasyon. Kalaunan ay napunta sa pangangalaga ng National Library ang manuskrito sa tulong ni Dr. Trinidad H. Pardo de Tavera.

Buhay matapos ang pagkamatay ni Rizal

Ikinasal si Ventura sa isang Spanish mestiza na nagngangalang Carmen Tobar. Nagkaroon sila ng apat na anak: Jose, Valentine, Carmen at Maria. Noong 1920, bumalik si Ventura at ang kaniyang pamilya sa Pilipinas. Dito nila nakita ang kondisyon ng bansa at nagdesisyong bumalik sa Espanya.

Namatay si Ventura noong 1935 sa Barcelona sa Espanya.

Mga Sanggunian

  • Quirino, Carlos. Who's Who in Philippine History. Manila: Tahanan Books, 1995.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.