User:Mrmagcamit

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Francisco Dagohoy

Si Francisco Dagohoy, kilala rin bilang Francisco Sendrijas, ay bayaning Pilipino na pinamunuan ang 85-taong pag-aalsá sa Bohol laban sa mga Espanyol noong panahon ng kolonyalisasyon.

Malaalamat na Pinagmulan

Si Dagohoy ay isinilang sa Inabanga, Bohol. Pinaniniwalaang hango ang kaniyang pangalan mula sa pinaikling pahayag na “dagon sa hoyohoy,” nangangahulugang anting-anting (dagon) sa hihip ng hangin (hoyohoy).

Ayon sa mga lokal na alamat, ang anting-anting na laging suot ni Dagohoy ang nagbigay sa kaniya ng sobrenatural na kakayahan, halimbawa, ang paniwalang hindi siya tinatablan sa pananakit ng mga kaaway. May paniniwala rin na kaya niyang utusan ang hangin para makatalon sa mga kabundukan at makatawid sa ibayong pampang ng ilog. May kakayahan din umano siyang maging imbisibol at makakita sa madidilim na kuweba.

Pag-aalsá ni Dagohoy

Sa mga panahong iyon, ang Bohol ay hinog na para sa himagsikan dahil pagod na ang mga mamamayan nito sa mga karumal-dumal na pananamantala ng mga Espanyol, tulad ng sapilitang pagtatrabaho, hindi patas na paniningil ng buwis o tribúto, at ang hindi makatáong pamamahala ng mga awtoridad at ng mga fraile. Ang kulang na lamang noon upang magsimula ang himagsikan ay ang makapang-udyok na insidente. At dito pumasok sa eksena si Francisco Dagohoy, ang cabeza de barangay ng Inabanga, Bohol.

Ang mga salaysay tungkol kay Dagohoy ay umiikot sa mga personal na pang-aalipustâ na nagbigay ng inspirasyon sa mga mamamayan ng Bohol na manawagan para sa kalayaan. Nagbunga ito ng matagumpay na himagsikan laban sa malulupit na Espanyol, na nagtagal sa loob ng 85 taon (mula 1744 hanggang 1829). Ang pag-aalsáng ito ay itinuturing bilang pinakamahabang himagsikan sa kasaysayan ng Pilipinas. Ito rin ang pag-aalsá na ang tagapagtatag ay matagal na namuno.

Mitsa ng Panghihimagsik

Hangad lamang noon ni Dagohoy ng maayos na libing para sa kapatid na si Sagarino, sundalo ng hukbong Espanyol na namatay habang nakikipaglaban sa mga rebelde. Gayunman, ang Heswitang koadhutór sa Inabanga na si Padre Gaspar Morales ay tumutol upang mabigyan ng Kristiyanong libing si Sagarino. Bahagi umano ng batas ng simbahan ang hindi pagbebendisyon sa sinomang namatay sa labanan.

Si Dagohoy ay nakaramdam ng insulto sa pagtanggi ng fraile. Ang higit na nagpagalit sa kaniya ay ang katotohanang si Padre Morales mismo ang nag-utos sa kapatid na hulihin ang mga pugante.

Matagumpay na Pamamahala

Nanawagan si Dagohoy sa mga kapuwa niya Boholano na patalsikin ang mga Espanyol sa kanilang isla. Tinatayang 3,000 katutubong Pilipino ang tumugon sa panawagan ni Dagohoy. Umakyat sila sa kabundukan upang magtayô ng kutà.

Pinangunahan ni Dagohoy ang pagsalakay sa mga kampo ng mga Espanyol sa paanan ng bundok, gayundin sa mga simbahan.

Sa kabundukan ng Danao, itinatag ni Dagohoy ang isang lokal na pamahalaan na may 20,000 tagasunod.

Ayon pa sa isang artikulo ni Queennie Ann J. Palafox ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP), nakontrol ni Dagohoy ang malaking bahagi ng Bohol, liban sa mga baybaying bayan na pinoprotektahan ng hukbong Espanyol at ng mga katutubong sundalo.

Pamanang Kabayanihan

Dalawampu ang naging gobernador-heneral na hindi nagtagumpay upang sugpuin ang himagsik ni Dagohoy. Hindi man tiyak ang petsa ng kamatayan ni Dagohoy, ang sinimulan niyang pag-aalsá ay nagpatuloy kahit siya ay namatay na. Mula 1744 hanggang 1829, ilang henerasyon ng mga Boholano ang napalaya mula sa pang-aapi ng mga Espanyol.

Ipinangalan kay Dagohoy ang isang bayan sa Bohol na naitatag noong 1958.

Mga Sanggunian: 

Palafox, Queen Ann, J. “The Vision of Francisco Dagohoy.” National Historical Commission of the Philippines, 6 Setyembre 2012. https://nhcp.gov.ph/the-vision-of-francisco-dagohoy. Accessed 22 Disyembre 2020.

Phillip Y. Kimpo Jr., Almario S. Almario, ed. “Francisco Dagohoy.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas Edisyong Agosto 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. pdf.

World Heritage Encyclopedia. “Francisco Dagohoy.” Project Gutenberg Self-Publishing Press, http://self.gutenberg.org/articles/eng/Dagohoy_Rebellion. Accessed 22 Disyembre 2020.

“Municipality of Dagohoy.” Province of Bohol, https://bohol.gov.ph/dagohoy. Accessed 22 Disyembre 2020.