Ukay-Ukay

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Ukay Ukay Plaza Miranda,Quiapo,Manila.jpg

Ang salitang "ukay-ukay" ay nangangahulugan nang "paghanap" o "paghalukay" sa salitang Cebuano. Sa bandang norte ng Pilipinas, tinatawag itong "wag-wag" na ang ibig sabihin ay "pagpagin".

Ang ukay-ukay ay tumutukoy sa paraan nang paghahanap at pagpili ng damit mula sa isang malaking lalagyan, kung saan ang mga ito ay nakatumpok. Ngayon, sa ilang ukay-ukay ay nakaayos o naka-hanger na ang mga damit para madaling piliin. Ang wag-wag naman ay tumutukoy sa pagpagpag ng damit matapos ito piliin, dahil karamihan sa mga ito ay second-hand o luma na, pero maaari pang gamitin.

Patok ang ukay-ukay dahil sa murang halaga na maaaring bilhin ang mga damit.

Pinagmulan ng kultura

Noong una, ang ukay-ukay ay tumutukoy sa mga damit na dinadala sa Pilipinas bilang mga donasyon mula sa ilang organisasyon na nais tumulong sa mga refugees at biktima ng kalamidad. Hindi naglaon, ang mga overseas workers ay natutong mangolekta ng mga gamit na damit, lalo na ang mga may tatak, bago ito mapunta sa mga second hand na tindahan. Ipinapadala nila ito sa Pilipinas gamit ang mga balikbayan boxes. Ang ilan ay ginagawa itong negosyo sa pamamagitan ng pagbili ng bulto, at saka ibebenta ng paisa-isa.

Hinikayat ng mga mangangalakal ang ilang non-government organizations na sila ay makipatulungan. Ang mga NGOs ay kumuha ng permiso mula sa pamahalaan upang mag-angkat ng mga produkto na sinasabing ipamimigay sa mga nangangailangan. Dahil ito ay para sa kawanggawa, nakakaiwas ang mga produkto sa malaking taripa o tax ng pag-aangkat. Ito ang isang dahilan kung bakit nakabebenta sa murang halaga ang mga tindera ng ukay-ukay.

Paglaganap

Hindi naglaon, ang pagtatayo ng ukay-ukay, na nagsimula noon sa Cebu at Baguio, ay lumaganap na rin sa buong Metro Manila, pati sa Lucena, Bohol, Davao, Zamboanga, Iligan at Dipolog, at kahit saang panig ng bansa na maraming tao at mura ang renta ng tindahan. Kahit sa gitna ng krisis pinansyal, ang pamimili sa ukay-ukay ay nakapagbago sa demograpiya at kaugalian ng mga mamimili.

Estado ng ukay-ukay ngayon

Noong dekada 80s, ang mga ukay-ukay ay dinadayo lamang ng tinatawag na C-D-E crowd. Kahit na sila ang madalas na laman ng pamilihan noon sa mga bangketa ng mga damit at ilang produkto, may paniniwala pa rin sila na ang kanilang binibili ay mababa ang kalidad. Pero ngayon, hindi lamang C-D-E crowd ang namimili sa mga ukay-ukay, kung hindi maging ang mga nagtitipid at naghahanap ng maraming pagpipilian. Maging ang mga nasa A-B crowd ay dumadayo na rin sa mga ukay-ukay sa paniniwalang sa mga tindahang ito makikita ang iba’t ibang uri ng mga imported na damit, laruan, bag at sapatos.

Kahit na second-hand na ang mga produkto, mas pinipili ito ng mga mamimili dahil sa tatak at magandang kalidad.

Epekto ng kultura

Ang pagbabago sa pananaw ng mga bumibili ukol sa pamimili sa ukay-ukay ay nag-iba. Kahit marami pa rin ang ayaw maidikit ang sarili sa bansag na bumibili sa ukay-ukay, may ilang mamimili pa rin ang natutuwa at nasisiyahan tuwing makakakita ng magandang produkto sa mga tindahang ito.

May malaking epekto ang mga ukay-ukay sa industriya lalo na sa mga lokal na gumagawa ng damit. Inireklamo ng Federation of Philippine Textile Industries ang pagbaba ng kita ng mga miyembro nito. Ilang panukala na rin ang inihahain sa pamahalaan ukol sa pagpapatigil ng mga importasyon ng mga damit na ginagamit sa negosyo.

Sanggunian

  • “Ukay-Ukay”. Dr. Jaime S. Ong. Manila Bulletin, August 9, 2004.
  • Flickr: ukay-ukay

Panlabas na kawing

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.


Ukay-Ukay