UMPIL

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang UMPIL, daglat ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas, ang pinakamalaking organisasyon ng mga manunulat na Pilipino sa buong bansa.

Itinatag noong 1974 sa dating gusali ng Social Security System sa Lungsod Quezon ang Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL). Layon nitong pagbuklurin ang mga manunulat na Pilipino at palaganapin ang panitikang Pilipino. Kabilang sa kauna-unahang pamunuan nito sina Adrian Cristobal (tagapangulo); J.V. Cruz (ikalawang tagapangulo); at Carmen Guerrero-Nakpil (pangkalahatang kalihim). Pinakamalaking proyekto ng nasabing pamunuan ang paglulunsad ng Afro-Asian Writers’ Symposium noong Enero 3–Pebrero 3, 1975 sa Maynila.

Higit na kilala bilang Writers Union of the Philippines, ang organisasyon ay nabago ang pangalan matapos ratipikan ang saligang batas at alituntunin nito sa kumbensiyong ginanap noong 29 Agosto 1981. Ganap na naging Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas ang tawag sa samahan. Naging tagapangulo si Cristobal hanggang 1984. Kabilang sa mga proyekto ng UMPIL noon ang pagpapadala ng mga manunulat sa China, pagdaraos ng mga talakayan, at paglalathala ng kalendaryo ng mga manunulat.

Humalili si Virgilio S. Almario bilang tagapangulo noong 1984, at naging pangkalahatang kalihim si Alfrredo Navarro Salanga. Nagkaroon ng buwanang pagpupulong ang samahan at naglunsad ng mga proyekto tulad ng pagbubunsod ng serye ng mga seminar para sa guro; paglalathala ng pampanitikang journal na Mithi noong 1985; at pagbibigay ng mga palihan sa mga manunulat sa malalayong lalawigan.

Noong 1986, naging tagapangulo si Eva Estrada Kalaw ngunit hindi nagtagal ang kaniyang panunungkulan dahil sa magulong kalagayan ng politika sa bansa. Si Almario muli ang nahalal na pangulo, at pinalaki niya ang Lupon ng mga Direktor upang maging katawan ng mga manunulat mula sa mga rehiyon.

Gawad Balagtas

Inilunsad ng UMPIL ang Pambansang Gawad Balagtas noong 1988, upang kilalanin ang pambihirang ambag ng mga manunulat sa bansa. Ang gawad ay may kasamang sertipikong mula sa UMPIL at tropeong lilok ng bantog na eskultor at pintor na si Manuel D. Baldemor. Isinagawa noon ng UMPIL ang mga talakayan hinggil sa karapatang-ari ng mga manunulat, at hinikayat ang mga pabliser na pangalagaan ang mga akda ng mga awtor. Noong 1981 ay inilathala ang kauna-unahang direktoryo ng mga manunulat ng UMPIL.

Humalili si Marne L. Kilates kay Salanga bilang pangkalahatang kalihim nang yumao ito noong 1988. Hindi na tinapos ni Almario ang kaniyang ikatlong termino, at noong 1982 ay ipinasa niya ang responsabilidad kay Mike L. Bigornia. Nagsilbi si Bigornia nang tatlong termino, at sa ilalim ng kaniyang pamamahala ay inilunsad ang malalaking proyekto, gaya ng Arts Festival sa Lungsod Quezon, Writers’ Exchange Visit sa China, bigkasan ng mga tula sa iba’t ibang unibersidad, at iba pa.

Noong 2000, nahalal na pangulo si Alfred A. Yuson at naging ikalawang tagapangulo si Roberto T. Añonuevo. Naging aktibo ang bagong pamunuan sa pagtatampok ng pandaigdigang kumperensiya ng mga manunulat, pagpapalakas ng ugnayan sa mga manunulat, at pagtangkilik sa iba pang samahang pampanitikan. Nahalal muli na pangulo si Yuson noong 2005, ngunit nagbitiw ng tungkulin at ipinasa ang pamumuno kay Añonuevo. Sinikap ng bagong pamunuan na palakasin ang network ng UMPIL sa iba’t ibang ahensiya at pangkat, at kabilang dito ang pakikipag-ugnayan sa Intellectual Property Office-Philippines (IPO) at Filipino Society of Authors, Composers and Publishers(FILSCAP). Isinagawa sa kongreso ng UMPIL ang mga talakayan hinggil sa karapatang intelektuwal ng mga manunulat at binuksan ang posibilidad ng pagtatatag ng isang kolektibong pangasiwaang maaaring kumolekta ng royalty mula sa mga publikasyon at ahensiya. Si Vim Nadera ang humalili kay Añonuevo na tumanggi itong mahalal muli na maging direktor at tagapangulo ng UMPIL.

Mga Sanggunian

  1. Talumpati ni Virgilio S. Almario sa ika-33 Kongreso ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas, Diliman, Lungsod Quezon, 2007.
  2. Tiongson, Nicanor G. ed. CCP Encyclopedia of Philippine Art. Manila: Cultural Center of the Philippines Encyclopedia, 1994.
  3. Unyon ng mga Manunulat Internal Files, 2007.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.