Turumpo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Turumpo o Trumpo ay isa sa mga tanyag na laruan sa Pilipinas. Yari ito sa kahoy na hinulmang pabilog at ang isang bahagi ay bahagyang kinortehan ng patulis na nagbibigay dito ng anyong tila itlog. Mula sa patusok na bahagi ay may pako na nakabaon at isang pulgada dito ay nakalabas. Ang dulo ng pako ay hinahasa at pinapatulis. Gamit ang isang metrong tali ay napapaikot ng isang manlalaro ang laruang ito.

Paglalaro

Kadalasang binubuo ng dalawa o higit pang manlalaro ang paglalaro ng turumpo. Ngunit maaari rin namang kalugdan ng isang tao ang paglalaro nito. Pinakamainam laruin ito sa patag na lupa o lapag.

Paghahanda

Bago simulan ang laro, isang bilog na may sukat na dalawa o higit pang dayametro ang inihahanda sa lupa. Sa loob ng bilog na ito kailangang maipasok ang inihahagis na turumpo. Sampung talampakan naman mula sa bilog, isang linya ang iginuguhit na magsisilbing puwesto ng mga manlalaro. Matapos nito, oras na upang alamin kung sino ang unang maglalaro. Sa manuhán, ang mga manlalaro ay hahanay sa guhit na laan para sa kanila at isa-isang ihahagis ang kanilang mga turumpo. Ang sinumang makapaghagis nang pinakamalapit sa gitna ng bilog ang siyang mauuna.

Dalawang Bersyon ng Paglalaro

May dalawang bersyon ng paglalaro ng turumpo batay sa dalawang pangunahing layunin nito: una, tamaan ang turumpo ng kalabang manlalaro upang ito ay magasgasan o tuluyang masira; at pangalawa, paikutin ang turumpo sa pinakamatagal na oras na kakayanin nito.

Unang Bersyon

Sa bersyong ito, ang hangarin ng manlalaro ay tamaan ang turumpo ng kalaban niyang manlalaro. Pagkatapos ng manuhán, ang ibang manlalaro ay isa-isa ng ihihilera ang kanilang mga turumpo sa loob ng bilog. Mula sa mga nakatumpok na turumpo ay pipili ang unang manlalaro o “mano” kung alin sa mga ito ang kaniyang pupuntiryahin. Sampung talampakan mula sa bilog ay hihigitin niya ang tali ng kaniyang turumpo at pahagis na ibabato ito sa loob ng bilog. Sakaling matamaan niya ang napili niyang turumpo, muli niyang kukunin ang sariling turumpo at pipili ulit ng panibagong patatamaan. Halimbawang hindi niya matagumpay na tinamaan ang kalabang turumpo, kinakailangang makalabas sa loob ng bilog ang kaniyang turumpo. Hindi niya ito maaaring tulungan bagkus ay hintayin na lamang na tumigil ang pag-ikot nito. Kung hindi nagawang makawala ng kaniyang turumpo sa bilog, kinakailangang ihanay niya na rin ito sa loob ng bilog kasama ang iba pang turumpo. Ang susunod na manlalaro naman ang siyang maglalaro.

Sa pagkakataong may isang turumpong ibig patamaan ang “mano”, masuwerteng maituturing ang iba pang turumpo na matatamaan nito. Ang turumpong mapapalabas sa bilog ay maaalis na sa grupo ng mga taya at silang susunod na maglalaro pagkatapos ng mano. Ang lahat ng manlalaro na ang turumpo ay wala na sa loob ng bilog ay isa-isang patatamaan ang mga natitirang turumpo sa bilog. Matatapos lamang ang laro sa oras na ang huling turumpo ay mapalabas na sa bilog o kaya'y pag ito'y napinsala na, kung hindi man mabiyak sa gitna.

Ikalawang Bersyon

File:Turumpo palad.jpg
May ilang manlalarong may kakayahang paikutin ang turumpo sa kanilang palad

Di gaya ng unang bersyon, di na kinakailangan pang gumuhit ng bilog sa lupa bago simulan ang paglalaro. Ang layunin sa pagkakataong ito ay ang mapaikot ng pinakamatagal ang mga turumpo. Ang mga manlalaro ay sabay-sabay na ibabato ang kanilang mga turumpo sa lapag at aabangan kung alin sa mga ito ang huling titigil. Ang tagal ng pag-ikot ng turumpo ay nakasalalay sa angking husay ng manlalaro nito – sa istilo niya sa pagbabato ng turumpo. Ang ilang eksperto sa laro ay may kakayahan ding hulihin ang mga umiikot na turumpo gamit ang tali, patalunin ang mga ito at saluhin sa kamay. Patuloy naman ang pag-ikot ng turumpo sa palad ng manlalaro.

Ang mabilis na pag-ikot ng turumpo ay kadalasang nakalilikha ng munting himig o pagsipol, lalo na kung marami ang sabay-sabay na umiikot. Sa larong ito, maaaring magkabungguan ang mga turumpo sa lupa at ilan sa mga ito ang napapatigil ang pagg-ikot at tuluyang bumabagsak. Ang turumpong pinakahuling tumigil ang siyang panalo.

Sanggunian

  • Lopez, Mellie Leandicho. A Study of Philippine Games. University of the Philippines Press: Quezon City, 2001.
  • Barbosa, Artemio C. Traditional Games in the Philippines. (hinango noong 11 Abril 2008).