Tupig

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Tupig (Philippines).jpg

Ang tupig o intemtem ay isang kakaning Pilipinong gawa sa malagkit na bigas o galapong, ginayat na laman ng buko, gata ng niyog, at asukal na pula. Nakabalot din ang tupig sa dahon ng saging katulad ng ibang mga sikat na kakaning Pilipino. Nagmula ang tupig sa Hilagang Luzon, partikular sa mga lalawigan ng Pangasinan, Tarlac, at Ilocos.

Maaari ding ihanay ang tupig sa isa pang kakaning Pilipino na suman. Gayunman, naiiba ang tupig dahil sa halip na ito ay pakuluan o iluto sa hurnuhan, ang tupig ay iniihaw sa uling.

Ang “tupig” ay isang salitang Ilokano na ang ibig sabihin ay “patagin” dahil sa hitsura ng kakanin matapos ihawin sa nagbabagang uling.

Tradisyon at Hanapbuhay

Iniuugnay din ang tupig sa mga pagkaing sikat tuwing Pasko sa Pilipinas. Maliban sa bibingka at puto-bumbong, dumaragsa ang mga nagtitinda ng tupig sa labas ng mga simbahan sa Hilagang Luzon, lalo na kung panahon na ng simbang gabi o misa de gallo.

Dahil pumatok ito sa mga nagsisimbang gabi, kalaunan ay naging isa na itong sikat na pagkaing kalye o street food sa Pangasinan, Ilocos, Tarlac, at mga kalapit na probinsya. Makikita sa Hilagang Luzon, lalo na sa mga sikat na pasyalan at daanan, ang mga tindahan ng tupig. Naging sikat na rin itong pasalubong ng mga bakasyonista.

Sa kasalukuyan, nakaabot na rin sa Kalakhang Maynila at iba pang lalawigan at lungsod sa Luzon ang kasikatan ng tupig. Unti-unti na ring nagsusulputan ang mga tindahang ibinibida ang kani-kanilang bersiyon ng tupig.

Mga Sangkap

  • 2 tasa ng malagkit na bigas
  • 1 tasa ng hinimay na laman ng buko
  • 1 tasa ng gata ng niyog
  • ½ na tasa ng asukal na pula
  • mga dahon ng saging para sa pabalat

Paraan ng Pagluluto

  1. Paghaluin ang malagkit at sapat na dami ng tubig sa isang malalim na lalagyan. Siguruhing mabababad nang maayos ang malagkit sa tubig. Iwan ng magdamag.
  2. Salain ang tubig sa malagkit sa pamamagitan ng katsa. Matapos ay ilagay ang malagkit sa isang gilingan, blender, o food processor. Gilingin hanggang sa maging pulbos.
  3. Ihalo ang gata ng niyog at asukal. Gamitin ang blender o mixer, haluing mabuti ang mixture.
  4. Ilagay ang mixture sa isang lalagyan at ilagay ang hinimay na laman ng buko.
  5. Maglagay ng dalawang kutsarita ng mixture sa gitna ng dahon ng saging. Ituping mabuti upang hindi tumagas ang mixture.
  6. Ilagay sa ihawang may nagbabagang uling ang mixture na binalot sa dahon ng saging. Baligtarin upang maluto ang kabilang bahagi.
  7. Kung maging itim o sunog na ang dahon ng saging sa magkabilang bahagi, hanguin na ito sa ihawan at palamigin bago ihain.

Mga Sanggunian:

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.