Tuna Festival sa Gen. San

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Pag-aalis ng tinik sa yellowfin tuna

Ang Tuna Festival ay isang pagdiriwang na nagaganap sa loob ng isang linggo, simula huling linggo ng Agosto hanggang unang linggo ng Setyembre. Ito ay nagaganap sa Lungsod ng General Santos, na siyang tinuturing na “Tuna Capital” ng Pilipinas. Ang okasyong ito ay nagsisilbing pagpapahalaga sa tuna bilang pangunahing pinagkukunan ng kita ng lugar. Ito rin ay dinadayo ng libu-libong mga turista, kung kaya’t ang Tuna Festival ay pinapahalagahan din bilang isa sa mga pinakasikat na “tourist attraction” sa bansa.

Tuna Capital

Ang General Santos City sa Mindanao, Pilipinas ay tinataguriang isa sa mga pinakamabilis sa pag-unlad na mga siyudad sa Pilipinas. Sa katunayan, ito ay nakatanggap ng gantimpala nang tatlong beses bilang “Most Competitive City” sa Pilipinas (mula 1999 hanggang 2002). Isang malaking dahilan para dito ay ang malawakang pangingisda ng mga tuna at iba pang uri ng isda sa Fish Port Complex ng Gen San. Noon pa mang dekada 70 ay kilala na ang siyudad bilang “Tuna Capital” ng Pilipinas, at nasasabing ang kabuuan ng mga tuna na nahuhuli sa Gen San ay higit pa sa pinagsamang huli ng mga isda sa lahat ng fish port sa bansa. Karamihan sa mga nahuhuling tuna sa Gen San ay ang Yellowfin Tuna, at “sashimi” adult tuna. Ang mga huli ay galing sa Sulu Sea, Moro gulf, Mindanao sea at Celebes Sea, na siyang kilala bilang sagana sa yamang-dagat. Ang mga nahuling tuna ay iniluluwas sa mga karapit-siyudad tulad ng Davao, Bukidnon, South Cotabato at pati na rin ng mga dayuhang bansa tulad ng bansang Hapon at Estados Unidos.

Simula ng Tuna Festival

Nagsimula ang tuna festival bilang isang bahagi lamang ng pagdiriwang ng ika-30 Anibersaryo ng kalungsuran ng General Santos City noong 1998. Bilang bahagi ng pagdiriwang na ito, nagkaroon ng mga patimpalak at kainan na ginamit ang tuna bilang sentral na tema. Mula rito, naisipan ng dating alkalde na si Mayor Adelbert W. Antonino na maaaring magkaroon ng isang buong pagdiriwang upang gunitain ang tuna bilang sagisag ng siyudad. Iminungkahi niya na maaaring magkaroon ng ganitong klaseng pagdiriwang taun-taon. Mula rito sa mungkahing ito ay nagsimula ang unang Tuna Festival noong 1999.

Mga Mahahalagang Kaganapan sa Tuna Festival

Karaniwang nagsisimula ang Tuna Festival sa isang parada ng mga “float” na may kinalaman sa tuna at mga yamang-dagat. Ang paradang ito ay tinatawag na “Parada sa Dagat,” at kasabay nito ay idinadaos ang “street dancing.” Sa loob ng isang linggo, ang iba’t-iba pang mga kaganapan sa Tuna Festival ay mga patimpalak sa pagluto ng tuna, mga “exhibit” ng mga lutong tuna, mga sayawan tulad ng Fish Dance competition, Miss Gen San beauty pageant, Bodyfest modeling competition, mga palaro, kantahan at mga konsyerto. Inaasahan din ang ilang mga libreng pakain ng tuna at sashimi sa pinagdarausan ng mga kaganapan. Maliban dito, ginaganap din ang Karagatan Awards na naglalayong bigyang karangalan ang mga tinataguriang bayani ng industriya ng pangingisda. Ang karaniwang pinagdarausan ng mga mahahalagang kaganapan sa Tuna Festival ay ang Oval Plaza at Oval Plaza covered court. Sa huling araw ng Tuna Festival, ginaganap ang tinatawag na “Pamahaw ug Pasalamat”. Sa araw na ito, ang ilan pang mga inaasahang kaganapan ay ang mga sumusunod: drum and lyre na kompetisyon, street party, konsyerto, barilis night at fireworks display.

Sanggunian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.