Tulo (Gonorrhea)

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang 'Tulo' ay isang uri ng karamdaman na maaaring makuha pagkatapos makipagsex sa isang taong may impeksiyon. Ito ay madalas na tinutukoy bilang "butas na tumutulo" dahil sa hitsura ng titi o puke ng pasyente.

Sintomas

Sa lalaki

  • Pagdanas ng kirot o hapdi sa bayag o titi tuwing iihi;
  • Pagnanana ng titi;
  • Makirot na pag-ihi (minsan hindi na talaga makaihi);
  • Lagnat (sa ibang kaso lamang);

Makalipas ang ilang buwan o taon, maaaring makaranas ng pamamaga ng tuhod o kasukasuan ang maysakit, bukod pa ang iba pang karamdaman.

Sa babae

  • Sa simula, halos walang senyales (ngunit maaaring makaramdam ng pangingirot kapag umiihi at lumabas ang mabahong likido sa ari.)
  • Kapag nahawa ng tulo ang buntis at hindi nagamot bago siya makapanganak, ang impeksiyon ay maaaring makaapekto sa mata ng sanggol na maaaring mauwi sa pagkabulag.

Makalipas ang ilang buwan o taon, maaaring makaranas ng pananakit/kirot sa puson o sa ibabang bahagi ng tiyan. Maaari ding magkaroon ng problema sa pagreregla, at tuluyang mabaog kapag hindi naagapan.

Paggamot

  • Magturok ng procaine penicillin: 4.8 million units nang isang beses. Ilagay ang kalahati ng dosis sa bawat pigi. Mas mainam gumamit ng procaine penicillin kaysa crystalline penicillin.
  • Kung may probenecid, magbigay ng 1 gramo nang kalahating oras bago iturok ang penicillin.
  • Kung walang penicillin, (o kaya kung hindi ito tumatalab), gumamit ng tetracycline. Magsimula sa pag-inom ng anim na kapsula na may 250 miligramo nang isang beses lamang. Pagkatapos, maaaring uminom nito ng dalawang 250 miligramo na kapsula, apat na beses isang araw sa loob ng apat na araw. Kapag hindi pa rin tumatalab ang tetracycline, subuking gumamit ng streptomycin.

Lunas sa mahirap na pag-ihi

  • Kapag hindi makaihi, ipinapayong subuking umihi habang nakaupo sa palanggana o batya na may mainit na tubig.
  • Kapag hindi pa rin makaihi, kailangang alisan ng tubig ang pantog sa pamamagitan ng catheter. Ang catheter ay isang gomang tubo na ginagamit upang masaid ang ihi sa pantog. Kumunsulta agad sa doktor o espesyalista kapag may naramdaman.

Magpagamot ang magkaparehang may sakit

Kapag ang lalaki ay nakipagtalik sa kanyang asawa matapos matuklasang may gonorrhea siya, kailangan na ring magpagamot ng babae. Kahit na ang asawang babae ay walang sintomas ng pagkahawa, may posibilidad na nahawa na siya. Kapag hindi nagamot ang babae, maibabalik niya sa kanyang esposo ang impeksiyon.

Lunas sa sanggol na nahawa

Ang mata ng sanggol ay nararapat na maprotektahan laban sa tulo at sa posibleng pagkabulag sa pamamagitan ng paggamit ng isang porsiyento ng silver nitrate drops sa pagkasilang.

Babala

Ang isang taong may gonorrhea ay puwede ring magkaroon ng syphilis nang hindi niya nalalaman. Kumunsulta sa doktor kung kinakailangan ring magpagamot laban sa syphilis dahil minsan, naitatago ng gamot sa tulo ang mga sintomas ng syphilis.

Sanggunian

Halaw sa Where There is No Doctor, na inilathala ng Philippine Charity Sweepstakes Office, Maynila. on

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.