Trixie Cruz-Angeles

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Si Rose Beatrix “Trixie” Cruz-Angeles ay abogado at vlogger. Siya ay hinirang ni Pangulong Bongbong Marcos bilang Press Secretary, sa kabila ng pagiging kritiko noon sa Pamilya Marcos. Nagsilbi siya sa posisyong ito mula sa inagurasyon ng administrasyon ni Marcos noong 30 June 2022 hanggang noong 4 Oktubre 2022, nang magbitiw siya sa kanyang katungkulan. Pinangunahan niya ang Presidential Communications Operations Office (PCOO), kung saan nagsilbi rin siya bilang social media strategist mula Hulyo 2017 hanggang 2018 sa panahon ng administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Si Angeles ay host ng programang Karambola ng DWIZ. May vlog din siyang “Luminous by Trixie Cruz-Angeles & Ahmed Paglinawan” na may mahigit sa 400,000 followers sa Facebook. Gayunman, mula nang siya ay nahirang ni Marcos, di na siya aktibo sa nasabing vlog.

Karera bilang Abogado

Bilang abogado, si Angeles ay humahawak ng mga kaso ukol sa litigasyon, konsultasyon sa korporasyon, at pakikipagkasundo at negosasyon. Siya ay naging partner ng Angeles and Paler Law Office mula 1999 hanggang 2007. Naging legal consultant din siya ng Philippine National Museum, National Historical Institute, Heritage Conservation Society, Inc., National Commission for Culture and the Arts, at Film Academy of the Philippines.

Kabilang sa mga popular na kaso na kaniyang hinawakan ay ang pagdepensa niya kay Niocanor Faeldon na inakusahan bilang isa sa mga pinuno umano ng Oakwood Mutiny noong 2003. Kasama rin siya sa legal team ni dating Punong Mahistrado Renato Corona, sa impeachment trial nito noong 2012. Nirepresenta rin niya ang dating miyembro ng Iglesia ni Kristo na si Lowelle Menorca II na naghabla sa mga matataas na pinuno ng relihiyosong grupo. Nirepresenta rin niya si Lottie Manalo-Hemedez, kapatid ni punong ministro ng INC na si Eduardo Manalo ukol sa tunay na nagmamay-ari ng isang compund sa Tandang Sora, Quezon City.

Noong 2016, si Angeles, kasama ang dalawa pang abogado, ay hinabla ng kanilang kliyente nang hindi naipetisyon ang annulment case nito matapos makapagbayad ng ₱350,000. Panandaliang sinuspende ng Korte Suprema ang kaniyang lisensiya dahil sa hindi natupad na tungkulin.

Si Angeles ay nagtapos ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.