Trinidad Tecson

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Trinidad Tecson (18 Nobyembre 1848–28 Enero 1928) ay kinikilala bilang “Ina ng Biyak-na-Bato” at “Mother of Mercy.” Siya ay kabilang sa iilang kababaihang Pilipino na nakipaglaban kasama ang kalalakihang rebolusyonaryo noong panahon ng mga Espanyol. Si Tecson ang tinuturing na ina ng Philippine National Red Cross, dahil sa kaniyang mga naitulong sa mga kasamahang Katipunero.

Pinag-ugatan

Isinilang si Tecson sa San Miguel de Mayuno, Bulacan, na isa sa 16 na anak nina Rafael Tecson at Monica Perez. Siya ay tinuruang magbasa at magsulat ni Quinto, na isang kilalang guro sa kanilang bayan. Natuto naman siyang mag-eskrima sa pamamagitan ni Juan Zeto, isang maestro ng eskrima.

Kinatatakutan si Tecson ng kaniyang mga kalaro at mga nakakikilala sa kaniya dahil siya ay mahusay mag-eskrima at sa angkin niyang taas, “Tangkad” kung tawagin siya ng kaniyang mga kaibigan. At nang maulila si Tecson, tumugil siya sa pag-aaral, at sinamang manirahan ang kaniyang mga kapatid sa kamag-anak.

Sa gulang na 19 ay nakapag-asawa si Tecson at ikinasal kay Sinforoso Desiderio. Biniyayaan ang mag-asawa ng dalawang anak, na sina Sinforoso at Desiderio, ngunit hindi nagtagal ang buhay ng kaniyang asawa at dalawang anak.

Katipunan

Nagsimulang mamulat sa mga kalupitan ng mga Espanyol si Tecson nang siya ay maging kagawad ng Logia de Adopcion, na itinatag noong 1893. Ang samahang ito ay binuo upang tuligsain ang maling pamamalakad ng mga paring Espanyol sa Pilipinas.

Noong 1895, sa edad na 47, si Tecson ay sumali sa Katipunan. Namangha ang kaniyang mga kasamahan ng gamitin niya ang kaniyang dugo sa paglagda ng kaniyang panunumpa, na noon ay hindi pinagagawa sa babaeng kasapi ng Katipunan. Bilang isang Katipunero, kasama si Tecson sa grupo na kumuha ng mga armas sa loob ng korte sa Kalookan at San Isidro, Nueva Ecija. Si Hen. Mariano Llanera ang kaniyang pinuno nang sumiklab ang rebolusyon.

Nakasamang nakipaglaban ni Tecson sina Hen. Francisco Makabulos ng Nueva Ecija, Hen. Mariano Llanera, Hen. Isidro Torres, at Hen. Gregorio del Pilar ng Bulacan. Siya ang naging nars ng mga sugatang Katipunero sa laban. At sa madugong bakbakan sa San Miguel at Zaragosa, nanganib ang buhay ni Tecson dahil nasugatan ang kaniyang kanang hita. Napilitan ang kaniyang mga kasamahan na umatras patungong Biyak-na-Bato, na naging punong himpilan ni Hen. Emilio Aguinaldo.

Panahon ng mga Amerikano

Nang simulang sakupin ng mga Amerikano ang Pilipinas, si Tecson ay muling nakibaka. Sumali siya sa grupo ni Hen. Gregorio del Pilar. Kasama siyang umatake sa puwersa ng mga Amerikano na nakahimpil sa Bulacan at Calumpit. Humawak si Tecson ng posisyon sa Republika ng Malolos, bilang Comisario ng Digmaan.

Nakita ni Tecson ang bangkay ni Hen. Antonio Luna, habang siya ay papuntang Cabanatuan, dahil siya at ang mga kasamahang rebolusyonaryo ay tinutugis ng mga Amerikano. Magkakasamang tinawid nina Tecson at ng mga sugatang rebolusyonaryo ang kabundukan ng Zambales papuntang Santa Cruz hanggang Iba.

Buhay Matapos ang Digmaan

Nang matapos ang sigalot, ipinagpatuloy ni Tecson at ng kaniyang unang asawa ang kanilang hanapbuhay sa Nueva Ecija. Nagtinda siya ng karne sa bayan ng San Antonio at Talavera. At nang mamatay ang unang asawa, muling ikinasal siya kay Doroteo Santiago at nang mamatay ito, napangasawa naman niya si Francisco Empainado.

Noong 28 Enero 1928, si Tecson ay namatay sa Philippine General Hospital, sa edad 80. Ang kaniyang labi ay inilagak sa Cementerio del Norte.

Mga Sanggunian

  • Trinidad Tecson (hinango noong 11 Marso 2008).
  • Ancheta, Hermina M. and Michaela Beltran-Gonzalez. Filipino Women in Nation Building - A Compilation of Brief Biographies. Lungsod Quezon: Phoenix Publishing House, Inc., 1984.
  • National Historical Institute. Historical Markers: Regions I-IV and CAR. Maynila: National Historical Institute, 1993.
  • "Central Luzon and NCR: Trinidad Tecson." Unsung Heroes of the Philippines Revolution - MSC Communications Technologies, Inc. http://www.msc.edu.ph/centennial/hero/ncr/page13.html (hinango noong 11 Marso 2008).
  • Quirino, Carlos. Who's Who in Philippine History. Maynila: Tahanan Books, 1995.
  • de Guzman,Jovita V.,Vicente A. Santiago,Remedios T. de Leon and Teresita E. Erestain. Women Of Distinction; Biographical Essays on Outstanding Filipino Women of the Past and the Present. Philippines: Bukang Liwayway, 1967.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.