Trinidad (barko)

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, pindutin lamang ang Trinidad (ship).

Ang Trinidad ay ang punong barko sa limang sasakyang pandagat na ginamit ni Ferdinand Magellan sa kaniyang paglalayag papuntang Spice Islands o Moluccas. Ngunit, hindi tulad ng Victoria na dumaan sa Karagatang Indiyano, nabigong makabalik ang Trinidad sa Espanya. Tinahak nito ang Dagat Pasipiko sa silangan papunta sa New Spain o kasalukuyang Mexico, ngunit hindi ito nagtagumpay. Ang Trinidad ay isang nao o uri ng barko na may bigat na 100 tonelada. May sakay itong 61 tripulante. Nang masawi si Magellan at masunog ang Concepcion, narating ng Victoria at Trinidad ang Tidore sa silangang Indonesia noong 8 Nobyembre 1521. Sa kalagitnaan ng Disyembre, sinubok ng dalawang sasakyang pandagat na umalis na may dalang clove o sibuyas, ngunit nagkaroon ng matinding pagtagas sa Trinidad. Napagkasunduan ng mga mandaragat na maunang umalis ang Victoria pabalik ng Espanya, at maiiwan ang Trinidad upang makumpuni.

Noong 6 Abril 1522, nilisan ng Trinidad ang Tidore laman ang 50 tonelada ng clove. Pinangunahan ni Gonzalo Gomez de Espinosa, ang alguacil (master-at-arms) ni Magellan—isang mahusay na sundalo, ngunit walang karanasan bilang isang mandaragat. Matapos ang sampung araw, dumaong ito sa isa sa mga isla ng Mariana, kung saan tatlo ang tumakas at nagtungo pa-hilaga. Tinangka naman ni Espinosa na marating ang kanluran, ngunit bigo pa rin. Nakarating siya ng 42 o 43 digri pahilaga dahil sa sama ng panahon. Nangamatay naman ang 30 tripulante ng barko dahil sa sakit na scurvy (eskorbuto o sakit na sanhi ng kakulangan sa Bitamina C), at 20 na lamang ang natira. Limang buwan pa ang lumipas, napagpasiyahan niyang bumalik at matapos ang dalawang buwan ay narating nila ang Moluccas.

Bandang Mayo, isang armada ng pitong barko ng mga Portuges na pinamunuan ni António de Brito ang dumating sa Tidore, na naglalayong arestuhin si Magellan. Pinadalhan ni Espinosa si Brito, na humihingi ng mga suplay. Nagpadala ng armadong tauhan si Brito upang dakipin ang mga tripulante ng Trinidad, ngunit naabutan nila ang isang papalubog ng barko, at ang mga sakay nito ay halos nasa bingit na ng kamatayan. Bumalik naman ang Trinidad sa Ternate kung saan natanggal ang mga layag at lubid nito. Tuluyang winasak ng bagyo ang Trinidad.

Tanging apat ang nakaligtas at nakabalik ng Europa. Si Juan Rodriguez ay nakatakas sa isang barko ng mga Portuges. Sina komander Espinosa, tagapagtala na si Ginés de Mafra, at isang Norwegian na artilyero na si Hans Vargue (o Bergen) ay namalagi sa isang kulungan bago naipadala sa Lisbon at inilipat sa iba pang kulungan. Namatay si Vargue sa isang kulungan sa Portugal. Si Espinosa naman ay huling nabalitaan noong 1543 bilang inspektor ng mga barko.

Huli namang nakalaya si De Mafra dahil sa dami ng mga dokumento na kaniyang pagmamay-ari. Dahil sa kaniyang karanasan, naging nabegador siya ng barkong San Juan sa ilalim ni Ruy López de Villalobos. Matapos ang dalawang taon ng paglalayag, nasira rin ang San Juan. Habang hinihintay niya ang pagsasaayos nito, isinulat niya ang kasaysayan ng ekspedisyon ni Magellan. Kasama ang kaniyang 29 tauhan, pinili nila na mamalagi sa Pilipinas sa halip na ituloy ang paglalayag. Ang kaniyang mga talâ ay nailimbag lamang nang matagpuan ito noong 1920.

Mga Sanggunian

Wikipedia.png Hinango sa Wikipedia ang nilalaman ng pahinang ito na nagmula sa Trinidad (barko). Ang talaan ng mga may-akda ay makikita sa pahina-kasaysayan. Kahalintulad ng Wikipedia, binibigyang-pahintulot ng WikiFilipino ang muling paggamit at pakikinabang sa mga nilalaman nito sa ilalim ng GNU Free Documentation License. Basahin ang kumpletong pagtatanggi/pagtatatwa.