Tito Sotto

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.

Tito Sotto

Si Vicente C. Sotto III, kilala sa tawag na Tito Sotto at Tito Sen, ay isang politiko at kasalukuyang nakaupo bilang Pangulo ng Senado ng Ika-18 Kongreso ng Republika ng Pilipinas.Bago sumabak sa politika, si Sotto ay kilala nang aktor, komedyante, mang-aawit, TV host, at manlalaro.[1]

Sa Halalan 2022, siya ay opisyal nang kandidato para maging pangalawang pangulo ng bansa. [2]

Talambuhay

Si Tito Sotto ay ipinanganak noong 24 Agosto 1948 kina Marcelino Ojeda Sotto at Herminia Castelo Sotto, na isang manggagamot at dating aktibista na nagsusulong sa karapatan ng kababaihan. Ang kaniyang ina ang pinakaunang Medical Commissioner ng Workmen’s Compensation Commission at President Emeritus ng samahang Kababaihang Rizalista ng Pilipinas. Kapatid niya sina Vic Sotto, Val Sotto, at Marcelino Antonio Sotto, Jr. Lolo nila si dating Senador Vicente Sotto (18 Abril 1877–28 Mayo 1950).[1]

Pinakasalan ni Sotto si Helen Gamboa sa huwes noong Setyembre 1969 at nagpakasal sa Simbahang Katoliko noong Enero 1971. Nagkaroon sila ng apat na anak—sina Romina, Diorella, Gian, at Ciara. Mayroon din silang mga apo.[3]

Showbiz at Isports

Si Sotto ay isa nang aktor sa pelikula at telebisyon simula pa noong 1970. Siya din ay isang kompositor at musikero. Itinatag niya ang VST and Co. na nagtataguyod sa mga awiting Pilipino. Siya ang katuwang na komposer ni Anthony Castelo sa bantog na “Dakilang Lahi” na ginamit bilang opisyal na awitin noong ika-100 Anibersaryo ng Kalayaan ng Pilipinas noong 1998. Si Sotto rin ang komposer ng “Magkaisa” na isa sa mga sumikat na awitin iniuugnay sa Aklasang Bayan sa EDSA noong 1986.[4]

Isa rin siya sa mga host ng programang pantelebisyong Eat Bulaga! at naging host din sa Brigada Siete, isang programang pangserbisyo publiko.[1]

Naging bise presidente siya para sa produksiyon ng Vicor Group of Companies; dating presidente ng Ham Radio sa Pilipinas; bise presidente sa mga espesyal na proyekto sa Television and Production Exponents Inc.; at naging presidente at general manager ng Tasha Recording Studio.[1]

Si Sotto ay nag-aral ng bowling at naging kasapi ng Philippine Bowling Team kung saan nagwagi siya ng gintong medalya sa iba’t ibang internasyonal na kompetisyon. Kinatawan ni Sotto ang Pilipinas sa AMF Bowling World Cup sa Bogota, Colombia noong 1978 at sa Sydney, Australia noong 1984. Nakapaglaro din siya ng golf kung saan lumalahok din siya sa mga torneo.[5]

Karera Politikal

Si Tito Sotto ay mahigit na 30 taon nang nasa serbisyo publiko. Nagsimula siya bilang bise alkalde ng Lungsod Quezon noong 1988 hanggang 1992. Sa panahong ito, itinatag niya ang Vice-Mayors’ League of the Philippines. Ito rin ang simula ng kaniyang pangangampanya laban sa mga ipinagbabawal na gamot at hinirang na National Vice-Chairman of the Citizen’s Drugwatch.[6]

Dahil sa kaniyang masigasig na mga hakbang kontra ilegal na droga, dalawang beses pinarangalan si Sotto ng International Award of Honor ng International Narcotics Enforcement Officers Association sa Florida at California sa Estados Unidos (1991 at 1996).[4]

Nakapagsulat din ng dalawang aklat si Sotto: ang A Vision for a Drug-Free Philippines (1994) at ang The Filipino: Values and Visions (1997)[1]

Naging senador siya noong 1992. Bilang baguhan sa mataas na posisyon, isang penomeno ang kabuoang bilang ng boto na kaniyang natamo: 11,792,121. Siya ang ikatlong naging senador ng Pilipinas na nagmula sa angkan ng mga Sotto.[7]

Ika-9 at ika-10 Kongreso (1992–1998)[6]

Mula noong 1992 hanggang 1998, nanilbihan si Tito Sotto bilang Assistant Majority Floor Leader at pinuno ng Senate Committees on Youth and Sports Development; Illegal Drugs; at Rural Development. Kasapi rin siya ng Commission on Appointments.

Nakapagpasa at nakapag-isponsor si Tito Sotto ng animnapu’t isang panukala sa Senado sa pangsiyam at pangsampung Kongreso. Kabilang sa mga panukalang naipasa ni Sotto ay ang paggawang siyudad sa may dalawampu’t limang lungsod sa Pilipinas tulad ng Makati, Marikina, Pasig, Paranaque, Muntinlupa, at iba pang lungsod; panukalang nagtatakda ng nga lugar pangturismo; panukalang sumusulong sa absentee voting na nagbibigay-daan sa pagpapaboto ng mga Pilipinong nasa ibang bansa. Isa siya sa limang senador na hindi sumang-ayon sa pag-apruba ng General Agreement on Tariffs and Trade (GATT).

Ika-11 Kongreso (1998–2001)[6]

Noong 1998, tumakbo ulit si Sotto sa Senado at nanalong senador. Itinakda siyang pinuno ng Senate Committee on Public Services na namahala sa mga serbisyo sa komunikasyon, transportasyon, nabegasyon sa iba’t ibang kapuluan sa Pilipinas, at ang pagbabago sa mga lehislatibong prangkisa. Siya rin ay nagsilbing pinuno ng Senate Committee on Science and Technology at nakapagpasa ng sandaan at siyamnapung panukala.

Noong nanilbihang Chairman si Sotto sa Committee on Public Services sa senado, naipasa niya ang panukalang Act No. 8750, ang Seat Belts Act of 1999 at nagkaroon ng tatlumpu’t anim na publikong pagdinig ukol sa mga isyu sa transportasyon at komunikasyon tulad ng trahedya sa paglubog ng Princess of the Orient, ang kontrobersiya na kinasangkutan ng Philippine Airlines, interkoneksiyon, ang industriya sa cable, at iba pang isyung kinakaharap ng industriya ng telekomunikasyon. Ang komiteng ito ay nakapag-apruba ng tatlumpo’t siyam na prangkisa sa industriyalisasyon at modernisasyon.

Nang magsilbing Chairman si Sotto ng Committee on Science and Technology, ipinasa niya ang Philippine Senate Resolution No. 86 na nagsasaad na imbestigahan ang impak ng YSK bug sa industriya ng kompyuter at kung paano ito maprotektahan.

Bumoto si Sotto para sa pag-apruba sa VFA o Visiting Forces Agreement at hindi sumang-ayon sa mga sektor na nagnanais nabaguhin ang pambansang awit ng Pilipinas. Naging pangalawang pinuno si Sotto sa Kumite sa Pondo ng senado na ang tungkulin ay ang pagbigay at pagsaliksik sa tamang pondo para sa opisina ng Pangulo, Kongreso, at ng Department of Health.

Ika-12 Kongreso (2001–2004)[6]

Ipinagpatuloy ni Sotto ang kaniyang mga adbokasiya sa pagsugpo ng droga sa bansa, maging mas mahusay ang serbisyo publiko ng mga lokal na pamahalaan, maisulong ang modernong information technology, at maipresenta ang mga mamamayan sa pamahalaan. Nakapagpasa siya ng 126 panukalang-batas at dalawang resolusyon sa Senado.

Paghirang bilang Pinuno ng Dangerous Drugs Board (2008–2009)[6]

Si Sotto ay hinirang ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo bilang miyembro ng Board of Directors at acting chairman ng Dangerous Drugs Board noong 4 Hulyo 2008.

Ika-15 at Ika-16 Kongreso (2010–2016)[6]

Nagwagi si Sotto ng panibagong termino sa Senado noong Halalan 2010. SIya ay nahalal naman bilang Majority Leader at Chairmain ng Committee on Rules. Isa rin siya sa 20 senador na bumoto sa pagpapatalsik kay dating Punong Mahistrado Renato Corona, na napatalsik sa puwesto noong 29 Mayo 2010.

Noong Hulyo 2013, sa pagtatapos ng ika-15 Kongreso, nagbitiw sa katungkulan si Sotto bilang Majority Leader pagkatapos ng pagbibitiw ni Juan Ponce Enrile bilang Senate President dahil sa alegasyon ng maling paggamit ng pondo ng senado. Si Sotto ang pumalit kay Enrile. Si Gregorio Honasan naman ang humalili sa iniwang puwesto ni Sotto.

Noong ika-16 Kongreso, nahirang si Sotto bilang bahagi ng minority group sa Senado at naging Assistant Minority Floor Leader, kasunod ni Enrile na Minority Leader. Nang maaresto si Enrile noong Hunyo 2014 sa kasong pandarambong kaugnay sa pork barrel scam, si Sotto ang humalili bilang Minority Floor Leader. Bumalik sa puwesto si Enrile matapos siyang paboran ng Korte Suprema sa kaniyang piyansa noong Agosto 2015.

Ika-17 at Ika-18 Kongreso (2016–hanggang kasalukuyan) [6]

Nang magwagi noong Halalan 2016, si Sotto ay hinirang na maging Majority Leader ng Senado. Binoto siya bilang chairman ng Senate Committee on Rules at ng Senate Committe on Ethics and Privileges. Naihalal naman siya bilang Senate President noong 21 Mayo 2018.

Napanatili niya ang posisyon bilang Senate President nang muli siyang iboto ng taumbayan noong 2019 Halalan sa Senado.

Halalan 2022

Noong Hulyo 2021, kinumpirma nina Panfilo Lacson at Tito Sotto ang kanilang pagtakbo sa dalawang pinakamataas na posisyon sa Halalan 2022. Pormal nilang inianunsiyo ang kanilang pagtakbo noong 8 Setyembre 2021 kung saan ipinalabas ang isang video sa Facebook page ni Lacson. Saglit ding pinatugtog dito ang “Magkaisa” nang paakyat na sa entablado si Sotto. [2]

Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 “Sotto Against Drug.” The Manila Times, 28 Agosto 2011.https://www.pressreader.com/philippines/manila-times/20110828/281870115141940. Accessed 7 Setyembre 2021.
  2. 2.0 2.1 “Ito ang Simula.” Ping Lacscon Facebook page,https://www.facebook.com/PingLacsonOfficial/videos/439054204102936. Accessed 7 Setyembre 2021.
  3. Glaiza Jarloc. “Sotto shares secrets to an enduring marriage.” Sunstar, 6 Marso 2018. https://www.sunstar.com.ph/article/421968/Feature/Sotto-shares-secrets-to-an-enduring-marriage. Accessed 7 Setyembre 2021.
  4. 4.0 4.1 “Senator Vicente C. Sotto III.”https://legacy.senate.gov.ph/senators/sen_bio/sotto_resume.asp. Accessed 10 Setyembre 2021.
  5. “The best of Senator Vicente ‘Tito’ Sotto 3rd.” The Manila Times, 17 Oktubre 2015. https://www.manilatimes.net/2015/10/17/weekly/the-sunday-times/the-best-of-senator-vicente-tito-sotto-3rd/224250. Accessed 7 Setyembre 2021.
  6. 6.0 6.1 6.2 6.3 6.4 6.5 6.6 “Vicente “Tito” Sotto III: Political Career.” https://vicentesotto.com/about#political-career. Accessed 10 Setyembre 2021.
  7. “Vicente “Tito” Sotto III.” https://vicentesotto.com/about#who-is. Accessed 8 Setyembre 2021.