Tinikling

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang tinikling ay kinikilala bilang isa sa mga pinakamatandang sayaw sa Pilipinas. Tinatawag din itong “sayaw sa kawayan.”

Pinagmulan ng Sayaw

Ang tinikling ay nagmula sa Leyte. Ang pangalan ng sayaw ay nagmula sa ngalan ng ibon na kung tawagin ay tikling. Ang mga galaw sa sayaw na ito ay kinopya sa mga galaw ng ibon. Ang tikling ay “naglalakad sa pagitan ng tangkay ng damo” at “lumulukso sa ibabaw ng mga sanga ng puno.” Iniiwasan din nila ang mga “kawayang panghuli na inihanda ng mga magsasaka.”

Isa sa mga kuwento tungkol sa pinagmulan ng sayaw ay nagsimula raw ito bilang parusa noon ng mga Espanyol sa mga Pilipinong magsasaka. Ang mga magsasaka ay tatayo sa dalawang kawayan. Ang dalawang kawayan ay pinag-uumpong upang paluin ang mga paa ng magsasaka. Gayunman, ang kuwentong ito ay maaaring totoo o likhang-isip lamang.

Tinikling sa Kasalukuyan

Sa kasalukuyan, ang tinikling ay itinuturing na pinakapopular na katutubong sayaw sa bansa. Binubuo lamang ito ng tatlong pangunahing galaw: isahan, dalawahan, at kandirit. Karaniwang pares ng lalaki at babae ang nagsasayaw ng tinikling. Ang magkapareha ay magsasayaw habang may dalawang tao na nagpapagalaw ng dalawang kawayan. Pinag-uugpong ang dalawang kawayan at itatapik sa lapag sa saliw ng musika.

Bilang paglilinaw, hindi pambansang sayaw ng Pilipinas ang tinikling. Wala ring opisyal na pambansang sayaw ang idinedeklara sa ilalim ng batas.

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.