The Dawn (banda)

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang bandang The Dawn ay isa sa mga kinagiliwang banda ng mga Filipino noong dekada '80. Ang orihinal na miyembro ng grupo ay sina Teddy Diaz (bokalista at gitarista), Clay Luna (bahista), JB Leonor (taga-tambol), at Jett Pangan (pangunahing bokalista). Sa kinalaunan, nagkaroon ng maraming pagbabago ang mga miyembro ng banda at pansamantala rin silang nagkahiwa-hiwalay. Sa kasalukuyan ay patuloy pa ring gumagawa ng mga awitin ang banda at isa sa tinitingalang grupo ng mang-aawit ng kontemporaryong musikang Filipino.

Kasaysayan

Noong 1985, ang The Dawn ay binuo nina Teddy Diaz bilang bokalista at gitarista, Clay Luna bilang bahista at ni JB Leonor na taga-tambol. Hango ang kanilang pangalan sa larawan ng Espiritu Santo na sumisimbulo sa bukang-liwayway (na katumbas ng "The Dawn" sa salitang Filipino) ng isang bagong araw. Aksidente namang napili bilang bokalista ng banda si Jett Pangan nang sumama ito sa kaibigan niyang babae sa inilunsad na audition ng banda na para lamang sa babaeng bokalista.

Sa pagsikat ng pangunahing awitin ng banda na Enveloped Ideas, nanguna ang The Dawn sa tugtuging New Wave at nakipagsabayan pa sa kasikatan sa bansa ng mga dayuhang banda sa gayong genre. Sa kanilang tagumpay, humantong ito sa pagpirma nila sa kontrata sa ilalim ng OctoArts Records. Ngunit napalitan ni Carlos "Caloy" Balsels si Luna bilang bahista dahil sa pagtira nito sa Amerika.

Sa hindi inaasahang pangyayari ay naganap ang isang trahedya. Namatay dahil sa pagkakasaksak si Teddy Diaz noong Agosto 21,1988 matapos mailabas ang ikalawa nilang album. Ikinalungkot ng marami ang kanyang pagkawala ngunit ipinagpatuloy ng banda ang kanilang musika. Napalitan si Diaz ni Atsushi Matsuura na kinalaunan ay pinalitan naman ni Francis Reyes.

Nagkawatak-watak ang banda noong 1995 matapos nilang mapagkasunduan na panahon na upang maghanap sila ng kani-kaniyang landas na tatahakin. Si Pangan ay bumuo ng ibang banda at si Reyes naman ay naging isang DJ sa estasyon ng radyo na NU 107.5.

Taong 1999 nang mabuong muli ang grupo na kapwa nakasama sina Reyes at Matsuura (na paglipas ng ilang taon ay muling umalis si Matsuura) bilang gitarista. Nang Sumunod na taon ay inilabas ang kanilang album na "Prodigal Sun" na sumisimbolo sa muli nilang pagbabalik. Kasabay nito ang muli nilang pagtugtog sa iba't-ibang bulwagan upang ipakilala sa mga tagapakinig kung sino sila sa panahon ngayon.

Ipinakita ng The Dawn ang kakayahan nilang tumagal sa industriya ng mga taga-pakinig ng musikang Filipino. Noong 2005, muli na naman silang naglabas ng panibagong album na pinamagatang Harapin kung saan nakapaloob ang kantang, Tulad ng Dati at Laging Narito. Sa kasalukuyang taon ay muli na namang nabago ang miyembro ng pangkat na ngayon ay ang dating miyemro na ng The Eraserheads ang pumalit na si Buddy Zabala.

Ng sumunod na taon ay ipalabas ang kanilang independent film na Tulad ng Dati sa Cinemalaya kung saan nagwagi ito ng iba't-ibang parangal kabilang na ang kategoryang pinakamagandang pelikula.

Sa kasalukuyan, ang The Dawn ay binubuo nina Jett Pangan, Buddy Zabala, Francis Reyes at JB Leonor kung saan patuloy silang matagumpay na namamayagpag sa mundo ng musikang Pinoy.

Diskograpiya

Taon Pamagat Kumpanya
1987 The Dawn OctoArts International, Inc.
1988 I Stand With You
1989 Beyond The Bend OctoArts International, Inc.
1989 The Dawn - Live OctoArts International, Inc.
1990 Heart's Thunder
The Dawn (compilation)
Iisang Bangka Greatest Hits
1992 Abot Kamay
1994 Puno't Dulo
1997 The Dawn: OPM Timeless Collection (Gold Series compilation) OctoArts International, Inc./EMI
2000 Prodigal Sun Sony Music Entertainment (Phils.)
2004 Harapin Warner Music Philippines
2006 Tulad Ng Dati Warner Music Philippines

Sanggunian

Panlabas na Kawing

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.


Kategorya:Aliwan Kategorya:Musika Kategorya:Buhay at Sining Kategorya:Sining Pagtatanghal Kategorya:Musikang Popular