Teodoro Agoncillo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Teodoro Agoncillo

Si Teodoro Agoncillo ay tanyag na historyador, mangangatha, at makata. Isinulat niya ang kasaysayan ng Pilipinas gamit ang pananaw ng isang Pilipino. Ilan sa kaniyang mga akda ang History of the Filipino People; Malolos: The Crisis of the Republic; The Writings and Trial of Andres Bonifacio; at The Revolt of the Masses: the Story of Bonifacio and the Katipunan. Kabilang siya sa pinarangalan bilang Pambansang Siyentipiko ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos noong 1985.

Personal na Buhay

Isinilang si Agoncillo sa Lemery, Batangas noong ika-9 Nobyembre 1912 kina Pedro Agoncillo at Feliza Andal. Nakamit niya ang titulong batsilyer sa sining sa pilosopiya mula sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1934 at naging masterado sa sining sa nasabing unibersidad noong sumunod na taon.

Nagtrabaho siya bilang linguistic assistant sa Institute of National Language. Nagturo rin siya sa Far Eastern University at Manuel L. Quezon University. Noong 1958, inanyayahan siya upang maging pakultad sa Kagawaran ng Kasaysayan sa UP, hanggang siya ay naging tagapangulo nito mula 1963 hanggang 1969. Pagkatapos niyang mag-retiro sa UP, siya ay naging propesor sa International Christian University sa Tokyo, Japan upang magturo ng kasaysayan ng Pilipinas.

Noong 1963, ginawa siyang kasapi ng National Historical Institute ni dating Pangulong Diosdado Macapagal hanggang siya ay mamatay noong ika-14 Enero 1985.

Halaga sa Kasaysayan

Itinuwid ni Agoncillo ang maraming mali sa pagsulat ng kasaysayan, at gumamit ng punto de bista ng Pilipino sa pagbusisi nito. Ang kaniyang mga sanaysay hinggil sa kasaysayan na pawang nalathala sa mga pahayagan ay nagbigay ng panibagong kulay sa nakababatong paglalahad hinggil sa mga pangyayari noong nakaraang panahon. Kinilala ni Tomas Fonacier, dating dekano ng UP, ang husay ni Agoncillo at hinirang itong sulatin muli ang kasaysayan ng Filipinas na noon ay laging ang ipinagmamagara lamang ay mga natamo at tagumpay ng mga mananakop na Espanyol at Amerikano.

Mga Akda

Isinulat ni Agoncillo ang Revolt of the Masses: The Story of Bonifacio and the Katipunan na sumuri sa papel ni Andres Bonifacio sa 1896 Himagsikan at sa bisa ng kaniyang kamatayan. Sinundan iyon ng Malolos: The Crisis of the Republic na nagtampok naman sa Kasunduan sa Biyak na Bato, sa pagtataksil ng Estados Unidos, sa Digmaang Pilipino-Amerikano, sa mga ilustrado, at sa pagtataksil mismo ng ilang Pilipino sa pagtataguyod ng Republika ng Pilipinas. Isinulat din niya ang History of the Filipino People na bumago sa pagsulat ng kasaysayan ng bansa at ginawa pang sangguniang aklat ng lahat ng estudyante sa unang taon sa unibersidad.

Ang iba pang aklat niya ay ang sumusunod: The Fateful Years: Japan's Adventure in the Philippines, 1942–1945; Filipino Nationalism 1871–1972; at The Burden of Proof: The Vargas-Laurel Collaboration.

Sumulat din siya ng mga tula, kuwento, at sanaysay, at nagtipon ng mga tula at kuwento na pawang isinulat ng kaniyang mga kapanahon. Pinamatnugutan niya ang klasikong Maikling Kuwentong Tagalog 1886–1948.

Mga Parangal

Siya ang kauna-unahang humawak ng Rafael Palma Professorial Chair sa Kasaysayan ng Pilipinas at ang unang pakultad na hinirang sa ranggong Propesor ng Unibersidad. Naging kasapi rin siya ng National Academy of Science and Technology noong 1980, at pinarangalan bilang Pambansang Siyentipiko pagkaraang mamatay noong 1985 dahil sa pambihirang ambag nito sa pagsusulat ng kasaysayan ng Pilipinas.

Sanggunian

''Manila Bulletin'', Tomo 421 Bilang 14, 14 Enero 2008, mp. A-11–B10.

[https://www.officialgazette.gov.ph/teodoro-a-agoncillo/. “Teodoro A. Agoncillo.”] Official Gazette. Accessed 06 March 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.