Teo T. Antonio

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Teo T. Antonio, na ang kompletong pangalan ay Teodoro Teodoro Antonio, ay isinilang noong 29 Nobyembre 1946 sa Sampaloc, Maynila. Nag-aral siya ng Fine Arts sa Unibersidad ng Santo Tomas, at pagkaraan ay nagwagi ng unang gantimpala sa Shell National Student Painting Contest noong 1967. Gayunman, pinili ni Antonio na magsulat ng tula, at kabilang sa kaniyang matitining na aklat ang Biro-biro kung Sanlan (1982); Taga sa Bato (1991); Bagay-bagay (1992); Pira-pirasong Bituin (1996); Kalawang sa Patalim (1998); Ornamental (1998); Karikatura at iba pang Kontra-Banda (2000); Piping-Dilat (2000); Sa Aking Soledad: Koleksiyon ng mga Tula ng Pag-ibig (2002); Tilad na Dalit: Mga Piling Tula: 1973–1999 (2003); Pagsunog sa Dayami (2003); at iba pa. Patuloy na nagsusulat ng tula si Teo, maglakbay man sa Ewropa, Asya, at Amerika, ngunit hindi niya nakakaligtaan ang pagka-Filipino. Retiradong emleado siya ng Technology and Livelihood Resource Center, at ngayon ay kolumnista sa isang pahayagan sa internet.

Parangal

Kabilang sa mga parangal na tinanggap ni Antonio ang SEAWrite Award, Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, Gawad Maynila, Gawad Plaridel, Gawad Sentenyal mula sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining, Gawad Sentrong Pangkultura ng Pilipinas, Gawad Komisyon sa Wikang Filipino, Talaang Ginto: Makata ng Taon, Catholic Mass Media Awards, National Fellow UP Creative Writing Center (na ngayon ay Institute of Creative Writing), at Gawad Balagtas mula sa Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL)

Halaga ng tula

Itinampok ni Antonio ang kaniyang tinubuang bayan sa pamamagitan ng pagkasangkapan sa iba't ibang anyo ng tula, himig, tinig, balangkas, imahen, at pananalinghaga. Ginamit din niya ang bukal ng kasaysayan, mito, balita, at kung ano-anong impormasyon upang higit na maging makulay ang pagtatampok niya ng bayan habang gamit ang sariling wika. “Isa nang uniberso si Teo T. Antonio,” pansin ng kritikong si Roberto T. Añonuevo, at nararapat umanong paulit-ulit landasin, upang maunawaan ang pambihirang talinghagang iniiwan niya sa mga kapuwa Filipino.

Sanggunian

  • Almario, Virgilio S. Sansiglong Mahigit ng Makabagong Tula sa Filipinas. Lungsod Pasig: Anvil Publishing House, 2006.
  • Añonuevo, Roberto T. “Apoy sa Tinubuang Lupa: Ang Siklo sa mga Tula ni Teo T. Antonio” na lumabas sa Bulawan 11, inedit ni Virgilio S. Almario. Tomo 11, Maynila: Pambansang Komisyon para sa Kultura a mga Sining

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.

Antonio Antonio Antonio Antonio