Tata Selo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Tata Selo ni Rogelio R. Sikat ay kabilang sa antolohiyang Mga Agos sa Disyerto, kasama ang apat pa niyang kuwento at mga kuwento ng apat pang kuwentista: sina Efren Abueg, Dominador B. Mirasol, Rogelio L. Ordoñez, at Edgardo M. Reyes.

Nagwagi ang kuwento ng Ikalawang Gantimpala sa Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature noong 1963.

Lagom

Isang matandang magsasaka, si Tata Selo, ang hinuli at ikinulong sa isang istaked o istasyon ng pulis dahil sa pagpatay nito kay Kabesang Tano. Si Kabesang Tano ang kasalukuyang nagmamay-ari ng sakahan ni Tata Selo. Nagpunta ito sa sakahang kinaroronan ni Tata Selo upang bawiin na ang sakahan. Ibig sabihin, pinapaalis na si Tata Selo sa sakahan upang iba na ang magsaka nito.

Dating kina Tata Selo ang sakahan. Nagkasakit ang asawa niya kaya't naisanla ang lupa kay Kabesang Tano upang may maipangpagamot. Hindi nabayaran ni Tata Selo ang pagkakautang kaya't kinukuha na ang sakahan sa kanya.

Ang dahilan ni Tata Selo kaya napatay niya ang Kabesa'y dahil binabawi na nito ang saka. Siya diumano'y nagmakaawa na ngunit ang isinagot ng Kabesa'y ang panunukod sa ulunan ni Tata Selo. Nagkasugat-sugat ang ulunan ni Tata Selo dahil dito. Napatay niya ang Kabesa.

Walang gustong maniwala sa napabalitang ginawa ni Tata Selo. Lahat ng kababayan niya'y nais makita ang matanda sa istaked. Lahat ay namamangha sa nangyari. Sinubukan niyang magpaliwanag sa mga pulis ngunit hindi siya pinapansin ng mga ito. Sinubukan din niyang magpaliwanag sa isang bata—sa isip ni Tata Selo ay kapwa niya magbubukid ang bata kaya't maiintindihan siya nito.

Kamakalawa bago maganap ang pagpatay sa Kabesa, umuwi si Saling kina Tata Selo matapos ang paninilbihan sa bahay ng Kabesa sa loob ng tatlong buwan. Sinasabi ni Tata Selo habang kausap ang alkalde—tinatawag niyang presidente—na si Saling ay may sakit.

Nagpunta si Saling sa opisina ng alkalde. Ipinatawag ng alkalde si Tata Selo. Nang makaharap ni Tata Selo si Saling, sinabihan niya itong Umuwi ka na, Saling. Bayaan mo na... bayaan mo na. Umuwi ka na, anak. Huwag, huwag ka nang magsasabi... Ibig sabihin, may ipinapahiwatig na may nangyari kay Saling, kaya umuwi ito matapos ang tatlong buwang paninilbihan sa Kabesa, kaya namumutla ito, kaya ayaw na itong pagsalitain pa ng kanyang ama.

Maaaring lagumin ang sinapit ng pamilya ni Tata Selo batay sa huling pangungusap sa kuwento: Habang nakakapit sa rehas at nakatingin sa labas, sinasabi niyang lahat ay kinuha na sa kanila, lahat, ay! ang lahat ay kinuha na sa kanila.


Ilang Pagsusuri

Ito ang komplikasyon ng kuwento: Ano ang ayaw sabihin?

Sa konteksto ng rural na pamumuhay, kung paniniwalan pa ang konsepto ng dangal ng puri ng isang babae, isang malaking eskandalo kung mapapag-alamang may gumawa ng masama kay Saling.

Dalawahan ang ganitong komplikasyon: masama ito para kay Saling dahil bababa ang pagtingin sa kanya ng kanyang mga kababayan; gayon ding, masama ito sa pamilya ni Kabesang Tano kung maihahayag at magiging usap-usapan--magiging tampulan ng tukso ang maringal na pamilya ng Kabesa.

Itinago ito ni Tata Selo sa pagsasabing binabawi ang kanyang saka at sinabing tinukod-tukod siya kaya't napatay niya ang Kabesa at pagsasabing huwag nang magsasabi si Saling ng kung anumang nalalaman nito. Balak namang itago ito ng Kabesa sa pamamaraan ng pagpapalis sa pamilya ni Tata Selo.

Ngunit, kung susumahin, walang nagtagumpay sa dalawang panig nang isagawa nila ang balak na pagtatago sa katotohanan. Una, ito ang naging dahilan ng kamatayan ng Rolando Gonzales jr. nang balakin niyang paalisin ang pamilya ni Tata Selo; ikalawa, ang nakapatay ay si Tata Selo na sinasabing maaaring makulong nang panghabangbuhay at walang maiiwang tagapangalaga kay Saling na lalabinpituhing taong gulang pa lang.

Sanggunian

  • Abueg, Efren R., et. al. Mga Agos sa Disyerto. Unang Edisyon. Limbagang Pilipino. Maynila. 1964. pp.103-111.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.