Talumpati ni Bongbong Marcos sa kaniyang Inagurasyon

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Panunumpa ni Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. bilang Ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas

Nanumpa na si Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos, Jr. bilang Ika-17 Pangulo ng Republika ng Pilipinas noong 30 Hunyo 2022 sa kaniyang inagurasyon na ginanap sa National Museum of Fine Arts. Pagkatapos ng mga seremonya, buong tikas na humarap si Marcos sa kaniyang mga panauhin at manonood at binigkas ang kaniyang unang talumpati bilang pangulo.

English ang ginamit niyang wika sa pagtatalumpati at may kaunting Filipino. Narito ang daloy ng kaniyang unang talumpati bilang pangulo:

Sa kaniyang pambungad na pagbati, binanggit ni Marcos ang mga panauhing pandangal: ang Gobernador-Heneral ng Australia na si David Hurley at ang kaniyang Unang Ginang Linda Hurley ang mga kasama sa delegasyon; ang kinatawan ng Santo Papa na si Charles John Brown; si Pangalawang Pangulong Sara Duterte; ang mga dating pangulo na sina Fidel V. Ramos, Joseph Ejercito Estrada, at Gloria Macapagal-Arroyo; Pangulo ng Senado Tito Sotto III, Ispiker Kamara Lord Allan Jay Velasco, at mga kasapi ng Kamara; si Punong Mahistrado Alexander Gesmundo at mga kasamahan mula sa Korte Suprema. Binanggit din niya ang kaniyang Unang Ginang Liza Marcos at mga anak na sina Sandro Marcos, Joseph Simon Marcos, at William Vincent Marcos at ang inang si Imelda Marcos.

Aniya, isang makasaysayang pangyayari para sa lahat ang araw ang 30 Hunyo 2022. Kinausap niya ang taumbayan, lalo na ang mga bumoto sa kaniya, ukol sa kung paano ipinalaganap ng kaniyang mga tagasuporta ang panawagan niyang “unity.” Binigyan-diin niya na hindi siya nakipagtalo sa mga katunggali noong nakaraang halalan, mas nakinig umano siya sa mga sinasabi ng mga ito.

Naniniwala rin si Maros na malayo ang mararating ng bansa kapag may pagkakaisa—sama-samang pagsulong kaya maghatakan pababa.

Sinabi niyang handa siya sa mga responsibilidad na iniatang sa kaniya ng taumbayan ngunit binigyan-diin na kailangan niya ng tulong at suporta. Hindi siya nagsalita tungkol sa nakaraan kundi tungkol sa hinaharap.

Marami man ang nawalan dahil sa pandemya, ngunit kailangang maging handa sa radikal na pagbabago nang sa gayon ay mabawi natin ang anumang nawala. At mula rito ay magpatuloy sa paggawa.

Binanggit din niya ang trahedya sa Ukraine at ang mga posibilidad na mangyayari kung kukuha ng mga maling aral mula sa trahedyang ito. Ngunit mayroon pang magagawa. Pinatatag tayo ng pandemya. Mas tumatag, mas bumilis umangkop ang mga Pilipino—dalawang bagay na pinakamahalagang prebensiyon at proteksiyon.

Ibinahagi rin ni Marcos ang kaniyang mga napagnilayan noong Halalan 2022. Tulad ng kagustuhang makinig sa kabila ng ingay, magpigil na makipagtalo sa kabila ng mga pagkakaiba-iba, at huwag mawalan ng pag-asa sa upang magkasundo ang magkaibang panig.

Pinasalamatan din ni Marcos si Pangulong Rodrigo Duterte para sa tapang nito sa pagbuo ng mahihirap na desisyon ngunit sinabi na may paraan para magkaroon ng mas maraming mapagpipilian. Naniniwala umano siya sa mga Pilipino.

Ipinaiisip niya na maaaring mas marami pang matatamo kung ang gobyerno ay tumutulong kaysa nagdidikta. Kung lagi itong nariyan at ibinibigay ang pangangailangan upang masolusyonan ang problema.

Aniya pa, gagawin ng gobyerno kung ano ang dapat nitong gawin nang walang gaanong hinihingi sa taumbayan. Ito ang trabaho ng mga lingkod-bayan—ang maglingkod at hindi puro pagdadahilan para hindi kumilos.

Hindi umano siya gaano nagsalita sa kaniyang kampanya, hindi rin umano siya nag-isip ng pagsalungat sa kaniyang mga kalaban. Bagkus, naghanap umano siya ng mas maiinam na pamamaraan kumpara sa mga karaniwang solusyon. Mas ipaliliwanag niya ito sa kaniyang nalalapit na State of the Nation.

Muli, nanawagan siya sa mga Pilipino ng pagkakaisa at magtulungan sa paraan ng bayanihan. Ipinaalala niya na tayo ay isang nasyon at hindi dapat magkawatak-watak.

Pinakinggan umano niya ang gusto ng taumbayan noong kampanya at ito ang mga narinig niya: kapayapaan sa bansa, magkaroon ng mas maayos na pamumuhay sa ligtas at mas masaganang bansa.

Ito ay isang bahagi ng kaniyang talumpati na binigkas niya sa Filipino: “Sa pangarap na maging mapayapa ang ating bansa! Ang pangarap ninyo ay pangarap ko! Sa pangarap na maging maunlad ang ating bansa, ang pangarap ninyo ay pangarap ko! At sa pangarap na maging mas masinang ang kinabukasan natin at ng ating mga anak, ang pangarap ninyo ay pangarap ko!

Binanggit din ni Marcos ang tungkol sa suliraning pang-agrikultura at sa suplay ng pagkain at enerhiya. Kailangan din umanong magrepaso hinggil sa edukasyon, siyensiya, at pagiging global. Mas paiigtingin umano ng kaniyang administrasyon ang sistema ng edukasyon sa bansa sa tulong ni Pangalawang Pangulo Sara Duterte na siyang nahirang bilang kalihim ng Kagawaran ng Edukasyon. Pinaalala rin ni Marcos ang husay ng ating mga nars na kinikilala sa ibang bansa.

Kinilala rin ni Marcos ang nagawa ng kaniyang ama na si Ferdinand E. Marcos (FEM) noong ito pa ang pangulo ng bansa kung saan nakapagpatayo ito ng mas maraming daanan at nakapagprodyus ng mas maraming bigas kumpara sa mga naunang administrasyon dito. Gayundin si Pangulong Rodrigo Duterte na nakapagpatayo ng mas marami at mas mainam na impraestruktura kumpara sa mga sumunod na pangulo kay FEM.

Ipagpapatuloy umano ni Marcos ang pagpapagawa at tatapusin ang mga proyektong nasimulan na.

Pinasalamatan ni Marcos ang lahat sa wakas ng kaniyang talumpati.

Mababasa rito ang buong talumpati ni Pangulong Marcos.

Mga Sanggunian

  • Presidential Communications Operations Office. “Speech of President Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos Jr. during his Inauguration.” PCCO.gov., https://pcoo.gov.ph/presidential-speech/speech-of-president-ferdinand-bongbong-romualdez-marcos-jr-during-his-inauguration/. Accessed 30 Hunyo 2022.
  • RTV Malacañang. “The Inauguration of Ferdinand Marcos, Jr., 17th President of the Republic of the Philippines.” YouTube, https://www.youtube.com/watch?v=2REJcCjC1iY. Accessed 30 Hunyo 2022.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.