Talaan ng mga kabanata ng El Filibusterismo

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Talaan ng mga kabanata ng El Filibusterismo

Ito ay ang talaan ng mga kabanata ng El Filibusterismo ni Jose Rizal, pati na rin ang mga buod nito.

Sa Ibabaw ng Kubyerta

Isang umaga ng Disyembre ay hirap na sumasalunga sa Ilog Pasig ang Bapor Tabo. Tinawag ito sa ganitong pangalan dahil sa bilog na hugis nito. Pininturahan ito ng puti para matakpan ang karumihan nito.

Sa loob ng bapor, nahahati ito sa dalawang bahagi. Sa ilalim ng kubyerta makikita ang mga kayumanggi, ang mga Intsik at Mestizo na nagsisiksikan kasama ang mga kalakal. Samantala makikita sa ibabaw ng kubyerta ang mga prayle at mga kawani na humihithit ng tabako at tinatanaw ang mga dinadaanan.

Kabilang sa mga nasa ibabaw ng kubyerta si Donya Victorina, ang nag-iisang babae na kasama ng mga Europeo. Habang nagmamasid sa dinadaanan, sinabi ni Victorina na mas bibilis ang usad ng bapor kung walang Indio sa ilog at sa bayan. Hindi niya napansin na pawang mga Indio ang tumitimon sa bapor, ang mga mariniera, ang mga makinista, at ang siyamnapu sa isandaang sakay ng bapor, at maging siya ay isang Indio, kung tatanggalin ang makapal na pulbos na nasa kaniyang mukha.

Bukod kay Donya Victorina, nasa ibabaw rin ng kubyerta sina Don Custodio, isang tagapayo ng pamahalaan; si Ben Zayb (kilala rin bilang Ibañez) na isang mamamahayag; si Padre Irene, si Padre Salvi at ang mag-aalahas na si Simoun.

Habang nasa ilog, napag-usapan ng mga nasa kubyerta kung paano mas mapapabilis ang paglalakbay. Ayon kay Don Custodio, mag-alaga ng itik para lumalim ang ilog. Si Simoun naman, na kilalang tagapayo ng Kapitan Heneral, ay sinabing mas mainam kung gagawa ng isang tuwid na kanal na mag-uugnay sa bunganga ng ilog hanggang sa dulo nito papuntang Maynila. Samakatuwid, gagawa ng isang bagong ilog at tatabunan ang dating ilog Pasig. Mga bilanggo ang gagawa ng nasabing kanal para hindi gumastos ang pamahalaan.

Nagpatuloy ang usapan ng mga nasa ibabaw ng kubyerta hanggang sa magtalo ang mga prayle at si Don Custodio.

Sa Ilalim ng Kubyerta

Ibang-iba ang sitwasyon sa ilalim ng kubyerta, kung saan nagsisiksikan ang mga tao. Kabilang sa mga pasahero na nandito ang dalawang mag-aaral: si Basilio na nag-aaral ng medisina, at si Isagani na isang makata. Kausap nila si Kapitan Basilio, na kinukumusta ang kalagayan ni Kapitan Tiyago. Napag-usapan rin ang paaralan ukol sa pagtuturo ng wikang Kastila na nais itayo ng mga mag-aaral. Ayon kay Kapitan Basilio, hindi magtatagumpay ang planong ito, bagay na tinutulan ng dalawang binata.

Sunod na napag-usapan si Paulita Gomez, ang kasintahan ni Isagani. Kilala si Paulita dahil sa kaniyang angking ganda, ngunit tiyahin niya si Donya Victorina. Inutusan ng donya si Isagani na hanapin ang asawa nitong si Don Tiburcio. Lingid sa kaalaman ng donya, si Don Tiburcio ay nagtatago sa bahay ni Padre Florentino, ang amain ni Isagani.

Dumating si Simoun sa ilalim ng kubyerta at kinausap ang dalawang binata. Ipinakilala ni Basilio si Isagani kay Simoun. Ayon kay Simoun, hindi pa siya nakakadalaw sa lalawigan nina Basilio dahil mahirap ang lalawigang ito at walang makakabili ng kaniyang mga alahas. Tinutulan ito ni Isagani at sinabing hindi bumibili ng alahas ang mga taga lalawigan dahil hindi nila kailangan. Ngumiti si Simoun at sinabing mahirap ang lalawigan dahil Pilipino ang mga pari sa simbahan.

Niyaya ni Simoun ang mga binata na uminom ng serbesa. Tumanggi ang dalawa at sinabing hindi sila umiinom ng serbesa. Ayon kay Simoun, sinabi ni Padre Camorra na kulang sa lakas ang mga Indio dahil puro tubig ang kanilang iniinom. Sumagot naman si Basilio na sabihin ni Simoun kay Padre Camorra na kung tubig ang iniinom niya imbes na serbesa ay hindi siya magiging sanhi ng mga bulung-bulungan. Sumagot rin si Isagani at sinabing: "Sabihin ninyo sa kanya, na ang tubig ay lumulunod sa alak at serbesa at pumapatay sa apoy; na 'pag pinainit ay nagiging sulak, na 'pag namumuhi ay nagiging karagatang malawak at minsa'y pumugnaw sa katauhan at pinapanginig ang mundo."

Humanga si Simoun sa sagot ng mga binata, at tinanong ang dalawa kung anong isasagot niya kay Padre Camorra kapag tinanong nito kung kailan magiging sulak ang tubig at kailan magiging karagatang malawak. Sumagot si Isagani na mangyayari ito kapag pinainit ng apoy, at kapag ang mga watak watak na ilog ay magsama sama sa banging hinuhukay ng tao. Sumagot naman si Basilio gamit ang isang tulang sinulat ni Isagani tungkol sa pagtutulong ng apoy at tubig sa pagpapatakbo ng isang makina. Sinabi naman ni Simoun na hindi pa ito mangyayari dahil hahanapin pa ang makina. Umalis si Simoun at iniwan ang dalawang binata.

Nang umalis na ito, sinabi ni Isagani na ngayon lamang niya nakilala ang tinatawag na "Kardinal Moreno". Dumating ang isang utusan para sabihin kay Isagani na hinahanap siya ni Padre Florentino. Hindi tulad ng ibang mga pari, nasa ilalim ng kubyerta si Padre Florentino. Nakita siya ng kapitan ng bapor at pinaakyat sa ibabaw ng kubyerta. Nang tumanggi si Padre Florentino, sinabihan siya ng kapitan na kung hindi siya aakyat ay baka isipin ng ibang mga prayle na ayaw niyang makasama ang mga ito. Wala nang nagawa si Padre Florentino at umakyat sa ibabaw ng kubyerta. Ipinasabi rin niya kay Isagani na huwag lalapit sa kamara habang siya ay naroroon. Ayon naman kay Isagani, paraan lamang ito ng amain para hindi siya makausap ni Donya Victorina.

Ang Mga Alamat

Nang dumating si Padre Florentino sa ibabaw ng kubyerta, nagtatawanan ang mga nandito na tila hindi nagkaroon ng pagtatalo. Nagdaraingan ang mga prayle sa pagkamulat ng mga Indio at pag-uusig sa mga bayarin sa Simbahan. Dumating si Simoun, at ayon kay Don Custodio, sayang at hindi nito nakita ang mga dinaanan ng bapor. Sumagot si Simoun na kung walang alamat ay walang kabuluhan sa kaniya ang isang lugar. Isinalaysay ng kapitan ang alamat ng malapad-na-bato. Ito umano ay itinuturing na banal na lugar ng mga katutubo at tahanan ng mga espiritu. Ngunit ginawa itong tirahan ng mga tulisan at sa halip na sa mga espiritu matakot ay mas takot na ang mga tao sa mga tulisan.

Ibinahagi rin ng kapitan ang alamat ni Donya Geronima, at si Padre Florentino ang naudyokan na magsalaysay. Ayon sa pari, may isang lalaking nangakong pakakasal sa isang babae sa kaniyang bayan, ngunit nakalimot ito sa kaniyang pangako. Dahil sa katapatan ng babae, naghintay ito hanggang sa kaniyang pagtanda. Kalaunan ay nabalitaan nitong ang kaniyang katipan ay siya nang Arsobispo ng Maynila. Nagdamit lalaki ito at hiniling sa arsobispo na tuparin ang pangako nito, ngunit hindi ito nangyari. Ipinagawa ng arsobispo ng isang yungib malapit sa ilog ang babae at dito ito pinatira. Sa yungib siya nanirahan at namatay.

Nagandahan si Ben Zayb sa alamat ni Donya Geronima at sinabing magsusulat ito ng artikulo tungkol dito. Si Donya Victorina naman ay nainggit at nagnais ding manirahan sa yungib.

Tinanong ni Simoun ang opinyon ni Padre Salvi, at sinabing hindi kaya mas mainam na sa halip na sa yungib pinatira ng arsobispo ang babae ay sa isang beaterio na lamang ito dinala. Nanginig si Padre Salvi at sinabing wala siya sa posisyon na kuwestiyunin ang desisyon ng Arsobispo. Nang nagpumilit si Simoun, sinabi ni Padre Salvi na walang kabuluhan isipin ang ganitong mga bagay dahil ang mga ito ay alamat lamang.

Para mabago ang paksa, isinalaysay ng pari ang alamat ni San Nicolas, na siyang nagligtas sa isang Intsik na hindi pa binyagan. Habang namamangka ay inatake ng isang buwaya ang Intsik at sa takot ay nagdasal kay San Nicolas. Matapos magdasal ay naging bato ang buwaya at nailigtas sa kapahamakan ang Intsik.

Matapos mapag-usapan ang mga alamat, biglang nagtanong si Ben Zayb sa kapitan kung saang bahagi ng lawa napatay ang isang Guevara, Navarra o Ibarra. Itinuro ng kapitan kung saan nangyari ang insidente labingtatlong taon na ang nakakalipas. Si Donya Victorina ay naghanap ng bakas sa tubig, habang sinabi naman ni Padre Sibyla na nagkasama na ang bangkay ng mag-ama. Ito umano ang murang libing, dagdag pa ni Ben Zayb.

Tahimik na nag-iisip si Simoun, na inakala ni Ben Zayb na nahilo sa paglalakbay.

Si Kabesang Tales

Matanda na si Tandang Selo, ang umampon kay Basilio sa gubat. Hindi na siya nanghuhuli ng hayop at nagpuputol ng kahoy. Ang kaniyang anak na si Tales (palayaw ng Telesforo), ay umunlad dahil sa kaniyang kasipagan. Nagsimula siya bilang kasama sa isang namumuhunan, hanggang magkaroon ng sariling kalabaw at taniman. Hinawan niya at lininis ang gubat sa labas ng bayan, sa pag-aakalang walang nagmamay-ari rito. Habang nililinis ang gubat, isa isang nagkasakit ang kaniyang pamilya, hanggang sa mamatay ang asawa at pangay na anak na si Lucia. Nang aanihin na niya ang unang tanim, biglang inangkin ng isang "korporasyon" ng mga prayle ang kaniyang lupain. Hinayaan siyang mangasiwa sa lupain kapalit ng pagbabayad ng kaunting halaga.

Sumunod si Tales sa kagustuhan ng prayle. Nagtayo siya ng isang bahay na tabla sa nayon ng Sapang sa bayan ng Tiani na kalapit ng San Diego. Noong sumunod na taon, naging mabuti rin ang ani ni Tales. Kasabay nito ay tinaasan ng mga prayle ang upa. Binalak rin nila na pag-aralin ang dalawang anak, lalo na si Juliana o Huli.

Bago pa man mangyari ito, nahalal bilang kabesa si Tales at tinawag na Kabesang Tales. Para hindi makagalit ang kura at ang pamahalaan, pinapaluwalan ni Tales ang mga kulang sa kaniyang mga kailangan singilin, at ipinagbabayad ang mga namamatay o umaalis sa kanilang bayan.

Habang tumatagal, pataas nang pataas ang halaga na sinisingil sa kaniya ng mga prayle para sa lupa. Nang umabot na sa P200 ang upa, tumutol na si Tales, ngunit sinabi sa kaniya ng prayle na kung hindi siya magbabayad ay iba na ang magtatanim sa lupain.

Inakala ni Tales na nagbibiro ang prayle ngunit itinuro nito ang isa sa mga alila nito na siyang kukuha ng lupa. Nagmatigas si Tales, at ginamit ang lahat ng naipon para makakuha ng abogado. Walang maipakitang kasulatan ang mga prayle ng pagmamay-ari nila ang lupain.

Binantayan din ni Tales ang kaniyang lupain gamit ang iba't ibang armas. Nang ipagbawal ang pagdadala ng baril, nagdala siya ng itak. Nang kunin ang itak sa kaniya, nagdala siya ng palakol. Hindi nagtagal ay dinukot siya ng mga tulisan at sinabihan ang pamilya na magbayad ng P500 kapalit ng kaniyang buhay.

Ipinagbili ni Huli lahat ng kaniyang mga hiyas maliban sa agnos na may brillante at esmeralda na bigay ni Basilio. Ngunit kulang pa ang kanilang perang pangtubos kay Kabesang Tales. Nakatagpo siya ng isang matandang nangakong ibibigay ang kulang na salapi kapalit ng kaniyang pagsisilbi. Walang nagawa si Huli kundi pumayag sa kasunduan. Balisa siya nang gabing iyon.

Ang Noche Buena ng Isang Kutsero

Nagpu-prusisyon na ng dumating si Basilio sa San Diego. Naantala ang kaniyang paglalakbay ng ilang oras dahil nahuli ng guardia sibil ang kutsero na nakalimot magdala ng sedula at dinala sa kuwartel.

Muling napigil ang kalesa para paraanin ang prusisyon. Kasama sa mga dumaan ang mga imahen nina Matusalem, ang tatlong Haring Mago, ni San Jose at ng Birheng Maria. Natapos ang prusisyon, at napuna naman ng mga guardia sibil na walang ilaw ang parol ng karitela. Muling naparusahan ang kutserong si Sinong. Nagdesisyon si Basilio na maglakad na lamang.

Tanging ang bahay ni Kapitan Basilio ang kinakitaan ng kasiyahan sa mga nadaanan ni Basilio. May mga manok na kinakatay, kasabay ng tunog ng wari'y pagtatadtad ng karne at sagitsit ng mantika sa kawali. May handaan sa bahay at umaabot sa lansangan ang amoy ng ginisa.

Sa loob ng bahay ni Kapitan Basilio ay naroon ang kura, ang alperes ng guardia sibil at ang mag-aalahas na si Simoun.

Naisip ni Basilio na kahanga-hangang tao si Simoun na kayang makapangalakal sa lahat ng lugar.

Tumuloy siya sa bahay ni Kapitan Tiago, kung saan ibinalita sa kaniya ng matandang katiwala ang mga nangyari sa bayan habang wala siya. Namatay na umano ang matandang bantay sa gubat. Ibinalita rin niya ang pagkabihag kay Kabesang Tales. Natigilan si Basilio at nawalan ng ganang kumain.

Si Basilio

Palihim na pumunta sa gubat si Basilio pagsapit ng hatinggabi. Dinalaw niya ang lugar kung saan niya inilibing ang kaniyang inang si Sisa labingtatlong taon na ang nakakalipas. Ipinagdasal niya ang kaniyang kaluluwa. Naalala rin niya ang lalaking dumating nang gabing iyon at tumulong sa kaniya na ilibing ang kaniyang ina.

Lumuwas siya ng Maynila matapos ang pagkamatay ng ina. Dahil ulila at hirap sa buhay, ninais ni Basilio na magpasagasa na sa karuwahe. Dito niya nakita si Kapitan Tiago at Tiya Isabel na kakatapos lamang ihatid sa beaterio si Maria Clara. Tinanggap siya bilang utusan ni Kapitan Tiyago at pinag-aral sa San Juan de Letran.

Sa kaniyang unang taon ng pag-aaral, nilayuan siya ng kaniyang mga kaklase dahil sa kaniyang gayak. Tanging ang kaniyang pangalan at ang salitang "adsum" ang kaniyang sinabi sa loob ng walong buwan ng pag-aaral. Sa kabila nito, sinasaulo niya ang leksiyon at nakapasa sa klase.

Sa kaniyang ikalawang taon, binilhan siya ng sapatos at sombrero ni Kapitan Tiyago dahil nanalo ang manok nito. Naging mas maayos ang kaniyang pananamit dahil sa mga ibinibigay na damit ni Kapitan Tiyago. Ngunit hanggang doon na lamang ang pagbabago kay Basilio, dahil hindi pa rin siya napapansin ng mga guro.

Sa kaniyang ikatlong taon, tinanong siya ng isa niyang propesor na nais siyang ipahiya at pagtawanan. Pero dahil marunong nang magsalita ng Kastila si Basilio, nakasagot siya nang maayos at hindi na ulit siya tinanong pa buong taon.

Nawalan na ng gana sa pag-aaral si Basilio nang dumating siya sa kaniyang ikaapat na taon. Pero nakilala niya ang isang guro na habang naglilibot ay naka-away ang ilang cadete. Nangako ang guro na kung sino man ang makikipaglaban ay bibigyan ng mataas na grado. Nagwagi sa labanan si Basilio at nakilala sa klase. Nakakuha siya ng mga medalya at gradong sobresaliente.

Dahil sa pagkamuhi ni Kapitan Tiago sa mga prayle, pinalipat niya si Basilio sa Ateneo Municipal. Malaki ang natutunan ni Basilio, at ipinagmamalaki ng kaniyang mga propesor. Nag-aral siya ng medisina, at dahil sa pagsisikap ay nagsimula nang manggamot nang siya ay nasa ikatlong taon.

Kasalukuyan siyang nasa kaniyang huling taon ng pag-aaral. Maraming plano si Basilio kapag siya ay isa nang ganap na doktor. Uuwi siya sa kaniyang bayan, papakasalan si Huli at mamumuhay nang masaya.

Si Simoun

Naiisip ni Basilio ang kaniyang naging buhay at ang kaniyang mga plano nang dumalaw siya sa libingan ng kaniyang ina. Pabalik na sana siya sa bayan nang makakita ng ilaw at makarinig ng kaluskos. Bagama't hindi mapamahiin, naalala ni Basilio ang alamat sa gubat at siya ay nakaramdam ng takot.

Namukhaan ni Basilio ang lalaking nasa gubat: ang mag-aalahas na si Simoun. Nakita niyang naghuhukay ito, at dahil hindi suot ang kaniyang salamin, nakita ni Basilio na ito rin ang lalaking tumulong sa kaniyang ilibing ang kaniyang ina labingtatlong taon na ang nakakalipas. Napaisip siya kung sino sa dalawang lalaking kaniyang nakita si Ibarra, ang tagapagmana ng gubat.

Habang pinagmamasdan si Simoun, napansin ni Basilio na wala na ang dating lakas nito. Nagdesisyon siyang kausapin ito at alukin ng tulong. Gulat na tumayo si Simoun na akmang may kukuhanin sa kaniyang bulsa.

Ipinaliwanag ni Basilio na siya ang batang tinulungan ni Simoun labintatlong taon na ang nakakalipas at nais lamang niyang tumanaw ng utang na loob. Hawak ang kaniyang rebolber, tinanong ni Simoun si Basilio kung sino siya sa palagay nito. Sumagot si Basilio na si Simoun ay isang taong kaniyang lubos na iginagalang. Sumagot si Simoun na nakakabatid si Basilio ng isang lihim na maari niyang ikapahamak. Sinabi rin niya na hindi niya papatayin si Basilio dahil kapwa sila biktima ng mga mali sa lipunan.

Isinalaysay ni Simoun ang kaniyang naging buhay matapos ang huli nilang pagkikita ni Basilio. Sinabi niyang bumalik siya sa Pilipinas para maghiganti. Gamit ang kaniyang yaman, sinadya niyang mas palalain ang pang-aabuso sa mga tao hanggang sa sila ay maghimagsik.

Nabanggit din ni Simoun ang tungkol sa balak ng mga mag-aaral na pagtatayo ng paaralan para sa wikang Kastila. Aniya, ito ay magiging daan lamang para maging bayang walang sariling pagkukuro at walang kalayaan ang Pilipinas. Sumagot si Basilio na kung matututo ng Kastila ang mas maraming Pilipino, ito ang magiging wikang magbubuklod sa Pilipinas, bagay na pinabulaanan ni Simoun.

Nagpatuloy si Simoun sa pagbatikos sa plano ng mga mag-aaral at sinabing isa itong pag-aaksaya ng panahon. Sinabi pa niyang nauna na niyang binalak na patayin na lamang ang mga ito.

Sumagot si Basilio na lumagda lamang siya sa kahilingan para sa pagtatayo ng paaralan dahil naniniwala siyang magkakaroon ito ng mabuting epekto sa bansa, pero mas nakatuon ang kaniyang pansin sa panggagamot.

Nagpatuloy sa pag-uusap ang dalawa. Sinabi ni Basilio na hangad niya ang kinabukasan na wala nang mga mang-aalipin at napaalipin. Sumagot naman si Simoun na kailangan munang lumaya ang mga tao bago umunlad.

Kinutya rin ni Simoun ang pagtangis ni Basilio sa bangkay ng kaniyang ina. Sinabi naman ni Basilio na hindi na maibabalik ang buhay ng kaniyang ina at kapatid kahit pa siya ay maghiganti.

Sa huli, sinabi ni Simoun kay Basilio na naniniwala itong hindi ibubunyag ng binata ang kaniyang lihim, lalo na't mas paniniwalaan siya kaysa rito. Sa kabila ng kanilang pagkakaiba, sinabi rin ni Simoun na handa siyang tulungan si Basilio sa oras na magbago ang isip nito.

Nagpaalam na si Basilio. Sa kaniyang pag-alis, inisip ni Simoun kung totoong walang balak na maghiganti si Basilio, o inililihim lamang nito ang kaniyang mga plano.

Maligayang Pasko

Maagang gumising si Huli sa araw ng Pasko sa pag-asang maghihimala ang Birhen, ngunit hindi ito nangyari. Hindi nadagdagan ang perang pangtubos kay Kabesang Tales. Wala na siyang magawa kundi mag-ayos ng gamit at pumunta sa kaniyang bagong pagsisilbihan. Kinuha niya ang agnos na bigay ni Basilio at hinagkan ito.

Nagpaalam si Huli kay Tandang Selo, na binigyan siya ng bendisyon. Nagbiro pa si Huli na sabihin umanong nakapasok na siya sa kolehiyo kapag umuwi na si Kabesang Tales.

Mag-isang pinagmasdan ni Tandang Selo ang mga dumadaan na papunta sa simbahan. Nakagayak ang mga bata na isinama ng kanilang mga magulang sa pagsimba. Nakaugalian na rin na mamasko ang mga bata sa kanilang mga kamag-anak pagkatapos ng misa. Nalungkot so Tandang Selo na wala man lang siyang maiaabot na aguinaldo sa kaniyang mga kamag-anak.

Nang dumating ang kanilang mga kamag-anak, ikinagulat nila na hindi na nakakapagsalita si Tandang Selo.

Si Pilato

Umabot sa bayan ang balita tungkol sa sinapit ni Tandang Selo. Ang ilan ay naawa habang ang iba naman ay kinibit na lamang ang kanilang balikat. Wala umanong may kasalanan at walang pwedeng sisihin sa nangyari.

Ayon tenyente ng guardia sibil, tumanggap lamang siya ng utos na samsamin ang lahat ng armas, at tinupad lamang ang kaniyang tungkulin. Hinanap rin niya si Kabesang Tales nang bihagin ng mga tulisan, ngunit wala ni isa sa kaniyang mga hinuli ang nakapagsabi kung nasaan ang kabesa.

Kinibit rin ng bagong tagapamahala ng lupain ni Tales ang kaniyang balikat. Wala umano siyang kasalanan sa nangyari at kasalanan ito ng mga tulisan. Tumutupad lamang din siya sa kaniyang katungkulan. Kung hindi siya nagsumbong ay marahil hindi maglalabas ng kautusan na samsamin ang lahat ng armas. Ngunit ginawa niya iyon para protektahan ang sarili. Kung nanatili lamang si Kabesang Tales sa kaniyang bahay ay hindi ito mabibihag ng mga tulisan.

Para kay Hermana Penchang, nangyari ang mga ito sa pamilya ni Tandang Selo dahil sila ay makasalanan at hindi marunong magdasal.

Nanalo ang mga prayle sa kaso ni Kabesang Tales at sinamantala ang pagkabihag nito para ibigay ang lupain nito sa iba. Nakauwi na si Kabesang Tales at nalaman ang lahat ng nangyari sa kaniyang pamilya habang siya ay wala: ang kaniyang lupain ay ibinigay na sa iba; napipi ang kaniyang ama; ang kaniyang anak ay naglilingkod sa ibang tao; at may bagong utos na kailangan nilang umalis sa kanilang bahay. Umupo si Kabesang Tales sa tabi ng kaniyang ama at hindi rin nagsalita buong maghapon.

Kayamana't Karalitaan

Kinabukasan, dumating si Simoun sa bayan at nakituloy sa bahay ni Kabesang Tales. Nais sana ni Kabesang Tales na may maihandog kay Simoun, ngunit dala na ng mag-aalahas ang lahat ng pagkain at kakailanganin niya, pati na rin ang dalawang takba ng alahas.

Inilabas ni Simoun ang kaniyang rebolber at tinanong si Kabesang Tales kung sapat na itong proteksyon laban sa mga tulisan.

Unti-unting nagdatingan ang mga bibili ng alahas kay Simoun. Dumating sina Kapitan Basilio, na gagastos umano ng hindi bababa sa tatlong libo, at si Hermana Penchang na nakapangako ng isang singsing na brillante sa Birhen ng Antipolo. Inihanda ni Simoun ang kaniyang mga alahas.

Tinanong ni Simoun si Kabesang Tales kung wala itong ipagpapalit na alahas. Sinabi nito na naipagbili na ng kaniyang anak ang mga hiyas nito at wala nang halaga ang mga natira. Tinanong ni Sinang kung nasaan ang agnos ni Maria Clara, habang ipinapaliwanag kay Simoun ang itsura nito. Inalok ni Simoun ng P500 si Kabesang Tales, o kung ano man ang gusto nitong ipalit sa agnos. Pinag-isipang mabuti ni Kabesang Tales ang alok ng mag-aalahas. Inudyukan siya ng iba na ipagbili na ito, maliban kay Hermana Penchang, sa takot na tubusin na si Huli. Sinabi nito kay Kabesang Tales na ingatan ang agnos dahil hinuhulaang mamamatay na banal si Maria Clara. Ipinaalala rin nito na mas pinili ni Huli na manilbihan kaysa ipagbili ang agnos. Pinigilan ni Kabesang Tales ang sarili nang maalala ang anak. Sinabi niyang sasangguni muna siya kay Huli.

Ngunit nang lumabas siya ay nakita niya ang pamilyang bagong namamahala sa lupaing kaniyang pinaghirapan. Napuno ng galit si Kabesang Tales. Nakita rin niyang tila pinagtatawanan siya ng mga ito. Nalimot niya ang kaniyang gagawin at nagtung sa kaniyang bukirin.

Kinabukasan, nakita ni Simoun na wala na ang kaniyang rebolber. Nasa lalagyan nito ang agnos ni Maria Clara at isang sulat ni Kabesang Tales na humihingi ng paumanhin sa pagkuha niya ng rebolber. Iniwan niya ang agnos kapalit nito, at sinabing makikisama na siya sa mga tulisan. Pinayuhan rin niya si Simoun na huwag nang ipagpatuloy ang paglalakbay dahil hihingi sila ng malaking halaga kapag siya ay nabihag.

Dumating ang apat na guwardiya sibil na huhuli dapat kay Kabesang Tales, ngunit dahil wala ito sa bahay ay si Tandang Selo ang dinala.

May tatlong patayan na nangyari nang gabing iyon. Patay ang prayleng nangangasiwa sa hacienda maging ang bagong hahawak sa lupa ni Kabesang Tales. Pinatay din ang asawa nito. May naiwang papel na may nakasulat na "Tales" gamit ang dugo.

Los Baños

Nangaso ang Kapitan Heneral sa Bosoboso ngunit wala itong nahuling hayop. May kasama siyang banda sa kaniyang pangangaso. Dahil wala siyang nahuling kahit na anong hayop, agad na ipinag-utos ng Kapitan Heneral ang kanilang pagbalik sa Los Baños.

Noon ay ika-31 ng Disyembre. Nagyayang maglaro ng tresillo ang Kapitan Heneral habang naghihintay ng pananghalian. Nakita ito ng kaniyang mga kalaro bilang magandang pagkakataon para humingi ng mga pabor mula sa kanya. Kalaro ng Kapitan Heneral sina Padre Irene, Padre Sibyla at Padre Camorra. Lingid sa kaalaman ng mga naglalaro na ssadyang nagpapatalo sina Padre Sibyla at Padre Irene. Habang nagsusugal ay tinatapos rin ng Kapitan Heneral ang mga papeles na kaniyang dapat pirmahan at basahin.

Galit na tumayo mula sa sugalan si Padre Camorra dahil siya ay natalo. Isinalaysay niya kina Don Custodio, Padre Fernandez at sa mataas na kawani ang nangyari. Ipinatawag ng Kapitan Heneral si Simoun para pumalit kay Padre Camorra.

Nagtanong si Simoun kung ano ang kaniyang itataya sa laro. Sumagot si Padre Irene na itaya nito ang kaniyang mga brillante. Pumayag si Simoun at tinanong ang mga prayle kung ano ang kanilang itataya. Sumagot ang mga ito na wala silang maitataya, kaya sinabi ni Simoun na maari nilang itaya ang mga kawanggawa, panalangin at kabaitan. Sinabi rin ni Simoun sa Kapitan Heneral na kapalit ng mga brillante ay magbibigay ito ng mga kautusan ng pagkakabilanggo, pagpapatapon at iba pang parusa.

Tinanong ng mataas na kawani si Simoun kung ano ang makukuha niya sa mga ganitong kahilingan. Sumagot ang mag-aalahas na ito ay para linisin ang bayan at pawiin lahat ng masasamang budhi. Inakala ng mga kausap niya na masama pa rin ang loob ni Simoun sa mga tulisan, pero sinabi ng mag-aalahas na ang mga tulisan ang mga taong may karangalan sa bansa dahil sila ay kumikita ng ikabubuhay sa malinis na paraan, hindi katulad ng kaniyang mga kausap. Sinabi pa niyang mas masama ang mga tulisang bayan na tulad nila kaysa sa mga tulisan sa mga bundok at kaparangan.

Pinutol ng Kapitan Heneral ang usapan at sinabing kailangan na nilang pag-usapan ang mga mahahalagang bagay bago mananghalian. Kabilang sa mga pinagusapan ang pagbabawal sa mga "armas de salon". Nais itong ipagbawal ng Kapitan Heneral, ngunit tumutol dito ang mataas na kawani. Ang solusyon ni Simoun, limitahan ang sukat ng mga armas de salon para hindi kailanganing ipagbawal ang mga ito. Sumang-ayon ang lahat dito maliban sa mataas na kawani.

Sunod na pinag-usapan ang bahay paaralan na hinihingi ng guro sa Tiani. Tinutulan ng mga prayle ang kahilingang ito. Sinabi ni Padre Camorra na ang guro ay isang pilibustero, habang sinabi naman ni Padre Sibyla na maaring magturo kahit saan. Sinabi ng Kapitan Heneral na mas mabuting alisin ang guro dahil maraming kahilingan. Sinubukan ng mataas na kawani na tulungan ang guro pero hindi siya nagtagumpay; sinabi pa ng Kapitan Heneral na mula ngayon ay aalisin sa pwesto lahat ng dumaing.

Iminungkahi ni Don Custodio na gawing paaralan ang mga sabungan, lalo na't kapag Linggo at may pista lamang ito ginagamit. Hindi agad tinanggap ng Kapitan Heneral ang mungkahing ito at sinabing pag-iisipan muna.

Sunod na pinag-usapan ang kahilingan ng mga mag-aaral na magtayo ng paaralan para sa wikang Kastila. Nakinig na mabuti sa sasabihin ng Kapitan Heneral ang lahat nang nandoon dahil anim na buwan nang hinihintay ang magiging desisyon dito.

Sumang-ayon sa panukala ang mataas na kawani, habang tutol naman dito ang mga prayle, maliban kay Padre Fernandez, na nagsabing nararapat na payagan ang pagtatayo ng paaralan at mas mabuting gayahin ang pamamalakad ng mga Heswita, bagay na ikinagalit naman ni Padre Sibyla.

Pumasok ang kura ng Los Baños para sabihing handa na ang pagkain. Nagdesisyon ang Kapitan Heneral na ipagpabukas na ang pagdedesisyon sa paaralan at kumain na muna. Binulungan ng mataas na kawani ang Kapitan Heneral tungkol kay Tandang Selo at sinabi ang hiling ni Huli na mapalaya na ang matanda. Ipinag-utos nito na palayain na ang matanda.

Placido Penitente

Malungkot na naglalakad patungo sa Unibersidad ng Santo Tomas si Placido Penitente. Nais na nitong tumigil sa pag-aaral. Sumulat siya sa kaniyang ina tungkol dito ngunit sinabihan lamang siya ng ina na magtiis hanggang sa makuha ang kaniyang bachiller en artes.

Hindi maunawaan ng kaniyang mga kababayan sa Tanauan ang nais ni Placido na tumigil sa pag-aaral. Siya ang pinakamatalinong mag-aaral ni Padre Valerio roon. Wala siyang kasintahan at wala rin siyang bisyo; mayroon rin siyang salaping higit sa kailangan at mahusay ang mga damit, ngunit masama ang loob nito sa pagpasok at kinasusuklaman ang mga aklat.

Naglalakad si Placido sa liwasan ni Magallanes nang tapikin siya sa balikat ni Juanito Pelaez. Anak ng isang mestizong Kastila si Juanito, na palabiro at hindi nagseseryoso sa pag-aaral. Isinalaysay ni Juanito ang kaniyang pagpunta sa Tiani at pagsama kay Padre Camorra sa panghaharana sa mga magagandang dalaga sa lugar.

Matapos ito ay tinanong ni Juanito ang mga nangyari sa paaralan noong siya ay wala. Sinabi ni Placido na noong Lunes ay itinakda ang kanilang leksyon tungkol sa mga salamin. Inaya siya ni Juanito na huwag na lamang pumasok sa "ipit na araw" o ang araw sa pagitan ng dalawang pista. Nang makarating ang dalawa sa may Sto. Domingo, sinabi ni Juanito na siya ay naniningil para sa ambagan sa pagpapatayo ng isang monumento para sa Dominikong si Padre Baltazar. Nagbigay si Placido ng tatlong piso. Nagbigay pa siya ng dagdag na dalawang piso para sa pista sa kanilang propesor. Humingi pa ng dagdag na dalawang piso si Juanito para umano ipangganyak sa iba na magbigay ng kanilang ambag.

Nang malapit na sila sa unibersidad ay nakita nila si Isagani. Namutla at natigilan ito nang nakita si Paulita Gomez na sakay sa isang karwahe. Kasama ni Paulita ang kaniyang tiyahin na si Donya Victorina. Binati ng donya si Juanito Pelaez.

Nang papasok na sa unibersidad ay may isang mag-aaral na tumawag kay Placido at pinapapirma siya sa isang papel. Tinanong niya kung ano ang pipirmahan ngunit sinabihan siya na lumagda na lamang dito. SInabi niyang pagkatapos na lamang ng klase niya pipirmahan kung ano man iyon.

Nang dumating siya sa klase ay nasa letrang Q na ang tinatawag ng propesor. Nagdalawang isip siya kung papasok pa o hindi; pumapasok lamang siya para hindi siya mamarkahang wala sa klase. Nagdesisyon siyang pumasok pa rin sa klase. Pinatunog niya ang kaniyang sapatos sa pagkakataong makilala ng kaniyang propesor. Napuna siya ng kaniyang guro na lihim na nagbantang pagbabayarin niya si Placido sa kabastusan nito.

Ang Klase sa Pisika

Nasa loob na ng silid ang mga mag-aaral na nakaupo sa mga silya na naka-ayos sa tatlong baitang. Nasa isang sulok ng silid ang mesa ng propesor. Walang ano mang palamuti sa mga dingding. May mga kasangkapan sa pisika sa loob ng silid ngunit nakasusi ang mga ito sa aparador na may salamin. Hindi ginagamit sa klase ang mga gamit na ito, kundi ipinapakita lamang sa mga mag-aaral.

Si Padre Millon, ang propesor sa pisika, ay isang batang Dominikong bantog sa pagtuturo ng pilosopiya sa kolehiyo ng San Juan de Letran. Ito ang unang beses niyang magtuturo ng pisika. Una niyang tinanong ang isang mag-aaral na naghikab. Tumayo ito at sinabi ang kaniyang minemoryang leksyon. Pinigil siya ng propesor at tinanong kung maari bang maging salamin ang isang piraso ng kahoy o marmol. Naguluhan ang mag-aaral at ipinagpatuloy ang pagsasabi ng kaniyang minemoryang leksyon. Binulungan nito ni Juanito Pelaez, at lalo siyang nalito sa kaniyang isasagot.

Sunod na tinawag ng guro si Juanito. Tumayo ito at nagpabulong ng sagot kay Placido. Sa kakatapak nito sa paa ng kaklase ay napasigaw. Napansin ng propesor si Placido at pinatayo. Sinang-ayunan niya lahat ng sinabi ng propesor hanggang sa malito ito. Pinagalitan ng propesor si Placido. Nang tingnan ang listahan ng mga mag-aaral, sinabi ng propesor na mayroon nang labinlimang araw na hindi pumapasok si Placido. Kinuwestiyon ito ni Placido at sinabing tatlong araw pa lamang siyang hindi pumapasok. Sinabi ng propesor na dahil hindi siya madalas magbasa ng talaan ay limang marka ang inilalagay niya sa bawat araw na wala ang isang mag-aaral. Kung gayon, dalawampu't limang araw nang hindi pumapasok si Placido sa kaniyang klase. Nagkasagutan si Placido at ang propesor hanggang sa iniwan ni Placido ang kaniyang klase. Nagpatuloy sa pagsesermon ang propesor hanggang sa matapos ang klase.

Sa Bahay ng mga Mag-aaral

Malaki ang bahay na tinitirhan ng mag-aaral na si Makaraig. May dalawang patong na entresuelo na may magagawang salang bakal. Kapwa mga lalaking mag-aaral ang nakatira rito.

Si Makaraig ay isang mag-aaral ng abogasya. Mayaman siya at siya ang pinuno ng kilusan ng mga nagnanais na magtayo ng paaralan para sa pagtuturo ng wikang Kastila. Kasama niya sa kilusan sina Isagani, Sandoval, Pecson at Pelaez. Inimbitahan sila ni Makaraig upang pag-usapan ang kanilang plano. Nagpahayag ng paniniwala sina Sandoval at Isagani na pagbibigyan ang kanilang hiling, samantalang nag-aalinlangan naman si Pecson. Inilarawan si Sandoval bilang isang Kastilang may malasakit at pagpapahalaga sa mga Pilipino.

Ibinahagi ni Makaraig ang isang magandang balita. Aniya, si Padre Irene ang magtatanggol sa kanila mula sa mga tututol sa kanilang panukala. Kailangan ng grupo na makumbinsi si Don Custodio na suportahan sila, at naisip nila ang dalawang paraan para mangyari ito. Una, kakausapin nila si Ginoong Pasta na isang manananggol. Maari rin nilang kausapin si Pepay na mananayaw at kaibigan ni Don Custodio. Napagkasunduan ng grupo na kausapin muna si Ginoong Pasta.

Si Ginoong Pasta

Nagtungo si Isagani sa bahay ng abogadong si Ginoong Pasta. Kilala siya bilang isa sa mga natatangi ang talino sa Maynila, kaya't madalas pagtanungan ng mga prayle. Tinanggap ni Ginoong Pasta si Isagani sa kaniyang bahay at nagsimula silang mag-usap. Kinamusta ng abogado si Padre Florentino, at lumakas ang loob ng binata na magiging maayos ang kanilang usapan. Isinalaysay ni Isagani ang plano ng mga mag-aaral. Hindi nagsalita ang abogado bagama't alam na niya ang tungkol sa planong ito.

Bagama't nagpatuloy sa pakikinig si Ginoong Pasta, buo na ang kaniyang desisyon na huwag manghimasok sa usaping ito. Alam niya ang nangyari sa mga prayle at sa Kapitan Heneral sa Los Baños. Binalak niyang lituhin si Isagani. Hinangaan niya ang binata dahil sa talino nito.

Sa huli, pinayuhan ni Ginoong Pasta si Isagani na hayaan na lamang sa pamahalaan ang pagdedesisyon tungkol sa paaralan.

Ang Mga Kapighatian ng Isang Insik

Si Quiroga ay isang negosyanteng Intsik. Nais niya na makapagtatag ng konsulado ng Tsina sa Pilipinas. Naghandog siya ng isang hapunan, kung saan inimbita niya ang mga tanyag na panauhin, mga kilalang mangangalakal, mga prayle, mga militar, mga kawani ng pamahalaan, at ang kaniyang mga suki.

Dumating si Simoun sa hapunang iyon para singilin si Quiroga sa kaniyang utang na P9,000. Sinabi ni Quiroga na hindi siya makakabayad dahil nalulugi ang kaniyang negosyo. Inalok ni Simoun na babawasan niya ng P2,000 ang utang ni Quiroga kung papayag ito na itago sa kaniyang bodega ang mga armas na darating. Ayon pa kay Simoun, wala itong dapat ikatakot dahil unti-unting ililipat sa ibang bahay ang mga armas. Pagkatapos nito ay magkakaroon ng pagsisiyasat at marami ang mabibilanggo. Sila rin ang mag-aayos sa pagpapalaya sa mga ito at kikita sila. Sa kabila ng takot ni Quiroga sa armas, napilitan siyang pumayag sa alok ni Simoun.

Samantala, pinag-uusapan ng pangkat ni Don Custodio ang tungkol sa komisyong ipapadala sa India para pag-aralan ng paggawa ng sapatos para sa mga sundalo. Ang grupo naman ng mga prayle ay nag-uusap tungkol sa ulong nagsasalita sa perya sa Quiapo. Nagdesisyon silang puntahan ang nasabing palabas.

Ang Perya sa Quiapo

Punong-puno ng mga panoorin at manonood ang perya. Nagtungo ang mga panauhin mula sa bahay ni Quiroga sa kubol ni Mr. Leeds kung saan makikita ang nagsasalitang ulo. Tuwang-tuwa si Padre Camorra sa mga nakikitang magagandang dalaga sa perya. Nakasalubong rin niya si Paulita na kasama si Isagani at si Donya Victorina. Ninais nitong maging kura ng Quiapo. Si Isagani naman ay naiinis sa bawat makikitang tumititig kay Paulita.

Pumasok sa isang tindahan ng mga tau-tauhang kahoy sina Padre Camorra. Itinuro nila ang mga tau-tauhan na may kahawig sa kanila. Ang isa umano ay kahawig ni Ben Zayb, habang ang isa naman ay kahawig ni Padre Camorra. May nakita silang kuwadrong tanso na may babaeng pisak ang mata, gula-gulanit ang damit, nakalupasay at namimirinsa ng lumang damit. Ayon kay Padre Camorra, isang hangal ang umisip sa larawang iyon. Ayon aman kay Ben Zayb, may pamagat itong La Prensa Filipina, o ang prinsang ginagamit sa Pilipinas. May isa ring larawan ng lalaking nakagapos at may kasamang mga guardia sibil. May pamagat itong Ang Lupain ng Abaka. Pinagtawanan rin ng dalawa ang larawang ito.

May nakita ang dalawa na larawan na kahawig ni Simoun. Hinanap nila ang mag-aalahas ngunit hindi nila ito nakita. Ayon kay Padre Camorra, marahil ay natakot ito na pagbayarin nila ng pagpasok sa palabas ni Mr. Leeds. Ayon naman kay Ben Zayb, baka natakot ito na matuklasan nila ang lihim ng kaibigang si Mr. Leeds.

Ang Mga Kadayaan

Sinalubong ni Mr. Leeds ang mga panauhin sa kanyang perya. Bago nagsimula ang palabas, nagsiyasat si Ben Zayb para makita ang salamin na kaniyang inaasahang makita. Wala siyang nakitang salamin.

Pumasok si Mr. Leeds sa isang pinto at bumalik na may dalang kahong kahoy. Ipinaliwanag niyang natagpuan niya ito sa isang libingang nasa-piramid ni Khufu, isang paraon ng Ehipto. Ang kahon ay may lamang abo at kapirasong papiro na kinasusulatan ng dalawang salita. Sa pamamagitan ngpagbigkas ng unang salita ang abo ay nabubuhay at nakakausa pang isang ulo at sa pagbanggit ng ikalawang salita ay babalik ito sa dating kinalalagyan nito.

Bumigkas ng isang salita si Mr. Leeds, lumabas ang isang ulo at sinabi nitong siya si Imuthis. Isinalaysay niya ang kaniyang buhay. Ayon kay Imuthis, siya ay umuwi sa sariling bayan pagkatapos ng pag-aaral at mahabang paglalakbay. Sa kanyang pagdaraan sa Babilonia ay nabatid niya ang isang lihim na hindi ang tunay na Smerdis ang namamahala doon kundi si Gaumata, isang magnanakaw ng kapangyarihan at namamahala sa tulong ng pandaraya. Sa katakutang isumbong siya kay Cambises ay binalak ang ikakasawi ni Imuthus sa tulong ng mga saserdoteng Taga-Ehipto na siyang nakapangyayari noon sa kanilang bayan. Siya ay umibig sa isang anak ng pari at naging kaagaw niya rito ang pari sa Abidos. Nagpanukala ang pari ng kaguluhan at siya ang sinangkalan. Isinakdal siya at napiit, tumakas at napatay. Ayon sa ulo siya ay nabuhay muli upang ihayag ang gayong kataksilan. Titig na titig kay Padre Salvi ang espinghe habang nagsasalita ito. Dahil sa takot hinimatay ang prayle.

Kinabukasan nagpalabas ng utos ang gobernador na nagbabawal sa palabas ngunit wala na si Mr. Leeds, nagtungo ito sa Hong Kong dala ang kanyang lihim.

Ang Mitsa

Galit na galit na umalis sa klase si Placido Penitente. Hindi na siya ang dating mapagtimping mag-aaral. Nais niyang maghiganti, na tila ibinubulong ng kaniyang budhi na patunayang isa siyang matapang at maginoong taga-Batangas.

Nakita niyang nagdaan ang isang sasakyang lulan sina Padre Sibyla at Don Custodio. Dahil sa galit, naisipan niyang habulin ang kura at ihagis sa ilog. Nagpatuloy siya ng paglalakad hanggang Escolta, kung saan muntik na niyang suntukin ang dalawang Agustinong nakaupo sa pintuan ng tindahan ni Quiroga. May nakita siyang dalawang kadete at sinagasa niya ang mga ito. Tumabi ang mga kadete.

Inabutan ni Placido sa bahay na kaniyang tinutuluyan ang kaniyang inang si Kabesang Andang. Kararating nito mula Batangas. Agad na sinabi ni Placido sa kaniyang ina na hindi na siya mag-aaral. Ikinalungkot ito ng ina at nakiusap sa anak. Nagpaalam si Placido at inikot ang Sibakong, Tondo, San Nicolas at Sto. Kristo. Mainit pa rin ang kaniyang ulo pero nagugtom na siya kaya naisipan na niyang umuwi. Inakala niya na wala na sa kaniyang tinutuluyan ang ina ngunit naroon pa rin ito at naghihintay.

Ayon kay Kabesang Andang, ipapakiusap niya sa prokurador ng Agustino na ayusin ang suliranin ni Placido sa mga Dominiko. Tumanggi si Placido at sinabing tatalon na lamang siya sa Ilog Pasig o sasali sa mga tulisan imbes na mag-aral muli. Nagsermon ulit ang ina tungkol sa pagtitiis. Bagama't hindi pa kumakain, muling umalis si Placido at nagtungo sa daungan ng mga bapor. Inisip niya na pumuntang Hongkong at magpayaman para kalabanin ang mga prayle.

Ginabi na sa paglalakad si Placido. Wala siyang nakitang kaibigan. Nagtungo siya sa perya kung saan niya nakita si Simoun. Isinalaysay niya ang nangyari sa kaniya at ang nais na magpunta sa Hongkong. Nagpatulong siya sa mag-aalahas. Isinama ni Simoun si Placido sa kaniyang karuwahe. Matapos ang ilang minuto, pinatigil ni Simoun ang sasakyan at bumaba sila ni Placido. Nakita nila sina Isagani at Paulita na namamasyal. Naiinggit si Placido, at kinainisan sina Simoun at Isagani. Nagpatuloy sa paglalakad ang dalawa hanggang makarating sa bahay na pagawaan ng pulbura. Inutusan ni Simoun ang tagapangasiwa ng pagawaan, na dating guro sa San Diego, na makipagkita sa tenyente at kabo ng mga militar, pati na kay Kabesang Tales. Sinabi ng guro na hindi pa sila handa, ngunit sumagot si Simoun na sapat na ang kanilang paghahanda. Kung ipagpapaliban pa ay baka patay na si Maria Clara.

Dalawang oras na nag-usap sina Placido at Simoun bago umuwi ang binata sa kaniyang tinutuluyang bahay.

Nang mag-isa na lamang si Simoun ay nag-isip siya. Binagabag ang kaniyang kalooban dahil bahagi siya ng kabulukang nais niyang puksain. Waring nakita niya ang anyo ng kaniyang ama at ni Elias na tila tumututol sa kaniyang ginagawa. Pinilit ni Simoun na mawala sa kaniyang isip ang ama at ang kaibigan. Aniya, gumawa siya ng masama upang mabigyang daan ang mabuti. Nilalagnat noon si Simoun.

Kinabukasan, nakinig nang mabuti si Placido sa pangaral ng ina. Hindi rin siya tumutol sa mungkahi nito. Pinayuhan niya ang ina na bumalik na sa lalawigan.

Si Don Custodio

Si Don Custodio ang pinagkatiwalaan na lumutas sa suliranin sa usapin ukol sa akademya ng wikang Kastila na ipinanukala ng mga mag-aaral.

Si Don Custoduio de Salazar y Sanchez de Monteredondo, kilala rin sa tawag na "Buena Tinta", ay bahagi ng lipununa sa Maynila na hindi nakakikilos ng isang hakbang na hindi sinasabitan ng libo-libong bansag. Ang tawag na "Buena Tinta" ay mula sa kaniyang pakikipagkaibigan kay Ben Zayb. Siya ay nakapag-asawa ng mayaman at sa pamamagitan nito ay nakipagnegosyo siya kahit may kakulangan sa kaalaman, siya ay may hinahawakang mga tungkulin at pinupuri dahil sa kasipagan.

Nang bumalik siya sa Espanya, walang pumansin sa kaniya dahil sa kaniyang kakulangan sa pinag-aralan. Wala pang isang taon ay bumalik na siya sa Pilipinas at nagmagaling sa mga Pilipino sa kaniyang kunwaring magagandang karanasan sa Madrid.

Naniniwala si Don Custodio na may mga ipinanganak para mag-utos at mayroon ring ipinanganak para sumunod. Ang mga Pilipino ay ipinanganak para maging utusan, kaya't kailangang palaging pagsabihang dito lamang sila nararapat.

Bumuo ng pasiya si Don Custodio hinggil sa akademya sa loob ng labinlimang araw at handa na siyang ipaalam ito sa lahat.

Ang Anyo ng Taga-Maynila

Nang gabing iyon ay may pagtatanghal sa teatro "Variedades". Isang samahan ng mga operang pranses sa pangunguna ni Mr. Jouy ang magtatanghal ng "Les Cloches de Corneville" at ipapamalas sa madlang manonood ang kaniyang piling troupe. Kasama sa magtatanghal ang mga aktres na may magagandang tinig at magandang anyo. Dahil bantog ang palabas, agad na naubos ang tiket at mahabang-mahaba ang hanay ng nagsipasok sa teatro.

Isang Kastila ang tila hindi nag-aasam na makapasok sa teatro. Siya si Camaroncocido, na tinawag na ganito dahil sa kulay ng kaniyang mukha. Anyong pulubi ito dahil sa kaniyang payat at mabutong katawan at lumang damit. Nilapitan siya ng isang matandang lalaki, si Tiyo Kiko. Ipinakita niya kay Camaroncocido ang mga mamisong Mehikano na kinita niya sa pagdidikit ng mga paskil. Anim na piso ang kinita ni Tiyo Kiko. Ani Camaroncocido, kung kumita ka ng anim na piso, magkano naman kaya ang ibinigay sa mga prayle?

Nahati ang mga taga-Maynila dahil sa palabas. May mga tumutol dito dahil masagwa at imoral ang palabas, tulad ni Don Custodio at ang mga prayle. Samantala, ipinagtanggol ito ng mga pinuno ng mga hukbo, mga marino, mga kawani, at iba pang matataas na tao. Tutol rin sa palabas ang mga babaeng may asawa o kasintahan, habang pabor naman dito ang mga walang asawa. Lumaganap ang mga bulong-bulungan at kasamang nababanggit ang Kapitan Heneral, si Simoun, Quiroga at ang mga artista.

Ayon kay Camaroncocido, kalahati sa mga pumasok sa teatro ay manonood dahil sinabi ng mga prayle na huwag manood. Mabuti ang mga paskil, ngunit higit na mabisang panghikayat sa mga tao ang pagbabawal ng mga pari.

Nang makaalis si Tiyo Kiko ay napansin ni Camaroncocido ang mga taong tila hindi sanay magsuot ng amerikana at parang umiiwas mapuna. Isang kagawad ng hukbo ang kumausap sa mga hindi kilalang tao. Pagkatapos ay lumapit ang kagawad sa karwahe at nakipag-usap sa sakay nito na si Simoun. May narinig si Camaroncocido: "Ang hudyat ay isang putok". Umalis ang karwahe.

Nagpatuloy sa paglalakad si Camaroncocido. May dalawang tao siyang narinig na nag-uusap. Ayon sa isang may hawak na rosaryo at kalmen: "Ang mga prayle ay malakas pa kay sa Heneral, huwag kang mangmang; ito'y aalis, at ang mga prayle's maiiwan. Magawa lamang nating mabuti ay yayaman tayo. Ang palatandaan ay isang putok."

Sa labas ng dulaan ay naroon si Tadeo at isang kababayang baguhan sa lungsod. Niloloko nito ang kababayan sa pagsasabi ng mga kahanga-hangang kasinungalingan. Sinasabi niyang mga kaibigan at kakilala niya ang mga taong nagdaraan kahit na hindi ito totoo. Dumating sina Paulita Gomez at Donya Victorina. Dumating rin si Padre Irene na nakilala ni Tadeo sa kabila ng balatkayo nito. Dumating rin si Don Custodio.

Nilapitan ni Tadeo sina Makaraig, Pecson, Sandoval at Isagani. May sobrang tiket ang mga ito dahil hindi sumama si Basilio, at inialok nila ito kay Tadeo. Agad na sumama si Tadeo at iniwan ang kaniyang kababayan.

Ang Palabas

Mahigit isang oras na ay hindi pa nagsisimula ang palabas dahil wala pa ang Kapitan Heneral. Maingay sa loob ng dulaan. May nagsisipadyak ng baston at sumisigaw na buksan na ang tabing. May mga artilyero na pabastos na humahanga sa mga babae. Maraming nag-uusap at marami ring pagtatalo. May isang ayaw umalis sa puwestong hindi sa kaniya at ayaw ibigay iyon sa may-aring si Don Primitivo. Hindi ito napakiusapan ng tagapamahahala. Nagsigawan ang mga artilyero. Hindi nangahas ang mga tanod na paalisin ang nasa upuan ni Don Primitivo dahil ito ay may mataas na katungkulan sa pamahalaan.

Dumating ang Heneral at tumugtog ang marcha real. Si Pepay ay nasa isang palko na handog ni makaraig. Katapt ito ng palko ng mga mag-aaral. Tinipan ni Pepay si Don Custodio, kaya dumalo ito kahit labag sa kaniyang kalooban. Masaya si Pepay, gayundin ang mga mag-aaral, pati na si Pecson. Tanging si Isagani lamang ang hindi masaya dahil nakita niyang kasama ng kasintahang si Paulita ang kaniyang karibal na si Juanito Pelaez.

Nagsimula na ang palabas. Umawit si Gertrude na isang Pransesa. Nagpumilit si Tadeo na isalin sa Kastila ang mga salitang Pranses. Gayundin ang ginawa ni Juanito Pelaez kina Paulita at Donya Victorina, kahit na mali mali ang kaniyang sinasabi. Umawit ang isa pang aktres na si Serpolette. May pumalakpak mula sa mga manonood. Nakilala ni Tadeo na ang nakabalatkayong si Padre Irene ang pumalakpak. Pinag-espiya ito ni Padre Salvi para malaman kung totoong masama ang palabas. Nakilala ni Serpolette ang prayle, at magkakilala pala ang dalawa sa Europa pa.

Isang babae ang dumating na kasama ang asawa. Ipinagmalaki ang pagdating niya nang huli sa lahat. Nang makitang may bakanteng palko ay inaway ng ginang ang asawa. Sinutsutan siya ng mga tao.

Si Juanito ay nagpapanggap na maalam sa Pranses. Nakikitawa siya kapag tumatawa ang mga tao. Kapag nagsiungol o nagsiubo ang iba ay napapailing siya. Humanga sa kanya si Donya Victorina at ninais na pakasalan ang binatang kuba kapag namatay na ang kaniyang asawang si Don Tiburcio.

Sinasal ng ubo si Juanito at sinigawan ito. Nais awayin ni Juanito ang sumigaw sa kanya, pero nakilalang si Don Custodio iyon. Natakot ang binata, at sinabing kung hindi lamang niya kasama si Paulita ay inaway na niya ang don. Lalong humanga si Donya Victorina kay Juanito.

Napag-usapan ang hindi pagdalo ni Simoun sa palabas. Ang mga mag-aaral naman ay nagtatalo tungkol sa kagandahan at kapintasan ng wikang Pranses. Dumating si Makaraig mula kay Pepay. Malungkot ang binata. Nag-usisa ang ibang mga mag-aaral, at sinabi ni Makaraig na napagpasiyahan na ang tungkol sa paaralan ayon kay Padre Irene. Sinang-ayunan ang pagtatayo ng paaralan pero mapapasailalim ito ng pangangasiwa ng mga Dominikano ng Unibersidad ng Santo Tomas.

Dagdag pa ni Makaraig, pinayuhan sila ni Padre Irene na ipagdiwang ng mga mag-aaral ang "tagumpay" nila. nagdesisyon sila na magdiwang sa isang pansiterya ng mga Intsik. Umalis ang grupo bago pa man magsimula ang ikalawang bahagi ng palabas.

Isang Bangkay

Nang ikapito ng gabi, umalis at dumating si Simoun sa bahay na may iba't ibang taong kasama. Nakita siya ni Makaraig sa may daang Ospital bandang ikawalo ng gabi, malapit sa kumbento ng Santa Clara. Nakita naman siya ni Camaroncocido sa may dulaan bago mag-ikasiyam ng gabi na may kausap na tila mag-aaral.

Hindi rin nanood ng palabas si Basilio dahil nag-aaral siya sa bahay. Hindi na siya nagsasama sa mga kamag-aral mula nang tubusin si Huli sa pagka-alila. Pinag-aaralan niyang mabuti ang pagpapagaling kay Kapitan Tiyago na noon ay lalong naging mahirap pakibagayan. Minsan ay mahal na mahal nito si Basilio at minsan naman ay nilalait ito. Pabigat nang pabigat ang karamdaman nito. Binabawasan ni Basilio ang paghithit ng opyo ni Kapitan Tiago, ngunit may nagbibigay ng labis na opyo rito kapag wala si Basilio.

Habang nag-aaral si Basilio ay biglang dumating si Simoun. Ito ang kanilang unang pagkikita mula nang magkita sa San Diego. Kinumusta ni Simoun si Kapitan Tiyago. Sumagot si Basilio na malala na ito at kumalat na ang lason sa katawan. Tulad ng Pilipinas, ani Simoun.

Hinimok ni Simoun si Basilio na makiisa sa himagsikan laban sa pamahalaang Kastila dahil ang hindi kakampi sa kanila ay ituturing na kaaway. Si Basilio ang inatasan ni Simoun na magtakas kay Maria Clara mula sa kumbento habang nagkakagulo sa buong lungsod.

Ngunit sumagot si Basilio na huli na ang lahat dahil patay na si Maria Clara. Naroon siya sa kumbento para makibalita kaya nila nalaman ito. Nang bumalik siya, nakita niya ang liham na ipinadala ni Padre Salvi kay padre Irene para kay Kapitan Tiago, na tumangin matapos malamang patay na si Maria Clara.

Litong-litong nanaog ng bahay si Simoun. Nawala sa pag-aaral si Basilio, at naisip ang kahabag-habag na buhay nina Ibarra at Maria Clara.

Mga Pangarap

Kinabukasan, nagkasundong magkita sina Paulita Gomnez at Isagani. Sigurado ang binata na pag-uusapan nila ang mga nangyari sa dulaan. Binanggit ni Paulita ang pagtingin ni Isagani sa mga Pransesa sa palabas. Binanggit naman ni Isagani ang pagsama ni Paulita kay Juanito Pelaez. Sinabi ng dalaga na kaya siya sumama kay Juanito ay para magkita sila ni Isagani. Si Donya Victorina umano ang may gusto kay Juanito.

Nagkapalitan ng mga plano ang magkasintahan. Ayon kay Isagani, nais niyang mahirahan sa nayon. Ito umano ang kaniyang pinakamamahal, ang tangi niya kaligayahan bago niya nakilala si Paulita. Ngunit nang nakilala niya si Paulita, saka niya naramdamang may kulang sa kaniya sa bayang iyon, at tiyak siyang si Paulita ang makakapuno sa kakulangang iyon.

Sumagot naman si Paulita na ayaw niyang manirahan sa nayon. Ayaw niyang magdaan sa mga bundok at nais niyang maglakbay sa pamamagitan ng tren.

Itinanong ni Donya Victorina kay Isagani ang tungkol sa paghahanap nito kay Don Tiburcio. Ikinaila ni Isagani na alam niya ang kinaroroonan ng don, na nagtatago sa bahay ng amain niyang si Padre Florentino. Sinabi ni Donya Victorina na nais niyang mag-asawa muli. Tinanong niya si Isagani sa opinyon nito kung papakasalan niya si Juanito Pelaez. Pinuri naman ni Isagani si Juanito. Pinagbigyan ng donya na mag-usap sina Isagani at Paulita. Kung magkatuluyan man si Paulita at Isagani, sa kaniya mapupunta si Juanito.

Tawanan at Iyakan

Ginanap ang pagdiriwang ng mga mag-aaral sa Panciteria Macanista De Buen Gusto. Labing-apat lahat ang mga estudyanteng dumalo, kasama si Sandoval. Pinakyaw nila lahat ng mesa sa pansiterya. May paskin sa loob ng pansiterya na may nakasulat na: "Lumuwalhati si Custodio dahil sa kaniyang mga kaliksihan at pansit sa lupa sa mga binatang may mabubuting kalooban!"

Matatalim ang mga salita ng mga mag-aaral. Naghahalakhakan sila at may tunog ng paghihinakit.

Dumating si Isagani. Tanging si Juanito Pelaez na lamang ang kulang sa pagdiriwang. Ayon kay Tadeo, sana ay si Basilio na lamang ang kanilang inanyayahan sa halip na si Pelaez. Malalasing pa umano sana nila si Basilio para ipagtapat ang mga lihim tungkol sa nawawalang bata at sa isang mongha.

Nagkainan ang mga mag-aaral. Inihandog nila ang pansit langlang kay Don Custodio. Ang sopas ay tinaguriang sopas ng panukala. Inialay ang lumpiang Intsik kay Padre Irene. Ang torta naman ay para sa prayle. Tinutulan ito ni Isagani, dahil may isang prayle umano na hindi dapat isama sa panunumpa. Tumutol din si Tadeo dahil kahabag-habag umanong ihambing ang alimasag sa mga prayle. Inialay ang pansit gisado sa pamahalaan at sa bayan. Ayon kay Makaraig, ang pansit ay katutubong lutuing Pilipino. May ibig mag-alay ng pansit kay Quiroga na isa sa apat na kapangyarihan sa Pilipinas. Ang isa naman ay nagsabing dapat sa Eminencia Negra ialay ang pansit.

Pinagtalumpati si Tadeo, ngunit hindi ito nakapaghanda. Nagsimula itong magsalita pero sinigawan ng mga kasama. Nagkahingian ng pagkain. Nahilingan rin ng talumpati si Pecson. Inatake ni pecson ang mga prayle, na mula sa kamusmusan hanggang sa libingan ay kasama ng mga tao.

May nakakita sa utusan ni Padre Sibyla, ang bise rektor ng unibersidad. Sumakay ito sa karuwahe ni Simoun. Nagmamanman ito sa mga estudyante.


Mga Paskil

Maagang bumangon si Basilio para pumunta sa ospital. Dadalaw siya sa kaniyang mga pasyente bago pumunta sa unibersidad para alamin ang mga kailangang gawin para sa kaniyang licenciatura. Pupuntahan rin niya si Makaraig para humiram ng perang ipambabayad para makuha ang kaniyang grado. Ginamit niya ang malaking bahagi ng kaniyang naipon para tubusin si Huli at upang makapagpagawa ng isang dampa na matitirahan kasama si Tandang Selo. Hindi siya makapanghiram ng pera kay Kapitan Tiyago dahil baka sabihing nagpapauna na ito sa sinasabing mamanahin niya.

Sa tapat ng San Juan de Letran ay may nagtanong kay Basilio tungkol sa isang paghihimagsik. Naalala niya ang sinabi sa kaniya ni Simoun. Marami umanong nadadamay na mga mag-aaral sa napapabalitang himagsikan. Nagpatuloy sa paglalakad si Basilio. Sunod niyang nakasalubong ang isang katedratikong malapit sa kanya. Tinanong siya nito kung dumalo siya sa piging ng mga mag-aaral. Mabuti umano na wala si Basilio roon. Nang malamang kasapi si Basilio sa kapisanan ay pinayuhan nito ang binata na umuwi na't sirain ang lahat ng kasulatan na magdadawit sa kanya. Nabanggit ni Basilio si Simoun, pero wala umanong kinalaman ang mag-aalahas dahil nagpapahinga ito matapos sugatan ng kung sino. Tinanong rin ni Basilio kung sangkot ang mga tulisan. Wala rin umanong kinalaman ang mga ito. Tanging ang mga mag-aaral lamang ang sangkot. Natagpuan umano sa unibersidad ang mga paskil na mapanghimagsik.

Nagpatuloy sa paglalakad si Basilio. Sari-saring balita ang kaniyang narinig. May mga mag-aaral umanong pupugutan ng ulo, ipapabilanggo, ibabagsak sa pag-aaral. Naalala niya ang sinabi ni Simoun, na sa oras na kayo'y itiwalag nila, hindi kayo makatatapos sa inyong karera. Naghinala si Basilio na may kinalaman si Simoun sa mga paskil.

Nakita niya si Sandoval at tinawag ito ngunit hindi siya pinansin nito. Nakita rin niya si Tadeo, na masaya dahil wala na umanong klase. Ibibilanggo na umano lahat ng kasama sa kapisanan, pero masaya pa rin ito na walang klase. Paulit-ulit na parang baliw na sinasabi ni Juanito Pelaez na wala siyang kinalaman. Mabilis itong lumayo nang may nakitang tanod na papalapit sa kanya.

Nakita ni Basilio si Isagani na namumutla ngunit nilalakasan ang loob. Tinanong ni Basilio kung sino ang nagsulat ng mga paskin. Sinagot siya ni Isagani na tungkulin ng mga prayle na mag-imbestiga. Sinabi rin niya na hindi ito ang panahon para panghinaan ng loob. Tumalikod si Basilio; hindi siya sang-ayon sa sinabi ng kaibigan. Nagtungo siya kay Makaraig upang humiram ng pera. Hindi niya pinansin ang mga senyas ng mga kapitbahay ni Makaraig.

Nadatnan ni Basilio ang dalawang kawal sa bahay ni Makaraig. Sinabi nitong pinuntahan niya ang kaibigan. Dumating si makaraig at ang kabo at dalawang kawal. Nagtaka ito kung bakit nandoon si Basilio. Inusig ng kabo si Basilio at dinakip ito matapos magpakilala. Natawa si Makaraig at sinabing ikukwento niya ang nangyari sa pagdiriwang habang nasa sasakyan sila.

Habang nasa sasakyan ay sinabi ni Basilio ang pakay niya kay Makaraig. Sinabi ni Makaraig na maasahan siya ni Basilio, at aanyayahan pa umano nila ang mga kawal na dumakip sa kanila sa pagtatapos ni Basilio.

Ang Prayle at ang Estudyante

Ipinatawag ng katedratikong si Padre Fernandez si Isagani. Labis na iginagalang ng binata ang pari. Ayon kay Padre Fernandez, narinig niya ang pagtatalumpati ni Isagani. Itinanong rin nito kung nagpunta ang binata sa hapunan ng mga mag-aaral, at pinuri ito sa pagkakaroon ng paninindigan. Marami na umano siyang natuturan na madalas ay pumupula sa mga prayle ngunit walang makapagsalita nang harapan. 
Ayon kay Isagani, hindi kasalanan ng mga kabataan iyon dahil madalas silang tinatawag na pilibustero oras na magsalita laban sa mga makapangyarihan. Alam din ni Padre Fernandez ang ibubunga ng ganoong paratang. Sumagot ang prayle na hindi niya inuusig ang binata at malaya itong nakapagsasalia ng kahit ano sa kaniyang klase. Sinabi pa niyang paborito niya si Isagani. Napangiti si Isagani at sinabing itinatangi rin niya si Padre Fernandez.

Nagpatuloy sa pag-uusap si Isagani at Padre Fernandez. Sinabi ni Isagani ang mga mali sa pagtuturo ng mga prayle, maging ang tila sabwatan ng Simbahan at ng pamahalaan para panatilihing mangmang ang mga Pilipino. Itinanggi ito ni Padre Fernandez at sinabing ang karunungan ay ipinagkakaloob lamang sa mga karapat-dapat. TInutulan ito ni Isagani. Sa huli, natanggap ni Padre Fernandez ang kaniyang kagipitan. Noon lamang siya nakaranas na matalo sa isang mag-aaral na Pilipino.

Pagkatakot

Sa pahayagang El Grito, nagsulat ng isang artikulo si Ben Zayb tungkol sa kaniyang madalas na sinasabing nakasasama sa Pilipinas ang pagkatuto ng kabataan. Pinatunayan umano ito ng mga paskil.

Naging takot ang lahat mula sa Heneral hanggang sa mga Intsik. Ang mga prayle ay hindi pumunta sa tindahan ni Quiroga. Marami sa mga iba pang Intsik ang nag-ayos ng tindahan para madaling maisara kung sakali. Naisipan ni Quiroga na magtungo kay Simoun at tanungin kung oras na para gamitin ang mga baril at pulbura na ipinatago sa kaniyang bodega. Ngunit hindi niya nakausap si Simoun at sinabihan na lamang na huwag galawin ang anuman sa kinalalagyan.

Nagtungo si Quiroga kay Don Custodio para isangguni kung dapat ba siyang maglagay ng mga armas sa sariling tahanan. Ngunit ayaw rin tumanggap ni Don Custodio ng kahit sino man. Nagtungo si Quiroga kay Ben Zayb. Nang makita niya na nakapatong sa mga papeles ng manunulat ang dalawang baril, kaagad siyang nagpaalam at umuwi. Humiga si Quiroga at nagdahilang maysakit.

Kinahapunan ay kumalat ang balitang may panayam ang mga mag-aaral at ang mga tulisan sa San Mateo. Sa isang pansiterya umano inayos ang balak na paglusob sa lungsod. Mayroon rin umanong mga bapor na pandigma ang mga Aleman sa look, at tutulongan nila ang mga mag-aaral. Nagtungo rin umano sa Malacañang ang ilang mga mag-aaral upang magpahayag ng pagka-Kastila ngunit nahulihan sila ng armas kaya ikinulong. Nailigtas umano ang Heneral dahil noo'y nakikipagpulong sa mga puno ng orden sa Pilipinas. May nagpanukalang agad magpabaril ng isang dosenang pilibusterilyo para matigil ang gulo. May isa namang nagsabing palakarin sa mga lansangan ang ga kawal na kabayuhan at may hilang kanyon. May isa rin nagsabing pagpapatayin ang mayayaman at linisin ang bayan.

Ikinulong si Basilio at hinalughog ang mga kasulatan ng binata na nasa bahay ni Kapitan Tiyago. Nayanig ang matanda. Dumating rin si Padre Irene at nagkuwento ng kung ano-anong nakakatakot. Nanginig sa takot si Kapitan Tiyago. Nakadilat ang mata na napakapit sa kura. Nagpilit itong bumangon pero hindi kinaya. Bumagsak na bumubula ang bibig at namatay. Nasindak ang kura at tumakbo. Nakahawak sa kaniya ang patay na si Kapitan Tiyago at nakaladkad niya hanggang sa gitna ng silid.

Nang gabing iyon, nagsabog ng pera sa isang binyagan. Nag-agawan ang mga bata, at nagkaroon ng ingay sa may pinto ng simbahan. Isang opisyal ang dumaan at nabigla ito sa pag-aakalang gawa ito ng mga pilibustero. Hinabol ng sable ang mga batang nagsipasok sa simbahan. Nagsimula na umano ang himagsikan. Dalawang tao rin ang nahuling nagbabaon ng sandata sa silong ng isang bahay na tabla. Hinabl ng mga tao ang dalawa upang ibigay sa pamahalaan. Hindi ito nahuli. Ang mga ibinaon na baril ay mga lumang eskopeta na maari pang makasugat sa gagamit. Isang beterano naman ang napatay dahil pinagkamalan ng isang kawani na siya ay mag-aaral. Isang bingi ang sinino sa Dulumbayan. Binaril ito nang hindi sumagot. Namatay.

Nakibalita si Tadeo sa isang tindahan. Binaril na umano sabi ng pinagtanungan. Napadaing ang babae, malaki umano ang utang ni Tadeo sa kanya. Baka rin madamay pa kay Tadeo ang may tindahan. Natahimik ang babae. Napag-usapan rin si Isagani, na tinawag na baliw ng mga tao dahil kusang nagpadakip. Malamang umano ay babarilin ito. Wala naman umanong utang sa kanya si Isagani, ayon sa may tindahan. Napag-usapan rin si Paulita, na baka magpakasal na sa iba. Sa halos lahat ng bahay ay may nagrorosaryo.

Sa tirahan ni Placido Penitente, sinabi ng platero na gawa lamang ni Padre Salvi ang mga paskil. Ayon naman sa isa'y si Quiroga ang may gawa nito dahil nais nitong magpasok ng kontrabando. Nagkaroon ng kaguluhan at pinadulasan ang mga kawani ng adwana kaya nakapasok ang mga salaping Mehikano. Nakarinig sila ng mga yabag, at itinigil ang usapan tungkol kay Quiroga.

Dumating si Placido kasama ang gurong ngayon ay manggawa sa pagawaan ng pulbura. Nakibalita sila sa mga nag-uusap. Ayon kay Placido, hindi niya nakausap ang mga bilanggo, na nasa tatlumpu. Ayon sa guro, magkakapugutan ng ulo sa gabing iyon. Sinabi naman ng isa na hindi mangyayari iyon dahil si Simoun na madalas magpayo niyon ay may sakit. Nagkatinginan na lamang ang dalawang bagong dating.

Nang gabing iyon, pinalitan ang mga tanod sa pinto sa siyudad. Ipinalit sa kanila ang mga artilyerong Kastila. Kinabukasan, may nakitang bangkay ng isang dalagitang kayumanggi sa may pinto sa Luneta. Halos hubad ang bangkay. Kahit nakita iyon ni Ben Zayb ay hindi ito nabalita.

Ang Huling Pati-ukol kay Kapitan Tiyago

Marangal ang naging libing ni Kapitan Tiyago. Si Padre Irene ang hinirang na tagaamahala at tagapagpatupad ng testamento ng kapitan. Paghahati-hatiin ang kaniyang kayamanan sa kumbento ng Santa Clara, sa Santo Papa, sa Arsobispo at sa mga orden. Bibigyan rin ng P20 si Basilio. Iminungkahi ito ni Padre Irene para masabing tinatangkilik niya ang mag-aaral. Binawi ni Kapitan Tiyago ang P25 pamana kay Basilio dahil sa umano'y kawalang-utang na loob ngunit isinauli ni Padre Irene at siya raw ang magpapaluwal mula sa sariling bulsa.

Habang nakaburol si Kapitan Tiyago ay marami ang bulong-bulungan tungkol sa kaniya. Nakita umano ng mga mongha ang nagliliwanag na kaluluwa ni Kapitan Tiyago, na dahil umano sa maraming pamisang nagawa ng kapitan. May nagsabi ring hahamunin ni Kapitan Tiyago ng sabong si San Pedro. Ayon kay Don Primitivo, walang matatalo sa sabong dahil walang puwang ang sama ng loob sa langit. Hinandugan ng tabako ni Quiroga si Don Primitivo. May nagtalo rin tungkol sa isusuot ni Kapitan Tiyago. Kung pagsusuotin umano ng abito, mayroon nito si Kapitan Tinong. Binayaran niya ito ng P36 pero ipagkakaloob niya sa kaibigan. Tumutol naman ang sastre. Prak umano ang dapat ipasuot dahil naka-prak ang kaluluwang nakita ng mga mongha. May yari nang prak ang sastre na P32 ang halaga, dahil suki niya ang namatay. Lumang damit ang ipinasuot ni Padre Irene dahil hindi naman umano mahalaga sa langit ang damit.

Tatlong prayle ang kasama sa libing ni Kapitan Tiyago. Maraming kamanyang ang sinunog, maging ang agua bendita na iwinisik. Si Donya Patrocinio, ang matandang kaagaw ni Kapitan Tiyago sa pagpapakabanal ay nagnais mamatay na kinabukasan upang mahigitan ang libing ng kapitan.

Si Huli

Umabot sa San Diego ang balita tungkol sa pagkamatay ni Kapitan Tiyago at pagkakabilanggo ni Basilio. Higit na dinamdam ng mga tao ang pagkakadakip sa binata, na maaring ipatapon o patayin. Enero rin binitay ang tatlong paring martir dahil sa gulo sa Cavite. Mga pari na nga ay binitay pa. Tiyak umanong bibitayin rin si Basilio na isang maralita.

Ayon kay Hermana Penchang, nangyari iyon kay Basilio dahil hindi ito nag-agua bendita sa simbahan dahil narurumihan ito sa tubig. Hindi naman umano nakakasakit ang agua bendita, at sa halip ay nakakagaling pa ito. May ilan rin sinisi pa si Basilio sa nangyari sa kaniya. Mayroon rin namang mga nagsabing hindi ito dapat nangyari kay Basilio dahil tahimik lamang ang binata. Naghihiganti lamang umano ang mga prayle dahil sa pagtubos ni Basilio kay Huli, na anak ng tulisang si Tales. Dagdag pa ni Hermana Penchang, mabuti na lamang at pinaalis na niya si Huli. Ayaw niyang magalit sa kaniya ang mga prayle, kahit ang totoo'y ayaw niyang ipatubos si Huli.

Si Hermana Bali ang nagbalita kay Huli ng tungkol sa nangyari kay Basilio. Dahil namatay na si Kapitan Tiyago, wala nang tagatangkilik si Basilio at tiyak na mabubulok ito sa bilangguan o mabibitay kahit walang kasalanan. Naisip ni Huli na tulungan si Basilio. May nagbulong sa kaniya na magpatulong kay Padre Camorra, na siya ring nakapagpalaya kay Tandang Selo. Ngunit mula noon ay iniwasan na ito ni Huli, lalo na't hindi nasiyahan ang pari nang pasalamatan ito ng dalaga. May mga nagsabing may nais na hindi mabuti si Padre Camorra kay Huli, at mula noo'y naging malungkutin siya. Minsa't itinanong niya kay Hermana Bali kung napupunta sa impiyerno ang mga nagpapakamatay. Hindi niya itinuloy ang balak dahil natakot siya sa impiyerno.

Nagtungo ang dalawang babae sa tribunal para humingi ng payo, ngunit maging ang mga nasa tribunal ay pinayuhan sila na pumunta kay Padre Camorra. Ayaw ni Huli na magpunta sa kumbento, at alam ni Hermana Bali ang dahilan. Sadyang malikot sa babae ang pari.

Pinakiusapan ni Huli si Hermana Bali na siya na lamang ang magpunta sa kumbento, ngunit sinabi ng hukom na mas mainam kung si Huli ang pumunta. May mga nagsabing hindi naman papatulan ng kura si Huli dahil mas maraming dalaga sa bayan. Sinabi ring babarilin si Basilio.

Binangungot si Huli nang gabing iyon. Nakakita siya ng dugo at nakarinig ng mga putok. Nakita niya ang ama, at si Basilio na naghihingalo.

Kinahapunan ng sumunod na araw, kumalat ang balita na may mga mag-aaral na binaril. Nagpasya si Huli na pupunta na siya sa kumbento, mangyari na ang mangyari. Ngunit nang mag-uumaga na ay di rin siya nagtungo sa kumbento. Dumaan ang ilang araw. Umasa si Huli na magkaroon ng himala. Gabi gabi siyang hindi nakakatulog dahil sa pangamba.

Dumating ang balita na tanging si Basilio na lamang ang naiiwang nakabilanggo. Nakalaya na ang mga kasamahan nito. Nabalita rin na ipapatapon si Basilio. Ito na ang nag-udyok kay Huli na magpasama kay Hermana Bali sa kumbento.

Kinagabihan ay naging usap-usapan ang nangyari kay Huli nang hapong iyon. Tumalon ito sa bintana ng kumbento at patay na nang nakita sa ibaba. Si Hermana Bali ay patakbong bumaba mula sa kumbento at nagsisigaw sa langsangan na parang baliw. Si Tandang Selo ay nagpunta sa kumbento at kumatok. Pinaalis siya ng mga bantay. Nagtungo ito sa bahay ng Kapitan, sa Hukom at sa teniente mayor. Walang nakausap ang matanda na bumalik sa kanilang bahay na umiiyak na parang bata.


Ang Mataas na Kawani

Hindi naibalita sa pahayagan ang nangyari kay Huli. Samantala, nakalaya na ang mga inarestong mag-aaral. Unang nakalaya si Makaraig at pinakahuli si Isagani. Sa tulong ni Ben Zayb, ibinalita ang pagiging mahabagin ng Kapitan Heneral. Tanging si Basilio ang hindi nakalaya.

Ipinagtanggol ng mataas na kawani si Basilio. Mabuting bata umano at malapit nang maging doktor. Ngunit lalong napahamak si basilio dahil tinututulan ng Heneral ang lahat ng sinasabi ng kawani. Kailangan umanong magkaroon ng halimbawang hindi dapat tularan ang mga mahilig sa pagbabago. Pinagbintangan pa ng Heneral si Basilio na gumamit ng bawal na aklat sa medisina. Sinabi ng kawani na dapat matakot ang Heneral sa bayan. Pinagtawanan siya ng Heneral at sinabing wala siyang pakialam sa bayan dahil ang Espanya ang naghalal sa kanya.

Nang nasa sasakyan na ang mataas na kawani ay sinabi niya sa kanyang kutsero: "Kapag dumating ang araw ng inyong pagsasarili ay alalahanin mong sa Espanya'y hindi nawalan ng mga pusong tumitibok dahil sa inyo." Makaraan ang dalawang oras ay nagbitiw sa tungkulin ang kawani at sinabing siya ay uuwi na sa Espanya lulan ng kasunod na bapor.

Ang Bunga ng mga Paskil

Maraming mga magulang ang hindi na pinag-aral ang kanilang mga anak matapos ang nangyari sa mga inarestong mag-aaral.

Marami ang nakakuha ng pagsusulit at hindi nakalampas sa taon ng kanilang pag-aaral. Si Pecson, Tadeo at Juanito Pelaez ay hindi rin nakalampas sa kanilang pag-aaral. Tinanggap ni Pecson ang mga kalabasa na taglay ng kaniyang tawang hangal at nangakong papasok na opisyal sa alin mang hukuman. Si Tadeo ay ipinagdiwang ang hindi niya pag-aaral at sinunog ang kaniyang mga aklat. Si Juanito Pelaez ay iniwan ang pag-aaral para sa negosyo ng kaniyang ama, na mula noon ay isinama na siya sa pangangalakal. Ang mayamang si Makaraig ay bumalik na sa Espanya matapos makakakuha ng pasaporte sa tulong ng kaniyang salapi. Ipinagbawal ng Kapitan Heneral ang pag-alis ng sino mang hindi makakapagpakita ng katibayan na kaya nilang mamuhay nang maluwag sa Espanya. Si Isagani at Sandoval ay nakalampas sa kanilang mga asignatura. Si Basilio ay hindi nakalampas sa kaniyang mga asignatura, at hindi ring napigil, o kaya ay nakapuntang Espanya. Nakakulong pa rin siya at patuloy na tinatanong bawat ikatlong araw. Nabalitaan niya ang nangyari kay Huli at Tandang Selo sa pamamagitan ng kutserong si Sinong.

Samantala, gumaling na sa kaniyang pagkakasakit si Simoun, ayon sa sinulat ni Ben Zayb. Hindi umano ito mag-uusig at magdaraos ng pista bago umalis sa bayan. Ipinayo ni Ben Zayb na bilhin ni Simoun ang bahay ni Kapitan Tiyago, na noon ay nabili na ng ama ni Juanito Pelaez. Mula noon ay madalas na pumupunta sa tindahan ng mga Pelaez ang mag-aalahas. Matapos ang ilang linggo ay napabalitang ikakasal na si Juanito Pelaez at si Paulita Gomez. Sinasabing magkabagay ang dalawa.

Hinintay ng buong Maynila ang piging sa kasal ng dalawa. Si Simoun ang mamamahala sa pagdiriwang. Gagawin ito dalawang araw bago umalis ang Kapitan Heneral. Nag-agawan ang mga taga-Maynila para makipagkilala kay Simoun upang maanyayahan sila sa piging.

Ang Huling Matuwid

Dumating na ang araw ng pag-alis ni Simoun. Buong araw siyang nag-ayos ng mga gamit at alahas na dadalhin. Marami ang nagsasabing hindi kaya ni Simoun na magpa-iwan gayong aalis na ang Kapitan Heneral dahil maari siyang paghigantihan ng mga galit sa kanya, o kaya ay usigin ng papalit na Kapitan Heneral.

Nagkulong si Simoun sa kaniyang silid, at sinabing walang ibang papapasukin kundi si Basilio. Dumating ang binata at pinapasok ng utusan. Malaki ang ipinagbago ng itsura ng binata. Namayat ito at walang ayos ang pananamit. Nawala na rin ang dating kaamuan sa kanyang mga mata, na ngayon ay matalim na. Nagmistula siyang bangkay na nabuhay. Maging si Simoun ay nagulat sa anyo ni Basilio. Ayon kay Basilio, pinarusahan siya ng Diyos dahil siya ay naging masamang anak at kapatid na nakalimot sa pagkamatay ng kapatid. Handa na umano siyang gumanti sa masama. Nagbunga lamang ng kaniyang pagkabilanggo ang kaniyang pag-iwas sa gulo kaya sasanib na umano siya kay Simoun.

Noon lamang nagsalita si Simoun. Nasa panig pala niya ang katwiran, dahil ang usapin niya ay usapin ng mga sawimpalad na tulad ni Basilio. Tumindig si Basilio na maaliwalas na ang mukha. Sinabi niyang matutuloy na ang himagsikan dahil hindi na siya nag-aatubili. Sinabi ni Simoun na ang mga mapayapa at umaayaw sa gulo ang siyang nagtulak sa kanya na ituloy ang kanyang balak. Nagtuloy ang dalawa sa laboratoryo. Nasa ibabaw ng mesa ang isang kakaibang ilawan. Ang pinakalalagyan ay anyong granada. Tinanggal ni Simoun ang mitsa. Binuhusan ito ng likido. Nabasa ni Basilio ang nakasulat sa lalagyan ng likido: nitroglisirina.

Tumango si Simoun. Ipinaliwanag niya na ang granada ay hindi isang payak na dinamita dahil ito ay inipong luha ng mga api. Noon lamang nakakita ng dinamita si Basilio at hindi siya nakakibo. Sinabi ni Simoun na gagamitin ito sa isang pista. Pagkatapos ng 20 minuto ay mababawasan ang liwanag nito. Kapag ginalaw ang mitsa ay sasabog ito kasabay ng mga supot ng pulbura sa kainan at walang makakaligtas sa pagsabog.

Sinabi pa ni Simoun na nabigo ang nauna nilang balak dahil sa kawalan ng pangangasiwa. Ngayon, kailangan niya si Basilio para manguna sa labanan. Kukunin nila sa tindahan ni Quiroga ang mga armas at patayin ang lahat ng kalaban. Ang mga hindi sasapi ay ituturing ring kalaban at papatayin. Hindi na sinuri ni Basilio ang narinig. Binulag siya ng tatlo't kalahating buwang pagkakabilanggo, at nais lamang niyang maghiganti.

Ang Kasal ni Paulita

Araw na ng kasal nina Paulita Gomez at Juanito Pelaez. Mag-ikawalo ng gabi at nasa kalsada si Basilio. Makikituloy sana siya kina Isagani ngunit hindi umuwi ang kaibigan buong araw. Dalawang oras na lamang at mangyayari na ang pagsabog. Marami ang mamamatay. Kinapa ni Basilio ang rebolber at mga bala na kaniyang dala. Naalala rin niya ang babala ni Simoun na lumayo sa daang Anloague. Naghinala si Basilio. Nasa daang Anloague ang bahay ni Kapitan Tiyago. May binanggit ding kasiyahan si Simoun. Sa bahay gaganapin ang piging para sa kasal nina Paulita at Juanito. Nakita niyang dumating ang sasakyan ng bagong kasal. Naawa si Basilio kay Isagani, at naisip niyang sumama sa kaniya ang kaibigan.

Ngunit naisip ni Basilio na hindi sasama sa gayong madugong gawain si Isagani. Hindi pa nito nararanasan ang naranasan niya. Naalala ni Basilio ang pagkakabilanggo, ang kabiguan sa pag-aaral, ang nangyari kay Huli. Muli niyang hinawakan ang baril at ninasang dumating na ang sandaling hinihintay. Dumating si Simoun, at si Sinong ang kutsero nito. Sumunod ang sasakyan ni Simoun sa mga bagong kasal.

Nagpunta sa daang Anloague si Basilio. Dito nagpupunta ang halos lahat, sa bahay ni Kapitan Tiyago. Dadalo sa hapunan Kapitan Heneral. Naroon na rin ang lampara na handog ni Simoun.

Dinikitan ng magagarang papel at magagarang aranya at bulaklak na palamuti ang mga dingding ng bahay. Mayroon ring kurtinang pula na nabuburdahan ng unang titik ng pangalan ng mag-asawa. Magarang-magara ang bahay na iyon. Puno rin ang hapag na pagdarausan ng hapunan.

Ang Pista

Ikapito ng gabi nang nagdatingan ang mga inanyayahan sa piging. Naroon ang mga diyos-diyosan, mga kawani, mga pangulo ng mga kagawaran, mga mangangalakal at iba pa. Sa simula ay matuwid ang kanilang mga kilos, ngunit matapos ito ay nagkaroon na ng tampalan ng tiyan at pagkukutsan. Tinanggap ni Don Timoteo ang mga bisita.

Sunod na dumating ang bagong kasal kasama si Donya Victorina. Nagkamayan at nagbatian ang mga tao. Naroon rin sina Padre Salvi ngunit wala pa ang Heneral. Hindi makapunta sa palikuran si Don Timoteo hangga't hindi pa dumarating ang Heneral. May pumintas sa mga palamuti sa pader, na ikinagalit ni Don Timoteo dahil ito umano ang pinakamahal na mabibili sa Maynila. Kinabukasan ay sisingilin niya ang utang ng namintas na iyon.

Si Basilio ay nasa harap ng bahay ni Kapitan Tiyago at pinapanood ang mga nagdatingan. Naawa siya sa mga inakala niyang mga walang malay na mamamatay roon. Naisipan niyang bigyan ng babala ang mga ito ngunit nakita niya ang pagdating ng sasakyan nina Padre Salvi at Padre Irene. Nagbago ang kaniyang isip. Sinabi niya sa sarili na hindi niya dapat na sirain ang tiwalang ipinagkaloob sa kaniya, lalo na't malaki ang utang na loob niya kay Simoun. Pumasok ang mag-aalahas sa bahay dala ang lampara.

Sa wakas ay dumating na ang Heneral, ngunit hindi siya napansin ni Basilio, dahil pinagmamasdan niya ang mukha ni Simoun na isa sa mga sumalubong sa Kapitan Heneral. Nasindak si Basilio sa walang awang anyo ni Simoun. Tinangka niyang hulaan ang nangyayari sa loob ng bahay batay sa kaniyang nakikita. Tumawid siya papunta sa bahay ngunit hindi nakapasok dahil sa kaniyang suot. Noon din ay pumanaog si Simoun na namumutla. Sumakay sa kaniyang karuwahe at umalis. Umalis na rin si Basilio sa lugar at nakita niya si Isagani. Pinagsabihan ni Basilio ang kaibigan na umalis na ngunit hindi kumibo ang kaibigan. Ipinaliwanag ni Basilio kay Isagani ang mangyayari, ngunit hindi pa rin ito umalis. Iniwan siya ni Basilio.

Sa loob ng bahay ay nagsimula na ang kainan. May isang piraso ng papel na may nakasulat na "Mane Thecel Phares. Juan Crisostomo Ibarra." Nagtanong ang Heneral kung sino ang taong ito sabay iniabot ang papel sa mga katabi. Isa umano itong masamang biro ayon kay Don Custodio dahil mahigit sampung taon nang patay si Ibarra. Nakita ni Padre Irene si Padre Salvi na namumutla habang tinitingnan ang papel. Tinanong ang prayle kung nakikilala nito ang lagda ng kaibigan. Sinabi ni Padre Salvi na ito nga ang sulat-kamay ni Ibarra. Ayon kay Don Custodio, hindi kaya papatayin sila sa gabing iyon. Natigilan ang nga bisita at binitawan ang mga kubyertos. Unti-unting dumilim ang ilaw ng lampara.

Biglang pumasok ang isang anino at sinunggaban ang lampara upang ihagis sa ilog. Lumagpak sa ilog ang lampara at nagsigawan ang mga utusan. Sinubukang habulin ang anino ngunit mabilis itong nakaalis.

Mga Kapighatian ni Ben Zayb

Mabilis na umalis sa bahay ni Kapitan Tiyago si Ben Zayb para pumunta sa kaniyang tanggapan at sulatin ang pangyayari. Pinalabas niyang bayani ang Kapitan Heneral, sina Padre Irene, Don Custodio at Padre Salvi. Ipinahayag rin niya ang kaniyang pamamaalam sa Kapitan Heneral. Ngunit hindi nailathala ang sinulat ni Ben Zayb dahil ipinagbawal ng Kapitan Heneral ang pagbanggit ng ano man tungkol sa pangyayari.

Dumating ang balita mula sa Pasig. Nilusob umano ng mga tulisan ang bahay-pahingahan ng mga prayle at nakatangay ng P2,000. Malubha ang lagay ng isang prayle at dalawang utusan. Naisipan ni Ben Zayb na magsulat tungkol sa kura, na gagawin niyang bayani na gumamit ng silya laban sa mga tulisan. Nagtungo siya sa Pasig, at doon niya napag-alaman na ang prayleng nasugatan ay si Padre Camorra. May maliit na sugat sa kamay at pasa sa ulo ang prayle. Tatlong magnanakaw na may dalang gulok ang umatake at kinuha ang P50. Sinabi ni Ben Zayb na dapat gawing mas marami ang mga tulisan.

May nadakip sa mga tulisan. Sinabi nila na inanyayahan silang sumama sa pangkat nina Matanglawin para sumalakay sa kumbento at sa bahay ng mga mayayaman. Pinangunahan umano sila ng isang Kastila na mataas, kayumanggi, puti ang buhok at ang sinabi ay kumikilos sa utos ng Kapitan Heneral na kaibigan niya. Wala umanong dapat ikatakot dahil katulong din niya ang mga artilyero. Ang hudyat ay isang malakas na putok, ngunit walang putok. Inakala ng mga tulisan na sila ay nilinlang, kaya't nasiurong ang ilan at ang iba't bumalik sa bundok. Nais nilang maghiganti sa Kastila. Ang tatlong tulisan ay nagpasiyang manloob.

Walang gustong maniwala na si Simoun ang nagbalak ng lahat. Ngunit hindi siya nakita sa kaniyang bahay. Marami ring bala at pulbura roon. Naghanda ng habla si Don Custodio laban sa mag-aalahas. Mabilis na kumalat ang balita, at marami ang hindi makapaniwala.

Ang Hiwagaan

Mabilis na kumalat ang balita sa kabila ng pagpigil dito, ngunit iba't iba na ang nakarating sa madla. Palihim na pinag-uusapan ng mga tao ang nangyari. Nakita umano ang mga supot ng pulbura sa bahay ni Kapitan Tiyago nang tinanggal na ang mga palamuti. Ayon kay Ginoong Pasta, maaring kaaway ni Don Timoteo o kaagaw ni Juanito ang gumawa nito. Nandoon sa bahay si Isagani. Sinabihan itong magtago pero ngumiti lamang ito.

Dagdag pa ni Chichoy, dumating ang mga sibil ngunit walang mapagbintangan dahil tanging si Simoun at si Don Timoteo ang nangasiwa sa pag-aayos ng bahay. Pinaalis umano lahat ng hindi kailangan sa imbestigasyon. May nagsabing kung mayroong isang manggagawa na nanigarilyo ay tiyak na sasabog ang mga pulbura nang gabing iyon.

Natakot ang mga babae. Naghulaan kung sino ang mga pinaghihinalaan. May nagsabing ang mga prayle, si Quiroga, isang mag-aaral, si Makaraig. Sinabi ni Chichoy na ayon sa mga kawani, si Simoun ang pinaghihinalaan. Nagtaka ang mga kausap, pero sinabi ni Momoy na dumalo sa piging na umalis si Simoun bago nagsimula ang hapunan. Sinabi rin ni Chichoy na nawawala si Simoun at kasalukuyang pinaghahanap ng mga sibil. Sinabi ng mga babae na isang demonyong nagkatawang-tao si Simoun. Naalala rin ni Momoy na may nang-agaw sa ilawang dala ni Simoun nang namatayan ito ng ilaw. Nagpalakad-lakad sa silid si Isagani. Ipinapalagay umano ng mga makapangyarihan na ang ilawan ang magpapasiklab sa pulbura. Nagpatuloy ang usapan at ang pagpapalagay.

Makaraan ang isang oras ay nagpaalam si Isagani sa mag-aanak upang manirahan na kasama ang kaniyang amain.

Kasawian

Kilabot sa Luzon ang tulisang si Matanglawin. Ang kaniyang pangkat ay biglang lulusob sa mga lalawigang hindi inaakalang kaniyang lulusubin, at kung minsan naman ay biglang susulpot sa isang lalawigang handang lumaban sa kaniya. Nanunog siya sa Batangas, nanira ng pananim, pumatay ng hukom sa Tiani, nanloob sa isang bayan sa Cavite at kinuha ang lahat ng armas sa tribunal. Sumalakay rin sila sa Albay at sa Pangasinan. Palagi nilang natatakasan ang mga humahabol sa kanila, at dahil walang mahuli ang mga sibil ay ang mga magsasakang walang sala ang kanilang dinadakip.

May anim o pitong magsasakang inaresto ang mga guwardiya sibil matapos ang pagsalakay ni Matanglawin. Nakagapos ang ito at inilakad nang tanghaling tapat na walang sombrero at nakayapak. Nang may isang nabuwal sa pagod at gutom ay hinagupit silang lahat at nakaladkad ang nabuwal. Sumisigaw ang nabuwal na patayin na lamang siya. Isa sa mga guwardiya ang tinatawag na Carolino. Sinigawan nito ang kasama na hayaang maglakad ng maayos ang mga bilanggo. Isang bilanggo ang sinumpong ng pagdumi o pag-ihi at nakiusap na payagan silang huminto sandali. Hindi siya pinayagn dahil mapanganib umano ang lugar na iyon. Sinabihan siya ng bihag na may malupit ka pa kaysa sa mga Kastila.

Isang putok ang narinig. Gumulong-gulong ang guwardiyang si Mautang at nilabasan ng dugo sa bibig. Isang putok pa ang narinig at ang kabo naman ang tinamaan. Pinagbabaril ang mga bihag, saka nakipagbarilan sa mga nasa bundok.

Isang lalaki ang lumitaw sa may ibabaw ng talampas. Nagwawasiwas ito ng baril. Natigilan si Carolino at tila nakikilala niya ang lalaking iyon. Inutusan siya ng kabo na barilin ang lalaki. Nawala ang nasa talampas. Sumugod ang mga sibil sa bundok. May natagpuang matandang lalaki ang unang umabot sa itaas ng bundok. Binayuneta ito. Nakatingin kay Carolino ang matanda at may itinuturo sa likod ng talampas. Nakilala ni Carolino ang matanda. Ito ang kaniyang inkong si Tandang Selo. Namatay ito na patuloy na may itinuturo sa likod ng talampas.

Katapusang Kabanata

Malungkot na tumutugtog ng kaniyang armonium si Padre Florentino habang nakadungaw sa bintana ng kaniyang bahay. Kaaalis lamang ni Don Tiburcio de Espadaña sa pag-aakalang siya ang Kastilang tinutukoy sa telegrama na huhulihin sa gabing iyon. Inakala niya na natunton na siya ni Donya Victorina. Ipinabasa ng tenyente ng guwardiya sibil ng bayan kay Padre Florentino ang nasabing telegrama sa ngalan ng kanilang pagkakaibigan.

Si Simoun ang Kastilang tinutukoy sa telegrama. Sugatan itong dumating sa bahay ng pari mga dalawang araw na ang nakakalipas. Hindi na nag-usisa si Padre Florentino at tinanggap ang mag-aalahas. Hindi pa ito nakakabalita sa mga nangyari sa Maynila. Inakala nito na dahil wala na ang Kapitan Heneral ay may nagtangkang gumanti kay Simoun. Mas lumakas ang kaniyang paniniwala na tumakas si Simoun sa mga kawal nang tanggapin nito ang telegrama.

Tumangging magpagamot si Simoun at pumayag na alagaan lamang siya ni Don Tiburcio. Malubha ang mga sugat ni Simoun.

Tumigil sa pagtugtog ang pari at inisip ang pakutyang ngiti ni Simoun nang malaman nito ang tungkol sa telegrama at sa pagdakip sa kaniya. Naisip ni Padre Florentino ang kalagayan ni Simoun, na dating makapangyarihan ngunit ngayo'y kahabag-habag. Bakit sa bahay niya napiling makituloy ni Simoun? Iniisip niya kung paano maililigtas ng isang paring Pilipinong tulad niya si Simoun na noon ay humamak sa kaniyang pagkapari at pagka-Indio. Dalawang buwan na ang nakakalipas ay hindi pinansin ni Simoun ang pakisuyo ni Padre Florentino na tulungang makalaya si Isagani. Si Simoun rin ang gumawa ng paraan para makasal sina Paulita Gomez at Juanito Pelaez, na lubos na ipinagdamdam ni Isagani. Nilimot itong lahat ng pari at inisip kung paano maililigtas si Simoun. Ngunit tila mismong si Simoun ay wala nang pagnanasang mailigtas ang sarili.

Pumasok si Padre Florentino sa silid ni Simoun. Wala na ang mapangutyang anyo sa mukha nito. Nahulaan ng pari na uminom ng lason si Simoun. Tinangka nitong hanapan ng lunas si Simoun, ngunit sinabihan siya ng mag-aalahas na huwag nang mag-aksaya ng panahon dahil mamamatay siyang dala ang kaniyang lihim. Nagdasal ang pari at lumapit kay Simoun.

Ipinagtapat ni Simoun ang kaniyang totoong pagkatao, na ikinagulat ni Padre Florentino. Malungkot na ngumiti si Simoun, na isinalaysay ang kaniyang buhay. Labintatlong taon na ang nakakalipas. Nagbalik sa Pilipinas na puno ng pangarap at pag-asa. Pinatawag ang mga nagkasala sa kaniyang ama kapalit ng payapang pamumuhay, ngunit isang mahiwagang kamay ang nagtulak sa kaniya sa kapahamakan. Nawala ang lahat sa kaniya, ang kaniyang pangalan, yaman, pag-ibig, kinabukasan at kalayaan. Naligtas siya sa tulong ng isang kaibigan. Naisipan niyang maghiganti at nangibang bansa siya. Nakilahok sa himagsikan sa Cuba, kung saan nakilala niya ang Kapitan Heneral na noon ay komandante pa lamang. Naging matalik silang magkaibigan dahil sa mga gawaing tanging si Simoun lamang ang nakaalam. Nakuha niyang maging Kapitan Heneral sa tulong ng salapi ni Simoun.

Mahaba ang naging pagtatapat ni Simoun at gabi na nang matapos. Inihingi ng tawad ng pari ang mga pagkukulang ni Simoun at hiniling niya na igalang ang kalooban ng Diyos. Itinanong ni Simoun kung bakit hindi siya tinulungan ng Diyos sa kaniyang layunin. Sumagot ang pari na dahil masama ang kaniyang pamamaraan. Tinanggap lahat ni Simoun ang sinabi ng pari at inamin ang kaniyang pagkakamali. Ngunit itinanong niya na dahil ba sa pagkakamaling iyon ay ipagkakait ng Diyos ang kalayaan ng isang bayan at ililigtas ang napakaraming higit pang masama kaysa sa kanya. Sumagot si Padre Florentino na nararapat na magtiis at gumawa ng mabuti.

Pinisl ni Simoun ang kamay ng pari. Naghari ang mahabang katahimikan. Nang hindi na sumagot si Simoun ay bumulong si Padre Florentino: "Nasaan ang kabataang naglalaan ng magagandang sandali, ng kanilang mga pangarap at kasiglahan alang-alang sa ikabubuti ng kanilang bayan ? Saan naroon ang handang magpakamatay upang hugasan ng dugo ang napakaraming pagkakasala? Upang karapatdapat ang pagpapakasakit ito’y kailangang malinis at busilak. Nasaan ang kabataang may lakas na tumanan na sa aming mga ugat, ng kalinisan ng diwa na narumihan na sa amin, ng apoy ng sigla na patay na sa aming puso? O kabataan, kayo’y aming hinihintay!"

Nangilid ang luha sa mata ng pari at binitawan ang kamay ni Simoun. Lumapit sa durungawan. Sa tulong ng isang lampara ay tinanglawan si Simoun. Nabatid na namatay na ito. Lumuhod ang pari at nanalangin.

Tinawag ni Padre Florentino ang mga utusan, pinaluhod at pinagdasal. Matapos ito ay lumabas ng silid si Padre Florentino at kinuha ang mga alahas ni Simoun. Dinala ito sa talampas at inihagis sa dagat ang mga brilyante at alahas.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.