TPLEx (Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway)

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Tarlac-Pangasinan-La Union Expressway (TPLEx) ay isang 89.21 kilometro (o 55.43 milyang) expressway na pinag-uuganay ang gitna at hilagang Luzon. Ang pinakatimog na dulo nito ay ang Lungsod ng Tarlac at ang pinakahilagang dulo nito ay makikita sa Rosario, La Union.

Ang unang bahagi ng proyekto, mula Lungsod ng Tarlac hanggang Pura, ay pinapatakbo sa isang batayang “soft opening” mula 31 Oktubre 2013, at naging handa sa buong operasyon noong Nobyembre 2013.

Bahagi ng ikalawang bahagi na aabot hanggang Ramos ay nagbukas noong 23 Disyembre 2013. Ang natitirang bahagi mula Anao hanggang Rosales ay binuksan noong Abril 2014, at ang nalalabing bahagi na nag-uugnay ng Rosario sa Urdaneta ay binuksan naman noong Disyembre 20 ng parehong taon.

Bahagyang binuksan ang ikatlong bahagi papuntang Binalonan noong 2016 at papuntang Pozorrubio noong 2017. Binuksan ang huling bahagi ng kabuuang mabilisang daan mula sa Pozorrubio hanggang Rosario noong 15 Hulyo 2020.

May mga panukala na pahabain ang mabilisang daanan hanggang sa Laoag, Ilocos Norte.

Ang TPLEx ay karugtong ng North Luzon Expressway (NLEx) at Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx) mula Tarlac papuntang Rosario, La Union.

Tumatawid ang expressway sa Ilog Agno, Ilog Binalonan, at Ilog Bued na makikita sa lalawigan ng Pangasinan.

Ang proyektong ito ay bahagi ng programang public-private partnership (PPP) ng administrasyon ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III.

Kasaysayan                                                   

Nagsimula ang panawagan upang maitatag ang isang daa sa Maynila na mabilisang aabot sa Rosario, La Union na pinakatimog na bahagi ng lalawigan.

Nang masimulang itayo ang Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx) noong 2005 na nakakonekta sa North Luzon Expressway (NLEx), isang panukalang batas ang ginawa upang maipagpatuloy ang sistema ng expressway hanggang sa La Union.

Noong 2006, lumakas ang pagnanais ng mga kongresistang mula sa Hilagang Luzon at isinulong ang House Bill 5794. Batid ng mga kongresistang ito na malaking tulong ang expressway sa turismo, kalakalan, at pagbiyahe ng mga lalawigan sa norte. Dahil dito, inanunsiyo ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo noong 2006 ang sampung taong plano upang mapalawig pa ang NLEX mula sa Mabalacat, Pampanga hanggang Rosario, La Union at palawigin din ang South Luzon Expressway (SLEx) mula sa Calamba, Laguna hanggang Lucena, Quezon, o hanggang Mantog, Sorsogon.

Noong 2008, nakompleto at binuksan sa publiko ang SCTEx. Ito na rin ang naging hudyat upang maumpisahan ang pagpaplano at pagsasagawa ng TPLEx.

Nang maupo si Aquino noong 2010, inumpisahan na ang pagsasagawa sa TPLEx sa ilalim ng programang public-private partnership ng kaniyang adminsitrasyon. Ang DMCI Holding Inc., at Private Infra Development Corporation Inc. ng San Miguel Corporation ang nangunguna sa proyekto.

Mayroong tatlong yugto o phase ang proyekto: Phase 1 – Tarlac City hanggang Rosales, Pangasinan; Phase 2 – Rosales, Pangasinan hanggang Urdaneta City, Pangasinan; at Phase 3 – Rosario, La Union hanggang San Fernando, La Union.

Ang unang phase ng konstruksiyon ay naibigay sa Private Infra Dev. Corporation na ngayon ay tinatawag nang SMC TPLEx Corporation.

Pagpopondo at daraanan ng proyekto

Tatlong bangko sa Pilipinas ang nagpondo sa TPLEx: BDO Unibank, Development Bank of the Philippines, at Land Bank of the Philippines. Dahil dito, ang TPLEx ang sinasabing kauna-unahang proyekto sa ilalim ng Public-Private Partnership sa Pilipinas.

Isa sa mga naging dahilan ng pagkakaantala ng proyekto ay ang pagkuha ng proyekto ng rights of way (ROW). Dahil ang TPLEx ay sinasabing isa sa mga prayoridad na proyekto ng pamahalaan, naatasan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na kumuha ng ROW para sa proyekto at binigyan ng badyet na ₱793 milyon upang mapabilis ang proseso. Gayunman, nagkaroon pa rin ng pagkaantala dahil sa ilang ligal na proseso na dapat pagdaanan.

Nagkaroon din ng antala sa pagtapos ng proyekto dahil sa ilang panukalang pagdadagdag ng rutang daraanan ng gagawing expressway. Iminungkahi ni Mark Cojuangco, kinatawan ng Ika-5 Distrito ng Pangasinan na padaanin sa Urdaneta at San Fabian at lalabas sa Cataguintingan sa Rosario, La Union. Ito ay nasa 1.48 kilometrong mas mahaba kaysa sa orihinal na plano sa TPLEx. Ang ikalawang panukala naman ay pagdaan sa San Fabian ngunit magtatapos pa rin sa Barangay Subusub batay sa orihinal na plano. Lahat ng panukalang ito ay hindi daraan sa munisipalidad ng Sison. Gayunman, hindi ito pinahintulutan ng Cordillera Administrative Region Development Council kaya naman ang petsa ng pagtapos sa proyekto na Abril 2017 ay naantala at nagtapos noong Abril 2018.

Phase 1 at 2

Ang unang yugto o Phase 1 ng Tarlac-La Union Expressway ay nagsimula noong Enero 2010. Noong Abril 2013, inanunsiyo ng San Miguel Corporation na ang daan mula sa Tarlac hanggang Urdaneta ay magkakaroon na ng apat na linya sa halip na dalawa batay sa orihinal na plano. Gayunman, ang pagdagdag ng linya ay nakaantala naman sa pagbubukas ng expressway. Nagbukas ito noong Nobyembre 2013 sa halip na Hunyo 2013.

Noong 25 Oktubre 2013 naman, inotorisa naman ng Toll Regulatory Board ang paglalabas ng Toll Operation Permit sa bahaging Tarlac hanggang Pura ng TPLEx matapos makompleto ang paggawa rito. Ang unang bahagi rin ng TPLEx ay nakakonekta na sa SCTEx.

Binuksan naman ang bahagi ng TPLEx sa Ramos, Tarlac kaya naman naging 23 kilometro na ang haba ng expressway na nadaraanan. Natapos ang unang yugto noong 16 Abril 2014 nang buksan ang bahagi sa may Rosales.

Ang Phase 2 naman ay binuksan noong Disyembre 2014 na mayroong habang 13.72 kilometro na mula Carmen hanggang Urdaneta.

Phase 3 at iba pang pagpapalawig

Noong Disyembre 2014, sinasabing ang Phase 3 ng TPLEx ay makokompleto sa taong 2015. Mayroon itong habang 25.83 kilometro na mula Urdaneta hanggang Rosario. Gayunman, nagkaroon ng pagkaantala sa pag-uumpisa ng proyekto dahil sa hindi mapagkasunduang panukala na ilayo ang exit ng expressway sa San Fabian, Pangasinan. Noong Hulyo 2015, inanunsiyo ng DPWH na susundin nila ang orihinal na plano ngunit dahil sa mga antala, matatapos na ito sa taong 2016.

Nagkaroon dalawang bahagi ang Phase 3: Ang Phase 3A na mula Urdaneta hanggang Pozorrubio at Phase 3B na mula Pozorrubio hanggang Rosario. Binuksan ang Pozorrubio noong Disyembre 2017 at sinabing ang Phase 3B ay makokompleto pa sa Hunyo 2019. Noong 15 Hulyo 2020 lamang nabuksan ang Pozorrubio hanggang Rosario segment ng expressway.

Palalawigin din ang TPLEx mula sa Rosario papuntang San Fernando, La Union. Nakatakda ring palawigin ang expressway hanggang sa Laoag, Ilocos Norte.

Bayad sa toll

Gumagamit ang TPLEx ng closed road tolling system kung saan nagbabayad ang mga motorista batay sa klase ng sasakyang iminamaneho. Noong 8 Abril 2019, ipinatupad ang paggamit ng Auto-sweep electronic toll collection (ETC) system.

  • Class 1 (kotse, motorsiklo, SUVs, dyip) - ₱3.50/km
  • Class 2 (bus, maliliit na truck) - ₱8.70/km
  • Class 3 (malalaking truck) - ₱10.50/km

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.