T’nalak

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang t’nalak (binabaybay ring tinalak) ay isa sa mga ipinagmamalaking produkto sa South Cotabato, lalawigan sa Gitnang Mindanao. Isa itong uri ng tela na gawa sa hibla o himaymay ng abaka na hinahabi ng mga katutubong T’boli (binabaybay ring Tiboli).[1]

Noong unang panahon, mataas ang halaga ng t’nalak sa pakikipagkalakalan. Sinasabing katumbas nito ang halaga ng isang kabayo o baka at ipinagkakaloob ng maykaya sa kasalan. Itinuturing itong kayamanan ng isang pamilya.[1]

Ang t’nalak ay kasalukuyan pa ring ipinagyayaman ng mga T’boli. Isa rin ito sa mga popular na katutubong produkto sa Pilipinas.

Tagapaghabi ng Panaginip

Ang mga babaeng T’boli lamang ang tanging nakapaghahabi ng t’nalak. Sila ay tinatawag ding “tagahabi ng panaginip” o “dreamweaver” sapagkat hinahango mula sa kanilang panaginip ang mga disenyo nito. Sinasabing si Fu Dalu, diyosa ng abaka, ang bumibisita sa kanilang panaginip upang sabihin ang mga disenyong kanilang ihahabi.[1][2]

Pula at itim ang karaniwang kulay ng t’nalak. Katapangan, pag-ibig, at pangako ang sinisimbolo ng pula. Kahirapan, pakikipaglaban, at pagtitiyaga naman ang sinisimbolo ng itim. Ang tina na ginagamit na pangkulay ng tela ay nagmula sa katas ng mga halaman at mga bahagi ng punongkahoy.[1][2]

May mga sinusunod na ritwal o pamahiin din sa paghahabi ng t’nalak. Ipinagbabawal sa kababaihan ang pakikiniig sa kani-kanilang asawa bago simulan ang paghahabi. Bawal ding maghabi ang may buwanang dalaw. Naniniwala ang mga katutubo na nakaaapekto ito sa kalidad at disenyo ng kanilang produkto. Samantala, ginagamit naman ang t’nalak bilang pantakip sa nanganganak para sa kaligtasan ng ina at ng sanggol nito.[1]

Gawad sa Manlilikha ng Bayan

Noong 1998 ay ipinagkaloob kay Lang Dulay, isang T’boli, ang Gawad sa Manlilikha ng Bayan na programa ng National Commission on Culture and the Arts (NCCA). Layunin nitong bigyang-pugay ang mga Pilipinong nagpapanatili ng mga katutubong tradisyon.[3][4]

Si Dulay ay kinilala dahil sa kaniyang pagpapanatili ng tradisyonal na paghahabi ng t’nalak. Siya ay tubong Lake Sebu at iginagalang sa kanilang komunidad. Sa gulang na 12, natuto siyang maghabi ng t’nalak. Bukod sa mga disenyo na itinuro ng kaniyang ina, hango rin sa kaniyang mga panaginip ang kaniyang mga disenyo. Tinatayang mahigit 100 disenyo na ng t’nalak ang kaniyang nahabi. Siya rin ang unang itinuring na “tagahabi ng mga panaginip ng mga T’boli.”[3][4]

Itinuro din niya ang kaniyang kaalaman sa sining ng paghahabi sa kababaihang T’boli.[3]

Sumakabilang-buhay si Dulay noong 2015 sa gulang na 91.[4]

Kultural na Pagdiriwang

Tuwing ikalawang linggo ng Hulyo, ipinagdiriwang sa Koronadal City ang T’nalak Festival. Ang pagdiriwang na ito ay may kaugnayan sa pagkakatatag ng South Cotabato bilang isang lalawigan. Matutunghayan dito ang mayaman at makulay na kultura ng mga katutubong pangkat, ng mga Muslim, at ng mga Kristiyano. Malaking porsiyento ng populasyon ng South Cotabato ay mga Kristiyano.[5]

Tuwing piyesta, itinatatanghal ng mga mamamayan ang kanilang kultura sa magarbong parada. May dance competition din kung saan pumipili ng mga magsisipagwagi mula sa mga pangkat ng mga katutubo, Muslim, at Kristiyano.[5]

Sa ganito ring panahon, may mga turistang nagpupunta sa Lawang Sebu upang panoorin ang mga kultural na pagtatanghal ng mga T’boli. Ang Lawang Sebu na matatagpuan sa munisipalidad ng Lake Sebu ay nagsisilbing pamayanan ng mga katutubo. Ito rin ang pangunahing pinagkukunan ng tubig para sa irigasyon ng mga taniman sa lalawigan.[6]

Mga Sanggunian

  1. 1.0 1.1 1.2 1.3 1.4 Roberto B. Torres, ed. Virgilio S. Almario. “Tinalak.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. (PDF)
  2. 2.0 2.1 “T’Nalak: The Land of the Dreamweavers.” Critical Filipinx American Histories and their Artifacts. https://uw.pressbooks.pub/criticalfilipinxamericanhistories/chapter/tnalak-the-land-of-the-dreamweavers. Accessed 25 Enero 2021.  
  3. 3.0 3.1 3.2 Grace Bengco, ed. Galileo S. Zafra. “Lang Dulay.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. (PDF)
  4. 4.0 4.1 4.2 Edwin Fernandez. “‘Dreamweaver,’ T’boli and national treasure, dies.” Inquirer.net, 02 Mayo 2015. https://newsinfo.inquirer.net/688860/dreamweaver-tboli-andnational-treasure-dies. Accessed 25 Enero 2021.  
  5. 5.0 5.1 Dennis Dolojan. “South Cotabato’s T’nalak Festival | A Photo Essay.” Love Mindanao Blog, 2014. http://www.lovemindanao.com/2014/01/tinalakfestival.html. Accessed 25 Enero 2020.  
  6. Adelfa M. Pascual , ed. Virgilio S. Almario. “Lawang Sebu.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyong 2013. Filipinas Institute of Translation, Inc. (PDF)

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.