Swab Cab
Ang Swab Cab ay ang programang inilunsad ni Vice President Leni Robredo noong Marso 2021 na nagbibigay ng libreng antigen test sa mga lugar kung saan mabilis ang paglaganap ng coronavirus (COVID-19). Ang Swab Cab ay isang bus na ginawang testing center na umiikot sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas. Ito ay suporta ng Office of the Vice President (OVP) katuwang ang ilang pribadong institusyon sa pagsugpo ng mga lokal na pamahalaan sa nakamamatay na coronavirus.
Ang Swab Cab ay gumagamit ng mga antigen test kit na aprubado ng Food and Drug Administration (FDA) na natiyak ang bisa. Ang mga antigen test kit na ginamit sa unang mga lugar na pinuntahan ng Swab Cab ay mula sa mga pribadong sektor. Pinili ng OVP ang paggamit ng mga antigen test kit dahil mas mabilis makuha ang resulta nito, tinatayang sa loob lamang ng isang oras, at mas mura kompara sa mga RT-PCR test na tumatagal ng tatlong araw bago mailabas ang resulta.
Katuwang din ng OVP ang Kaya Natin! Movement at Ube Express, ang bus line na kasama nila sa proyektong libreng sasakyang naghahatid at nagsusundo sa mga frontliner.
Simula
Ang Swab Cab ay sinimulan ni Robredo noong Marso 2021 bilang tulong sa mga lokal na pamahalaan dahil sa muling pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa. Partikular na tinukoy ni Robredo ang mga lungsod kung saan naitala ang mabilis na pagdaming muli ng kaso ng mga tinatamaan ng COVID-19. Malaking tulong para sa lokal na pamahalaan na magkaroon ng mas maraming testing upang maiwasan na ang pagkalat ng coronavirus.
Ayon kay Robredo, nang ianunsiyo nila ang proyektong Swab Cab, mayroong mga pribadong kompanya ang agad na nakipagtulungan sa kanila para sa proyekto ang nagbigay ng mga antigen test kit. Mayroon ding mga doktor na lumapit sa OVP upang magbigay ng mahahalagang suhestiyon para mas maging epektibo ang kanilang serbisyong mobile testing.
Isinagawa ang unang libreng testing ng Swab Cab sa Lungsod ng Malabon. Tumakbo ang proyekto simula Marso 31 hanggang Abril 6, 2021. Sa tuwing mayroong mga residenteng magpopositibo sa virus, agad na dinadala sa isolation center ang mga ito at nagsisimula rin ang contact tracing ng lokal na pamahalaan. Isa rin sa mga doktor na nagsasagawa ng testing sa Swab Cab ay si Tricia Robredo, panganay na anak ng bise presidente.
Nagptuloy ang Swab Cab sa iba pang bahagi ng Kalakhang Maynila kabila ang Lungsod Quezon at Lungsod ng Marikina. Dinala rin ni Robredo ang kaniyang Swab Cab sa Naga City noong Hulyo 2021 at Imus, Cavite noong Abril at Hulyo 2021.
Paghikayat sa mga mamamayan
Ang Swab Cab ay nagkaroon din ng panghikayat sa mga mamamayan upang sumailalim sa antigen testing. Namimigay sila ng bigas at care kit sa mga magpapa-test at kung magpopositibo naman, sila ay makakukuha ng relief pack at hygiene kit.
Ang Swab Cab din ang naging inspirasyon ng OVP sa kanilang proyektong Vaccine Express at NagaVax Express na naglalayon namang matulungan ang mga lokal na pamahalaan sa pagbabakuna at paghikayat ng mga residente.
Mga sanggunian
- Raymund Antonio “Robredo’s Swab Cab rolls out in Marikina”. “Manila Bulletin”. (Hinango noong 23 Agosto 2021).
- Mara Cepeda “Robredo starts free antigen testing in high-risk areas”. “Rappler”. (Hinango noong 23 Agosto 2021).
- Raymund Antonio “Robredo’s Swab Cab rolls out in Naga City”. “Manila Bulletin”. (Hinango noong 23 Agosto 2021).
- Gabriel Pabico Lalu [https://newsinfo.inquirer.net/1458796/look-ovps-swab-cab-returns-to-imus-cavite-to-test-residents-for-covid/ “LOOK: OVP’s Swab Cab returns to Cavite to test residents for COVID”. “Inquirer”. (Hinango noong 23 Agosto 2021).
- Gabriel Pabico Lalu “Malabon mayor ‘surprised’ on learning Tricia Robredo is Swab Cab doctor”. “Inquirer”. (Hinango noong 23 Agosto 2021).
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |