Sultan Kudarat

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Sultan Muhammad Dipatuan Qudratullah Nasiruddin o Muhammad Dipatuan Kudarat ay isang Sultan ng Magindanaw. Ipinangalan sa kaniya ang lalawigan ng Sultan Kudarat sa Pilipinas.

Talambuhay

Itinuring siya ng mga Espanyol na napakalaking hadlang sa kanilang pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa Mindanao. Si Muhammad Dipatuan Kudarat ay matalino at matapang kaya nahirapan sa kanya ang mga mananakop. Buo ang tiwala ng mga nasasakupan ng sultan sa kaniya kaya ni isa’y walang nagkanulo sa kaniya.

Pinamunuan ni Sultan Kudarat – Corralat para sa mga Espanyol- ang Sultanato ng Maguindanao mula 1619 hanggang 1671. Isinilang siya noong huling dekada ng ika-16 na siglo. Anak siya ni Datu Buisan, isang Iranun at Ambang. Ang kaniyang ngalang Dipatuan ay hinango sa salitang Malay na nangangahulugang "pinuno", at ang Kudarat ay salitang Arabiko para sa lakas.

Iginalang siya maging ng mga naninirahan sa ibang sultanato sa paligid ng Maguindanao. Sa ilalim ng kaniyang pamumuno, napagkaisa niya ang kultura sa Lanao, Cotabato, Davao at Zamboanga. Nagkaisa sila sa pagtutol sa pananakop ng mga Espanyol.

Noong 1637, nagpadala si Gobernador-Heneral Sebastian Hurtado de Corcuero ng ekspedisyon para sakupin ang lupain ni Kudarat. Napabagsak ng mga kaaway ang kaniyang mga kuta sa Lamitan. Ngunit nakatakas si Kudarat sa kabundukan at doon nag-ipon ng lakas at puwersa upang ipagpatuloy ang kanyang pakikipaglaban sa mga mananakop.

Hindi kailanman nadakip ng mga kaaway si Kudarat. Nang mamatay siya noong 1671, humalili sa pagka-sultan ang kanyang anak na si Datu Dundang Tiidulay.

Bilang pagkilala kay Sultan Kudarat, isang bantayog ang ipinatayo sa Makati, Metro Manila. Isang lalawigan at isang bayan ang isinunod sa ngalan niya. Mayroon ring dekorasyong pandiplomatiko at selyong nagtataglay ng kaniyang ngalan.

Tingnan din

References