Stevan Javellana

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Stevan Javellana, kilala rin bilang Esteban Javellana, ay isang Pilipinong manunulat sa wikang Ingles.

Pinagmulan at Edukasyon

Ipinanganak si Javellana noong 1918 sa Iloilo. Nag-aral siya sa Iloilo High School at sa San Agustin College, bago nagtungo sa Unibersidad ng Pilipinas kung saan siya nagtapos ng abogasya.

Karera

Nag-aaral ng abogasya si Javellana nang sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Nang panahong iyon ay kilala na siya dahil sa kanyang maiikling kwentong nagbigay ng tapat na paglalarawan sa buhay sa kanayunan. Bagaman sumali siya sa resistance movement ay ipinagpatuloy niya ang kanyang pagsusulat ng maiikling kwento. Kanya ring ipinagpatuloy ang pagsusulat ng maiikling kwento maging nang matapos ang digmaan at ang pananakop ng mga Hapones sa Pilipinas.

Isa ang “Transition” sa pinakakilalang maikling kwento ni Javellana. Napabilang ito sa talaan ni Jose Garcia Villa ng pinakamahuhusay na maiikling kwento na nailathala mula 1926 hanggang 1940. Nailathala sa mga babasahin tulad ng Philippine Writing, Philippine Cross-Sections at Manila Times Magazine ang iba pang maiikling kwento ni Javellana. Kabilang dito ang “Two Tickets to Manila,” “The Tree of Peace,” “The Sin of Father Anselmo,” “The Fifth Man,” at “The Hidden Sea”.

Noong 1947, dalawang taon matapos siyang magtungo sa Estados Unidos, ay nailimbag ang kai-isang nobela ni Javellana, ang Without Seeing the Dawn. Halaw ang pamagat nito sa isang pangungusap na binigkas ni Elias sa nobelang ''Noli Me Tangere'' ni Jose Rizal. Sa Without Seeing the Dawn ay muling pinatunayan ni Javellana ang husay na ipinamalas niya sa pagsusulat ng maiikling kwento. Lubos na makatotohanan ang kanyang paglalarawan sa buhay ng mga Pilipino sa nayon sa bago sumiklab ang digmaan hanggang sa kanilang pagkilos laban sa mga mananakop.

Naging mainit ang pagtanggap ng mga mambabasa sa Estados Unidos at sa Pilipinas sa nobela. Noong 1976 ay nailimbag din ito sa Pilipinas. Itinanghal ito ng ilan sa nangungunang manunulat na Pilipino bilang isa sa pinakamahusay na nobelang Ingles na isinulat ng isang Pilipino. Gayundin, tumanggap ito ng papuri mula sa mga kritiko sa Estados Unidos.

Naging inspirasyon ang nobela para sa pelikulang Santiago na pinagbidahan nina Fernando Poe, Jr. at Hilda Koronel sa direksyon ni Lino Brocka. Ipinalabas ang naturang pelikula noong 1970. Makaraan ang ilang taon, ipinalabas ang adaptasyong pantelebisyon nito, ang seryeng pinamagatang Malayo Pa ang Umaga.

Sa kabila ng tagumpay ng Without Seeing the Dawn ay hindi ito sinundan ni Javellana ng iba pang nobela. Pumanaw siya noong 1977.

Panlabas na Kawing

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.

Stevan Javellana Stevan Javellana Stevan Javellana