Sonia Roco

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Sonia Cubillo Malasarte-Roco (ipinanganak noong 20 Hulyo 1944) ay ang biyuda ni Raul Roco, dating senador ng Pilipinas na nuo'y tumakbong presidente ng bansa. Isa siyang magtuturo at aktibong miyembro ng kilusang kababaihan. Dati siyang pangulo at isa sa mga nagtatag ng organisasyong Women in Nation Building (WIN).

Personal na Impormasyon at Edukasyon

Ipinanganak si Roco sa munisipyo ng Calape, Bohol. Anak siya ng dating kongresista na si Pablo Malasarte at ng asawa nitong si Petra Cubillo. Kasal siya kay Raul Roco, at pinarangalan silang mag-asawa ng Golden Parents Award noong taong 1995. Mayroon silang anim ni anak -- sina Bobbit, Ponjun, Pia, Neena, Ruarri, at Nara; at apat na apo -- sina Nica, Reece, Samantha, at Shania.

Modelong mag-aaral si Sonia mula elementarya hanggang kolehiyo. Nagtapos siyang magna cum laude sa kursong Bachelor of Science in Education sa Saint Joseph's College sa Lungsod Quezon.

Nakatanggap siya ng napakaraming parangal noong siya'y mag-aaral pa lamang. Ang pinakamalaki rito'y ang Most Outstanding Student of the Philippines noong 1964, nang lamangan niya ang maraming mag-aaral sa buong bansa sa akademya, pagiging lider, at iba pang larangan. Pumangalawa sa kanya ang magiging asawa niyang si Raul. Iginawad kay Roco ang Cardinal Santos Leadership Award dahil sa kanyang pagsilbi bilang pangulo ng Student Catholic Action (SCA) pati na ang pagiging kalihim ng Executive Board ng National Union of Students in the Philippines (NUSP) noong 1964.

Nagtapos si Roco ng master's degree sa Communication Arts at sa Social Psychology sa Pamantasang Ateneo de Manila at kumuha ng iba pang kurso sa Child Development Center ng Unibersidad ng Pilipinas.

Lindol sa Baguio, 1990

Isa si Roco sa mga nakaligtas sa lindol na sumira sa Lungsod Baguio noong 1990. Habang siya at ang mga kasamahan niya ay nasa isang seminar na inisponsor ng USAID sa Hotel Nevada, biglang lumindol sa lugar na naging sanhi ng pagkasira ng hotel. Tatlumpo't anim na oras nakulong sa loob ng gusali ang mga kalahok, kabilang si Roco. Nasagip sina Roco at iba pang kalahok ng mga minero ng Benguet at ibang mga kadete ng Philippine Military Academy (PMA), subalit dalawampu't pito sa mga kalahok ang namatay.

Karera at Pulitika

Isa si Roco sa mga nagtayo ng "Our School", isang paaralan para sa early childhood education sa Ateneo de Manila Psychology Department. Itinatag din niya ang "Live and Learn Pre-school", isang paaralang pambata na matatagpuan sa Katipunan, Lungsod Quezon.

Napakaaktibo ni Roco sa pagsulong na iba't ibang karapatan mula sa edukasyon hanggang sa mga organisasyon ng mga kababaihan. Bilang isa sa mga nagtatag at dating pangulo ng Women in Nation Building (WIN), siya ang palaging takbuhan ng mga babae ukol sa iba't ibang isyung nakaaapekto sa mga kababaihan. Isa rin siyang kasapi ng Student Catholic Action Leadership Foundation, isang grupo na sumusuporta sa muling pagpapasigla sa SCA sa mga katolikong kabataang Pilipino. Bago siya naging tagapag-alaga ng kanyang kabiyak na si Raul, dati na niyang isinusulong ang maayos na kalusugan para sa mahihirap at mga may malulubhang sakit, kaya't isa siya sa mga nagtayo ng St. Michael's Hospice noong 1996. Nagsilbi siyang pangulo ng Senate Spouses Foundation at masigasig na tumulong sa Philippine Foundation for Rehabilitation of the Disabled (PFRD).

Lumahok si Roco sa mga pagsasanay sa pagtatalumpati at drama sa London. Nagturo, nagdirek, at nagprodyus siya ng mga drama at iba pang mga pagtatanghal sa entablado nang bumalik siya sa Pilipinas. Siya ay naging pangulo ng Metro Manila Community Orchestra (MMCO).

Tumakbo siya ng pagkasenador sa ilalim ng partido ng kanyang asawa na nuo'y tumakbong Presidente, ang Aksyon Demokratiko sa halalan ng 2007. Subalit, hindi nanalong senador si Roco sapagkat ikalabimpito siya sa may pinakamaraming boto at labindalawa lamang ang tatanghaling panalo.

Sa kasalukuyan, muling tumatakbo si Roco bilang senador sa halalan 2010.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.