Skyway Stage 3

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Skyway Stage 3.

Ang Skyway Stage 3 ay bahagi ng Metro Manila Skyway (MMS) na nagdurugtong sa South Luzon Expressway (SLEx) at North Luzon Expressway (NLEx). May haba itong 18 kilometro na dumaraan sa Buendia, Lungsod Makati hanggang sa NLEx sa may Balintawak, Lungsod Quezon. Binuksan sa publiko ang Skyway Stage 3 noong 14 Enero 2021.

Inaprubahan ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang proyekto noong Setyembre 2013. Pormal namang sinimulan ang konstruksiyon noong Enero 2014 at sinasabing matatapos sa Abril 2017. Gayunman, dahil sa ilang isyu ng right of way (ROW)  at sa naganap na malaking sunog sa Pandacan, Maynila na daraanan ng proyekto, makailang ulit na naatala ang proyekto. Ang proyektong ito ay kabilang sa programang public-private partnership (PPP) ng administrasyong Aquino.

Mas pinabibilis ng Skyway Stage 3 ang biyahe mula Makati hanggang Balintawak na aabot lamang sa 20 minuto kompara sa dating tatlong oras.

Pagsisimula

Nakatanggap ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng isang alok sa konstruksiyon ng isang elevated toll road na magiging bahagi ng Skyway mula sa Citra Metro Manila Tollways Corp. (CMMTC) na bahagi ng San Miguel Corporation. Ayon sa panukalang ipinarating ng kompanya sa DPWH, ang bagong bahagi ng Skyway ay daraan sa Bicutan, Taguig, at Balintawak. Dahil sa ganda ng proyekto, isinama ito ng DPWH sa mga posibleng proyekto nila sa ilalim ng PPP.

Noong Setyembre 2013, inaprubahan ni Pangulong Benigno S. Aquino III ang proyekto. Ayon sa administrasyon ni Aquino, ang proyekto ay malaking tulong upang makabawas sa mabigat na trapiko sa mga pangunahing kalsada sa Pilipinas tulad ng EDSA, Quezon Avenue, Araneta Avenue, Nagtahan, at Quirino.

Dagdag pa ng DPWH, ang proyekto ay malaking tulong sa motorista lalo na kung kailangan ng alternatibong daan tuwing baha. Malaking tulong din ang pagbawas sa oras ng biyahe mula Buendia hanggang Balintawak na sinasabing mapabababa sa loob lamang 15 minuto na noon ay aabutin ng dalawang oras.

Tinatayang nasa 10,000 trabaho rin ang malilikha ng proyekto sa panahon ng konstruksiyon nito. Ang ₱26.5 bilyong proyektong ito inaasahang matatapos sa loob ng 36 buwan.

Konstruksiyon

Ginawa ang groundbreaking ceremony ng Skyway Stage 3 noong 22 Enero 2014 at nag-umpisa ang konstruksiyon noong 17 Pebrero. Sinasabing ito ay matatapos sa taong 2017 ngunit dahil sa iba’t ibang dahilan, nagkaroon ng ilang pagkaantala sa proyekto. Nakaapekto rin ang pagtama ng COVID-19 na naging dahilan upang lalong maurong ang pagtapos ng proyekto.

Isa ang right of way sa mga naging dahilan ng pagkaantala ng proyekto. Ang orihinal na disenyo ng proyekto ay isang daang nagsasalubong sa Ilog Pasig, kung saan nagtatagpo ang NLEx-SLEx Connector Road malapit sa Polytechnic University of the Philippines sa may Sta. Mesa, Maynila. Ngunit dahil sa isyu ng right of way, kinailangan itong ibahin na dumaraan sa Tomas Claudio Street at sa San Miguel Yamamura Packaging Corporation sa may Pandacan, at susundan ang Ilog San Juan patungong Gregorio Araneta Avenue. Nagkaroon din ng pagbabago sa pagdurugtong ng Skyway sa NLEx. Ang proyekto ay idinesenyo na ring daraan sa Balintawak Interchange bago kokonekta sa Balintawak Toll Plaza ng NLEx sa Caloocan.

May ilan ring mga aksidente ang nangyari sa pagtatayo ng Skyway Stage 3. Noong 18 Agosto 2019, isang coping beam na ginagamit sa konstruksiyon ang bumigay sa ilang sasakyang dumaraan sa NLEx. Nagdulot ito ng mabigat na daloy ng trapiko at wala namang naiulat na nasugatan. Noong 1 Pebrero 2020 naman, nagkaroon ng malaking sunog sa San Miguel Yamamura Packaging Corporation plastic plant sa Pandacan. Nasa 300 metrong bahagi ng Skyway ang bumigay na naging sanhi ng malaking pagkaantala ng buong proyekto. Dahil dito, kinailangang muling itayo ang mga bahaging nasira na tumagal mula Abril 2020 hanggang Nobyembre 2020.

Pagbubukas

Ang northbound lane ng bahagi mula Buendia hanggang Quirino ay binuksan sa mga motorista noong 20 Hulyo 2018. Noong 22 Hulyo 2019 naman ay binuksan ang Buendia-Plaza Dilao segment na libre para sa mga class 1 na sasakyan lamang. Ang northbound exit ramp sa Quirino Avenue ay nakompleto at binuksan noong Disyembre 23.

Inanunsiyo naman ng San Miguel Corporation noong 13 Oktubre 2020 ang pinakahuling pagbubuhos sa mga daan bilang pagtatapos ng buong proyekto. Ngunit dahil sa walang patid na pag-ulan, muling naantala ang proyekto.

Noong 29 Disyembre 2020, ang nalalabing bahagi ng Skyway Stage 3 hanggang NLEx ay bahagyang binuksan na. 14 Enero 2021 naman pormal na binuksan sa publiko ang Skyway Stage 3. Pinangunahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang inagurasyon sa Del Monte Toll Plaza, Lungsod Quezon. Libre ang pagdaan dito hanggang 12 Hulyo. Sa loob rin ng ilang buwan, ang operasyon ng Skyway ay limitado lamang at isinasara mula alas-10 ng gabi hanggang alas-5 ng umaga. Noong Agosto 2021, nagsimula na ang 24/7 na operasyon ng Skyway Stage 3. Noong 12 Hulyo 2021 lamang pormal na nakapaningil ng toll ang Skyway sa mga dumaraan sa Stage 3 ng proyekto dahil sa pagkaantala ng pag-abruba sa toll rates at paglalabas ng toll operator’s permit.

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.