Siquijor

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Siquijor ay isang islang lalawigan sa Pilipinas na kabilang sa Gitnang Bisayas. Ito ang pangatlo sa pinamaliit na lalawigan sa bansa pagdating sa populasyon at lawak ng lupa, kasunod ng Camiguin at Batanes. Bahagi noon ng lalawigan ng Negros Oriental, tinawag itong Isla del Fuego ng mga Kastila, at sinasabing puno ng kababalaghan, mga mangkukulam, at iba pang nilalang na elemental.


Kasaysayan at heograpiya

May kabuuang 343.5 kilometro ang sukat ng Siquijor. Bahagi ng Gitnang Visayas (Rehiyon VII) makikita sa hilagang kanluran ang Cebu at Negros, sa hilagang silangan ang Bohol at sa timog, kabilang ibayo ng Dagat ng Bohol ang Mindanao.

Binubuo ang Siquijor ng anim na munisipalidad, 134 na barangay at isang distritong kongresyonal. Sa lalawigang ito matatagpuan ang Bundok Bandilaan, ang pinakamataas na bahagi ng lugar.

Sinasabi sa isang kwentong bayan na noong unang panahon, nang wala pa sa lupalop ang isla ng Siquijor, isang malakas na bagyo ang humagu[pit sa Bisayas. Nagkaroon ng napakalakas na lindol na yumanig sa lupa at dagat. Sa gitna ng mga pagkulog at pagkidlat, lumabas ang isang isla mula sa kailaliman ng sinapupunan ng karagatan at ito ang kinilalang isla ng Siquijor. Sa kasalukyang panahon, nakakuha ang mga magsasaka ng malalaking balat ng kabibe sa ilalim ng kanilang mga sakahan na maaaring magpatunay na nagmula nga sa ilalim ng karagatan ang kanilang isla.

Bagama't isa sa pinakamaliliit na isla sa bansa, agad nitong naakit ang mga Kastilang misyonero at manlalayag. Isang gabi, sa kanilang paglalayag, nakita nila ang liwanag na nagmumula sa mga kabundukan ng isla kaya tinawag itong Isla del Fuego (Isla ng Apoy). Nang makalapit, nakita nilang nagmumula ang ilaw sa mga alitaptap na nasa kagubatan. Tuwing gabi, lumalabas ang mga alitaptap at tila sinusunog ang kagubatan. Namangha ang mga Kastila at sa isang kwento, sinasabing nakilala nila ang pinuno ng isla—si Haring Kihod—nang dumaong sila sa pampang ng Siquijor.

Nang tanungin ang kanyang pangalan, sinabi ni Haring Kihod na “ako si Kihod,” at sa pag-aakala ng mga Kastila na ito ang pangalan ng isla, tinawag nila itong Sikihod na nang maglaon ay naging Siquijor dahil sa nahirap ang mga Kastila sa pagbigkas ng naunang pangalan.


Populasyon at kultura

Cebuano ang pangunahing wikang ginagamit ng mga tao sa Siquijor. Batay sa 2010 sensus, may 91,066 Siquijodnon (tawag sa mga taga-Siquijor) ang bumubuo sa populasyon ng isla. May 1.10 baitang ang bilang ng paglaki ng populasyon dito.

Isa sa pinakamataas ang dami ng marunong bumasa at sumulat sa Siquijor sa baitang na 92.5.


Mga tampok na lugar

Makikita sa bayan ng San Juan ang Capilay Spring Park, isang batis na may swimming pool at iba pang libangan. May paikot na puting buhangin na dalampasigan na umaabot sa 102 kilometro sa palibot ng isla. Matatagpuan sa mga dagat ang magagandang coral, at ibang likas na yamang matatagpuan sa tubig na ideyal para sa mga gustong sumisid. Matatanaw sa kanlurang bahagi ng isla ang napakagandang tanawin ng paglubog ng araw sa rehiyon. Nandito rin sa isla ang Talon ng Lazi at Larena.

Matatagpuan din sa Siquijor ang lumang bahay ng Cang-isok, ang kampanilya ni San Fransisco ng Asisi na itinayo noong 1870 at ang simbahan at kumbento ng San Isidro Labrador na itinayo noong 1891, tinuturing na pinakaluma at pinakamalaki sa Asya.



Sanggunian


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.