Sinaunang Maynila

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Isa nang matatag na lipunan ang Maynila bago pa man dumating ang mga Espanyol. Ang pangalang Maynila ay pinaniniwalaang nagmula sa dalawang termino: (1) may nilad na nangangahulugang “lugar na may bakawan” o “mga puno na may puting bulaklak” at (2) may nila na tumutukoy sa “kulay na nagmumula sa parehong halaman.”

Pamamahala at Pakikipag-ugnayan

Bago pa man sakupin ng mga Espanyol sa Maynila noong 1571, may dalawang polity o estadong pampolitika sa Maynila na nasa sabángan (malapad na sukat ng lupa sa tagpuan ng mga ilog) ng Ilog Pasig: ang hilagang bahagi ng ilog ay ang Tondo, habang ang timog na bahagi ay Maynila (bahagi ng kasalukuyang Fort Santiago). Sa mga panahong iyon, ang dating Maynila ay napalilibutan ng makapal na pader o moóg. Nagsisilbi rin itong pangunahing daungan kung saan nagaganap ang iba’t ibang kalakalan.

Ang Sinaunang Maynila ay pinamumunuan nina Raha Matanda at Raha Sulayman, habang ang Tondo ay pinamumunuan ni Lakandula.

Ang mga polity ay nagkakaugnayan sa pamamagitan ng kalakalan. Ang pinuno—may sentral na gampanin sa politikal at ekonomikal na kapakanan ng pamahalaan—ang nangangasiwa sa pakikipagkalakalan upang makalikha ng mga kaalyansa. Ang pagbuo ng alyansa ay mas mahalaga sa mga polity kumpara sa pagpapalawak ng teritoryo. Ang pagtatag ng samahan ay legal sa tatlong paraan: pagpapalitan ng mga kalakal, pag-aasawa, at ritwal na pagdiriwang.

Sinaunang Pamayanan

Isang bahagi ng baybayin ng Ilog Pasig ang pinaniniwalaang unang tinirahan ng mg mandarayuhan—ang Sapa na ngayon ay ang Santa Ana, Maynila. Batay sa mga arkeolohiyang ebidensiya, tulad ng mga Chinese ceramic at libingan ng tao, sinakop ng iba pang dayuhan ang Sapa sa loob ng sanlibong taon bago pa dumating ang mga Espanyol sa Maynila.

Maraming tao ang nanirahan sa mga baybayin ng Ilog Pasig. Ang mga bahay ay yari sa tayakad at ang lupa ay binungkal at pinakinis ang dalisdis. Posible ring gumagawa ng mga likhang-kamay na metal ang mga sinaunang mamamayan nito dahil may mga nakitang piraso ng metal sa bakuran ng Simbahan ng Santa Ana.

Ang Tondo ay matagal nang naitatag na pamahalaan ayon sa Laguna Copper Plate, ang pinakamatandang dokumento na natagpuan sa bansa na nagsasaad ng politikal na estruktura sa Pilipinas noong ika-10 siglo. Ito rin may masalimuot na sistema ng pamahalaan at nagtatag ng mga alyansa, batay sa mga ulat ng mga Espanyol.

Kalakalan

Ayon sa isang liham ni Miguel Lopez de Legazpi sa viceroy ng Mexico, sinabi nito na ang Maynila ang may direktang pakikipagkalakan sa Tsina. Ayon dito, ang mga Tsino ay nagdadala ng sutla, mga telang gawa sa bulak, mga banga na gawa sa luád, mga porselanang may halong ginto, at iba pang produkto dalawang beses kada taon. Kabilang naman sa mga produkto na inaangkat ng mga Tsino sa Maynila ay kanela, paminta, wax, bakal, tanso, asero, ginto, at perlas. Patunay ito na noon pa man, ang Maynila ay isa nang mahalaga daungan ng mga kalakal. Ang mga mangangalakal sa Maynila ay sinasabing naglalakbay hanggang Borneo upang makipagkalakalan ng kanela, wax, at tanso.

Sa panahon ng mga Espanyol, binuksan ang Maynila para sa direktang kalakalan sa Mexico na tinatawag na Kalakalang Galeon.

Panlipunang Balangkas

Bagama’t pinaniniwalaang mula sa maharlikang Muslim sa Borneo si Raha Sulayman, maging si Lakandula, walang ebidensiya na Islam ang pangunahing relihiyon o sumasaklaw sa politika sa Sinaunang Maynila. Bagama’t may mga Moro sa iilang bahagi nito, wala ritong mosque o relihiyosong pinuno ng mga Muslim.

Mas kilala ang Maynila bilang lugar ng mga Tagalog. Ang sumusunod ang tatlong antas ng pamumuhay sa komunidad ng mga Tagalog, katutubong pangkat na naninirahan sa Maynila at mga kalapit na lalawigan:

1. Maginoo o ang Namumunong Uri

  • Lakan o Raha – Siya ang pinakamataas na pinuno sa isang malaking bayan.
  • Datu – Siya ay isang maginoo na pinamamahalaan ang isang barangay. Siya rin ang nangunguna sa mga labanan.
  • Maginoo – Binubuo ito ng makapangyarihang lahi ng mga Tagalog. Ang ginoo ay tumutukoy sa kapuwa lalaki at babae na nagmula sa mataas na uri ng lipunan.

2. Ang mga Malaya

  • Timawa – Hindi sila alila ngunit maaari nilang piliin ang paglilingkurang datu. Maaari din silang makigamit ng lupa na nasasakupan ng datu.
  • Maharlika – Sila ay may pagkakatulad sa Timawa, ngunit nagsisilbi rin bilang bahagi ng militar ng datu.

3. Ang mga Alipin

  • Aliping namamahay – Sila ang mga aliping pinahihintulutang manirahan sa kanilang bahay at sakahin ang ilang bahagi ng lupa, ngunit inaasahang magbibigay ng parte ng ani sa kanilang amo.
  • Alipin sa gigilid – Sila ay naninirahan sa pamamahay ng kanilang amo at nakadepende sa pagkain at tirahan ng mga ito.

Mga Sanggunian

  • Malacañan Palace Presidential Museum and Library. “Pre-colonial Manila.” Malacanan.gov.ph, http://malacanang.gov.ph/75832-pre-colonial-manila. Accessed 20 Pebrero 2021.
  • Malacañan Palace Presidential Museum and Library. “The Evolution of Manila.” Malacanan.gov.ph, http://malacanang.gov.ph/75830-the-evolution-of-manila. Accessed 20 Pebrero 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.