Sinaunang Kabihasnang Tsino

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Sinaunang Kabihasnang Tsino ay isa sa mga unang kabihasnang umusbong sa mundo. Mayroon nang mga dokumentong nasusulat noon pa lamang 1250 BK tungkol sa kasaysayan ng Tsina sa panahon ng pamumuno ni Wu Ding ng dinastiyang Shang. Nabanggit din ang tungkol sa dinastiyang Xia na umusbong bago ang dinastiyang Shang, ngunit walang mga dokumentong nasusulat tungkol dito. Pinamunuan ng dinastiyang Shang ang lambak ng Ilog Dilaw, na siyang kinikilala bilang duyan ng kabihasnang Tsino. Umusbong ang kabihasnang Tsino sa paligid ng mga ilog ng Yangtze at Huang Ho ilang milenyo bago umusbong ang dinastiyang Shang.

Heograpiya ng Sinaunang Kabihasnang Tsino

Malawak ang teritoryong nasasakop ng Tsina, na binubuo ng iba't ibang anyong-lupa at anyong-tubig na may kani-kaniya ring klima. Malaki ang naging papel ng Ilog Dilaw sa hilaga at ang Ilog Yangtze sa timog sa pag-usbong ng kabihasnang Tsino.

Ang Rehiyon ng Ilog Dilaw

Unang umusbong sa rehiyon malapit sa Ilog Dilaw ang sinaunang Tsina noong ikatlo at ikalawang milenyo BK. Mataba ang lupa sa rehiyong ito ngunit nangangailangan ng maayos na irigasyon para sa agrikultura. Sa sinaunang panahon, ang millet ang pangunahing pagkain sa hilagang Tsina. Ang rehiyong ito rin ang kinikilala bilang "duyan ng Kabihasnang Tsina" (Cradle of China's Civilization). Sa lugar na ito nabuo ang mga pinakaunang dinastiya sa Tsina. Dito rin nagmula ang kabihasnang kumalat kinalaunan sa ibang bahagi ng Tsina.

Ang Rehiyon ng Ilog Yangtze

Matatagpuan sa katimugang bahagi ng Tsina ang lambak ng Ilog Yangtze, kung saan unang nakapagtanim ng palay sa panahon bago ang 5000 BK. Mula rito, kumalat sa iba't ibang bahagi ng Tsina at maging ng Timog Silangang Asya ang kaalaman sa pagtatanim at pagpapalago ng palay. Sa mahabang panahon, nanatiling nasa labas ng rehiyon ng kabihasnang Tsino ang lugar malapit sa Ilog Yangtze at noon lamang 700 BK nagsimulang kilalanin ng mga naninirahan sa lugar ang kabihasnang Tsino.

Mga Dinastiya ng Sinaunang Tsina

Pinamunuan ng mga haring may kani-kaniyang dinastiya ang sinaunang Tsina. Karaniwang nagmumula sa iisang pamilya ang mga hari, na ipinapasa ang kapangyarihan sa susunod na henerasyon.

Dinastiyang Xia

Ang dinastiyang Xia (2070 BK - 1600 BK) ang unang dinastiyang Tsino na inilarawan sa mga kasulatang pangkasaysayan sa Tsina. Sinasabing ang haring si Yu, na siyang nagtatag ng dinastiyang Xia, ay apo ni Zhuangxu na isa sa mga "Limang Emperador" (Five Emperors) ng Tsina. Marami sa mga impormasyon tungkol sa dinastiyang Xia ay nagmula sa mga artifak tulad ng mga kagamitang tanso at mga libingan. Noong 1959, natagpuan ang mga malalaking palasyo sa siyudad ng Yanshi, na pinaniniwalaang siyang kabisera ng dinastiyang Xia. Nagpatuloy ang paghahanap ng mga patunay sa naging eksistensiya ng dinastiyang Xia.

Dinastiyang Shang

Kilala ang dinastiyang Shang sa mga kagamitang tansong gawa sa panahong ito. Natagpuan rin ng mga iskolar ang mga "oracle" bones o mga butong ginagamit sa pagbabasa ng mga propesiya, na pinaniniwalaang mula sa dinastiyang Zhang

Dinastiyang Zhou

Nahahati sa dalawa ang dinastiyang Zhou, ang Early Zhou (o Western Zhou) at ang Late Zhou (o Eastern Zhou). Sa panahon ng Early Zhou, lumawak ang kapangyarihang politikal at kultural ng sinaunang Tsina, ngunit naging sanhi ito ng pagkakawatak-watak. Nabawasan ang kapangyarihan ng mga haring Zhou at namayani ang mga prinsipe. Namayani naman ang digmaan sa pagitan ng mga rehiyon sa panahon ng Late Zhou. Sa panahong ito umusbong ang maraming pagbabagong maglalarawan sa kabihasnang Tsino hanggang sa ikadalawampung daantaon. Sa panahon ring ito umusbong ang mga pilosopiyang magpapaunlad sa kabihasnang Tsino.

Dinastiyang Qin

Matapos ang mga taon ng digmaan at pagkakawatak-watak, uusbong ang isang nagkakaisang Tsina sa ilalim ng dinastiyang Qin. Ang harin si Qin Shih Huang ang tinawag na "Unang Emperador" (First Emperor) ng Tsina. Ipinatupad ang pagkakaisa sa ilalim ng pamumuno ng Qin dynasty, ngunit dahil sa pagiging strikto nito ay hindi ito nagtagal. Nagapi ito ng mga grupong mula sa mga ibang rehiyon.

Dinastiyang Han

Naging mas matagumpay ang sumunod na dinastiya, ang Han sa pagpapanatili ng pagkakaisa sa Tsina. Namuno ang dinastiyang Han sa loob ng halos 400 taon at itinuturing bilang isa sa pinakamahalagang dinastiya sa kasaysayan ng Tsina. Nasanay ang mga Tsino sa pamumuno ng dinastiyang Han na dahilang kung bakit hanggang sa kasalukuyan ay tinatawag pa rin nila ang kanilang mga sarili na "Han". Sa panahon ring ito umusbong ang Confucianismo na natili bilang isang mahalagang ideolohiya sa kasaysayan ng Tsina.

Pagtatapos ng Sinaunang Tsina

Tumagal hanggang 220 KP ang dinastiyang Han, nang mabuwag ito at mahati sa iba't ibang mas maliliit na estado. Dito nagsimula ang panahon ng kahinaan ng Tsina, kung saan walang iisang dinastiyang nagtagumpay na muli itong pagkaisahin. Naging daan rin ito para masakop ng mga tagalabas ang Tsina at magtatag ng mga sarili nilang estado. Sa kabila ng mga pagbabagong ito, napanatili ang kabihasnang Tsino hanggang dumating ang panahong muling umusbong ang mga dinastiya.

Mga Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.