Sinaunang Cebu

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Cebu ay isa sa apat na lalawigan sa Gitnang Bisaya (Rehiyon VII) sa Pilipinas.[1] Ito rin ang itinuturing na pinakamatandang lalawigan, at ang kabisera nito ay ang pinakaunang siyudad sa bansa, kung kaya’t hitik ang kasaysayan at kultura nito. Ito rin ay isa sa mga nadiskubreng isla ng manlalakbay na si Ferdinand Magellan noong 1521, at ang lugar kung saan naganap ang makasaysayang Labanan sa Mactan.

Ang Isla ng Sugbu

Ang Sugbu ay ang katutubong pangalan ng Cebu. Bago pa man dumating ang mga manlalakbay mula sa Europa, masigla na ang kalakalan sa rehiyon ng Bisaya o “Bisayan Islands.” Ang rehiyon ay binubuo ng Sugbu, Leyte, Bohol, Panay, at Panilonga (o ang kasalukuyang lalawigan ng Negros). Noong dumating ang mga mangangalakal na Arabo, dumarayo ang mga katutubo mula sa mga islang ito ng Sugbu sakay ng bangka na tinatawag na baroto na puno rin ng kanilang mga produkto. Ayon sa mga kuwentong-bayan, nagmula ang pangalan ng Sugbu sa salitang “sibo” o “sibu” na ang ibig sabihin ay barter o pakikipagpalitan ng kalakal.[2]

Sa panahong ito ay hindi pa ganap na bansa ang Pilipinas. Ang lipunan ay may porma na tinatawag na “balangay” (o balanghai, barangay) na hinango sa bangkang ginamit ng mga Malay papuntang Pilipinas at tumukoy na rin sa mga grupo ng pamilya na naninirahan sa isang partikular na teritoryo. Tinatawag din itong “ginsacopan” (sinasakupan) o “ginolohan” (isang pangkat na may pinuno). Nahahati sa tatlong klase ang lipunan: ang “datu” na kinabibilangan ng mga pinuno at maharlika; ang “timawa” o malayang tao; at ang “olipon” o alipin. Bagama’t maliit ang isla, wala itong sentrong pamahalaan na may isang nakatataas na pinuno. Nakapagsasarili ang bawat barangay, ngunit madalas na napagsasanib dahil sa kinaroroonan ng hangganan ng kanilang tirahan, paglipat ng tirahan, panggigipit sa mga mahihinang grupo, at pagbili o pagbebenta ng mga mangangalakal ng kanilang mga olipon.[3]

Ayon sa Italyanong kronista ni Ferdinand Magellan na si Antonio Pigafetta, sagana ang sinaunang Cebu sa mga pagkain tulad ng mga butil (millet), sorgo, dalanghita, tubó, niyog, mga halamang may matigas na balat tulad ng kalabasa at ampalaya (gourd), bawang, limon, kamote, at iba pang mga prutas.[4]

Pagdating ng mga Dayuhang Manlalakbay

Nang dumating ang Portuges na manlalakbay na si Ferdinand Magellan sa Homonhon noong 17 Marso 1521, nakilala nito ang ilan sa mga pinuno sa isla at kinalaunan ay naging kaalyansa niya. Itinuro ng mga pinuno ang isla ng Sugbu nang itanong ni Magellan kung anong lugar ang may mas maraming suplay ng pagkain at masigla ang kalakalan. Sa paggabay ni Rajah Kolambu, narating nila ang isla ng Sugbu o Zubu noong ika-8 ng Abril.[5] Naging padrino ni Magellan ang pinuno ng isla ng Cebu na si Rajah Humabon na kinalaunan ay nabinyagan bilang isang Kristiyano sa pangalang Carlos. Pumayag din ang pinuno na magbayad ng tributo at kilalanin ang soberaniya ng Espanya. Kabaliktaran naman nito ang naging pasiya ng pinuno ng Matan o Mactan na si Lapulapu. Tumutol ito na sundin ang kagustuhan ni Magellan, na naging mitsa ng isang labanan. Naging matagumpay ang puwersa ni Lapulapu nang tuluyang magapi si Magellan. Nakabalik naman ng Espanya ang ilan sa mga tauhan ni Magellan sa pangunguna ni Sebastian del Cano o Juan Sebastian de Elcano sakay ng Victoria, kung saan nabuo ang kauna-unahang paglalakbay sa palibot ng mundo.[6]

Basahin Labanan sa Mactan

Sa Panahon ng Espanyol

Matapos ang 44 taon, muling dumating sa Pilipinas ang mga dayuhan mula sa Espanya. Sa pagkakataong ito, iniutos ni Haring Philip II na sakupin at gawing kolonya ang Pilipinas. Isang ekspedisyon ang kanilang binuo sa Mexico, na noon ay kolonya rin ng Espanya, na siyang pinamunuan ni Miguel Lopez de Legazpi. Nag-umpisa ang paglalayag ni Legazpi noong ika-20 ng Nobyembre 1564 mula sa Navidad, at nakarating sa Samar noong ika-14 ng Pebrero 1565. Nilibot ni Legazpi ang mga isla sa Visayas ngunit isinawalang bahala lamang siya ng mga katutubo hanggang sa napadpad ang grupo niya sa Bohol. Nakilala ni Magellan ang pinuno na si Sikatuna na kaniyang naging kaibigan. Pinagtibay nila ang kanilang ugnayan sa pamamagitan ng isang Sandugo o blood compact. Sa huli ay naging unang gobernador-heneral ng Pilipinas si Legazpi.[7]

Narating naman ni Legazpi ang Cebu noong 27 Abril 1565, ngunit hindi ito sinalubong ng mga Pilipino katulad ng pagsalubong ni Humabon kay Magellan. Nang dumaong, sinalubong si Legazpi ng isang mensahero at sinabing makikipagkita sa kaniya si Tupas, ang pinuno ng nayon, at ang sampu pang mga pinuno. Sa halip na malugod na tanggapin ang mga dayuhan, nagsipaghanda na lamang ang mga katutubo upang tumakas at magtungo sa kabundukan. Upang maibsan ang kanilang takot, nakipag-ugnayan sa kanila si Padre Andres de Urdaneta at Mateo de Saz, ngunit hindi pa rin nila nakasundo ang mga katutubo. Sa kabila nito, napagtagumpayan pa rin niya na makapagtatag ng kaniyang gobyerno sa isla. Naging kampo ng mga mananakop ang Cebu at doon nagtayo ng muog, simbahan, at mga tirahan. Tinawag nila itong Villa de San Miguel. Dahil sa kakulangan sa pagkain, inilipat niya ang kaniyang kampo sa Panay noong 1569. Nagsimula naman ang pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas nang magkaroon ng negosasyon sa pagitan nina Legazpi at mga pinuno ng Maynila na sina Raja Matanda at Lakandula.[8][9][10]

Simula noon ay naging isang ganap na kolonya ng Espanya ang Pilipinas. Naitatag ang partisyon sa mga lugar tulad ng lungsod, ciudades (siyudad), pueblos (bayan), barangay (nayon), at rancherias (rantso). Nagkaroon din ng katawagan sa mga lugar ayon sa sakop ng simbahan, katulad ng parroquias (parokya), visitas, at doctrinas. Nagkaroon din ng estruktura ang pamahalaan. Nanatiling pinuno ang mga datu, at tinawag na gobernadorcillos (mayor), o cabeza de barangay (punong baranggay). Sila rin ang naniningil ng tributo sa kanilang nasasakupan sa ilalim ng sistema ng encomienda.[11] Upang masuportahan ang gobyerno ng kolonya, isinulong ng pamahalaan ang pagbabayad ng cedula personal kapalit ng tributo. Sinimulan din ang sapilitang pagtatrabaho ng mga Pilipino at lalaking Instik na mestizo na 16 hanggang 60 taong gulang, na tinawag na polo y servicio. Dahil dito, sumiklab ang iba’t ibang pag-aaklas laban sa mga Espanyol sa iba’t ibang lugar sa bansa kasama ang Cebu. Ilan sa mga ito ay ang pag-aalsa ni Dagami noong 1567 at ni Sumuroy noong 1649.[12][13]

Marami ang nabago sa Cebu nang dumating ang mga Espanyol. Naitayo ang pinakamatandang pamantasan sa bansa, ang Colegio de San Ildefonso na itinatag ng mga Heswita noong 1595. Ito ay ang kasalukuyang University of San Carlos. Naitayo rin ang ilan sa mga pinakamatatandang simbahan sa bansa, katulad ng Cebu Metropolitan Cathedral at Basilica Minore del Sto. Niño.[14] [15]

Naging mabagal ang pag-unlad ng Cebu sa unang 200 taon ng pananakop ng mga Espanyol hanggang dumating ang ika-19 siglo. Binuksan sa pandaigdigang merkado ang daungan ng Cebu noong 1860 kung saan dumami ang demand sa pang-eksport o kalakal na pananim katulad ng bigas, asukal, abaka, tabako, at indigo. Naging sentro naman ang Cebu sa produksiyon ng asukal sa Visayas at pumangatlo sa may pinakamalaking produksiyon sa bansa kabilang ang Pampanga at Bulacan. Ang Cebu ay isa rin sa may pinakamasiglang kalakalan at komersiyo sa Pilipinas. Dahil dito, tumaas ang populasyon sa lungsod ng Cebu at dumami ang mga dayuhang Tsino.[16][17]

Sa Panahon ng Himagsikan

Noong kasagsagan ng rebolusyon noong 1896–1899, may nabuong kilusan sa Lungsod Cebu sa ilalim ng pamumuno ni Pantaleon Villegas o tinatawag nilang “León Kilát” na ang ibig sabihin ay “mabangis” tulad ng leon at “mabilis” na parang kidlat. Naging mahalaga ang ginampanan ni Leon Kilat sa pagpasok ng mga manghihimagsik sa lungsod at pagtatatag ng kilusang rebolusyonaryo ng mga Cebuano. Nag-umpisa ang kilusan nang salakayin nila ang garison ng mga Espanyol noong 1 Abril 1898. Noong ika-3 hanggang ika-6 ng Abril, natipon na ni Leon Kilat ang mga manghihimagsik sa paligid ng lungsod. Ngunit, umurong ang puwersa ni Leon Kilat dahil humingi ng tulong si Heneral Adolfo Montero sa Iloilo at Maynila. Nagtago ang mga ito sa kabundukan at doon nabuo ang kilusang gerilya hanggang sa dumating ang mga Amerikano. Namatay si Leon Kilat noong 8 Abril 1898 sa Carcar dahil sa pagtataksil ng isa niyang kasamahan na si Apolinario Alcuitas.[18][19]

Sa Panahon ng Amerikano

Tuluyan nang natuldukan ang pananakop ng mga Espanyol nang nilagdaan ng Espanya at ng Estados Unidos ang Kasunduang Paris (Treaty of Paris) noong 10 Disyembre 1898.[20] Nagkaroon naman ng hidwaan sa pagitan ng mga Amerikanong sundalo at mga pinuno ng rebolusyon. Sakay ang barkong pandigma na Petrel, dumating ang mga Amerikano sa Cebu upang pasukuin ang mga lider ng rebolusyon. Ninais na labanan ng mga manghihimagsik ang mga Amerikano at pigilan ang kanilang pagdaong, ngunit naging hati ang mga pinuno. Ang ilang mayayamang residente ay natakot din na masira ang kanilang mga ari-arian. Kinabukasan ay iwinagayway ng mga Amerikano ang kanilang bandila sa Fort San Pedro. Noong 24 Hulyo 1899, nagkaroon ng maikling labanan sa kabundukan ng Sudlon na tumagal lamang nang dalawang oras. At noong ika-29 ng Hulyo, idineklara ni Heneral Arcadio Maxilom ang giyera laban sa mga Amerikano. Binantaan ni Maxilom at Leandro Fullon na susupilin nila ang sinoman na makikipagtulungan sa mga Amerikano kaya hindi naging madali sa mga Amerikano na pangasiwaan ang Cebu. Natapos ito noong Oktubre 1901 nang sumuko ang mga heneral kasama sina Maxilom, Juan Climaco, Mateo Luga, at Nicolas Godines.[21][22][23]

Matapos ang himagsikan, hinarap naman ng bansa ang iba’t ibang sakuna mula taong 1898 hanggang 1906. Marami ang naabandona na mga sakahan, maraming tao ang umalis, at nalimitahan ang kalakalan. Lumaganap din ang epidemya ng kolera at bulutong. Nagkaroon din ng sakit ang mga baka na tinatawag na rinderpest at pamemeste ng balang (locust). Dahil dito, naging matamlay ang produksiyon ng mga produktong agrikultural sa Cebu na lubos na nagpabagal sa ekonomiya nito.[24]

Naging mas matatag naman ang pamahalaan sa bansa sa sumunod na mga taon. Inilunsad ng mga Amerikano ang “Filipinization” kung saan mas nagkaroon ng partisipasyon ang mga Pilipino sa gobyerno. Pinaunlad din sa panahong ito ang impraestruktura, pampublikong edukasyon, kalusugang pangmadla, at kapayapaan sa bansa, maging sa Cebu. Binigyang-pansin din ang pagpapaunlad sa sektor ng agrikultura at sistema sa pagbili at pagsasapribado ng lupa. Sumiglang muli ang ekonomiya sa lalawigan ng Cebu na nagpabilis rin sa urbanisasyon ng lungsod nito.

Sa Ikalawang Digmaan

Sa pagnanais ng bansang Hapon na maging malaya ang mga bansang Asyano mula sa mga mananakop mula sa kanluran at pamunuan ang mga bansang ito, binuo nito ang Greater East Asia Co-prosperity Sphere. Nilusob ng Hapon ang Pilipinas noong 8 Disyembre 1941, sampung oras matapos ang pag-atake sa Pearl Harbor sa Hawaii. Noong ika-18 ng Disyembre, sa ilalim ng Executive Order No. 386, s. 1941, ibinaliktad ang watawat ng Pilipinas bilang pagpapahayag na ang Pilipinas ay nasa gitna ng giyera. Idineklara ni Heneral Douglas MacArthur na “open city” ang Maynila ayon sa suhestiyon ni Pangulong Manuel L. Quezon. Ayon sa international law, ang isang open city na hindi dinidepensahan ng kasundaluhan ay hindi maaaring bombahin. Sa kabila ng deklarasyong ito, binomba pa rin ng mga Hapones ang Maynila noong ika-26 ng Disyembre. Sa huli, napasok ng mga Hapones ang Maynila noong 2 Enero 1942. Bago pa man umalis si Quezon sa bansa, pinayuhan nito ang ilang prominenteng miyembro ng kaniyang gobyerno, kabilang sina Jose P. Laurel, Jose Abad Santos, Benigno S. Aquino Sr., at Jorge Vargas, na manatili sa Pilipinas upang protektahan ang bansa laban sa mga Hapones. Sumumpa naman si Laurel, ang Punong Mahistrado ng Pamahalaang Komonwelt, bilang ikatlong pangulo ng Pilipinas noong 14 Oktubre 1943. Sa kabila ng pagbibigay ng kalayaan sa Pilipinas sa ilalim ng pamumuno ni Laurel, patuloy pa rin ang paglaban ng mga Pilipino sa mga Hapones. Muling umatake ang mga Amerikano sa himpapawid noong Agosto 1944 sa Davao, hudyat ng panibagong giyera. Tinupad naman ni Heneral MacArthur ang kaniyang pangako nang bumalik ito sa bansa at lumapag sa Tacloban, Leyte noong 20 Oktubre 1944.[25][26][27]

Ang Cebu ang sentro ng puwersa ng mga Hapones sa Visayas, na dinidepensahan ng 14,500 sundalo na natitipon sa lungsod at silangang baybayin nito. Noong 26 Marso 1945, dumating ang hukbo ng mga Amerikano sa Talisay na pinamunuan ni Major General William H. Arnold. Sinalubong sila ng mga mina at mga bomba na nakabaon sa buhanginan, ngunit nagawang makapasok ng mga Amerikano sa isla hanggang marating na nila ang lungsod. Nagkaroon naman ng sagupaan nang marating ng mga Amerikano ang Babag Ridge kung saan nagkuta ang mga sundalong Hapones. Dito naganap ang pinakamadugong bakbakan sa Cebu noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Marami ang nasawi at napuruhan ang tropa ng mga Amerikano, at ang ilan ay nagkasakit tulad ng malaria at hepatitis. Dumating pa ang ilang impanteriya kung kaya’t tumakas ang mga sundalong Hapon at nagtungo sa kabundukan. Noong Agosto 1945, binomba ng Estados Unidos ang Hiroshima at Nagasaki kung saan tuluyang sumuko ang mga Hapones at tumapos sa sigalot.[28][29] Muling naibalik sa Pamahalaang Komonwelt ang pamumuno sa bansa kung saan naging pangulo si Sergio Osmeña. Nahalal namang pangulo si Manuel Roxas noong 23 Abril 1946. Pormal namang idineklara ang kalayaan ng Pilipinas noong 4 Hulyo 1946.[30]

Sanggunian

  1. “Region 7.” Department of Finance. https://blgf.gov.ph/regional-offices/region-7-2/. Hinango noong Enero 27, 2021.
  2. Lina Quimat. Glimpses in History of Early Cebu. (Lungsod ng Cebu: 1890), Hinango mula sa Google Books. https://books.google.com.ph/books?id=hIdxAAAAMAAJ&q=Glimpses+in+History+of+Early+Cebu.  Hinango noong Enero 27, 2021.
  3. Resil B. Mojares. “Where is the Center Ideology Formation and the Constitution of a Rural Cebuano Community: 1582-1988.” Philippine Quarterly of Culture and Society, Vol. 28, Bilang 1 (Special Issue: Contributions to History), March 2000. pp. 6-7. https://www.jstor.org/stable/29792451?seq=1#metadata_info_tab_contents. Hinango noong Enero 27, 2021.
  4. Teodoro A. Agoncillo. History of the Filipino People (8th edition). (Lungsod Quezon: R.P. Garcia Publishing Co., 1990).
  5. Agoncillo, Teodoro A. Introduction to Filipino History. (Philippines: Radiant Star Pub.: 1974.) p. 36, https://books.google.com.ph/books/about/Introduction_to_Filipino_History.html?id=kcRwAAAAMAAJ&redir_esc=y. Hinango noong 03 Pebrero 2021.
  6. Maria Luisa Camagay, et al. Unraveling the Past: Readings in Philippine History. (Lungsod Quezon: Vibal Group Inc., 2018), pp. 40-41.
  7. Ibid., pp. 44-45.
  8. Ibid., pp. 45-48.
  9. Cushner, Nicholas P. "Legazpi 1564-1572." Philippine Studies 13, Bilang 2 (1965): 163-206. http://www.jstor.org/stable/42720592. Hinango noong 03 Pebrero 2021.
  10. Mojares, Resil B. "The Formation of a City: Trade and Politics in Nineteenth-century Cebu." Philippine Quarterly of Culture and Society 19, no. 4 (1991): 288-95. Accessed February 4, 2021. http://www.jstor.org/stable/29792067.
  11. Mojares, pp. 8-12.
  12. Agoncillo, p. 122.
  13. Camagay, p. 72.
  14. Lucy Urgello Miller. Glimpses of Old Cebu: Images of the Colonial Era. (Cebu City: The University of San Carlos Press, 2010), pp. 183-192.
  15. Ruaya, Rhobie. “These historical Cebu churches stay remarkable over time,” Cebu Daily News, 10 Abril 2020. https://cebudailynews.inquirer.net/301543/these-historical-cebu-churches-stay-remarkable-over-time#ixz. Hinango noong 04 Pebrero 2021.
  16. Agoncillo, p. 136.
  17. Mojares, p. 18.
  18. “León Kilát (Pantaleon Villegas).” CulturEd Philippines. https://philippineculturaleducation.com.ph/kilat-leon-pantaleon-villegas/. Hinango noong 04 Pebrero 2021.
  19. Ted Alcuitas. “Was the man who killed Leon Kilat a hero or a villain?”, Sunstar, 05 April 2017.  https://www.sunstar.com.ph/article/135351/Business/Was-the-man-who-killed-Leon-Kilat-a-hero-or-a-villain. Hinango noong 04 Pebrero 2021.
  20. “Treaty of Peace between the United States of America and the Kingdom of Spain (Treaty of Paris), signed in Paris, December 10, 1898,” Official Gazette. https://www.officialgazette.gov.ph/1898/12/10/treaty-of-peace-between-the-united-states-of-america-and-the-kingdom-of-spain-treaty-of-paris-signed-in-paris-december-10-1898/. Hinango noong 04 Pebrero 2021.
  21. Miller, p. 223.
  22. Ango, Junald Dawa. "Anti-American Resistance and the Beginnings of the Public Schools in Cebu, 1899-1906." Philippine Quarterly of Culture and Society 40, Bilang 1/2 (2012): 34-57. http://www.jstor.org/stable/24410332. Hinango noong 04 Pebrero 2021.
  23. Agoncillo, p. 222.
  24. Mojares, “Where is the Center...”, p. 19.
  25. Camagay, p. 204, 216-217.
  26. “World War II and Japanese Occupation 1941 - 1945,” University of Alberta. https://sites.ualberta.ca/~vmitchel/fw6.html. Hinango noong 05 Enero 2021.
  27. “World War II in the Philippines.” Official Gazette. https://www.officialgazette.gov.ph/araw-ng-kagitingan-2013/world-war-ii-in-the-philippines/. HInango noong 05 Pebrero 2021.
  28. Gordon L. Rottman. World War II Pacific Island Guide: A Geo-military Study, (London: Greenwood Press, 2002), pp. 310-311. https://books.google.com.ph/books?id=ChyilRml0hcC. Hinango noong 05 Pebrero 2021.
  29. “Cebu: Hostile Beach, 1945.” 182nd Infantry. http://www.182ndinfantry.org/cebu-hostile-beach-1945/. Hinango noong 05 Pebrero 2021.
  30. Camagay, p. 222.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.