Sin Tax Reform Act

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Sin Tax Reform Act.

Ang Republic Act 10351 o Sin Tax Reform Act, na kilala rin bilang Sin Tax Law (STL) of 2012, ay isang batas na nilagdaan ni dating Pangulong Benigno S. Aquino III na nagtatakda ng mas mataas na buwis (excise taxes) sa alak, sigarilyo, at mga produktong tabako upang mahikayat ang mga Pilipino sa mas malusog na pamumuhay at makalikom ng pondo para sa pagpapatayo ng mga ospital at klinika sa buong bansa.

Nilagdaan ni Aquino ang batas noong 20 Disyembre 2012 at sinimulang ipatupad noong 1 Enero 2013. Ang batas ay makadaragdag ng hanggang ₱33.96 bilyon na pondo sa pamahalaan na gagamitin sa sektor ng kalusugan o Universal Health Care Program.

Ang Republic Act 10351 ay konsolidasyon ng House Bill 5727 at Senate Bill 3299. Ang House Bill 5727 ay ipinasa noong 6 Hunyo 2012 ng House of Representatives habang ang Senate Bill 3299 naman ay naamyendahan at naipasa noong 20 Nobyembre 2012 sa Senado.  Ang konsolidasyon ng dalawang panukalang batas ay niratipikahan noong 11 Disyembre 2012. Ang panukalang batas ay isa sa mga prayoridad ni Aquino kaya naman ito ay isa sa mga tinutukan upang mapabilis ang pagpasa.

Dinaluhan ng mga kawani ng Department of Health (DOH) sa pangunguna ni noon ay DOH Secretary Enrique T. Ona, mga manggagawa ng sektor ng kalusugan, mga doktor, grupo ng mga pasyente, at bahagi ng akademya ang makasaysayang pagpirma ng batas na ginawa sa Malacañang.

Sa isang talumpati, sinabi ni Aquino na ang Sin Tax Reform Act ay ang pamasko niya sa mga Pilipino lalo na sa mga makikinabang sa mas malawak na Universal Health Care Program. Dahil sa makokolektang dagdag na buwis mula sa batas, makapagpapatayo ng mga bagong ospital at klinika at mailalayo rin ang mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan sa bisyo ng paninigarilyo at pag-inom.

“Sa araw pong ito, nilagdaan natin, sa wakas—ulitin ko lang po, sa wakas—ang isang batas na magsisilbing maagang pamasko sa milyun-milyong Pilipinong masasaklaw sa abot-kamay nang Universal Health Care program. [Ang mga] Pilipino ay makikinabang sa mga bagong klinika at ospital na mapopondohan at maipapatayo; mga Pilipinong maililihis sa bisyo ng paninigarilyo at labis na pag-inom. Batas na po ang ipinaglaban nating Sin Tax Reform Act.”

Tiniyak din ni Aquino na hindi maaapektuhan ang kabuhayan ng mga Pilipino, lalo na ang mga magsasaka ng tabako, sa pagpasa ng batas. Kalakip din kasi ng Sin Tax Reform Act ay ang pagpunta ng 15 porsiyento ng buwis na makokolekta sa mga magsasaka ng tabako. Ang natitirang 85 porsiyento ay para na sa mga programa at proyektong pangkalusugan.

Ayon naman kay Ona, ang pagpasa ng sin tax law ay makatutulong sa pagkakaroon ng isang mas malusog na Pilipinas. Dahil sa mas mataas na buwis sa mga produkto tulad ng sigarilyo at alak, mas maraming kabataan ang hindi makabibili ng mga ito. Magreresulta rin ito sa mas mababang tsansa na magkaroon ng sakit tulad ng kanser sa baga, atake sa puso, stroke, at iba pang sakit sa atay at bato. Malaki rin ang maitutulong nito upang madagdagan ang mga benepisyaryo ng PhilHealth.

Pinuri din ng mga health professional ang ginawang pagpasa sa batas. Ayon kay Dr. Antonio Dans ng University of the Philippines College of Medicine, masaya silang naging maganda ang pagtalakay sa batas at ang mga probisyong inihain nilang nasa sektor ng kalusugan ay nakuhang lahat. Maging ang 50 asosasyong medikal na pumirma para sa manipesto ng pagsuporta sa noon ay panukalang batas ay masaya sa pagpasa ng Sin Tax Reform Act.

Pinataas ng Sin Tax Law ang buwis ng mga produktong tabako at alak. Sa unang taon ng batas, nagkaroon ng karagdagang ₱12 na pinakamababang excise tax sa isang pakete ng sigarilyo at unti-unting tumaas hanggang sa ₱30 noong 2017.

Sa unang taon lamang ng pagpapatupad ng Sin Tax Law, nakalikom ang pamahalaan ng tinatayang ₱103.4 bilyon, 86 porsiyentong mas mataas kaysa sa nakolektang buwis noong 2012 na ₱55.7 bilyon. Noong 2015, umabot naman sa ₱141.8 bilyon ang sin tax na nakolekta ng Pilipinas, ₱100 bilyon rito ay mula sa mga produktong tabako.

Dahil sa Sin Tax Reform Law, lumaki rin nang lumaki ang badyet na ibinibigay sa DOH. Noong 2013, umakyat ito sa ₱50.4 bilyon, doble ng badyet noong 2010 na ₱24.6 billion. Tumaas din ito noong 2014 na naging ₱83.7 bilyon, at ₱122.6 bilyon noong 2016. Noong 2013, napunta ang ₱12.6 bilyon ay napunta sa health insurance ng mahihirap na Pilipino.

Mga sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.