Simoun (El Filibusterismo)

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Simoun ay ang mayaman, liberal, tuso, at mapanghimagsik na pangunahing tauhan ng El Filibusterismo. Siya ang nagbalátkayông si Crisostomo Ibarra na nagbalik upang maghiganti at itakas sa kumbento si Maria Clara.

Baliktanaw sa Noli Me Tangere

Sa kuwento ng Noli Me Tangere, bumalik si Crisostomo sa bayan ng San Diego mula sa Europe dahil sa pagkamatay ng kaniyang ama na si Don Rafael Ibarra at upang pakasalan si Maria Clara. Handa na sana siyang magpatawad kung hinayaan siyang mamuhay nang tahimik; ngunit ginugulo pa rin siya ng kaniyang mga bangungot. Tinugis siya ng mga guwardiya sibil dahil ginamit ang pangalang Ibarra bilang pinuno ng isang kilusan. Nakatakas siya sa tulong ni Elias at ipinamalita ng mga tumutugis ang kaniyang kamatayan.

Ang Alahero

Sa El Filibusterismo, ang pagkakaalam ng mga prayle ay sampung taon nang patay si Crisostomo Ibarra kaya sa muling pagbabalik ng binata ay nagpakilala siya bilang Simoun, isang alahero. Dala niya ang napakaraming kayamanan, tulad ng mga antigong brilyante, kuwintas, hikaw, at perlas, na ipinagbibili niya sa mayayaman at may matataas na katungkulan. Kung ikukumpara sa pagkatao ni Crisostomo, si Simoun ay mas liberal, matapang, at tuso. Iisa lamang ang kaniyang layunin sa kaniyang pagbabalik—ang mailigtas at maitakas sa kumbento si Maria Clara.

Upang maisakatuparan ito, binalak niyang magpasiklab ng isang rebolusyon na siyang magiging sanhi upang mabuksan ang pintuan ng kumbento. At hindi ito magagawa ni Simoun kung wala ang tulong ng dalawa pang lalaking naging mapanghimagsik matapos maranasan ang matitinding dagok sa kanilang buhay: sina Basilio at Kabesang Tales.

Kahinaan ni Simoun

Dalawang beses na nagplano si Simoun upang maisagawa ang inaasam na rebelyon. Una rito ay ang paghahanda niya upang maitakas sa kumbento si Maria Clara. Si Basilio ang kaniyang kinausap at ginamit upang maitakas ang dalaga. Inamin din ni Simoun na ginamit niya ang lakas at salapi upang impluwensiyahan ang mga inapi, tulad ni Kabesang Tales at ng mga kasamahan nitong tulisan.

Sa kasamaang-palad, huli na para maisagawa ang pagtakas kay Maria Clara dahil patay na ang dalaga. Nang malaman ito ni Simoun, nawala siya sa sarili at kinabukasan ay hindi na siya tumatanggap ng sinomang panauhin. Dinamdam niya ang kaniyang mga kasawian at nagkasakit.

Ang Gasera

Ang huling pagkikita nina Simoun at Basilio ay ang pagtupad sana ng pangalawang planong panghihimagsik. Sa yugtong ito, muling lumakas ang loob ni Simoun dahil sa mga alaala ng dalawang mahalagang lalaki sa kaniyang buhay: ang kaniyang ama na namatay sa loob ng bilangguan at ang tulisang si Elias na nagbuwis ng buhay para sa kaniya.

Gamit ang gaserang may nitrogliserina, kemikal na sumasabog, binalak niyang pasabugin ang lugar kung saan ipinagdiriwang ang magarbong kasalan nina Paulita Gomez at Juanito Pelaez, na dinaluhan ng mga kilalang tao tulad ng mga opisyal at prayle.

Gayunman, hindi naganap ang inaasahang pagsabog dahil kay Isagani—na sinabihan ni Basilio tungkol sa magaganap na pagsabog. Sa hangaring mailigtas naman ang dating kasintahan na si Paulita, inihagis ni Isagani sa ilog ang gasera; at nabuo ang maraming haka tungkol sa napagkamalang magnanakaw.

Huling Sandali

Dumating si Simoun sa bahay ni Padre Florentino nang sugatan at halatang tumakas mula sa mga awtoridad. Sa kabila nito, nanaig pa rin sa dating klerigo ang pagiging Pilipino na marunong tumanggap ng panauhin kaya inasikaso niya ang binata. Kinalimutan din niya ang naging atraso ni Simoun kay Isagani at mas piniling tulungan ang nanghihinang binata.

Sa maikling sandali, nagkausap sina Simoun at Padre Florentino na bagama’t nagpalitan ng magkakaibang ideolohiya ay mahinahong tinanggap ang mga katwiran ng isa’t isa. Naniniwala si Simoun na ang kalayaan at kagalingan ng bayan ay makakamtan kung gagamit ng dahas sa paghihiganti. Hangad niya na mabigyan ng hustiya ang lahat ng masasakit na pangyayaring naranasan ng kaniyang pamilya. Naglalagablab din ang kaniyang hangarin na makamtan ang tunay na kalayaan at ang karapatan ng bayan. Nais niyang mabuksan ang mga matang nakapiring ng taumbayan upang matutong lumaban para sa karapatan at kalayaan ng Pilipinas.

Taliwas naman ito sa paniniwala ni Padre Florentino na pumapanig sa kapangyarihan ng dakilang pag-ibig. Bilang dating klerigo, ipinaalala niya kay Simoun ang kabutihan at kapangyarihan ng Diyos at nakipagtalastasan sa binata sa mahinahong paraan.

Namatay si Simoun dahil sa pag-inom ng lason. Nang makitang wala nang buhay ang binata, lumuhod at nagdasal ang matanda. Ilang sandali pa ay kinuha niya ang maletang bakal ni Simoun at nagpasiyang itapon ito sa dagat.

Mga Sanggunian

  • Jose Rizal, Noli Me Tangere, salin ni Virgilio S. Almario. (Makati City: Don Bosco Press, Inc., 2010).
  • Jose Rizal, El Filibusterismo, salin ni Virgilio S. Almario (Quezon City: Adarna House, 1998).

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.