Simbahang Katoliko

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Ang Simbahang Katoliko ay itinuturing na pinakamalaking Kristiyanong simbahan sa buong mundo. Ito ay espirituwal na pinamamahalaan ng Santo Papa sa Vatican, Rome, Italy.[1]

Ang Simbahang Katoliko ay hindi lamang tumutukoy sa pisikal na pook o gusaling pansamba, kundi ang pagtitipon-tipon ng mga mananampalataya bilang Kristiyano.[2]

Ang salitang “Katoliko” ay nagmula sa salitang Griyego na katholikos, nangngahulugang “unibersal” o “pangkalahatan.” Maiuugnay ito sa pagbuo ng di-matitinag na simbahan para sa lahat.[3]

May pitong sakramento ang Simbahang Katoliko: Binyag, Kumpil, Pagbabasbas sa Maysakit, Banal na Eukaristiya, Kumpisal, Ordinasyon, at Kasal.[4]

Tagasunod ni Hesus

Ang salitang “Kristiyano” ay nangangahulugan “pagsunod sa yapak ni Hesukristo.” Naniniwala ang mga Kristiyano na si Hesukristo ang nag-iisang Anak ng Diyos at sa pamamagitan lamang Niya maliligtas ang mga tao sa kanilang mga kasalanan.[4][5]

Sa Bagong Tipan, sinabi ni Hesus o Hesukristo na ang katawan ng tao ay ang templo ng Diyos. Pinatitibay ng pahayag na ito na nananahan sa bawat isang mananampalataya ang presensiya ng Panginoon.

“Hindi ba ninyo alam na kayo’y templo ng Diyos at naninirahan sa inyo ang kaniyang Espiritu? Paparusahan ng Diyos ang sinomang magwawasak ng templo niya. Sapagkat banal ang templo ng Diyos, at kayo ang templong iyan.” (I Corinto 3:16–17).

Nang maimpluwensiyahan ng Kristiyanismo ang iba’t ibang bansa sa Europa ay nagkaroon ito ng tatlong uri: ang Katoliko Romano, ang Eastern Orthodox, at Protestante. May mga pagkakaiba man, ang tanging nagbubuklod sa tatlo ay ang paniniwala sa iisang Diyos na kinakatawan ng tatlong persona: Diyos Ama, Diyos Anak, at Diyos Espiritu Santo.[5][6]

Pagdating ng mga Espanyol

Ang Kristiyanismo ay may malaking bahagi sa kolonyalismong Espanyol. Ang pagpapalaganap ng relihiyong ito ang isa mga pangunahing hangarin sa pagdating at pananakop nila sa Pilipinas. Ginamit din nila ang Kristiyanismo upang mapalawak ang kanilang kapangyarihan at teritoryo.[7]

Ang kakulangan ng sentralisadong puwersa sa panahon ng kolonyalismo ang nagpadali sa kakaunting bilang ng mga Espanyol upang mahimok ang maraming Pilipino na maging Kristiyano. Maging ang mga sinaunang Pilipino ay naniniwala noon na ang pagpapabinyag bilang Katoliko ay isang ritwal na nagpapagaling dahil sa simbolismong ipinakikita ng banal na tubig.[7]

Nagsimula ang pagpapalaganap ng Kristiyanismo sa Pilipinas sa pagbibinyag ni Ferdinand Magellan kay Raha Humabon at 800 pang katutubo. Ipinagkaloob din sa pinuno ng Cebu ang krus at ang mga imahen nina Santo Niño at Birheng Maria. Ang malawakang pagbibinyag ay pagpapasalamat sa pagpapagaling ng mga Espanyol sa maysakit na apo ni Humabon. Subalit isang buwan lamang ang nakalipas ay napaslang si Magellan sa Labanan sa Mactan laban sa pangkat ni Lapulapu.[8]

Gayunman, hindi nagwakas ang misyon ng mga Espanyol sa kamatayan ni Magellan. Sunod na ipinadala sa Pilipinas ang ekspedisyon na pinamunuan ni Miguel Lopez de Legazpi. Sa ilalim ng kaniyang pamumuno ay naipasailalim ang Maynila sa kapangyarihan ng Espanya at nagsimula ang mahigit 300-taong pananakop ng mga Espanyol sa Pilipinas.[9]

Sa kasalukuyan, matatagpuan ang Krus ni Magellan sa Cebu. Sa Cebu rin matatagpuan ang Basilica del Santo Niño (Santo Niño Basilica), pinakamatandang simbahang Katoliko sa Pilipinas na itinayo noong 28 Abril 1565. [10]

Papel ng mga Prayle

Pinangunahan ng mga prayle ang pagpapalaganap ng Katolisismo sa Pilipinas. Ang mga prayleng ito ay nagmula sa limang orden na dumating sa bansa: ang mga Agustino (1565), Pransiskano (1577), Heswita (1581), Dominikano (1587), at Rekolekto (1606). Itinalaga ang mga prayle sa iba’t ibang bahagi ng bansa batay sa pangkat na kinabibilangan ng mga katutubong Pilipino. Naging layunin ng mga prayle na ipalaganap at ipatanggap sa mga katutubo ang Katolisismo, maisagawa ang mga misyon sa iba’t ibang bahagi ng bansa, at pigilan ang paglaganap ng Islam.[11]

Pinag-aralan at ginamit ng mga misyoneryo ang mga katutubong wika sa Pilipinas sa indoktrinasyon. Winasak din ng ilang Espanyol ang mga idolo at imahen ng mga katutubong Pilipino. Ipinatupad din sa bansa ang reduksiyon (reduccion sa Spanish). Sa ilalim ng polisiyang ito, sapilitang inilipat ng tirahan ang kalat-kalat na pamayanan sa isang mas malaking bayan. Ito ay para sa mas madaling pangangasiwa, pagbubuwis, at pagtuturo ng Kristiyanismo sa mga Pilipino.[12]

Nabigo ang mga Espanyol na gawing Kristiyano ang buong Pilipinas. Hindi nila nalupig ang mga Muslim sa Mindanao na magiting na ipinaglaban ang kanilang relihiyon at kalayaan. Hindi rin nagpasakop ang ilang katutubo sa mga kabundukan, tulad sa Hilagang Luzon, na ginamit ang masukal at matarik nilang kapaligiran upang iwasan ang kolonisasyon.

Doctrina Christina

Isa sa mga insturmentong ginamit ng mga prayle sa pagtuturo ng paniniwalang panrelihiyon sa mga katutubong Pilipino ay ang Doctrina Christiana, en lengua españa y tagala. Ito rin ang kauna-unahang aklat na nailimbag sa Pilipinas noong 1593.[13]

Ang Doctrina Christiana, nangangahulugang “ang pagtuturo ng Kristiyanismo,” ay isinulat ni Fray Juan de Plasencia, isang Pransiskanong pari sa Laguna.[13]

Ang aklat-dasalan ay ibinatay sa mga turo ni Saint Robert Bellarmine, isang Italyanong kardenal at teologo. Ang teksto nito ay nakasulat sa Spanish na may salin ng mga katutubong wika sa Pilipinas. [14]

Ang kaisa-isang orihinal na sipi ng aklat-dasalan na nakasulat sa Tagalog ay nakalagak sa Library of Congress sa Washington, United States.[14]

Sa kabila ng mga pagsasalin, ang Doctrina Christiana ay eksklusibong ginagamit lamang ng mga misyonero. Binabasa nila ang teksto sa mga katutubo, na inaasahan naman nilang maisasaulo ang mga turo.[14]

Sentro ng Katolisismo sa Asya

Sa kasalukuyan, ang Pilipinas ay bukod-tanging bansa sa Asya kung saan mas laganap ang Kristiyanismo. Tinatayang nasa 92.5 porsiyento ng mga Pilipino ay Kristiyano (kung saan ang 82.9 porsiyento ay Katoliko Romano). Sa pandaigdigang antas, panglima ang Pilipinas kung saan apat na porsiyento ng 2.18 bilyong Kristiyano sa buong mundo ay mga Pilipino.[15]

Ang Pilipinas ay itinuturing din ng Vatican bilang susi sa pagpapalaganap ng Katolisismo sa Asya.[16]

Ika-500 Anibersaryo

Ang 2021 ay taon para ipagdiwang ang ika-500 anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas.

Sa pangunguna ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP), nabuo ang tema at logo ng pagdiriwang na ito.

Ang tema ay “Gifted to Give,” tinawag ding “500YOC,” na hango sa Mateo 10:8 na nagsasaad ng mga sinabi ni Hesukristo sa labindalawang apostol.

“Pagalingin ninyo ang maysakit at buhayin ang mga patay. Pagalingin at linisin ninyo ang mga may ketong, at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad.” (Mateo 10:8)

Ang opisyal na logo ay nabuo batay naman sa isang pinta ni Pambansang Alagad sa Sining na si Fernando Amorsolo na pinamagatang “The First Baptism in the Philippines” (1949).

Dahil sa COVID-19 pandemic, nagdesisyon ang CBCP na ipagpatuloy hanggang 2022 ang pagdiriwang ng ika-500 anibersaryo. Nagkasundo ang mga obispo na opisyal na simulan ito sa 17 Abril 2021, bilang paggunita sa Unang Pasko ng Linggo ng Pagkabuhay sa Pilipinas.

Sa 14 Abril 2021, gugunitain naman ng Archdiocese of Cebu ang Unang Binyag.[17][18]

Mga Pilipinong Deboto

Mataas ang pagpapahalaga at paggalang ng mga Pilipino sa mga kaugaliang Katoliko. Katunayan, kilala ang mga Pilipinong deboto sa pagpapamalas ng kanilang pananampalataya, na maaaring masalamin sa iba’t ibang pagtitipon at pagdiriwang na nagbibigay-pugay sa mga relihiyosong rebulto at imahen. Halimbawa na rito ang Pista ng Itim na Nazareno. Tuwing pista, dumadagsa ang libo-libong deboto na sumasama sa prusisyon ng imahen bilang kanilang taunang panata.

Bukod dito, ipinagdiriwang din ng mga Pilipino ang pagkilala sa mga santo tulad ng Santo Niño, Our Lady of Manaoag, at Our Lady of Peñafrancia. Taimtim ding ipinagdiriwang ng mga Pilipino ang iba’t ibang sagradong pagtitipon o ritwal. Ang pagsasama-sama ng mga Pilipinong Katoliko upang maipadama ang kanilang debosyon ay kinikilala sa lokal at internasyonal na antas. May mga pagkakaiba man at may kani-kaniyang suliraning kinahaharap, sa huli, pinag-iisa pa rin ang mga deboto ng kanilang pananampalataya.

Mga Natatanging Simbahang Katoliko

Bilang banal na estruktura, ang mga simbahan sa Pilipinas ay iniingatan at patuloy na pinagaganda. Patunay rito ang ilan sa mga Simbahang Katoliko na bagama’t lumipas na ang ilang dantaon ay nananatili pa rin at kinikilala rin bilang yaman ng bansa.

May apat na natatanging simbahan sa Pilipinas na itinayo ng mga Espanyol sa pagitan ng ika-16 at ika-18 siglo. Kinikilala ang mga ito bilang Simbahang Baroko dahil sa estilo ng estruktura at disenyo ang Simbahan ng San Agustin sa Maynila; ang Simbahan ng Paoay sa Ilocos Norte; ang Simbahan ng Miag-ao sa Iloilo; at ang Simbahan ng Santa Maria sa Ilocos Sur. Ang mga simbahang ito ay kabilang sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO.[19]

Ilan pa sa mga kahanga-hangang simbahang Katoliko sa Pilipinas ay ang Simbahan ng Barasoain sa Malolos, Bulacan; Simbahang Daraga o Simbahan ng Nuestra Señora de la Porteria sa Daraga, Albay; Simbahang Lobo o Simbahan ng San Pedro Apostol sa Loboc, Bohol; Simbahang San Sebastian sa Quiapo, Maynila; at Simbahang Tumauini o Simbahang Parokya ng San Matias sa Isabela.

Mga Sanggunian 

  1. Michael Frassetto. “Roman Catholicism.” Britannica. https://www.britannica.com/topic/Roman-Catholicism. Accessed 14 Enero 2020.  
  2. Imelda P. de Castro, ed. Virgilio S. Almario. “Simbahang Katoliko,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF
  3. “Catholic.” Merriam-Webster. https://www.merriam-webster.com/dictionary/catholic. Accessed 14 Enero 2021.
  4. 4.0 4.1 “Catechism of the Catholic Church.” Vatican. https://www.vatican.va/archive/ccc_css/archive/catechism/p1s2c1p1.htm. Accessed 14 Enero 2020.
  5. 5.0 5.1 Corazon Lalu Santos, ed. Virgilio S. Almario. “Kristiyanismo,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF
  6. Peter Standford. “Roman Catholic Church.” BBC, 29 Hunyo 2011. http://www.bbc.co.uk/religion/religions/christianity/catholic/catholic_1.shtml. Accessed 14 Enero 2021.
  7. 7.0 7.1 Jayeel Cornelio. “How the Philippines Became Catholic.” https://www.christianitytoday.com/history/2018/february/philippines.html. Accessed 14 Enero 2021.  
  8. Imelda P. de Castro, ed. Virgilio S. Almario. “Santo Niño,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF
  9. “Miguel Lopez de Legaspi.” Britannica. https://www.britannica.com/biography/Miguel-Lopez-de-Legazpi. Accessed 14 Enero 2021.
  10. Phillip Y. Kimpo Jr. “Krus ni Magallanes,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF
  11. Phillip Y. Kimpo Jr. “Fraile,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF
  12. Evelyn I. Rodriguez, Ph.D “Primera Bituin: Philippines-Mexico Relations at the Dawn of the Pacific Rim Century.” Asia Pacific: Perspectives, 15 Mayo 2006, Tomo. VI, Blg. 1., p. 7. https://www.usfca.edu/sites/default/files/pdfs/v6n1_rodriguez_0.pdf. Accessed 14 Enero 2021.
  13. 13.0 13.1 Imelda P. de Castro, ed. Virgilio S. Almario. “Doctrina Christiana,” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF
  14. 14.0 14.1 14.2 Santosh Digal. “‘Doctrina Christiana’ in Tagalog available in digital libraries.” AsiaNews.it, 25 Abril 2009. http://www.asianews.it/news-en/Doctrina-Christiana-in-Tagalog-available-in-digital-libraries-15083.html. Accessed 14 Enero 2021.
  15. “The Global Catholic Population.” Pew Research Center, 13 Pebrero 2013. https://www.pewforum.org/2013/02/13/the-global-catholic-population. Accessed 14 Enero 2021.
  16. Ador Vincent Mayol, et. al. “Pope lauds deep faith of Filipinos.” Inquirer.net, 1 Pebrero 2016. https://newsinfo.inquirer.net/760399/pope-lauds-deep-faith-of-filipinos. Accessed 14 Enero 2020.
  17. “Philippine Church releases logo for 500 years of Christianity.” Vatican News, 23 September 2019. https://www.vaticannews.va/en/church/news/2019-09/philipines-church-500-anniversary-celebration-logo.html. Accessed 14 Enero 2011.  
  18. “Church Pushes Back 500 Years of Christianity Celebration Due to COVID-19.” CBCP News, 24 Setyembre 2020. https://cbcpnews.net/cbcpnews/church-pushes-back-500-years-of-christianity-celebration-due-to-covid19. Accessed 14 Enero 2021.
  19. “Baroque Churches of the Philippines.” WHC-UNESCO. https://whc.unesco.org/en/list/677. Accessed 14 Enero 2021.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.