Simbahan ng San Agustin

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Simbahan ng San Agustin

Matatagpuan sa Intramuros, Maynila, ang Simbahan ng San Agustin ang pinakalumang simbahang bato sa Pilipinas. Isa ito sa apat na simbahang baroque sa bansa na kabilang sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO). Kilala rin ito sa pangalang Simbahan ng Immaculada Concepcion ng San Agustin.

Kasaysayan ng Simbahan ng San Agustin

Isang paraan ng mga Espanyol upang palaganapin ang Kristiyanismo sa Pilipinas ang pagtatayo ng mga simbahan. Itinayo ang Simbahan ng San Agustin noong 1571 sa ilalim ng pamamalakad ng mga paring Augustinian gamit ang pawid at kawayan. Una itong tinawag na Iglesia y Convento de San Pablo.

Dahil gawa sa mahinang materyales, nasira ito nang sunugin ni Limahong, isang piratang Intsik, ang Maynila noong 1574. Muling itinayo ang simbahan gamit naman ang kahoy noong sumunod na taon. Ngunit nasunog ito sa ikalawang pagkakataon noong 1583.

Upang maiwasan ang muling pagkasira nito, nagdesisyon ang mga paring Augustinian na gumamit ng higit na matibay na materyales tulad ng batong silyar sa ikatlong beses na pagtatayo ng Simbahan ng San Agustin. Nagtayo rin sila ng monasteryo sa tabi nito. Pinangunahan ni Juan Macias, isang arkitekto, ang pagdisenyo at pagbuo nito noong 1586. Opisyal itong natapos at nagbukas sa publiko noong 1607.

Mula noon, iba’t ibang sakuna at makasaysayang pangyayari ang nasaksihan at napagtagumpayan ng Simbahan ng San Agustin. Nasubukan ang tibay nito nang ito ay nakaligtas mula sa malalakas na lindol na tumama sa Maynila sa pagitan ng labing-anim hanggang labing-pitong dantaon. Tanging ibabaw na bahagi ng isang tore ang nasira dahil sa mga lindol.

Naging saksi rin ito sa pananakop ng mga taga-Britanya sa Maynila noong 1762, Digmaang Espanyol-Amerikano noong 1898, pananakop ng mga Hapon noong 1942, at Labanan sa Maynila noong 1945.

Kinilala ng pamahalaan bilang Pambansang Palatandaang Pangkasaysayan ang Simbahan ng San Agustin noong 1976 dahil sa ambag nito sa kasaysayan ng bansa.

Simbahang Baroque at World Heritage Site

Isa ang Simbahan ng San Agustin sa apat na simbahang baroque sa Pilipinas. Dahil sa natatanging estilo at disenyo nito, kinilala ito bilang Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong 1993. Kabilang din sa kinilala ang Simbahan ng Paoay sa Ilocos Norte, Simbahan ng Santa Maria sa Ilocos Sur, at Simbahan ng Miagao sa Iloilo.

Matatagpuan sa loob ng simbahan ang puntod ng unang gobernador-heneral na si Miguel Lopez de Legazpi at iba pang Espanyol tulad nina Juan de Salcedo at Martin de Goiti.

Maaari ring bisitahin ang Museo ng San Agustin kung saan makikita ang koleksiyon ng iba’t ibang lumang kagamitan, muwebles, larawan, at estatwa noong panahon ng mga Espanyol.

Sanggunian

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.