Simbahan ng Miagao

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search
Simbahan ng Miagao

Ang Simbahan ng Miagao ay isa sa apat na simbahang baroque sa Pilipinas na itinayo noong panahon ng mga Espanyol. Makikita ito sa Miagao, Iloilo. Ito ay kilalang panandang pangkasaysayan at pambansang dambana. Kabilang din ito sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization (UNESCO) sa bansa. Tinatawag din itong Simbahan ng Santo Tomas de Villanueva.

Kasaysayan ng Simbahan ng Miagao

Itinayo ni Nicolas Pangkug, unang kapitan ng bayan, ang kauna-unahang Simbahan ng Miagao sa Ubos. Natapos ito tatlong taon bago dumating ang pinakaunang Espanyol na pari sa bayan noong 1734. Ngunit sinunog ito ng mga Muslim na pirata noong 1741.

Ang ikalawang Simbahan ng Miagao ay itinayo sa ilalim ng pamamahala ni Fernando Camporedondo, ang kura paroko mula 1746 hanggang 1747. Nasira itong muli nang sunugin at pagnakawan ng mga pirata.

Sa Tacas itinayo ang ikatlong Simbahan ng Miagao, ang pinakamataas na lugar sa bayan. Matatanaw mula rito ang Ilog Miagao na dinadaanan ng mga piratang papasok sa bayan. Sinimulan ang konstruksiyon nito noong 1786 sa pamamahala nina Francisco Maximo Gonzales, kura paroko, at Kapitan Domingo Libo-on. Natapos ito noong 1797.

Ang mga bloke ng bato na ginamit sa pagtatayo nito ay nagmula sa Sitio Tubog sa bayan ng San Joaquin at sa kabundukan sa bayan ng Igbaras.

Ngunit muli itong nasunog noong nagkaroon ng rebolusyon laban sa Espanya noong 1898 at noong panahon ng pananakop ng mga Hapon mula 1942 hanggang 1944. Nagsimulang ayusin ang simbahan noong 1945 nang makalaya ang Pilipinas mula sa mga Hapon.

Disenyo

Ang Simbahan ng Miagao ay isinunod sa estilong baroque na isinakatubo. Makikita sa patsada nito ang imahen ni San Cristobal na buhat ang Batang Hesus habang napaliligiran ng puno ng niyog, papaya, at bayabas. Sa baba nito ay mayroong malaking imahen ni Santo Tomas de Villanueva, ang patron ng parokya. Mayroon ding malaking imahen ng Santo Papa at Saint Henry. Makikita rin ang dalawang tore sa magkabilang-gilid.

Panandang Pangkasaysayan

Kinilala ng Philippine Historial Commission noong ika-16 ng Pebrero 1963 ang Simbahan ng Miagao bilang panandang kasaysayan. Taong 1970 nang magsimulang muli ang pagsasaayos at pagpapabuti sa interyor ng simbahan.

Idineklara ito bilang pambansang dambana ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos sa bisa ng Presidential Decree No. 260 noong ika-1 ng Agosto 1973.

Napabilang ito sa Talaan ng Pamanang Pandaigdig ng UNESCO noong ika-11 ng Disyembre 1993. Kasama sa listahan ang tatlo pang simbahang baroque sa Pilipinas―Simbahan ng San Agustin sa Intramuros, Simbahan ng Santa Maria sa Ilocos Sur, at Simbahan ng Paoay sa Ilocos Norte.

Sanggunian

“History of Miagao Church." Official Website of the Municipality of Miagao. 26 Oktubre 2010. Accessed 06 Marso 2021.

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.