Simbahan at gobyerno, puspusan ang paghahanda para sa pagdating ng Santo Papa

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Iba't ibang mga indibidwal at mga grupo mula sa gobyerno at pribadong sektor ang naghahanda para sa nalalapit na pagdating ni Pope Francis sa Pilipinas. Inaasahang mananatili siya sa bansa sa ika-15 hanggang ika-19 ng Enero, 2015. Ipinahayag niya ang kaniyang kagustuhang bisitahin ang mga nakaligtas na biktima ng nagdaang bagyong Yolanda at lindol sa Bohol. Ngunit, ayon kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle, ang itineraryo ng Santo Papa sa bansa ay ipahahayag bago magtapos ang kasalukuyang taon.

Ang tema ng nalalapit na pag-bisita ng Santo Papa ay “mercy and compassion” ayon sa Presidente ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP) na si Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas. Ayon pa sa kaniya, sa pagdating ni Pope Francis dala niya ang mensahe ng awa at pagka-habag mula sa Panginoon. Dagdag niya na sana'y makita niya sa sa atin ang mga taong nakadama ng awa at pagka-habag mula sa Panginoon, na lubos na nagpapasalamat sa mga taong tumulong sa kanila lalo pa sa mga panahon ng nagdaang mga sakuna.

Ang opisyal na logo para sa pagbisita ng Santo Papa ay may tatlong bilog: ang dalawang nasa labas ay dalawang bisig na kulay asul (sumisimbolo sa kahabagan: ang kulay ng presensiya ng kabanalan, kulay ng langit at dagat na nakapaligid sa atin, tulad na lamang ng presensiya ng Panginoon, ng kaniyang pag-ibig na nagpapalakas at gumagabay sa atin) at pula (sumisimbolo sa awa: ang kulay ng dugo, nagpapa-alala ng ginawang sakripisyo ni Hesus sa krus upang mailigtas ang sanlibutan). Mistulang niyayakap ng dalawang bisig ang bilog na kulay dilaw (sumisimbolo sa Pilipinas bilang “Perlas ng Silangan”) na may krus sa gitna (sumisimbolo sa Katolisismo na nasa puso ng bansa).

Sa kabilang banda, ang kantang “We Are All God's Children” na isinulat ni Noel Espenida at inawit ni Jamie Rivera ay nagpapahayag ng pagiging bukas ang loob sa pag-ibig at pagka-habag lalo pa sa mga mahina at nangangailangan.

Ang Caritas Manila, isang non-profit group, ay nagsimula ng magtinda ng mga bagay na may temang ukol sa nalalapit na pagdating ng Santo Papa tulad ng mga T-shirt, pins, at ilang memorabilia na mayroong opisyal na logo. Ang mga kikitain mula rito ay gagamitin para sa pagtulong sa mga mahihirap at ang ilan ay gagamitin upang tustusan ang mga gastusin para sa paghahanda para sa pagdating ng Santo Papa.

Sa kabilang banda, ang Radio Veritas, ang communications arm ng Simbahang Katoliko, ay nagsimula ng mamahagi ng “standees” o cardboard cutouts na kasinlaki ng Santo Papa sa ilang simbahan at paaralan. Layon nilang makapagtayo ng 100 standees sa mga piling lugar. Pinayuhan ni Veritas President Fr. Anton Pascual ang publiko na respetuhin ang mga standees na tulad ng pag-respeto sa totoong Santo Papa.

Ang gobyerno, sa pamamagitan ni Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr., ay nag-atas ng pag-buo ng isang komite na mangangasiwa para sa nalalapit na pagdating ng Santo Papa. Hinihikayat ng Papal Visit-National Organizing Committee (PV-NOC) ang lahat ng ahensiya ng gobyerno na makilahok at makipag-tulungan upang masiguro na ang pagbisita ni Pope Francis ay organisado at payapa.



Balita mula kay Maui Hermitanio ng Philippine Online Chronicles.(Hinango noong 8 Nobyembre 2014).



Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.


Kategorya:Wiki-Balita