Si Tak-tu

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Si Tak-tu ang pamagat ng aklat pambatang isinulat ni Luis P. Gatmaitan at iginuhit ni Arnold Renia Cruz na inilathala ng LG&M Corporation sa ilalim ng Vibal Group, Inc.

Tungkol kay Tak-tu

Laging sinasabihan si Gilbert ng kaniyang nanay na maligo. Ngunit hindi niya ito sinusunod dahil naiisip pa lang niya ang tubig ay giniginaw na siya. Maghapon pa namang naglalaro sa kalsada ng habulan, tumbang preso, at palambi-lambitin sa mga puno si Gilbert. Lagi siyang pawisan. Natutulog din siya nang hindi pa naliligo.

Isang araw, nilayuan na lamang si Gilbert ng kaniyang mga kalaro. “May dalang pasabog si Tak-tu!” sigaw ng isa niyang kalaro. Tinanong niya ang mga kalaro kung sino si Tak-Tu. Sinagot siya ng mga ito at sinabing siya si Tak-Tu, na ang ibig sabihin ay “takot sa tubig.”

Paalam, Tak-Tu!

Umuwi si Gilbert sa kanilang bahay at tiningnan ang sarili sa salamin. Totoo nga ang sinabi ng kaniyang mga kalaro. Maruming-marumi na ang kaniyang kasuotan, pati katawan. Naninilaw na rin ang kaniyang ngipin. Tinawag niya ang kaniyang nanay upang ihanda siya ng kaniyang pampaligo. Ipinagpakulo siya nito ng tubig na pampaligo. Nalaman ni Gilbert na masarap palang maligo. Naglaro siya sa mga bula at kinuskos nang maigi ang katawan gamit ang sabon. Ipinaghanda rin siya ng kaniyang pamilya ng kaniyang damit, panglinis ng tainga, at pabango.

Isang mabangong Gilbert ang humarap sa kaniyang mga kalaro. Ngayon ay namaalam na ang kaniyang mga kalaro sa nakilala nilang si Tak-tu!

Sanggunian

Luis P. Gatmaitan, Arnold Reina Cruz (illustrador). Si-Taktu. Quezon City: LG&M Corporation. https://www.chikitingbooks.ph/products/si-tak-tu

Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.