Sherwin Gatchalian
Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ito.
Si Sherwin Ting Gatchalian, kilala rin bilang Win Gatchalian, ay Pilipinong negosyante at politiko na naglilingkod bilang senador ng Pilipinas 2016–2022 at 2022–2028 (bunsod ng kaniyang pagkakapanalo sa Halalan 2022). Siya ay bahagi ng Nationalist People’s Coalition (NPC) at dating kongresista ng Unang Distrito ng Lungsod Valenzuela mula 2001 hanggang 2003 at muling tumakbo at naihalal noong 2013 hanggang 2016. Naging alkalde rin siya ng lungsod noong 2004 hanggang 2013.
Nakilala si Gatchalian dahil nang maupo siya bilang alkalde ng Valenzuela, tinugunan niya ang problema ng basurang naiwang bakas ng Bagyong Ondoy noong 2009. Itinayo rin sa ilalim ng kaniyang administrasyon ang Valenzuela City School of Mathematics and Science. Isinulong din ni Gatchalian ang Free Higher Education Act noong siya ay nasa kongreso na naipasa nang manalo siyang senador noong 2016.
Personal na buhay
Si Sherwin Gatchalian ay isinilang noong 6 Abril 1974 sa Lungsod Valenzuela. Siya ay anak nina William Gatchalian, negosyante at nagmamay-ari ng Wellex Group, at Dee Hua Ting, Chinese pastor ng kanilang sariling simbahan na Jesus our Life Ministries sa Barangay Maysan, Valenzuela. Siya ang panganay sa apat na magkakapatid: sina Kenneth Gatchalian, Rexlon “Rex” Gatchalian, at Weslie “Wes” Gatchalian. Sina Rex at Wes ay pawang politiko rin sa kanilang lungsod.
Nagtapos si Gatchalian ng elementarya at haiskul sa Grace Christian School. Natapos naman niya ang kaniyang kursong Finance and Operations Management sa Boston University noong 1995.
Naging karelasyon ni Gatchalian ang mas batang aktres na si Pauleen Luna noong 2007. Tumagal ang relasyon nila ng isang taon. Sa isang panayam, sinabi ni Luna na umaasa pa rin siyang magkakaayos sila ng dating nobyo dahil nananatili silang magkaibigan. Gayunman, hindi na muling naging magkarelasyon ang dalawa. Nang ikasal si Luna sa TV host na si Vic Sotto, sinabi ni Gatchalian na ang mga tipo raw talaga ni Luna ay ang mga lalaking mas maedad sa kaniya. Ang kasalukuyang kasintahan ni Gatchalian ay ang beauty queen na si Bianca Manalo.
Negosyo
Si Gatchalian din ay nagsilbing Executive Vice President at Chief Financial Officer ng The Wellex Group mula 1996 hanggang 2001. Ang Wellex Group ay isa sa mga nangungunang kompanya sa Pilipinas na sumasaklaw sa iba’t ibag negosyo tulad ng investment firms, at industriya ng hotel, casino, real estate, oil exploration, mining, aviation, trading, at banking.
Noong 1998 hanggang 1999, si Gatchalian ang naging Vice Chairman at Direktor ng Air Philippines Corporation, ang ikatlong pinakamalaking airline sa Pilipinas na mayroong lipad sa Subic, Iloilo, at Zamboanga na nag-umpisa noong 1996. Sa kasalukuyan, mayroon itong walong Boeing 737-200 aircrafts na lumilipad sa 12 malalaking destinasyon sa Pilipinas.
Naging Vice Chairman din siya ng Waterfront Philippines, Inc. na kilalang hotel chain sa Pilipinas na may pag-aari sa Maynila, Cebu, at Davao. Nagsilbi siya rito noong 1999 hanggang 2001.
Politika
Bilang kongresista (2001–2003; 2013–2016)
Mula sa paghawak ng mga posisyon sa pribadong sektor, pinasok ni Gatchalian ang politika noong 2001. Tumakbo at nanalo siya bilang kongresista ng Unang Distrito ng Valenzuela sa edad na 27.
Sa kaniyang panahon bilang kongresista, tinutukan ni Gatchalian ang edukasyon. Naghain siya ng mga panukala at mga repormang magpaparami sa bilang ng mga math at science high schools sa buong bansa, gayundin ang pagsasagawa ng regular na feeding program sa kinder at elementarya sa Pilipinas.
Noong 6 Hulyo 2015, inihain niya ang isang panukalang batas na naglalayong mabigyan ng libreng edukasyon ang mga Pilipino. Naipasa ito at naging ganap na batas at kinikilala bilang Free Higher Education Act (Republic Act No. 10931). Isa rin siya sa mga tumutok at sumporta sa pagpapatupad ng K-12 education sa bansa.
Kasama rin sa mga panukalang batas ni Gatchalian ay ang pagiging mandato ng ROTC sa kolehiyo at pagtataas ng badyet ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang mas maging maganda ito.
Ilan pa sa mga panukalang naisabatas na si Gatchalian ang gumawa ay ang:
- House Bill No. (HBN) 5905 Free Higher Education Act
- HBN-5348 Nutri-Skwela Act
- HBN-5098 Proof of Parking Space Act
- HBN-4714 Servando Act
- HBN-4284 CCTV Cameras for Crime Prevention Act
- HBN-4740 Internet Café Regulation Act
- HBN-2338 Mandatory ROTC Act
- HBN-2624 SIM Card Registration Act
- HBN-3681 Bill of Rights of Taxi Passengers
Senador (2016–kasalukuyan)
Sa isang pagtitipon sa Lalawigan ng Quezon noong Hunyo 2015, inanunsiyo ni Gatchalian ang kaniyang pagtakbo bilang senador sa halalan 2016. Nagwagi si Gatchalian matapos makakuha ng 14,953,768 boto at nakuha ang ika-10 puwesto.
Binigyan niya ng hamon ang noon ay bagong halal din na si Presidente Rodrigo Duterte na magkaroon ng reporma sa edukasyon sa kaniyang termino. Hindi naman siya binigo ni Duterte dahil pinirmahan nito ang pagsasabatas ng Free Education Act na inihain ni Gatchalian noong siya ang kongresista pa lamang. Kinilala ang bagong bersiyon nito bilang Republic Act No. 10931 o ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act.
Si Gatchalian din ang naging chairman ng Senate Committee on Energy and Committee on Economic Affairs noong ika-17 Kongreso. Ilan sa mga naipasa niyang batas ay ang Murang Kuryente Act, Electric Cooperatives Emergency and Resiliency Fund Act, Energy Virtual One Stop Shop Act, Energy Efficiency and Conservation Act, Philippine Innovation Act, at ang Mobile Number Portability Act.
Sa ika-18 Kongreso naman, si Gatchalian ang naging chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts, and Culture.
Halalan 2022
Isa si Gatchalian sa mga nagpahayag na tatakbo siya sa Halalan 2022. Bagaman nasa partidong NPC pa rin siya, sinabi niya na hindi pa siguradong tatakbo siya kasama ng mga kapuwa senador na sina Panfilo Lacson at Tito Sotto.
Gayunman, sa isang panayam noong Setyembre 2021 sinabi ni Davao City Mayor Sara Duterte na isa si Gatchalian sa mga nagpaabot ng interes ng pagtakbo bilang kaniyang bise presidente. Si Duterte ang isa sa mga pangalang matunog na kakandidato bilang Pangulo ng Pilipinas sa Halalan 2022 bago ito pinal na mag-anunsiyo na tatakbo bilang pangalawang pangulo.
Pinabulaanan ni Sara ang sinabi ng ama na lumapit sa kaniya si Senadora Imee Marcos upang pag-usapan ang posible nilang tambalan sa Halalan 2022. Ayon kay Sara, sina Gatchalian at Senador Bong Go pa lang ang lumalapit sa kaniya para maging running mate niya.
Sa huli, muling tumakbo sa pagka-senador si Gatchalian.
Bagong Termino
Sa pagtatapos ng bilangan ng mga boto sa naganap na Halalan 2022, si Gatchalian ang pang-apat na kandidato sa pagkasenador na nakakuha ng pinakamaraming boto. Kasama siya sa mga opisyal na iprinoklama bilang senador ng Komiyson sa Halalan noong 18 Mayo 2022 sa Philippine International Convention Center. Narito ang talaan ng mga nagwaging senador:
- Robin Padilla - 26,612434
- Loren Legarda - 24,264,969
- Raffy Tulfo - 23,396,954
- Sherwin Gatchalian - 20,602,655
- Chiz Escudero - 20,271,458
- Mark Villar - 19,475,592
- Alan Peter Cayetano - 19,295,314
- Juan Miguel Zubiri - 18,734,336
- Joel Villanueva - 18,486,034
- JV Ejercito - 15,841,858
- Risa Hontiveros - 15,420,807
- Jinggoy Estrada - 15,108,625
Samantala, nagpahayag din si Gatchalian na nais na may intensiyon siyang maging Pangulo ng Senado, pamalit kay Tito Sotto III. Hiling niya ang suporta ng mga kapuwa senador.
Mga parangal at pagkilala
- Best Mayor in CAMANAVA (2008)
- Public Service Honoree, The Outstanding Young Men, TOYM (2011)
- Manila 40 Under 40 International Development Leaders (2013)
- Chosen as the 69th Lee Kuan Yew Exchange Fellow (2019)
Mga Sanggunian
- “About Win”. “Win Gatchalian website”. (Hinango noong 3 Setyembre 2021).
- Catherine S. Valente “Go, Gatchalian want to be my VP – Sara”. “The Manila Times”. (Hinango noong 3 Setyembre 2021).
- Aries Joseph Hegina “Drilon leads winning senators with 18.6M votes”. “Inquirer”. (Hinango noong 3 Setyembre 2021).
- “ANC Headstart Interview of Senator Win Gatchalian with Karen Davila on vaccination of minors, face-to-face classes, ECQ ayuda and 2022 elections”. “Senate of the Philippines”. (Hinango noong 3 Setyembre 2021).
- Neil Alcober “Gatchalian vows push for free higher education”. “The Manila Times”. (Hinango noong 3 Setyembre 2021).
- “Electric Cooperatives Resiliency Act A Welcome Development – Devanadera”. “Energy Regulatory Commission”. (Hinango noong 3 Setyembre 2021).
- Erwin Santiago “Pauleen Luna breaks up with Mayor Sherwin Gatchalian”. “PEP.” (Hinango noong 3 Setyembre 2021).
- Jojo Gabinete “Rep. Sherwin Gatchalian on ex-GF Pauleen Luna's relationship with Vic Sotto: "Talagang yun ang kanyang mga tipo, mga mature partner””. “PEP.” (Hinango noong 3 Setyembre 2021).
- Angelica Demegillo. “Win Gatchalian to vie for Senate Presidency.” https://www.cnnphilippines.com/news/2022/5/13/win-gatchalian-to-vie-for-senate-presidency.html. CNN Philippines, 13 Mayo 2022. Accessed 19 Mayo 2022.
- CNN Staff. “Newbies, reelectionists, returnees top 2022 senatorial elections.” CNN Philippines, 18 Mayo 2022. https://www.cnnphilippines.com/news/2022/5/18/Senator-proclamation-2022-elections.html. Accessed 19 Mayo 2022.
Pagkilala
![]() |
Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi. |