Sergio Osmeña

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Upang basahin ang artikulong ito sa Ingles, tingnan ang Sergio Osmeña.

Si Sergio Osmeña (9 Setyembre 1878 - 19 Oktubre 1961), higit na kilala ngayon bilang Sergio Osmeña, Sr. ang ikalawang pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas na nagsilbi mula 1944 hanggang 1946. Siya ang bise presidente Pangulong Manuel L. Quezon sa loob ng dalawang termino at naging pangulo nang mamatay si Quezon. Siya ang tagapagtatag ng Partido Nacionalista.

Siya ang ama ni dating Senador Sergio Osmeña Jr. at lolo nina Senador Sergio Osmeña III, John Osmeña, dating Gobernador Lito Osmeña ng Cebu at dating alkalde ng Cebu City na si Tomas Osmeña.

Talambuhay

Maagang buhay

Si Sergio Osmeña ay ipinanganak sa Cebu noong ika-9 Setyembre, 1878. Ang kaniyang inang si Juana Osmeña y Suico ay 14 taong gulang lamang ng ipinanganak niya si Sergio. Itinago ng kaniyang ina ang pagkakakilanlan ng kaniyang ama, na kilala lamang sa apelyidong Sanson. Siya ay nagtapos ng elementarya sa University of San Carlos noong 1892. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang pag-aaral sa Maynila sa San Juan de Letran College kung saan niya unang nakilala sina Manuel L. Quezon na kanyang kaklase at sina Juan Sumulong at Emilio Jacinto. Kumuha siya ng kursong batas sa Unibersidad ng Santo Tomas at naging ikalawa sa eksaminasyon ng batas noong 1903. Siya ay naglingkod na katulong sa digmaan ni Heneral Emilio Aguinaldo bilang courier at mamamahayag. Noong 1900 ay itinatag niya ang pahayagan El Nuevo Día sa Cebu na tumagal ng tatlong taon. Noong 1904, hinirang siyang gobernador ng Cebu ng pamahalaang kolonyal ng Estados Unidos. Pinakasalan niya si Estefania Chiong Veloso noong 10 Abril 1901 at nagkaroon sila ng 10 anak.

Kongreso

Habang nagsisilbing gobernador, tumakbo siya sa halalan ng unang Asembleyang Pilipino noong 1907 at nahalal na speaker sa edad na 29. Siya ay naglingkod sa mababang kapulungan hanggang 1922. Itinatag niya kasama ni Manuel L. Quezon ang Partidong Nacionalista upang hadlangan ang Partido Federalista ng mga politikong taga Maynila.

Senado

Noong 1922 ay nahalal si Osmeña sa Senado. Siya ay tumungo sa Estados Unidos bilang bahagi ng Misyong OsRox noong 1933 upang makuha ang pagpasa ng panukalang batas ng kalayaang Hare–Hawes–Cutting na pinalitan ng Batas Tydings-McDuffie noong 1934.

Misyong OsRox

Nagtungo sa Estados Unidos sina Osmeña at Manuel Roxas bilang bahagi ng misyong OsRox noong 1931. Layunin nilang kumbinsihin ang mga mambabatas na Amerikano na gumawa ng batas para sa kalayaan ng Pilipinas. Nakamit ng misyong OsRox ang pagpasa ng Kongreso ng Estados Unidos ng Hare–Hawes–Cutting Act na nangangakong magbibigay ng kalayaan sa Pilipinas pagkalipas ng sampung taon ngunit ito ay itinakwil ng Senado ng Pilipinas sa panghihimok ni Manuel L. Quezon. Nanguna si Quezon ng isa pang misyon at nagtungo sa Estados Unidos noong 1938. Nakuha niya ang suporta ng mga mambabatas at nabuo ang Batas Tydings–McDuffie na pinagtibay ng Senado ng Pilipinas.

Pangalawang Pangulo

Noong 1924, sina Quezon at Osmeña ay nagkasundo at nagsanib sa Partido Nacionalista Consolidado laban sa oposisyong Partido Democrata ngunit ang Partido Nacionalista ay nagkawatak watak noong 1934. Muling nagkasundo sina Quezon at Osmeña at tumakbo at nanalo sa halalan ng 1935 bilang pangulo at ikalawang pangulo. Batay sa probisyon ng konstitusyon, hindi na maaring tumakbo muli sa pagkapangulo si Quezon. Ngunit dahil sa mga susog noong 1940, pinayagan na muling tumakbo si Quezon at muling nahalal na pangulo noong 1941. Si Osmeña ay muling nahalal na pangalawang pangulo.

Pananakop ng mga Hapones at pagkakatapon ng pamahalaang Komonwelt ni Quezon sa Estados Unidos

Pagkatapos ng pasimula ng pananakop ng Hapon sa Pilipinas noong ika-8 Disyembre 1941, sina Heneral Douglas MacArthur at Quezon ay lumikas sa Bataan noong ika-24 Disyembre 1941. Si Quezon ay pinayuhan ni MacArthur na lumikas sa Corregidor kung saan isinagawa ang kanyang inaugurasyon bilang Pangulo ng Pilipinas noong 30 Disyembre 1941. Nasakop ng mga Hapon ang buong Pilipinas noong ika-6 Mayo 1942 matapos ang Labanan sa Corregidor. Matapos ito ay lumikas si Quezon sa Bisayas at Mindanao at sa pag-anyaya ng pamahalaan ng Estados Unidos ay lumikas siya sa Australia at pagkatapos ay sa Estados Unidos. Sa Estados Unidos ay itinatag niya ang pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas na nasa pagkakatapon na may mga headquarter sa Washington, D.C. Si Osmeña ay nanatiling pangalawang pangulo sa pagkakatapon ng Komonwelt ng Pilipinas sa Estados Unidos.

Pagbuwag ng Komonwelt at Pagtatag ng Ikatlong Republika

Binuwag ni Heneral Masaharu Homma ang Pamahalaang Komonwelt ni Quezon at itinatag ang Komisyong Tagapagpaganap ng Pilipinas bilang nangangalagang pamahalaan na si Jose B. Vargas ang unang chairman noong Enero 1942. Ang KALIBAPI o Kapisanan sa Paglilingkod sa Bagong Pilipinas ay binuo ng Proklamasyon bilang 109 ng Komisyong Tagapagpaganap noong ika-8 Disyembre 1942 na nagbabawal sa lahat ng mga umiiral na partidong pampolitika at paglikha ng mga bagong alyansang pamahalaan. Bago ang pagbuo ng komisyon, ang Pilipinas ay binigyan ng Hapon ng opsiyon na isailalim ang Pilipinas sa diktadurya ni Artemio Ricarte na ibinalik ng mga Hapones mula sa Yokohama. Ito ay hindi tinanggap ng Komisyon na nagpasyang gawing republika ang Pilipinas. Sa unang pagdalaw sa Pilipinas ni Punong Ministro Hideki Tojo noong ika-6 Mayo 1943 ay nangako siyang ibabalik ang kalayaan ng Pilipinas bilang bahagi ng Pan-Asyanismo nito o Asya para sa Asyano. Ito ay nagtulak sa KALIBAPI na lumikha ng komiteng paghahanda para sa kalayaan ng Pilipinas noong ika-19 Hunyo 1943. Ang isang draptong konstitusyon ay binuo ng komisyon na binubuo ng 20 kasapi mula sa KALIBAPI. Ito ay pinamunuan ni Jose P. Laurel na nagtanghal ng draptong konstitusyon noong ika-4 Setyembre 1943 at pagkatapos ng tatlong araw ay pinagtibay ng pangakalahatang asemblea ng KALIBAPI. Noong ika-20 Setyembre 1943, hinalal ng mga pangkat na kinatawan ng KALIBAPI sa mga probinsiya at siyudad mula sa kanilang sarili ang 54 kasapi ng Pambansang Asemblea ng Pilipinas na may 54 gobernador at mga alkalde ng lungsod bilang mga kasaping ex-oficio. Pagkatapos ng tatlong araw, ang sesyon ng Pambansang Asemblea ay humalal kina Jose P. Laurel bilang Pangulo ng Republika ng Pilipinas at Benigno S. Aquino Sr. bilang unang speaker nito ngunit walang kinikilalang pangalawang pangulo.

Bilang Pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas na nasa Estados Unidos

Ayon sa Saligang Batas ng Pilipinas ng 1935, ang termino ni Manuel L. Quezon bilang pangulo ay magwawakas noong 30 Disyembre 1943 at ang pangalawang Pangulo ang automatikong halili sa kanya. Ito ay ipinaalam ni Osmeña kay Quezon ngunit naniwala si Quezon na hindi matalinong ipatupad ang tadhanang ito ng Saligang Batas dahil sa mga kasalukuyang sirkunstansiya ng pamahalaan ng Pilipinas. Hindi ito tinanggap ni Osmeña at hiniling ang opinyon ni U.S. Attorney General Homer Cummings na umayon kay Osmeña. Gayunpaman, ito ay hindi tinanggap ni Quezon at hiniling niya kay Pangulong Franklin D. Roosevelt ng Estados Unidos na magbigay ng desisyon ngunit ito'y tumangging manghimasok at sa halip ay ipinayong ito ay lutasin ng mga opisyal ng pamahalaang Komonwelt ni Quezon. Pagkatapos ng pagpupulong, hiniling ni Osmeña sa Kongreso ng Estados Unidos]na suspindihin muna ang pagpapatupad ng tadhana ng 1935 Saligang Batas ng Pilipinas sa paghalili ng pangulo hanggang pagkatapos mapalaya ang Pilipinas mula sa mga Hapones. Ito ay inayunan ni Quezon at ng kanyang Gabinete. Ang panukala ay pinagtibay ng Senado ng Estados Unidos at mga Kinatawan ng Estados Unidos noong ika-10 Nobyembre 1943.

Si Osmeña ang naging Pangulo ng Komonwelt ng Pilipinas na nasa Estados Unidos pagkatapos mamatay ni Quezon noong ika-1 Agosto 1944.

Pagbalik sa Pilipinas

Si Osmeña ay bumalik sa Pilipinas kasama ni Heneral Douglas MacArthur at ng mga puwersang Amerikano noong ika-20 Oktubre 1944. Pagkatapos mapalaya ng mga Amerikano ang Maynila mula sa mga Hapones, ibinigay ni Heneral MacArthur ang pamahalaan ng Pilipinas kay Osmeña bilang Pangulo noong ika-27 Pebrero 1945 sa Malacañang.

Halalan ng 1946

Pagkatapos ibalik ang pamahalaang Komonwelt ng Pilipinas noong 1945, nagpatawag ang mga senador na sina Manuel Roxas, Elpidio Quirino at mga kaalyado nila para sa isang halalan ng pagkapangulo, ikalawang pangulo at mga kasapi ng Kongreso ng Pilipinas. Pinagtibay ng Kongreso ng Estados Unidos ang halalan para sa ika-23 Abril 1946.

Ang tatlong pangkat ay lumahok sa halalan: Ang pangkat konserbatibo nina Osmeña at Eulogio Rodriguez ng partido Nacionalista, ang partido Liberal nina Roxas at Quirino na galing sa partidong Nacionalista at ang Partido Modernista ni Hilario Moncado.

Natalo si Osmeña kay Manuel Roxas sa halalan ng pagkapangulo.

Kamatayan

Pagkatapos matalo sa halalan, si Osmeña ay bumalik sa kanyang tahanan sa Cebu. Siya ay namatay noong ika-19 Oktubre 1961 sa edad na 83 sa Veteran's Memorial Hospital sa Quezon City. Siya ay inilibing sa Manila North Cemetery.

Mga Sanggunian