Senate finance committee, agad na inaprubahan ang “presidential pork”

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Bagaman marami ang nagnanais at nananawagang tuluyan nang buwagin ang paggamit ng “presidential pork”, inaprubahan ng Senate finance committee noong ika-3 ng Setyembre 2013 ang special and discretionary funds ni Pangulong Benigno Aquino III para sa taong 2014 sa loob lamang ng ilang minutong pagpupulong.

Ayon sa balita ng GMA News, hindi ginisa o kinuwestiyon ng Senate panel si Executive Secretary Paquito Ochoa, Jr. ukol sa budget ng Office of the President na nagkakahalaga ng PHP 2.82 bilyon para sa susunod na taon. Inabot lamang ng sampung minuto ang nasabing pagpupulong.

Kamakailan lamang na nadawit ang pangalan ni Ochoa sa pasabog ni NBN-ZTE whistleblower Jun Lozada sa maanomalyang paggamit ng 2,000 hektaryang lupain sa Palawan sa ilalim ng dating administrasyon.

Pinaalalahanan lamang ni Francis Escudero, ang tanging Senador na dumalo sa pulong, na sundin ng nasabing opisina ang mga rekomendasyon ng Commission on Audit.

Nauna nang depensahan ng Malacañang ang President's Social Fund (PSF) sa pagsasabing naiiba ito sa congressional pork barrel o priority development assistance fund (PDAF). Ayon kay deputy presidential spokesperson Abigail Valte, ang PSF ay mula sa mga kinita ng Philippine Amusement Gaming Corporation (PAGCOR) at Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) at hindi mula sa buwis.

Nananawagan ang mga militanteng grupo na alisin na ang presidential pork barrel, kabilang na ang PSF at iba pang discretionary funds.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, ang pork barrel ng Pangulo para sa taong 2014 ay nagkakahalaga ng higit sa PHP 1 trilyon, higit na mas malaki sa PHP 25 bilyong annual pork appropriations ng Senado at ng Kapulungan ng mga Kinatawan ng Pilipinas o House of Representatives.


Balita mula sa The Philippine Online Chronicles.


Pagkilala

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.