Sedula

From Wikfilipino
Jump to navigation Jump to search

Sa pagtuturo ukol sa kasaysayan ng Pilipinas, natutuhan ng mga mag-aaral ang tungkol sa kung paano pinilas ni Andres Bonifacio at ng ilang kasapi ng Katipunan ang kanilang sedula bilang tanda ng kanilang pag-aaklas at ng kanilang determinasyon na labanan ang mga Espanyol.

Ang sedula, o katibayan ng pagbabayad ng buwis, ay kilala bilang sertipiko ng pagkakakilanlan. Pinatutunayan nito kung saan nakatira ang isang mamamayan at kung gaano kalaki ang taunan nitong kita. Sa pamamagitan ng sedula, matutukoy ng munisipalidad o ng lokal na pamahalaan kung magkano ang makokolekta nilang buwis sa isang pamayanan.

Cedula Personal

Ang pampamayanang buwis ay isa sa pinakamatandang pinagkukunan ng badyet ng lokal na pamahalaan. Ipinakilala ito ng mga Espanyol noong 1884 at orihinal na kilala sa bilang cedula personal. Ang pagkakaroon ng sedula ay resulta noon ng isang kautusan mula sa Hari ng Espanya. Sa ilalim ng kautusan, ang lahat ng mamamayan na may gulang 18, anoman ang kanilang nasyonalidad, ay kinakailangang magbayad ng bagong buwis. Pagkatapos magbayad ang isang indibidwal, siya ay bibigyan ng sedula.

Sa kasalukuyan, ang sedula ay ginagamit pa rin sa pagtukoy ng pagkakakilanlan ng isang indibidwal sapagkat nakasaad dito ang mga personal na impormasyon tulad ng pangalan, tirahan, trabaho, tax identification number, at katayuang sibil.

Ang Sedula sa Himagsikang 1896

Sa kasaysayan ng Pilipinas, ang sedula ay simbolo ng rebolusyon at katapangan ng mga Pilipinong lumaban sa mga Espanyol. Bukod sa katibayan ng pagbabayad ng buwis at pagkamamamayan, may mahalagang papel ang sedula sa Himagsikang 1896.

Palihim noon na nagpatawag ang bayaning si Andres Bonifacio ng pangkalahatang pagpupulong nang lumaganap sa Maynila ang balita sa pagkakadiskubre sa kanilang samahan—ang Katipunan o Kataas-taasang Kagalang-galangan Katipunan ng mga Anak ng Bayan.

Umaga noong 23 Agosto 1896, nagtipon ang mga kasapi ng Katipunan sa bakuran ni Juan A. Ramos, anak ni Melchora Aquino. Pinag-usapan nila kung itutuloy o hindi ang kanilang rebolusyon laban sa pamahalaang Espanyol. Tinanong ni Bonifacio ang mga Katipunero kung handa ba silang mamatay hanggang sa wakas. Ang lahat ay sumangayon, maliban sa bayaw niyang si Teodoro Plata.

“Kung kayo ay naninindigan,” sabi umano ni Bonifacio, “ilabas ninyo ang inyong mga sedula at punitin ito sa maliliit na piraso bilang tanda ng ating determinasyon na lumaban!” Walang pag aatubiling pinunit nila ang kani-kanilang sedula habang sumisigaw ng “Mabuhay ang Pilipinas! Mabuhay ang Katipunan!” [1] [2] [3]

Sanggunian

 

  1. Atty. Jojo Liangco. “The history of the cedula and national ID card in the Philippines.” Philippine News, 14 Agosto 2018. https://philippinenews.com/the-history-of-the-cedula-and-national-id-card-in-the-philippines. Accessed 2 Pebrero 2021.  
  2. Virgilio S. Almario. “Unang Sigaw.” 2000 Sagisag Kultura ng Filipinas, Edisyon 2013. Quezon City: Filipinas Institute of Translation, Inc. PDF.  
  3. Agoncillo, Teodoro. History of The Filipino People, Eight Edition. Quezon City: Garotech Publishing, 1990.

==Pagkilala==

WikiFilipino logo 150.png Orihinal na nilalaman mula sa WikiFilipino sa bisa ng GNU Free Documentation License. Tingnan ang pagtanggi.